Buod
Ang hypoglycemia ay isang kondisyon kung saan masyadong bumababa ang dami ng asukal sa dugo. Kilala rin ito sa tawag na low blood sugar o low blood glucose.
Sa hypoglycemia, ang pasyente ay maaaring makaranas ng iba’t ibang mga sintomas. Kasama na dito ang pagkahilo, matinding pagkagutom, pananakit ng ulo, pagkalito, kawalan ng konsentrasyon, labis na pagpapawis, panginginig, paglabo ng paningin, at marami pang iba. Masasabi rin na hypoglycemic ang isang tao kapag ang kanyang blood glucose ay bumaba sa 70 mg/dL.
Ang karaniwang naaapektuhan ng hypoglycemia ay mga taong may diabetes. Bagama’t kilala ang mga diabetic sa pagkakaroon ng high blood sugar, marami ring pagkakataon na sobrang bumababa ang kanilang asukal sa dugo. Ito ay dahil sa sobrang insulin sa katawan dulot ng kanilang mga gamot at labis na pagdidiyeta.
Bukod sa pagiging diabetic, posible ring maging sanhi ng hypoglycemia ang pag-inom ng ilang medikasyon, labis na pag-inom ng alak, sakit sa atay, pagkakaroon ng tumor o bukol sa pancreas o lapay, anorexia, hormone deficiency, at iba pa.
Ang hypoglycemia ay napakadali lamang gamutin. Kailangan lang baguhin ng pasyente ang kanyang diyeta o kaya naman ay kumain nang sapat. Para naman sa malalalang kondisyon, maaaring magbigay ng glucagon injection ang doktor lalo na kung ang pasyente ay nawalan na ng malay sa sobrang baba ng asukal sa dugo.
Kasaysayan
Ang unang nakatuklas ng kondisyon na hypoglycemia ay si Dr. Seale Harris noong 1924. Si Dr. Harris ay isang Amerikanong doktor at propesor ng medisina sa University of Alabama. Ayon sa kanyang pananaliksik, kahit ang mga taong hindi diabetic ay nakararanas din ng mga sintomas ng insulin shock.
Kapag may insulin shock, ang pasyente ay nakararanas ng matinding pagkagutom, pagkahilo, at iba pa. Tinawag niya ang kondisyong ito na hyperinsulinism (na siyang unang pangalan ng hypoglycemia). Ibig sabihin nito, nasobrahan ng insulin sa katawan ang pasyente kaya nakararanas ng mga sintomas ng insulin shock. Subalit, ang pagkakatuklas na ito ay hindi agad binigyan ng wastong pagkilala ng mga kapwa niya doktor.
Pero noong taong 1949, nagawaran na si Dr. Harris ng Distinguished Service Medal para sa kanyang pananaliksik tungkol sa sakit na hypoglycemia. Iginawad ito ng American Medical Association subalit pagsapit ng taong 1973, ang hindi pagkilala ng American Medical Association sa mga sinabi ni Dr. Harris ay kanilang binawi.
Ang sakit na hypoglycemia ay naging tanyag noong bandang 1960 at 1970. Karamihan na ng mga tao ay nagsasabing sila ay hypoglycemic basta nakaramdam sila ng pagkagutom at pagkahilo kahit hindi sila nagsagawa ng blood glucose test. Dahil dito, inihayag ng American Medical Association na ang hypoglycemia ay hindi isang sakit at ito ay nangyayari lamang sa mga may diabetes.
Subalit, ang pahayag ng American Medical Association ang naging dahilan upang magkaroon ng hating opinyon ang mga doktor. Kaya, ang iba ay naniniwala sa sinabi ni Dr. Harris na ang hypoglycemia ay isang sakit at maaaring tamaan ang kahit sinuman, kahit hindi sila diabetic.
Mga Uri
Bagama’t naging masalimuot ang kasaysayan ng hypoglycemia, nahahati ito ngayon sa dalawang uri:
- Diabetic hypoglycemia. Karamihan ng may hypoglycemia ay diabetic sapagkat madalas na napaparami ang insulin sa kanilang katawan. Ang insulin ay ang sangkap na kailangan upang makapasok sa mga kalamnan ng katawan ang asukal na kailangan ng mga ito upang mapanatili ang tamang lakas. Subalit, kapag naparami ang insulin, mapaparami rin ang mawawalang asukal sa dugo. Madalas kasi ay umiinom o nagtuturok ng insulin ang mga diabetic nang hindi muna nila sinusuri ang kanilang blood sugar level. Minsan ay nasa tamang dami na pala ang kanilang blood glucose pero nagpapasok pa rin sila ng mataas na dosage ng insulin sa kanilang katawan—na nagdudulot ng naman ng hypoglycemia. Bukod sa gamot, maaari ring magkaroon ng hypoglycemia ang diabetic kung labis silang nagdidiyeta.
- Nondiabetic hypoglycemia. Ang nondiabetic hypoglycemia ay hypoglycemia ng mga taong walang diabetes. Nahahati ito sa dalawang uri:
- Reactive hypoglycemia. Sa uring ito, ang blood sugar level ng pasyente ay nananatiling normal kapag siya ay nag-aayuno (o nagasagawa ng fasting). Pero kapag tapos na siyang kumain, ang blood sugar level ay biglang babagsak matapos ang ilang oras. Kapag may reactive hypoglycemia, tataas din ang posibilidad na magkaroon ng diabetes ang pasyente.
- Fasting hypoglycemia. Bagama’t ang pangalan ng uring ito ay “fasting,” wala naman itong kaugnayan sa pagkain. Sa uring ito, ang pasyente ay nagkakaroon ng fasting hypoglycemia kapag siya ay may iniinom na gamot o kaya naman ay may ibang sakit. Bukod dito, maaari ring bumaba ang blood sugar level kapag ang pasyente ay labis na umiinom ng alak.
Mga Sanhi
Image Source: www.wellnessdestinationindia.com
Maraming posibleng sanhi ang hypoglycemia. Kabilang na rito ang mga sumusunod:
- Diabetes. Ang diabetes ang pangunahing sanhi ng hypoglycemia. Sapagkat may problema ang endocrine system (ang sistema ng katawan na may kaugnayan sa metabolismo) ng mga diabetic, ang kanilang katawan ay paiba-iba ang dami ng insulin at asukal sa dugo.
- Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. Ang pag-inom ng mga gamot para sa sakit sa bato ay maaari ring magdulot ng Bukod dito, maaari ring magdulot ng hypoglycemia ang mga gamot para sa malaria, gaya ng quinine.
- Labis na pag-inom ng alak. Ang labis na pag-inom ng alak nang hindi muna kumakain ay nakapagdudulot din ng Ito ay dahil pinipigilan ng alak ang atay na mailabas ang naipong glucose sa daluyan ng dugo.
- Sakit sa atay. Kung may sakit sa atay, ang bahaging ito ay hindi makapag-iimbak ng sobrang Kaya naman kapag biglaang bumagsak ang dami ng asukal sa dugo, hindi makatutulong ang atay upang ilabas nito ang stored glucose sa katawan.
- Pagkakaroon ng bukol sa lapay (pacreas). Kapag nagkaroon ng bukol ang lapay, maaaring maglabas ang mga tumor ng kemikal na makakapag-trigger ng labis na paggawa ng insulin sa katawan. Kapag labis ang insulin sa katawan, lalong bababa ang blood sugar level.
- Anorexia. Ang anorexia ay isang eating disorder kung saan ang isang pasyente ay hindi kumakain o laging isinusuka agad ang kanyang mga kinain na nagreresulta naman sa labis na pagkapayat. Dahil walang sapat na nutrisyon na natatanggap ang katawan, mababa rin ang blood sugar level ng mga ganitong pasyente.
- Hormone deficiency. Kung may pagbabago sa dami ng mga hormone ng katawan, maaari ring magkaroon ng labis na paggawa ng insulin. Karaniwang may pagbabago sa hormones ang mga buntis at bagong panganak.
- Hindi regular na pagkain. Ang isang tao ay dapat kumain ng agahan, tanghalian, at hapunan. Kung hindi regular ang pagkain, maaaring bumagsak ang blood sugar level.
- Labis na pag-eehersisyo. Kung labis-labis ang pag-eehersisyo, ang mga asukal sa dugo ay mapipilitang pumasok sa mga kalamnan ng katawan sapagkat kailangan nito ng enerhiya. Dahil dito, babagsak ang blood sugar level at magkakaroon ng
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Ang mga sintomas ng hypoglycemia ay halos natutulad sa mga taong nalipasan ng gutom o labis na pagkapagod sa trabaho. Subalit, masasabing may hypoglycemia ang isang tao kapag siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkahilo
- Matinding pagkagutom
- Pananakit ng ulo
- Pagkalito
- Pagkawala ng konsentrasyon
- Labis na pagpapawis
- Panginginig
- Paglabo ng paningin
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Pagduduwal o nausea
- Pamumutla
- Pangkapagod
- Pamamanhid ng mga pisngi, labi, o dila
- Pagkakaroon ng bangungot
- Pangingisay (convulsions)
- Pagkaroon ng blood glucose level na bababa sa 70 mg/dL
Kung nakararanas ng mga sintomas na nabanggit, ang doktor ay magpapayo na sumailalim sa blood glucose test ang pasyente upang matukoy kung siya ay mayroong hypoglycemia. Sa blood glucose test, kukuhanan lamang ng kaunting dugo ang pasyente at dadalhin ito upang suriin sa laboratoryo. Kung ang blood glucose level ay mababa pa sa 70 mg/dL, ang pasyente ay may tiyak na mayroong hypoglycemia.
Mga Salik sa Panganib
Tumataas ang posibilidad na magkaroon ng hypoglycemia ang isang tao dahil sa mga sumusunod na salik:
- May diabetes. Ang mayroong diabetes, type 1 man o type 2, ay maaaring makaranas ng hypoglycemia. Dahil may problema sa paggawa ng insulin ang kanilang katawan, sila ay umiinom o nagtuturok ng insulin upang bumaba ang kanilang blood sugar level. Subalit, maaaring bumaba ang blood sugar level nang sobra, lalo na kung hindi muna sinusuri ng taong may diabetes ang kanyang blood sugar bago magturok ng insulin.
- Kasaysayan ng hypoglycemia sa pamilya. Mataas din ang posibilidad na magkaroon ng hypoglycemia kung mayroong kasaysayan nito sa inyong pamilya.
- Lifestyle o paraan ng pamumuhay. Ang anumang paraan ng pamumuhay o lifestyle na makapagdudulot ng diabetes ay makapagdudulot din ng hypoglycemia. Kasama na rito ang pagkain nang marami, hindi pag-eehersisyo, paninigarilyo, at iba pa.
- Pagiging matanda. Maaari ring maging hypoglycemic ang isang tao kung siya ay may katandaan na, sapagkat hindi na ganoon kasigla at kakisig ang katawan.
- Sa pagbubuntis, nagkakaroon ng napakaraming pagbabago sa mga hormone ng katawan. Ito naman ay maaaring makaapekto sa paggawa ng insulin sa lapay (pancreas).
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Madali lamang maiwasan ang hypoglycemia. Upang hindi bumaba ang blood sugar level, gawin ang mga sumusunod:
- Huwag magpalipas ng gutom. Kumain nang regular araw-araw. Huwag magpalipas ng gutom. Magmeryenda rin kung kinakailangan lalo na pagkatapos ng mabigat na gawaing bahay o ibang nakapapagod na trabaho.
- Mag-ehersisyo nang sapat. Alalahanin lamang na kung ikaw ay hindi naman atleta, huwag mag-ehersisyo nang labis. Mabibigla lamang ang katawan kung iniba mo ang iyong natural na exercise routine at posibleng bumaba lalo ang blood sugar level. Mainam na maglaan ng 30 minuto araw-araw upang mapanatiling masigla ang katawan.
- Regular na suriin ang blood sugar level. Kung may diabetes, mainam na suriin ang blood sugar level upang malaman kung tumataas o bumababa ito. Marami namang nabibiling portable na blood glucose kit kaya madali nang isagawa ito kahit nasa bahay lamang.
Ang hypoglycemia ay hindi mapanganib na kondisyon, lalo na kung ito ay maaagapan. Simple rin lamang ang paglunas nito. Subalit, kung ikaw ay diabetic na pasyente, iminumungkahi na mas paigtingin ang pagsusuri ng blood sugar level upang hindi magkaroon ng komplikasyon at magkaroon ng hypoglycemia.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/diabetes/guide/diabetes-hypoglycemia#1
- https://www.niddk.nih.gov/health-information/diabetes/overview/preventing-problems/low-blood-glucose-hypoglycemia
- https://www.healthline.com/health/hypoglycemia-without-diabetes
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hypoglycemia/symptoms-causes/syc-20373685
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/166815.php
- https://www.healthline.com/health/hypoglycemia
- https://www.diabetes.co.uk/Diabetes-and-Hypoglycaemia.html
- https://www.diabetes.org/diabetes/medication-management/blood-glucose-testing-and-control/hypoglycemia
- https://hypoglycemia.org/history/
- https://articles.mercola.com/hypoglycemia/types.aspx
- https://www.verywellhealth.com/hyperglycemia-causes-risk-factors-1087604
- https://www.webmd.com/diabetes/guide/diabetes-hypoglycemia#2-5