Buod

Kapag nagkaroon ng mga bacteria ang isa o dalawa sa mga kidney o bato, maaaring magkaroon ng impeksyon sa bato o kidney infection. Karaniwang nagkakaroon ng kondisyong ito kapag ang pasyente ay may urinary tract infection o UTI na hindi nagamot. Sa UTI, ang bladder o pantog lamang ang kadalasang may mga bacteria. Subalit, kapag nakarating ang mga bacteria sa mga bato, maaari itong magresulta sa kidney infection.

Ang mga sintomas ng kidney infection ay hindi nalalayo sa mga sintomas ng UTI. Kapag nagkaroon ng impeksyon sa bato, maaaring makaranas ang pasyente ng pananakit ng ari habang umiihi, malabo at madilaw na kulay ng ihi, at pananakit ng likod o tagiliran.

Upang malunasan ang kondisyong ito, maaaring resetahan ng doktor ang pasyente ng mga antibiotic. Kung ang impeksyon ay naging malubha na, maaaring ipayong manatili ang pasyente sa ospital at kabitan ng suwero upang doon padaanin ang mga antibiotic.

Kasaysayan

Ang kidney infection ay kilala rin sa mga tawag na renal infection at pyelonephritis. Bagama’t walang gaanong tala tungkol sa pagkakatuklas ng kondisyon na ito, ito ay isang laganap na sakit. Ayon sa datos, 12-13 kaso ng kidney infection sa 10,000 kababaihan ang naitatala taun-taon, at 3-4 na kaso nito ay kailangang magpagaling sa ospital. Sa 10,000 kalalakihan naman, mayroong 2-3 kasong naitatala at halos isa lamang na kaso ang kailangang manatili sa ospital.

Bukod sa mga nabanggit na datos, napag-alaman din na ang mga dalagang kababaihan ang karaniwang naaapektuhan ng impeksyon sa bato. Ito ay dahil sa mas aktibo sila sa pakikipagtalik sa ganitong edad. Ayon din sa pag-aaral, malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon sa bato ang mga sanggol at matatanda. Ang mga sanggol ay mayroong mas maikling daluyan ng ihi, samantalang ang mga matatanda ay marami ng nararanasang pagbabagong hormonal na siyang dahilan upang madaling mapasok ng mga bacteria ang katawan.

Mga Sanhi

Iba’t iba ang mga sanhi ng impeksyon sa bato o kidney infection. Nagkakaroon ng kondisyong ito kapag napasukan ng E.coli bacteria ang mga bato. Likas na mayroong ganitong uri ng bacteria ang katawan at karaniwang matatagpuan ang mga ito sa mga bituka. Hindi naman mapanganib ang mga bacteria na ito kung sila ay nasa mga bituka lamang. Subalit, kung ang mga E.coli bacteria ay makararating sa mga bato, maaaring pagmulan ito ng impeksyon. Ang mga bacteria na ito ay maaaring makarating sa mga bato sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng UTI. Ito ang pinakapangunahing sanhi ng kidney infection. Kung hindi ito magagamot, ang mga bacteria ay maaaring kumalat at makarating ng mga bato.
  • Pagkakaroon ng mga bato sa bato o kidney stone. Kahit walang UTI, maaari pa ring magkaroon ng kidney infection kung ang pasyente ay mayroong mga kidney stone. Ito ay ang mga namuong mineral sa loob ng mga bato bunga ng labis na pagkain ng maaalat, dehydration, at iba pa.
  • Hindi wastong paglilinis ng ari pagkatapos dumumi. Tandaan na ang mga coli bacteria ay naninirahan sa mga bituka at lumalabas ang mga ito kasama ng dumi. Kung hindi nalilinis nang wasto ang ari pagkatapos dumumi, maaaring makapasok ang mga bacteria sa daluyan ng ihi at makarating sa mga bato.
  • Pakikipagtalik nang madalas. Maaari ring makarating ang mga bacteria sa mga bato kung madalas ang pakikipagtalik. Mas mataas ang posibilidad na maapektuhan ng kondisyon na ito kung iba-iba ang mga katalik.
  • Paggamit ng urinary catheter. Ang urinary catheter ay isang maliit na tubo na ipinapasok sa ari ng pasyente kapag siya ay wala pang kakayanang umihi. Karaniwang ikinakabit ito kapag walang malay ang pasyente o kaya naman ay katatapos pa lamang siyang operahan. Kung hindi regular na pinapalitan ang urinary catheter, maaaring pamahayan ito ng mga bacteria at makarating sa mga bato.

Mga Sintomas

Image Source: www.draliabadi.com

Gaya ng nabanggit noong una, ang mga sintomas ng kidney infection ay halos natutulad sa UTI. Masasabing may impeksyon sa bato ang isang tao kung siya ay nakararanas ng mga sumusunod:

  • Pananakit ng ari habang umiihi
  • Malabo at madilaw na kulay ng ihi
  • Pagkakaroon ng nana o dugo sa ihi
  • Pananakit ng likod o tagiliran
  • Madalas na pag-ihi
  • Pakiramdam na kailangang umihi kahit katatapos lamang
  • Pagkakaroon ng mabahong ihi
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pagduduwal at pagsusuka
  • Panginginig ng kalamnan

Kung may impeksyon ang katawan, karaniwan ding nagkakaroon ng lagnat. Senyales ito na nilalabanan ng immune system ang mga bacteria sa katawan.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.freepik.com

Ang impeksyon sa bato ay nakaaapekto sa kahit na sinuman. Subalit, maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyon na ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagiging babae. Ang mga kababaihan ay mas madalas maapektuhan ng kidney infection sapagkat mas maikli ang kanilang daluyan ng ihi. Dahil dito, ang mga bacteria ay mas madaling makapapasok sa pantog papuntang mga bato.
  • Pagiging aktibo sa pakikipagtalik. Kung aktibo sa pakikipagtalik, maaaring mapasukan ng mga bacteria ang ari. Ito ay lalo na kung hindi malinis sa katawan ang kapareha o kaya naman ay hindi ginagawa ang tamang paglilinis ng ari matapos makipagtalik.
  • Pagkakaroon ng ibang problema sa urinary system. Maaari ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon sa bato kung ang pasyente ay mayroong baradong daluyan ng ihi, pinsala sa mga nerve ng pantog, at vesicoureteral reflux (pagbalik ng ihi sa pantog at bato).
  • Pagkakaroon ng mahinang resistensya. Kung mahina ang resistensya, mas madaling magkaroon ang katawan ng iba’t ibang sakit. Maaaring hindi mapigilan ng immune system ng katawan ang mga bacteria na sumasakop dito.

Mga Komplikasyon

Image Source: www.independent.co.uk

Kung hindi malulunasan ang impeksyon sa bato, maaaring tuluyang magkaroon ng pangmatagalang pinsala ang mga bato at magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:

Ang mga nabanggit na komplikasyon ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente lalo na ang kidney failure at sepsis. Kaya naman, iminumungkahi na magpakonsulta agad sa doktor kung may nararamdamang mga sintomas.

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Ang impeksyon sa bato ay maaaring ma-iwasan. Upang lumiit ang posibilidad na maapektuhan ng kondisyong ito, gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:

  • Huwag pigilan ang ihi upang hindi tumagal ang mga bacteria sa loob ng pantog. Siguraduhing nailabas lahat ng ihi at huwag magmadali.
  • Pagkatapos makipagtalik, umihi upang “mahugasan” ang ari at mailabas ang anumang nakapasok na Hugasan din ang ari at paligid nito upang mawala ang mga bacteria.
  • Uminom ng 8 baso ng tubig araw-araw upang maging regular ang pag-ihi at mailabas ang anumang bacteria sa katawan.
  • Sa mga kababaihan, punasan ang ari mula sa harap papunta sa likod upang hindi mabahiran ng dumi ang ari.
  • Iwasan ang paggamit ng mga deodorant spray at douche sapagkat maaaring magdulot ang mga ito ng pagkairita sa ari.

Sanggunian