Buod
Ang isa sa mga kondisyong labis na umaapekto sa thyroid gland ay ang hypothyroidism. Umiiral ito kapag mababa o hindi sapat sa pangangailangan ng katawan ang produksyon ng mga thyroid hormones sa thyroid gland. Ang katawagan sa kondisyong ito ay nabuo sa pagitan ng 1900 at 1905 mula sa hypo (mababa) at thyroid.
Ang mga thyroid hormones na TS3 at TS4 ay lubhang kailangan ng katawan. Kapag hindi sapat ang produksyon nito sa thyroid gland, magkakaroon ng abnormal na proseso ng metabolismo sa katawan.
Ang mga karaniwang sintomas ng kondisyong ito ay pagkahapo, pagkamaginawin, at pananakit sa mga kalamnan at kasu-kasuan.
Nilulunasan ang ng kondisyong ito sa pamamagitan ng iba’t-ibang uri ng mga therapy. Kabilang dito ang pagbibigay ng synthetic thyroxine sa pasyente.
Kasaysayan
Unang nagtuklasan ang kaugnayan ng iodine sa pagkakaroon ng sakit na bosyo (goiter) noong 1820 ni Jean-Francois Coindet. Samantala, iminungkahi naman ni Gaspard Adolphe Chatin noong 1852 na ang endemic na goiter ay bunga ng hindi sapat na iodine sa katawan. Sa pagsapit naman ng 1896 ay pinakita ni Eugen Baumann ang iodine sa laman ng thyroid gland.
Sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo ay natuklasan ang mga pagbabago sa katawan kapag inaalis ang thyroid gland. Ipinakilala naman ni George Redmayne Murray ang pagturok ng katas ng thyroid mula sa tupa na sinusundan naman ng pag-inom ng gamot na uri nito noong 1891.
Ang paggamit ng purified na thyroxine ay ipinakilala noong 1914 na sinundan naman ng pagkakaroon ng synthetic na thyroxine noong mga 1930.
Pagpasok naman ng ika-20 siglo ay natuklasan ang kaugnayan ng metabolic rate sa hypothyroidism. Mula noon, ang metabolic rate ay ginawang batayan sa pagsasaayos ng paglalapat ng lunas sa mayroon ng kondisyong ito.
At sa wakas, noong 1971 ay binuo ang thyroid stimulating hormone (TSH) radioimmunoassay. Ito ang naging pinakabatayan sa pag-alam ng estado ng thyroid sa mga pasyente. Sinundan naman ito ng pakakabuo ng isang T3 radioimmunoassay noong 1972, at ng T4 radioimmunoassay noong 1974.
Mga Uri
Mayroong tatlong uri ng hypothyroidism. Ito ay ang mga sumusunod:
- Primary hypothyroidism – Sa kondisyong ito ay masigla ang thyroid, subalit hindi nito natutugunan ang pangangailangan sa thyroid hormones ng katawan para maayos itong gumana. Ito ay nangangahulugang mismong ang thyroid ang may problema.
- Secondary hypothyroidism – Sa kondisyong ito ay hindi mainam na napapagana ng pituitary gland ang thyroid upang punan ang pangangailang ng katawan sa thyroid hormones.
- Tertiary hypothyroidism – Ang kondisyong ito ay katulad ng secondary hypothyroidism. Hindi sa thyroid nagmumula ang problema. Kadalasan, ang problema ay nagmumula sa hypothalamus—isang parte ng utak na malapit sa pituitary gland.
Mga Sanhi
Ang Hashimoto’s thyroiditis ay ang pinakakaraniwang sanhi ng hypothyroidism. Ang “thyroiditis” ay tumutukoy sa pamamaga ng thyroid gland na matatagpuan sa may lalamunan. Ang Hashimoto’s thyroiditis ay isang autoimmune na kondisyon kung saan ang mga antibody ay sumasalakay at pumipinsala sa thyroid gland.
Ang iba pang mga sanhi ng hypothyroidism ay ang mga sumusunod:
- Pagsasailalim sa radiation therapy sa leeg o ulo. Ang radiation therapy na karaniwang ginagawa laban sa kanser ay maaaring makapinsala sa mga cell sa thyroid. Kapag napinsala ito ay mahihirapan ang katawan na gumawa ng mga thyroid hormone.
- Radioactive iodine treatment. Ang uri ng lunas na ito ay ginagamit para sa mga taong may labis na aktibong thyroid gland. Subalit, napipinsala rin nito ang mga malulusog na mga cell sa thyroid.
- Ibang uri ng mga gamot. May mga uri ng gamot, katulad ng mga para sa sakit sa puso, kanser, at mga psychiatric na mga kondisyon, na nakaaapekto sa produksyon ng thyroid na hormone. Kabilang sa mga gamot na ito ang amiodarone, interleukin-2, at interferon alpha.
- Pagpapaopera sa thyroid. Ang pagpapatanggal sa thyroid sa pamamagitan ng operasyon ay magdudulot ng hypothyroidism. Isang bahagi lamang ng thyroid gland ang aalisin, subalit magdudulot ito ng pagbaba ng produksyon ng thyroid hormone. Dahil dito, hindi hindi magiging sapat ang magagawang mga hormone ayon sa kailangan ng katawan.
- Labis na pagkakaunti ng iodine sa pagkain. Ang katawan ng tao ay hindi gumagawa ng iodine, subalit kailangan ito ng thyroid gland para makagawa ng thyroid hormone. Kaya, kapag labis ang pagkakaunti ng iodine sa kinakain ay maaaring magdulot din ito ng hypothyroidism.
- Pagbubuntis. Kapag nakapanganak na ang isang babae, magkakaroon ng biglaang pagtaas ng produksyon ng mga thyroid hormone sa katawan. Susundan naman ito ng biglaang pagbagsak ng produksyon nito. Hindi pa tiyak kung bakit ito nangyayari, subalit pagkaraan ng ilang panahon ay bumabalik din naman sa normal ang paggana ng thyroid gland.
- Pagkakaroon ng problema sa thyroid mula pagkasanggol. Mayroong mga sanggol na ipinanganak na hindi wasto ang pagkakabuo ng kanilang thyroid gland. Dahil dito, hindi rin maayos ang paggana ng mga ito. Ang uri ng hypothyroidism na ito ay tinatawag na congenital hypothyroidism.
- Pagkapinsala ng pituitary gland. Bagama’t madalang ito, ang pagkakaroon ng pagkapinsala sa pituitary gland ay maaari ring makagambala sa produksyon ng thyroid hormone. Ito ay dahil tumutulong ang pituitary gland sa pagsasaayos ng produksyon ng thyroid hormone.
- Pagkakaroon ng pinsala sa hypothalamus. May kaugnayan ang hypothalamus sa maayos na paggana ng pituitary gland sa pamamagitan ng TRH na hormone. Kapag hindi sapat ang TRH na ginagawa ng hypothalamus, makaaapekto ito sa paggawa ng TSH hormone sa pituitary gland na magbubunga naman ng problema sa thyroid gland.
Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Ang mga hormones na nanggagaling sa thyroid ay umaapekto sa maraming bahagi ng katawan. Dahil dito, ang mga sintomas ng hypothyroidism ay marami at magkakaiba.
May dalawang uri ng hormones na ginagawa ng thyroid: ang T3 o triiodothyronine, at ang T4 o thyroxine. Ang mga ito ay tumutulong para mapanatili ang kalusugan ng katawan. Kapag nagkulang sa paggawa ng mga hormones na ito, maaaring mapansin ang mga sumusunod na mga sintomas ng hypothyroidism:
- Pagkahapo at pananamlay
- Pagbigat ng timbang
- Pagiging ginawin
- Pagbagal ng tibok ng puso, pagkilos, at pagsasalita
- Pananakit at pagpulikat ng mga kalamnan, lalo na sa kasu-kasuan
- Pagtitibi (constipation)
- Pagkatuyo ng balat
- Pagnipis at pagrupok ng mga buhok o mga kuko
- Pagdalang ng pagpapawis
- Pistulang tinutusok ng mga karayom ang balat
- Malakas na regla
- Panghihina
- Pagtaas ng kolesterol
- Namamagang mukha, paa, at kamay
- Pagkakaroon ng insomnia
- Hirap sa pagbalanse ng katawan
- Pagkawala ng libog
- Pabalik-balik na UTI at impeksyon sa baga
- Anemia
- Depresyon
Kapag hindi nilunasan ay mapapansin ang mga sumusunod na mga sintomas:
- Pamamalat ng boses
- Pamamaga ng mukha
- Pagnipis ng mga kilay
- Pagbagal ng tibok ng puso
- Paghina ng pandinig
Sa mga bata at mga teenager, magkakaiba ang sintomas ng kondisyong ito. Subalit, mapapansin ang mga sumusunod na mga karaniwang sintomas:
- Mabagal na paglaki
- Mabagal na pagtubo ng mga ipin
- Mabagal na pag-unlad ng kaisipan
- Mabagal na pagsapit ng puberty
Mga Salik sa Panganib
Maaaring magkaroon ng hypothyroidism ang sinuman. Subalit, mayroong mga taong may mas mataas na panganib ng pagkakaroon nito. Ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Pagiging babae
- Pagkakaroon ng kamag-anak na may problema sa thyroid
- Pagiging buntis o kaya ay kapapanganak lamang sa nakaraang anim na buwan
- Pagkakaroon ng edad na 60 taong gulang pataas
- Pagkakaroon dati ng operasyon sa thyroid
- Pagkakaroon ng autoimmune disease, katulad ng type 1 diabetes o kaya ay ng celiac disease
- Sumasailalim sa radioactive iodine o anti-thyroid therapy
- Pagkalantad sa radiation sa bandang leeg o kaya ay sa itaas na bahagi ng dibdib
Pag-Iwas
Image Source: www.healthline.com
Sa ngayon ay wala pang mga tiyak na paraan para makaiwas sa hypothyroidism. Subalit, maaaring makatulong ang regular na pagpapasuri (screening) sa mga doktor upang mabawasan ang panganib na magkaroon nito.
Higit na kailangan ang regular na pagsusuri ukol sa sakit na ito para sa mga taong may alinman sa mga sumusunod na kondisyon:
- Pagkabuntis
- May nakaraang pagkakaroon ng autoimmune disease
- Dating pagsailalim sa radiation treatment sa ulo o leeg
- Mayroong goiter
- Kabilang sa pamilyang may kasaysayan ng problema sa thyroid
- Mga gumagamit ng mga gamot na nakakaapekto sa paggana ng thyroid
Bukod sa mga nabanggit sa itaas ay maaari ring bawasan o iwasan ang labis na pagkonsumo ng mga sumusunod na pagkain, bagama’t dapat malamang wala pang napatutunayan na mga uri ng pagkain na maaaring magdulot ng hypothyroidism:
- Poya, dahil maaaring maapektuhan nito ang pag-absorb ng thyroxine sa katawan
- Iodine na matatagpuan sa mga halamang dagat at mga supplements
- Mga iron supplements, dahil nakakaapekto din ito sa pag-absorb ng thyroxine
- Mga cruciferous na mga gulay, kagaya ng cauliflower, kale, at repolyo
Dapat ding tandaan na ang pagkonsumo ng karagdagang iodine ay maaaring makagambala sa lunas na inilalapat sa hypothyroidism.
Sanggunian
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hypothyroidism/symptoms-causes/syc-20350284
- https://www.endocrineweb.com/conditions/thyroid/hypothyroidism-too-little-thyroid-hormone
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/163729.php
- https://www.webmd.com/women/hypothyroidism-underactive-thyroid-symptoms-causes-treatments#1
- https://en.wiktionary.org/wiki/hypothyroidism
- https://www.healthline.com/health/hypothyroidism-primary#symptoms
- https://en.wikipedia.org/wiki/Hypothyroidism#History