Buod
Isa ang hypertrophic cardiomyopathy (HCM) sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng cardiac arrest o pagtigil ng pagtibok ng puso. Ang hypertrophic cardiomyopathy ay isang uri ng sakit sa puso kung nangangapal ang mga kalamnan ng puso. Bagama’t iba’t ibang bahagi ng puso ang puwedeng kumapal, ang kadalasang naaapektuhang bahagi nito ay ang left ventricle.
Sa pagkapal ng mga kalamnan ng puso, ang loob nito ay unti-unting sumisikip. Dahil dito, kakaunting dugo lamang ang nagkakasya sa loob at ito ay hindi na nagiging sapat para sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kapag nangyari ito, ang pasyente ay maaaring makaramdam ng hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, pagkakaroon ng palpitation o parang mabilis na pagpagaspas na pagtibok ng puso, matinding pagkapagod, at pagkahimatay.
Hindi pa lubusang malaman kung bakit nagkakaroon ng hypertrophic cardiomyopathy. Pero ayon sa mga doktor, maaaring ito ay dahil sa mutation o pagbabago ng mga gene, katandaan, at pagkakaroon ng altapresyon. Upang malunasan ang sakit na ito, ang doktor ay maaaring magreseta ng medikasyon. Ngunit sa malulubhang kaso naman, maaaring kinakailangan nang isailalim sa operasyon ang pasyente.
Kasaysayan
Ang unang paglalahad tungkol sa sakit na hypertrophic cardiomyopathy ay isinagawa ni Dr. Alfred Vulpian noong 1868. Si Dr. Vulpian ay isang doktor at neurologist mula sa Pransiya at nakilala siya sa pag-aaral niya tungkol sa hypertrophic cardiomyopathy, pero ito ay kilala pa sa tawag na idiopathic hypertrophic subaortic stenosis (IHSS) noon. Ayon kay Dr. Vulpian, sa IHSS, nagkakaroon ng stenosis o pagbabara ang puso dahil sa pagkapal ng mga kalamnan nito. Dahil dito, ang pagtibok ng puso ay naaapektuhan at maaari itong magdulot ng cardiac arrest o pagtigil ng pagtibok ng puso.
Sumunod kay Dr. Vulpian ay ang napakaraming pag-aaral ng ibang mananaliksik tungkol sa hypertrophic cardiomyopathy. Dahil ang sakit na ito ay may napakalawak na saklaw, nagkaroon ito ng halos 75 na pangalan. Bukod sa IHSS, nakilala rin ang hypertrophic cardiomyopathy sa mga pangalan na asymmetric septal hypertrophy, Brock’s disease, subaortic hypertrophic stenosis, at marami pang iba. Pero pagsapit ng taong 1958, ito ay opisyal na tinawag na hypertrophic cardiomyopathy.
Matapos ang napakaraming pag-aaral at paglalahad tungkol sa hypertrophic cardiomyopathy, natuklasan naman ang mga mabisang pamamaraan kung paano ito matutukoy o mabibigyan ng diagnosis. Sa pangunguna ni Dr. Moreyra, napag-alaman nila na ang M-Mode ng echocardiography ay mainam na paraan upang matukoy ang sakit na ito. Sumunod dito ay ang paggamit ng 2D-echo upang malaman ang itsura, hugis, at kalagayan ng puso.
Bagama’t ang hypertrophic cardiomyopathy ay isang nakapapangambang kondisyon, ang mga doktor at mananaliksik ay unti-unting nakahahanap ng mga paraan upang ito ay malunasan. Noong 1980, naisagawa ang kauna-unahang implantable cardioverter defibrillator (ICD) implant sa isang pasyenteng may hypertrophic cardiomyopathy. Bukod dito, naisagawa rin ang alcohol septal ablation (ASA), isang uri ng operasyon, bilang alternatibo sa surgical myectomy. Iba’t iba man ang mga uri ng operasyon, iisa lang ang layunin ng mga ito, at ito ay ang malunasan ang hypertrophic cardiomyopathy ng pasyente.
Mga Sanhi
Hanggang ngayon, hindi pa rin lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng hypertrophic cardiomyopathy. Subalit, maaaring magkaroon ng pangangapal sa mga kalamnan ng puso nang dahil sa mga sumusunod:
- Mutation o pagbabago ng mga Isa sa mga pangunahing sanhi ng hypertrophic cardiomyopathy ay ang mutation o pagbabago ng mga gene. Posible rin itong mamana lalo na kung may kasaysayan ng sakit na ito sa inyong pamilya.
- Katandaan. Habang tumatanda, maraming mga pagbabago ang nangyayari sa katawan, kabilang na ang puso. Nagiging mas marupok ang mga kalamnan nito at ang pagtibok nito ay hindi na kasing lakas pa gaya ng dati. Upang maka-angkop sa ganitong kondisyon, ang puso ay nagtratrabaho nang higit pa sa normal nitong kakayanan, kaya naman ang mga kalamnan ng puso ay nangangapal.
- Pagkakaroon ng mataas na presyon. Kapag may mataas na presyon o high blood pressure, ang puso ay nahihirapang magdala ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Gaya ng sa katandaan, kung may mataas na presyon, ang puso ay labis na magtratrabaho at ito ay maaaring magdulot ng pagkapal ng mga kalamnan ng puso.
- Ibang karamdaman. Kung ang pasyente ay may ibang karamdaman gaya ng diabetes at thyroid disease, maaaring magkaroon ang mga ito ng komplikasyon at magdulot ng hypertrophic cardiomyopathy.
Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Ang pasyenteng may hypertrophic cardiomyopathy ay maaaring makaranas ng iba’t ibang mga sintomas. Kung nakararamdam ng mga sumusunod na sintomas, magpatingin agad sa doktor upang malapatan ng karampatang lunas:
- Hirap sa paghinga. Sa sakit na ito, ang pasyente ay maaaring makaranas ng hirap sa paghinga. Dahil nagkukulang ang dugo na dumadaloy sa loob ng puso, kakaunti rin lamang ang dugong nadadala sa mga baga. At kapag kulang ang dugo, kaunti rin ang natatanggap na oxygen ng mga baga kaya naman nahihirapan ang pasyente sa paghinga.
- Pananakit ng dibdib. Posible ring manakit ang dibdib ng pasyenteng may hypertrophic cardiomyopathy. Lalong tumitindi ang pananakit nito kapag katatapos lamang ng pasyente na gumawa ng mga pang-araw-araw na gawain o kaya naman ay pag-eehersisyo.
- Pagkakaroon ng mga palpitation. Maaari ring makaranas ng iregular na pagtibok ng puso kapag may hypertrophic cardiomyopathy. Kadalasan, nagkakaroon ng mga palpitation ang pasyente o ang pakiramdam na mabilis na pagpagaspas na pagtibok ng puso.
- Matinding pagkapagod. Ang pasyenteng may hypertrophic cardiomyopathy ay posible ring makaranas ng matinding pagkapagod. Dahil hindi makapagtrabaho nang maayos ang puso, wala ring sapat na nutrisyon na natatanggap ang iba’t ibang bahagi ng katawan, na nagdudulot naman ng pagkahapo at panghihina.
- Pagkahilo at pagkahimatay. Maaari ring hindi makatanggap ng sapat na dami ng dugo, oxygen, at nutrisyon ang utak kapag may hypertrophic cardiomyopathy ang isang pasyente. Ito ay maaaring magdulot ng pagkahilo o kaya naman ay pagkahimatay.
Mga Salik sa Panganib
Ayon sa Heart Organization, ang hypertrophic cardiomyopathy ay walang pinipiling kasarian. Babae man o lalaki ay puwedeng magkaroon nito. Subalit, ang kadalasang nagkakaroon ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:
- Mga mayroong kasaysayan ng hypertrophic cardiomyopathy sa pamilya. Kung may kasaysayan ng hypertrophic cardiomyopathy sa pamilya, mataas ang posibilidad na magkaroon ka rin nito. Ang isang magulang na may hypertrophic cardiomyopathy ay posibleng magkaroon ng anak na may ganito ring kondisyon. Ayon sa datos, tataas ang posibilidad hanggang 50 porsyento, ngunit maaari naman itong maiwasan kung papanatilihing malusog ang puso at pangangatawan.
- Mga matatanda. Maaari ring magkaroon ng hypertrophic cardiomyopathy ang mga may edad na. Ito ay dahil ang kanilang puso ay naging mas marupok na, dala na rin ng katandaan. Nagdudulot ito ng labis na pagtratrabaho ng puso, kaya naman ang mga kalamnan nito ay naninigas at kumakapal.
- Mga atleta. Ang mga atleta ay kadalasang nag-eehersisyo nang labis. Dahil dito, ang puso ay masyadong napapagod at posibleng magdulot ng pangangapal ng mga kalamnan nito.
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Bagama’t ang hypertrophic cardiomyopathy ay namamana, maaaring pababain ang posibilidad na magkaroon nito kung labis ang gagawing pag-iingat. Upang hindi magkaroon ng sakit na ito, gawin ang mga sumusunod:
- Kumain ng masusustansiyang mga pagkain. Ang anumang sobra ay nakasasama sa kalusugan. Upang hindi magkasakit sa puso, kumain nang nasa tamang balanse at ugaliin ang pagpili ng mga masusustansiyang pagkain gaya ng prutas, gulay, isda, at karne. Kung kakain ng karne, mas mainam kainin ang mga bahaging hindi gaanong masesebo o matataba. Iwasan rin ang pagkain ng maaalat na pagkain.
- Uminom ng 8 baso ng tubig araw-araw. Nakatutulong ang pag-inom ng tubig upang mahugas ang anumang sobrang asin ng katawan. Subalit, kung may sakit na sa puso, hindi dapat sumobra sa bilang na ito sapagkat malaki ang posibilidad na magkaroon ng pamamanas.
- Mag-ehersisyo nang sapat. Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang umayos ang pagdaloy ng dugo sa katawan. Subalit, kung labis-labis ang pag-eehersisyo, masosobrahan sa pagtratrabaho ang puso at ito ay maaaring magresulta sa pangangapal ng mga kalamnan nito. Kung mag-eeehersisyo, sapat na ang 30 minuto araw-araw para sa mga hindi atleta.
- Iwasan ang mga bisyo. Ang mga bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo ay nakasasama sa puso, pati na rin sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang mga ito ay may nakalalasong sangkap na maaaring magdulot ng pagbabara ng mga daluyan ng dugo at pangangapal ng mga kalamnan ng puso.
- Ugaliing magpahinga. Bagama’t iba’t iba ang kailangang tulog ng mga tao, mahalaga ay makapagpahinga nang sapat araw-araw. Sa iba, sapat na sa kanila ang pitong oras na tulog, samantalang sa iba naman, nangangailangan sila ng walo hanggang siyam na oras na tulog araw-araw. Nakatutulong ang pagpapahinga upang hindi mapagod nang wasto ang puso at maiwasan ang pangangapal nito.
Kung minsan, walang nararamdamang mga sintomas ang pasyente kahit siya ay may hypertrophic cardiomyopathy. Dahil dito, ang pasyente ay maaaring magkaroon ng biglaang pagtigil ng pagtibok ng puso. Upang maiwasan ito, mainam na magkaroon ng regular na pagkonsulta sa doktor nang sa gayon ay makita agad ang anumang sakit sa puso.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hypertrophic-cardiomyopathy/symptoms-causes/syc-20350198
- https://www.heart.org/en/health-topics/cardiomyopathy/what-is-cardiomyopathy-in-adults/hypertrophic-cardiomyopathy
- https://www.webmd.com/heart-disease/guide/hypertrophic-cardiomyopathy#1
- https://news.abs-cbn.com/lifestyle/03/01/16/cardiac-arrest-or-heart-attack-know-the-difference
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hypertrophic-cardiomyopathy/diagnosis-treatment/drc-20350204
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5742807/
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/18653579
- https://www.4hcm.org/content.asp?contentid=150
- https://www.healthline.com/health/hypertensive-heart-disease#types
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hypertrophic-cardiomyopathy/symptoms-causes/syc-20350198
- https://www.hopkinsmedicine.org/health/treatment-tests-and-therapies/alcohol-septal-ablation