Ang impatso o indigestion sa Ingles, ay ang tumutukoy sa kondisyon kung saan nakararamdam ng sobrang pagkabusog, di kumportable, kabag na kadalasan ay humahantong sa pananakit ng tiyan. Ito ay kadalasang sintomas ng pagkakaroon ng ibang sakit sa digestive track gaya ng gastroesophageal reflux disease (GERD), ulcer o kaya’y sakit sa apdo o gall bladder. Tinatawag din itong dyspepsia.
Ano ang sanhi ng impatso?
Ang sakit na impatso ay maaring sanhi ng ilang bagay. Maaring ito ay sanhi ng ibang sakit, gamot na iniinom, o kaya’y hindi malusog na pamumuhay.
Image Source: www.freepik.com
Ang mga sakit na nakapagdudulot ng impatso ay:
- Ulcer
- GERD
- kanser sa tiyan
- impeksyon sa tiyan
- sakit sa lapay o pancreas
May ilang gamot din na maaring makapagdulot ng impatso gaya ng:
- Aspirin at iba pang pain killer
- Mga contraceptives na iniinom
- Steroids
- ilang antibiotic
Nakaaapekto din ang ilang mga nakasanayang ginagawa sa buhay:
- Pagkain ng sobrang dami at mabilis
- Pag-inom ng alak
- Paninigarilyo
- Pagod at stress
- Maaari ding maikonekta sa depresyon at matinding pag-aalala
Sino ang maaaring magkaroon ng Impatso?
Ito ay isang karaniwang sakit na maaring makaapekto sa lahat ng edad at kasarian. Mas mataas nga lang sa mga taong madalas uminom ng alak, umiinom ng gamot nakaaapekto sa tiyan. Gayundin sa mga taong dumaranas ng stress, depression at pag-aalala.