Buod

Kung ang isang tao ay hindi gaanong makakita sa malapitan, subalit nakakakita nang maayos sa malayuan, maaaring siya ay may hyperopia. Ang hyperopia o farsightedness ay sanhi ng pagkakaroon ng medyo patag na hugis ng eyeball. Sa halip na bilog ang hugis nito, ang mga unahang bahagi ng mata, partikular na ang cornea at lens, ay mas patag kumpara sa normal. Dahil dito, ang mga eyeball ng mayroong hyperopia ay mukhang mas maikli.

Bukod sa panlalabo ng paningin sa malapitan, maaaring makaranas din ang taong may hyperopia ng iba’t ibang mga sintomas, gaya ng pananakit ng mga mata at ulo, hirap sa konsentrasyon, at pagkapagod matapos magbasa o gumamit ng computer.

Ang hyperopia ay kadalasang namamana. Subalit, maaari ring magkaroon nito kung ang mga mata ay hindi nabuo nang maayos noong bata pa. Maaaring ito ay bunga rin ng pagkakaroon ng sakit, trauma, o paralysis na nakaaapekto sa mga mata.

Upang malunasan ang kondisyon na ito, ang pasyente ay nangangailangang magsuot ng salamin o mga contact lens. Kung nais magkaroon ng mas permanenteng solusyon, maaari ring sumailalim ang pasyente sa operasyon.

Kasaysayan

Walang gaanong mga tala tungkol sa kasaysayan ng hyperopia. Subalit, ito ay isang kondisyon na laganap sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa Estados Unidos, tinatayang nasa 10% o 14 milyong tao ang may hyperopia. Ayon sa pag-aaral, karamihan sa mga ipinanganak na sanggol sa tamang buwan ay hyperopic. Subalit, habang lumalaki ang mga sanggol at nabubuo nang husto ang kanilang mga mata, kakaunting porsyento na lamang ang nananatiling may hyperopia.

Nang pinag-aralan naman ng Multi-Ethnic Pediatric Eye Disease Study Group kung gaano kalaganap ang hyperopia sa bawat lahi o etnisidad, natuklasan nila na ang mga Hispanic ang may pinakamaraming kaso ng kondisyon na ito. Sinundan naman ito ng mga Native American, African American, at Pacific Islander. Madalang naman ang hyperopia sa mga Asyano at Caucasian.  

Mga Uri

Ang hyperopia ay may dalawang pangunahing uri. Kabilang dito ang physiological hyperopia at pathologic hyperopia. Upang mas maintindihan ang pagkakaiba ng dalawang uring ito, basahin ang sumusunod:

  • Physiological hyperopia. Ang physiological hyperopia ay tumutukoy sa kalagayan o istrukturang pisikal ng mga mata ng taong may Nagkakaroon ng ganitong uri ng hyperopia kapag ang hugis ng mga mata, particular na ang bahagi na cornea, ay mas patag o mas maikli kaysa sa normal. Maaari ring magkaroon ng ganitong uri kung ang mga lens ng mata ay masyadong makapal. Kadalasan, ang physiological hyperopia ay bunga ng pagkamana ng kondisyong ito mula sa mga magulang.
  • Pathologic hyperopia. Sa pathologic hyperopia naman, ang kondisyon ay bunga ng anumang bagay na hindi dulot ng pagkamana. Maaaring ito ay dulot ng hindi pagkakabuo nang maayos ng mga mata habang lumalaki ang bata, trauma, paralysis, at mga sakit sa mata gaya ng katarata, microphthalmia, nanophthalmia, aniridia, at iba pa.

Mga Sanhi

Image Source: www.freepik.com

Nagkakaroon ng hyperopia sapagkat ang mga mata ay maaaring mayroong mas maikling eyeball o mas patag na hugis ng cornea. Bukod sa cornea, maaari ring magkaroon ng hyperopia kung ang mga lens ng mata ay masyadong makapal. Dahil sa kakaiba ang istruktura ng mga bahaging ito, ang mga mata ay hindi nakakakita nang maayos sa malapitan, subalit nakakakita nang maayos sa malayuan. Ang mga mata ay maaaring maging mas maikli o mas patag dahil sa mga sumusunod na sanhi:

  • Namanang kondisyon. Halos lahat ng mga kaso ng hyperopia ay bunga ng pagkakamana nito sa mga magulang o angkan. Bagama’t ang lahat ng mga sanggol ay isinisilang na hyperopic, habang sila ay lumalaki, nawawala ang kondisyon na ito. Subalit, kung ang kondisyong ito ay namana sa mga magulang, hindi ito natural na mawawala.
  • Trauma o injury. Kung ang mga mata ay nagtamo ng trauma o injury, maaaring magkaroon ng hyperopia. Halimbawa ng mga trauma o injury na maaaring makaapekto sa paningin ay ang pagtatamo ng mga mata ng pinsala sa mga aksidente o kaya naman ay operasyon sa mata.
  • Paralysis. Kapag ang mga maliliit na kalamnan ng mata ay nagkaroon ng paralysis, ang mga lens ng mata ay mapipilitang magbago ng hugis upang maki-angkop sa kasalukuyang kondisyon. Sa pagbabago ng hugis ng mga lens, maaaring magkaroon ng hyperopia.
  • Ibang mga sakit sa mata. Ang ibang mga sakit sa mata gaya ng katarata, microphthalmia, nanophthalmia, aniridia, at iba pa ay maaaring magdulot ng hyperopia bilang isa sa kanilang mga sintomas. Upang mawala ang hyperopia, kailangan munang gamutin ang kasalukuyang kondisyon.

Mga Sintomas

Image Source: www.freepik.com

Masasabing may hyperopia ang isang tao kapag siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Panlalabo ng paningin sa malapitan, subalit nakakakita nang maayos sa malayuan
  • Pananakit ng mga mata at ulo
  • Pagkakaroon ng hirap sa konsentrasyon
  • Pagkaramdam ng pagkapagod matapos magbasa o gumamit ng computer
  • Paniningkit ng mga mata sa tuwing ipinipilit na makakita nang malapitan

Ang mga sintomas ng hyperopia ay natutulad sa mga sintomas ng presbyopia. Ang presbyopia ay isang uri rin ng kondisyon sa mata na nakakakita lamang nang malinaw sa malayuan. Ang pinagkaiba lamang ng hyperopia sa presbyopia ay ang sanhi nito. Kung ang hyperopia ay karaniwang namamana, ang presbyopia naman ay dulot ng pagkarupok ng mga lens ng mata bunga ng katandaan.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Maaaring maapektuhan ng hyperopia ang kahit na sinuman. Subalit, maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagiging bata. Dahil ang mga mata ng mga bata ay hindi pa lubos na nabubuo nang maayos, maaaring may pagka-hyperopic pa ang mga mata nila. Subalit sa paglaki ng mga mata ng mga bata, ang hyperopia ay nawawala.
  • Lahi o etnisidad. Ayon sa pag-aaral, ang mga may pinakalaganap na kaso ng hyperopia ay ang mga Madalang lamang ito sa mga Asyano at Caucasian.
  • Paninigarilyo habang buntis. Kung ang isang babae ay naninigarilyo habang buntis, maaaring makaapekto ito sa mga mata ng sanggol na nasa kanyang sinapupunan.
  • Kasaysayan ng hyperopia sa pamilya. Malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng hyperopia kung mayroong ganitong kondisyon ang mga magulang o angkan.
  • Pagkakaroon ng ibang sakit sa mata. Kung mayroong ibang sakit sa mata gaya ng katarata, maaaring manlabo rin ang paningin sa malapitan.
  • Pagkakaroon ng diabetes. Ang diabetes ay maaaring magkaroon ng komplikasyon gaya ng panlalabo ng paningin. Kung hindi mapapangasiwaan nang maayos ang diabetes, maaaring magkaroon ng hyperopia.

Mga Komplikasyon ng Hyperopia

Kung hindi malulunasan ang hyperopia, ito ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang komplikasyon gaya ng mga sumusunod:

  • Pagkaduling
  • Palagiang pananakit ng mga mata at ulo
  • Madalas na pagdanas ng aksidente

Pag-Iwas

Image Source: whyy.org

Upang hindi magkaroon ng anumang uri ng sakit sa mata gaya ng hyperopia, iminumungkahing gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:

  • Kumain ng masusustansyang pagkain. Ang pagpili ng masusustansyang pagkain ay nakatutulong upang mapanatiling malusog ang mga mata. Mainam na kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina A at C na makukuha mula sa mga prutas at gulay.
  • Magsuot ng shades. Ang pagsusuot ng shades sa tuwing mataas ang sikat ng araw ay nakatutulong upang hindi gaanong masilaw ang mga mata. Ang labis na ultraviolet rays mula sa araw ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga mata.
  • Uminom ng sapat na tubig. Upang hindi manuyo ang mga mata, uminom ng sapat na tubig araw-araw. Mas mainam kung nakakainom ng 8 baso ng tubig araw-araw upang mapanatiling hydrated ang iba’t ibang bahagi ng katawan.
  • Ipahinga ang mga mata. Huwag gawing tuluy-tuloy ang pagbabasa o paggamit ng computer upang hindi mapagod at manakit ang mga mata.
  • Huwag manigarilyo. Huwag manigarilyo, lalo na kung buntis. Ang sigarilyo ay naglalaman ng napakaraming nakalalasong sangkap na maaaring makaapekto sa pagbuo ng mga mata ng sanggol sa sinapupunan.

Sanggunian