Buod
Ang thyroid gland ay matatagpuan sa loob ng lalamunan ng tao. Ang gland na ito ay tumutulong sa pamamahala ng metabolismo ng katawan sa pamamagitan ng paggawa ng thyroxine hormone. Kapag sumobra naman ang pagiging aktibo nito sa paggawa ng thyroxine ay magkakaroon ng kondisyong tinatawag na hyperthyroidism. Ang pinaka-karaniwang sanhi nito ay ang tinatawag na Graves’ Disease.
Ang palatandaan naman ng mga taong mayroon nito ay ang pagkakaroon ng hindi pangkaraniwang pagbilis ng tibok ng puso, labis na pagkapagod, pagkakaroon ng sobrang gana sa pagkain, pagkabalisa, at iba pa.
Kapag napabayaan ang hyperthyroidism, maaari itong mauwi sa iba’t ibang uri ng mga komplikasyon. Subalit, may mga pamamaraan upang malunasan ito. Kabilang sa mga pamamaraang ito ay ang pagbibigay ng anti-thyroid na mga gamot at radioactive iodine para pabagalin ang paggawa ng thyroid hormones. Maaari ring tanggalin ang thyroid sa mga malulubhang kaso ng kondisyong ito.
Kasaysayan
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Noong taong 1786 ay unang nai-ugnay ni Caleb Hillier Parry ang bosyo (goiter) sa pagluwa (protrude) ng mga mata. Subalit, noon lamang 1825 niya ito inilathala. Noon namang 1835 ay natukoy ng isang Irish na manggagamot na si Robert James Graves ang dahilan ng pagluwa ng mga mata kapag may goiter. Kaya, ang kondisyong ito ay kilala ngayon bilang Graves’ Disease.
Ang unang thyroidectomy, o ang pagtanggal ng thyroid sa pamamagitan ng surgery, para sa hyperthoidism ay isinagawa noong 1880. Ang mga gamot naman na antithyroid at radioiodine therapy ay ginamit noon lamang mga 1940.
Mga Uri
Ang mga pangunahing uri ng kondisyong hyperthyroidism ay ang diffuse toxic goiter, toxic mutinodular goiter, at toxic adenoma.
Diffuse toxic goiter
Ito ay kilala rin bilang Graves’ Disease at ito ang pinakakaraniwan na sanhi ng hyperthyroidism. Sa kondisyong ito ay lumalaki nang lubha ang thyroid hanggang sa maging goiter.
Toxic multinodular goiter
Ito ay nag-uumpisa bilang isang uri ng simpleng goiter. Sa paglala nito ay nagkakaroon din ng mga nodule na lumilikha ng labis na dami ng mga hormone. Ito ay karaniwang nakaaapekto sa mga pasyenteng may edad na, lalo na sa mga kababaihang 55 na taong gulang pataas.
Toxic adenoma
Ang kondisyong ito ay sanhi ng isang follicular thyroid adenoma na sobrang aktibo. Ang pagkakaroon ng sobrang dami ng thyroid hormone ay mula sa isang benign na monoclonal na tumor na pumipigil sa pagtaas ng thyroid-stimulating hormone (TSH).
Mga Sanhi
Bukod sa mga uri ng paglaki ng thyroid glands na nabanggit sa itaas na maaaring lumala at maging lantad o full-blown hyperthyroidism, ang mga sumusunod ay mga sanhi rin ng pagkakaroon ng kondisyong ito:
Malabis na pagkonsumo ng iodine
Ang iodine ay natural na nakukuha sa mga lamang dagat, asin, maging na rin sa tinapay. Inaalis ng thyroid gland ang labis na iodine mula sa dugo at ginagamit ito para gumawa ng thyroid hormones na thyroxine at triiodothyronine. Ang labis na pagdami ng iodine sa katawan ay nagdudulot ng sobrang pagkakaroon ng mga nabanggit na hormone sa katawan.
Paggamit ng thyroid hormones
Ang sobrang paggamit ng thyroid hormones ay nagdudulot din ng hyperthyroidism. Para sa mga gumagamit nito bilang isang uri ng lunas sa ibang klase ng sakit, kailangang regular na magpatingin sa doktor upang malaman kung tama ang dosage o dami na iniinom.
Mga gamot
May mga uri ng gamot, lalo na ang mga para sa sakit sa puso, ang may mataas na antas ng iodine. Maaari nitong ma-trigger ang pagiging sobrang aktibo ng thyroid glands.
Sintomas
Image Source: www.outbounders.tv
Ang mga sintomas ng hyperthyroidism ay may hawig sa mga sintomas ng ibang sakit. Kaya, may kahirapan ang pag-diagnose nito. Ang mga sintomas na ito ay gaya ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng goiter
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Abnormal na tibok ng puso
- Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang kahit mataas pa rin ang gana sa pagkain
- Pagkabalisa
- Panginginig ng mga kamay
- Pagiging magana sa pagkain
- Labis na pagpapawis
- Pagkakaroon ng pagbabago sa pagbabawas o pagdudumi
- Pagbabago sa menstrual cycle
- Pagiging maselan sa mainit na panahon
- Pananamlay
- Hirap sa pagtulog
- Pagrupok ng mga buhok o malabis na pagkalagas ng mga ito
- Pagnipis ng balat
Mga Salik sa Panganib
Ang mga sumusunod ay mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng hyperthyroidism:
- Pagiging babae – Napatunayan sa mga pag-aaral na ang hyperthyroidism ay mas umaapekto sa mga kababaihan.
- Pagkakaroon nito sa pamilya – Maaaring manahin ang kondisyong ito, lalo na ang Graves’ Disease na uri nito.
- Mga uri ng sakit – Ang pagkakaroon ng mga sakit na pernicious anemia, type 1 diabetes, at iba pa ay mga salik din sa panganib sa pagkakaroon ng hyperthyroidism.
Pag-Iwas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Ayon sa mga pagsusuri, walang partikular na mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ang hyperthyroidism. Subalit, maaaring mapababa ang panganib ng pagkakaroon nito o kaya naman ay mapabagal ang paglala nito. Ang mga hakbang na maaaring gawin para mapababa ang posibilidad ng pagkakaroon nito ay ang mga sumusunod:
Ugaliing gawin ang thyroid neck check
Maaaring malaman kung may pamamaga ng thyroid sa pamamagitan ng pagkapa, pag-inom ng tubig, maging ang pagsilip sa lalamunan sa tulong ng salamin. Subalit, may mga pamamaga na hindi madaling makita or maramdaman. Mas mainam pa rin na gawin ang thyroid neck check sa tulong ng espesyalista o manggagamot.
Pagtigil sa paninigarilyo
Ang mga sigarilyo ay napatunayang nagtataglay ng mga toxin na maaaring makaapekto sa thyroid. Ang isa sa mga ito ay ang thiocyanate na sumisira sa normal na paggana ng thyroid.
Paggamit ng selenium supplement
Ang thyroid ay ang bahagi ng katawan na may pinakamaraming selenium. Kaya, ang selenium ay tumutulong para mapigilan ang pagkakaroon ng mga sakit na maaaring umapekto dito. Kung sapat na ang dami ng selenium sa mga kinakain, maaari pa ring gumamit ng mga selenium supplement para maipataas ang dami nito sa katawan.
Gumamit ng potassium iodide
Ito ay magagamit lalo na sa mga emergency o mga malulubhang sitwasyon, katulad ng pagkakaroon ng isang nuclear disaster. Ang potassium iodide ay tumutulong na mapigil ang paghina ng thyroid dulot ng radiation mula sa nuclear fallout sa ganitong uri ng sitwasyon.
Bawasan ang soya sa pagkain
Ang soya ay maaaring magdulot ng problema sa thyroid. Bagama’t kinakailangan pa ang masusing pag-aaral ukol dito, mas mainam pa rin na bawasan sa ngayon ang pagkain ng soya.
Paggamit ng thyroid collar para sa X-ray
Kapag nangailangan ng pagpapa-X-ray, magiging lantad sa radiation ang thyroid. Dahil dito, mainam na gumamit ng thyroid collar bago magpa X-ray. Ang collar na ito ay may kabigatan dahil sa taglay nitong lead. Ang lead ay tumutulong upang ang radiation ng X-ray ay hindi tumagos sa balat at mga laman. Kapag nagkaroon ng malabis na dami ng X-ray radiation sa katawan, maaari itong magdulot ng cancer sa thyroid.
Mag-ingat laban sa perchlorates
Ito ay uri ng asin na madaling malusaw sa tubig at karaniwang hinahalo sa mga pampasabog at mga papuptok. Ang malabis na pagkakaroon nito sa katawan ay maaari ring magdulot ng sakit sa thyroid.
Sanggunian
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/9151.php
- https://onlinelibrary.wiley.com/doi/pdf/10.1111/j.1365-2036.2006.03122.x
- https://www.sharecare.com/health/gerd/is-more-one-type-gerd
- https://www.aboutgerd.org/heartburn-nothing-to-do-with-the-heart.html
- https://www.aboutgerd.org/treatment-overview.html
- https://www.emedicinehealth.com/heartburn/article_em.htm#heartburn_otc_and_prescription_medications
- https://www.webmd.com/heartburn-gerd/guide/diagnose#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/heartburn/symptoms-causes/syc-20373223