Buod
Ang hika (asthma) ay isang uri ng pabalik-balik o pamalagiang sakit sa respiratory system na umaapekto sa daanan ng hangin papunta at palabas ng baga. Ang salitang “asthma” ay hango sa matandang Griyego na ang kahulugan ay “lubhang mahirap na paghinga.”
Ang kondisyong ito ay sumusumpong kapag may mga bagay na nagdudulot ng pagsikip ng daanan ng hangin. Ang mga ito ay maaaring stress, mga salik na pangkapaligiran, paninigarilyo, o kaya ay mga allergen.
Ang ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga, pag-ubo, at umaagahas na paghinga (wheezing).
Nagagamot ang hika sa pamamagitan ng mga inhaler, nebulizer, maging ng iba’t ibang uri ng gamot na maaaring tinuturok o kaya ay iniinom.
Kasaysayan
Mula pa sa panahon ng sinaunang Tsina at Ehipto (mga 2600 B.C.E.) ay nailathala na ang ukol sa uri ng sakit na tila tumutukoy sa hika. Subalit, may 2,000 mga taon pa ang lumipas nang ito ay pinangalanan matapos na ito ay isinalarawan ni Hippocrates ng Gresya.
Si Hippocrates ay ang kauna-unahang umugnay sa hika sa mga salik na pangkapaligiran at pangkabuhayan. Noong mga panahong iyon ay inakala niya na ang hika ay sintomas lamang ng isang uri ng sakit. Subalit, noong 100 A.C.E. ay dinetalye ng manggagamot na taga Gresya din na si Aretaeus ng Cappadocia ang hika. Ang kaniyang paglalarawan sa sakit na ito ay may hawig sa modernong pagsasalarawan dito.
Ayon sa rekomendayon ni Aretaeus, maaaring panglunas sa hika ang pinaghalong dugo ng kuwago at alak. Kalaunan ay isinaisang-tabi din ito dahil napatunayang wala itong bisa laban sa hika.
Sa matandang Roma naman noong 50 A.C.E. ay nadiskubre ni Pliny the Elder ang kaugnayan ng mga pollen ng bulaklak sa paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga. Siya rin ang kauna-unahang nagrekomenda ng gamot na mabisa ukol sa sakit na ito.
Sa paglipas ng panahon, lalong umunlad ang pagkaunawa ukol sa hika. Noong ika-19 na siglo ay lalo pang lumawak ang pagkaunawa ng mga dalubhasa ukol sa hika nang ito ay isinalarawan ng manggagamot na si Henry Hyde Salter. Sinamahan niya ng mga guhit ang kaniyang paglalarawan upang ipakita kung ano ang nangyayari sa baga sa tuwing sumusumpong ang hika.
Noon namang 1892 ay sinimulan ni Sir William Osler, isa sa mga nagtatag ng John Hopkins Medical School, ang ukol sa sarili niyang pagpapakahulugan sa sakit na hika. Ang pagsusuri niyang ito ay lalo pang nagpaunlad at nagpasulong sa mga pagsasaliksik ukol sa kondisyong ito.
Pagsapit naman ng mga 1980 ay nagkaroon ng mas maunlad na pagkaunawa ukol sa hika bilang isang inflammatory na kondisyon. At mula noon ay nagkaroon na ng mga mas mabibisang pamamaraan para lunasan ang hika, kabilang ang mga corticosteroid na mga gamot na maaaring kumontrol sa sakit na ito.
Mga Uri
May iba’t ibang uri ng hika. Ito ay ang mga sumusunod:
- Adult-onset na hika
- Hika na dulot ng alerhiya (allergy)
- Hika na hindi dulot ng alerhiya (allergy)
- Hika na may chronic obstructive pulmonary disorder (COPD)
- Hika na dulot ng ehersisyo
- Hika na dulot ng uri ng hanap-buhay
Mga Sanhi
Ang hika ay dulot ng maraming mga salik sa kapaligiran at maging ng genetic makeup ng tao. Ang mga sumusunod ay ang ilan sa mga pangunahing sanhi nito:
Genetics
Napatunayang maaaring mamana ang sakit na ito. Kapag ang isa sa mga magulang ay hikain, may 25% na posibilidad na ang anak ay magkakahika rin. Kapag ang dalawa sa mga magulang ay may hika, tumataas ang posibilidad nito sa 50%.
Stress
Ang mga emotional response, kagaya ng stress, ay maaari ring magdulot ng hika. Dahil sa stress, bumibilis ang paghinga na maaaring magdulot ng paninikip ng mga daluyan ng hangin sa baga.
Mga allergy
Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang kinalaman ng allergy sa hika. Anga mga protinang mula sa hayop, alikabok, mga maliliit na mga insekto, maging ang mga fungus ang mga karaniwang nagdudulot ng allergy sa loob ng bahay.
Paninigarilyo
Marami na rin ang mga pag-aaral na umuugnay sa paninigarilyo sa hika. Ang mga bata na may mga magulang na naninigarilyo ay may mataas na posibilidad na magkahika. Pinalalala ng paninigarilyo ang mga sintomas ng hika sa pamamagitan ng paninikip ng daluyan ng hangin at ng pag-uubo.
Mga salik na pangkapaligiran
Ang polusyon sa hangin ay maaari ring magdulot ng hika. Maliban dito, ang iba pa sa mga salik na pangkapaligiran sa pagkakaroon ng hika ay ang mga sumusunod:
- Humidity
- Malamig na panahon
- Hamog na may kasamang usok (smog)
Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Maaaring magkakaiba ang mga sintomas ng hika sa bawat mayroon nito. Subalit, ang mga karaniwang sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- Pagkakapos ng hininga
- Paninikip at pananakit ng dibdib
- Umaagahas na paghinga
- Hirap sa pagtulog bunga ng kakapusan ng hininga, pag-ubo, maging ang umaagahas na paghinga (wheezing)
- Pag-ubo
Ang mga palatandaan naman na lumalala na ang hika ay ang mga sumusunod:
- Mas madalas na pagsumpong ng mga nabanggit na sintomas
- Lalong humihirap na paghinga
- Pagdalas ng paggamit ng quick-relief na mga inhaler
Malaki ang naitutulong ng pagkaalam sa mga sintomas ng hika para sa mas mabisang paglunas dito. Subalit, kailangan ding malaman kung anu-ano ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng kondisyong ito upang makatulong sa pag-iwas dito.
Mga Salik sa Panganib
May mga taong sadyang mas mataas ang panganib na magkaroon ng hika kaysa sa iba. Sila ay ang mga sumusunod:
- Mga mayroong kamag-anak na may hika, lalo na ang mga magulang
- Mga mayroong iba pang allergic condition, kagaya ng atopic dermatitis o kaya ay allergic rhinitis
- Mga matataba
- Mga naninigarilyo
- Mga taong lantad sa usok ng sigarilyo
- Mga taong laging nakalalanghap ng usok ng sasakyan o kaya ng iba pang uri ng polusyon sa hangin
- Mga taong nakalalanghap ng iba’t ibang uri ng mga kemikal
Pag-Iwas
Image Source: www.self.com
Wala talagang mga tiyak na hakbang para lubos na maiwasan ang hika. Subalit, may mga maaaring gawin para mapababa ang mga panganib sa pagkakaroon nito, katulad ng mga sumusunod:
- Magpabakuna laban sa flu at pulmonya. Sa paraang ito, maaring mabawasan ang pagkakataon na mahawa sa mga kilalang sakit na nakapagdudulot at nakapagpapalala ng hika, gaya ng influenza at pulmonya.
- Alamin at iwasan ang mga nagdudulot ng hika. Ang mga allergen o alin mang mga bagay na nakaka-irita sa baga ay maaaring magdulot ng hika. Kasama sa mga ito ang polusyon, alikabok, pollen, pati rin ang malamig na hangin.
- Tutukan ang paraan ng paghinga. Kapag nagkaroon ng pagbabago sa paraan ng paghinga, maaaring palatandaan ito ng pagsumpong ng hika.
- Alamin at lunasan kaagad ang pagsumpong ng hika. Kapag sumumpong ang hika, huwag mag-atubili sa paglapat ng agarang lunas dito bago pa ito lumala.
- Huwag babaguhin ang rekomendasyon ng doktor ukol sa tamang paraan ng pag-inom ng gamot. Kahit pa may pagbuti na sa kalagayan ng paghinga ay dapat pa ring sundin kung ano ang payo ng doktor.
Sanggunian
- https://www.aafa.org/asthma-treatment/
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/asthma/symptoms-causes/syc-20369653
- https://www.webmd.com/asthma/what-is-asthma#1
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/323523.php
- https://www.aaaai.org/conditions-and-treatments/asthma
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/323526.php
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2892047/
- https://acaai.org/asthma/types-asthma