Buod
Sa kondisyong sinusitis, nagkakaroon ng impeksyon at pamamaga ang mga sinus. Ang mga sinus ay maliliit na kinalalagyan ng hangin na matatagpuan sa gitna ng ilong at mata. Kung ang mga bahaging ito ay mababarahan, maaaring mapasukan ang mga ito ng mucus o sipon at pagpugaran ng mga mikrobyo. Dahil dito, ang pasyente ay maaaring magkaroon ng baradong ilong, sipon na tila umaagos sa lalamunan, pananakit ng mukha, pananakit ng ulo, kati ng lalamunan, ubo, mabahong hininga, at iba pa.
Ang karaniwang sanhi ng sinusitis ay mga mikrobyong gaya ng virus at bacteria. Kadalasang nagkakaroon ng sinusitis kapag ang isang tao ay may ubo at sipon, alerhiya, nasal polyps, o deviated septum. Maaari namang mawala ang impeksyon sa sinus sa pamamagitan ng paglalapat ng mga simpleng lunas sa bahay, lalo na kung ang mga sintomas ay hindi gaanong malubha. Maaari ring magreseta ang mga doktor ng mga gamot na makatutulong sa pagpapaginhawa ng pakiramdam ng pasyente, gaya ng decongestant, nasal spray, pain reliever, at iba pa. Batay din sa sanhi nito, maaari ring magbigay ang doktor ng antibiotic, anti-allergy injection, o anti-fungal medication. Maaari ring sumailalim sa operasyon ang pasyente kung wala talagang mga gamot ang bumibisa sa kanya.
Kasaysayan
Noong sinaunang panahon, wala pang ideya noon ang mga tao kung ano ang itsura ng mga paranasal sinus. Subalit pagsapit ng taong 1489, nagawang maiguhit ni Leonardo da Vinci ang mga bahaging ito. Ganunpaman, ang kanyang mga larawang naiguhit ay binigyang-pansin lang ng mga taong nasa larangan ng agham noong bandang 1901.
Noong taong 1651 naman, si Nathaniel Highmore, isang British surgeon at anatomist, ay tinaguriang bilang kauna-unahang tao na nakapaglahad ng detalyadong impormasyon at paglalarawan sa maxillary sinus. Ang sinus na ito ay ang pinakamalaking air sinus sa katawan. Dahil sa mga pagkakatuklas na ito, mas naintindihan na ng mga sumunod na doktor at mananaliksik ang mga sakit na maaaring makaapekto sa bahaging ito.
Mga Uri
Ang sinusitis ay mayroong dalawang pangunahing uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Acute sinusitis. Ang acute sinusitis ay karaniwang dulot ng virus ng ordinaryong sipon o kaya naman ay mga alerhiya na napapanahon. Kadalasang nagtatagal lamang ang kondisyong ito ng hanggang 2 linggo.
- Chronic sinusitis. Sa chronic sinusitis naman, maaaring ito ay dulot ng bacterial infection. Maaaring dulot din ito ng mga structural nasal problem, gaya ng nasal polyps at deviated septum. Kadalasang nagtatagal ito ng 3 buwan o higit pa.
Mga Sanhi
Image Source: kvennabladid.is
Ang pinakapangunahing sanhi ng impeksyon sa sinus ay mga mikrobyong gaya ng virus at bacteria. Kung minsan, maaari ring sanhi ito ng fungus. Subalit, makakapasok lamang ang mga mikrobyong ito sa sinus ng dahil sa mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng ubo at sipon
- Pagkakaroon ng alerhiya
- Pagkakaroon ng nasal polyps sa lining ng loob ng ilong
- Pagkakaroon ng deviated septum
Ang nasal polyps ay mga tila maliliit na butil-butil na tumutubo sa lining ng ilong, samantalang ang deviated septum ay ang pagkakaroon ng tabinging buto sa gitna ng ilong.
Mga Sintomas
Image Source: www.quickanddirtytips.com
Batay sa sanhi at tindi ng kondisyon, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng baradong ilong
- Pamamaga ng loob ng ilong
- Pagkakaroon ng sipon na tila umaagos sa lalamunan
- Pananakit ng mukha lalo na sa bahaging mga mata, ilong, at pisngi
- Pananakit ng ulo
- Kati ng lalamunan
- Palagiang pag-ubo
- Mabahong hininga
- Hirap sa paghinga
- Bahagyang pagkawala ng pang-amoy at panglasa
- Pananakit ng tenga
- Pananakit ng itaas na bagang at ngipin
- Panghihina o pagkapagod
Mga Salik sa Panganib
Ang kahit na sinuman ay maaaring magkaroon ng impeksyon sa sinus o sinusitis. Subalit mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito ang mga sumusunod:
- Mga taong madalas magkaroon ng ubo at sipon
- Mga taong may seasonal allergy
- Mga taong naninigarilyo o mga taong nalalantad sa secondhand smoking
- Mga taong may structural nasal problem, gaya ng nasal polyps at deviated septum
- Mga taong may mahihinang resistensya
- Mga taong may iba pang sakit na gaya ng HIV
Mga Komplikasyon
Kung hindi malalapatan ng tamang lunas ang sinusitis, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod na komplikasyon:
- Impeksyon sa mata
- Thrombosis
- Meningitis
- Brain abscess
- Impeksyon sa buto
Pag-Iwas
Image Source: www.prnewswire.com
Upang hindi magkaroon ng impeksyon sa sinus, iminumungkahing gawin ang mga sumusunod:
- Ugaliing maghugas ng mga kamay upang matanggal ang mga mikrobyo na maaaring mapunta sa mukha kapag hinawakan ito.
- Iwasan ang mga taong may ubo at sipon upang hindi mahawaan nito.
- Kung naninigarilyo, mas mainam na itigil ito. Kung hindi naman naninigarilyo, umiwas sa mga taong naninigarilyo upang hinid makalanghap ng usok nito.
- Gawing malamig at mamasa-masa ang hangin sa loob ng kuwarto gamit ang humidifier upang maging mas maayos ang paghinga.
- Magpabakuna ng flu vaccine taun-taon upang lumakas ang resistensya ng katawan laban sa mga trangkaso.
- Kumain ng mga masusutansyang pagkaing gaya ng gulay prutas, isda, at karne upang hindi maging sakitin.
- Iwasan ang mga allergen o mga bagay na nakapagdudulot ng alerhiya.
Sanggunian
- https://acaai.org/allergies/types/sinus-infection
- https://www.health.harvard.edu/diseases-and-conditions/what_to_do_about_sinusitis
- https://www.healthline.com/health/how-to-get-rid-of-sinus-infection
- https://www.aaaai.org/conditions-and-treatments/allergies/sinusitis
- https://acaai.org/allergies/types/sinus-infection
- https://timesofindia.indiatimes.com/life-style/food-news/what-to-eat-and-what-to-avoid-if-you-have-sinus/articleshow/68684677.cms
- https://www.webmd.com/allergies/sinusitis-and-sinus-infection#1
- https://www.healthline.com/health/sinusitis
- https://www.nhs.uk/conditions/sinusitis-sinus-infection/
- https://www.cdc.gov/antibiotic-use/community/for-patients/common-illnesses/sinus-infection.html
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/9842524
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/307190#complications