Ang sinok, o hiccups sa Ingles, ay isang kondsiyon kung saan inboluntaryong kumikilos o sumisikip ang kalamnan sa ilalim ng baga na kung tawagin ay diaphragm. Ang bawat pagsikip ng diaphragm ay sinusundan naman ng biglaang pagsasara ng mga vocal cords kung kaya’t nagkakaroon ng matining na tunog sa bawat pagsinok. Ito ay maaaring magtagal ng ilang minuto hanggang sa ilang oras.
Wala namang seryosong kondisyon na maaaring idulot ang pagsisinok, ngunit kung ito ay magtatagal, maaaring makaapekto ito sa gana ng pagkain, pagtulog, pagsasalita, at madaling paghilom ng sugat pagkatapos ng operasyon.
Bakit nararanasan ang sinok?
Ang inboluntaryong pagkilos ng diaphragm ay maaaring dahil sa spasm sa kalamnang ito na maaaring magsimula dahil sa ilang mga salik o trigger gaya ng sumusunod:
- Pag-inom ng mga carbonated na inumin
- Sobrang pag-inom ng alak
- Sobrang pagkain
- Biglaang pagbabago sa emosyon.
- Biglaang pagbabago sa temperatura sa paligid.
- Pagkakalunok ng hangin
Ang dalas at haba ng panahon ng pagkakaranas ng sinok ay maaaring naaapektohan naman ng ilang karamdaman o mga kondisyon na nararanasan ng katawan. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Iritasyon o pagkasira ng vagus nerve na siyang nagdidikta sa pagkilos ng diaphragm. Ang nerve na ito ay maaaring maapektohan ng pagdikit anumang bagay (gaya ng buhok) sa eardrum, pagtubo ng tumor o cyst sa lalamunan, o sore throat.
- Pagkakaroon ng karamdaman na nakaaapekto sa utak. Dahil ang pagkontrol sa pagtigil ng sinok ay dinidikta rin ng mismong utak, ang pagkakaroon ng anumang karamdaman dito ay maaaring makaapekto sa haba ng panahon ng pagkakadanas ng sinok.
- Iba pang kondisyon na nakaaapekto sa metabolismo. Kabilang dito ang pagiging alcoholic, pagkakaroon ng diabetes, paggamit ng steroids, tranquilizers at barbiturates, at maging problema sa bato (kidney).
Gaano katagal maaaring maranasan ang sinok?
Ang normal na sinok ay kadalasang tumatagal lamang ng ilang minuto hanggang ilang oras. Ngunit sa ibang kaso, maari itong tumagal ng ilang araw o ilang buwan. Ang sinok na tumatagal ng higit sa dalawang araw ay tinatawag na persistent hiccup, habang ang sinok naman na umaabot ng higit sa isang buwan ay intractable hiccup. Ang pagkakaranas ng mahabang pagsinok ay kadalasang sintomas ng ibang seryosong sakit.
Anong sakit ang may senyales ng pagkakaroon ng pangmatagalang sinok?
Ang sinok na umaabot ng ilang araw o buwan ay maaaring indikasyon ng pagkakaroon ng problema sa Central Nervous System. Maaaring ito ay cancer, impeksyon, o stroke sa utak. Maaari rin itong indikasyon ng problema sa metabolismo, o kaya sa bato. Ang ilang hakbangin sa ospital gaya ng operasyon at pagaanestisya ay maaari din magdulot ng pangmatagalang sinok.
Paano matitigil ang pagsinok?
Kadalasan, ang sinok ay kusa namang nawawala kahit na hindi pa ito inuman ng gamot. Ngunit kung ninanais ang agarang pagkawala ng pagsisinok, sinasabing ang sumusunod na mga hakbang ay makatutulong:
- Pigilin ang paghinga sa loob ng 10 segundo.
- Ipang-mumuog ang tubig na may yelo.
- Uminom ng malamig na tubig.
- Huminga sa isang papel na supot sa loob ng ilang minuto.
- Lunukin ang isang kutsaritang honey o asukal
Ngunit kung ang sinok naman ay masyado nang matagal at nakaaapekto o nakakasagabal na sa pang-araw-araw na gawain, maaaring dapat na itong ikonsulta sa doktor. Ang pagsinok na hindi agad nawawala lalo na yung umaabot na ng dalawang araw ay maaaring resetahan ng sumusunod na gamot:
- Chlorpromazine
- Metoclopramide
- Baclofen