Buod
Ang impeksyon sa tenga ay isang karamdaman na maaaring makaapekto sa lahat ng tao. Bagama’t ito ay kadalasang hindi malubhang sakit, maaari pa rin ito magdulot ng mga komplikasyon kung hindi ito mabibigyan ng agarang lunas. Ang iba’t ibang mga impeksyon sa tenga ay matagal nang laganap, ngunit nagkaroon lamang ng higit pang kaalaman tungkol sa mga ito noong ika-19 na siglo nang ma-imbento ang otoscope. Ito ay isang aparatong ginagamit ng mga doktor upang masuri ang tenga.
Maraming uri ng impeksyon sa tenga, kasama na ang mga sumusunod: otitis externa, otitis media, otitis interna, infectious myringitis, acute mastoiditis, vestibular neuronitis, at herpes zoster of the ear. Ang mga sanhi ng mga ito ay maaaring viral, bacterial, o fungal.
Ang mga sintomas naman ng impeksyon sa tenga ay naaayon sa uri nito, ngunit ang mga gamot at lunas ay halos magkakatulad lamang. Ang paggamit ng mga antibiotic o mga eardrop na may steroid ay ang ilan sa mga gamot para sa mga impeksyon sa tenga. Itinuturing na madali rin ang pag-iwas sa mga impeksyong ito dahil ang kinakailangan lamang ay ang pagiging malinis sa katawan at maingat sa pinagliliguan na tubig.
Kasaysayan
Noong sinaunang panahon, kakaunti pa lamang ang kaalaman tungkol sa mga karamdamang nakaaapekto sa tenga. Ito ay nagbago lamang sa pagdating ng ika-17 na siglo, kung kailan nagsimulang magkaroon ng mga pag-aaral ukol sa mga karamdamang ito. Bukod dito, ang impeksyon sa tenga ay itinuring bilang pangkaraniwang uri ng karamdaman, lalo na sa mga batang lumalaki sa kahirapan.
Nagkaroon ng mas marami pang kaalaman tungkol sa mga impeksyon sa tenga noong 1860 nang ma-imbento ni Von Troeltsh ang otoscope. Ito ay isang aparatong ginagamit ng mga doktor upang makita nang maayos ang looban ng tenga. Bago magkaroon ng mga antibiotic na gamot, ang pangunahing paraan ng paglunas sa mga impeksyon at komplikasyon sa tenga ay tumututok sa pag-alis ng likido na kadalasang lumalabas mula rito.
Mga Uri
Maraming uri ng mga impeksyon sa tenga at matutukoy lamang ang tiyak na uri nito sa pamamagitan ng pagsusuri ng isang doktor. Narito ang mga iba’t ibang uri ng karamdamang ito:
Otitis externa. Otitis externa o swimmer’s ear ang tawag kapag ang outer ear ang apektado ng impeksyon. Ang madalas na mga sanhi nito ay ang pagligo o paglangoy sa maruming tubig, anumang pisikal na pinsala sa tenga, at ang masyadong madalas na paglinis ng tenga. Maaaring manggaling sa fungi o bacteria ang impeksyong ito.
Otitis media. Ang impeksyon namang nakaaapekto sa gitnang bahagi ng tenga (middle ear) ay tinatawag na otitis media. Maaaring viral o bacterial ang sanhi ng impeksyon nito. Maraming komplikasyong maaaring makuha mula rito, gaya ng meningitis, labyrinthitis, pagkabingi, at pagkaparalisa ng mukha kapag ito ay hindi nagamot kaagad. Maaari ding maging acute, chronic, o serious otitis media ang karamdamang ito:
- Acute otitis media. Acute ang tawag kapag ang impeksyon ay hindi nagtatagal. Ito ang madalas na uri ng otitis media na nakukuha ng mga bata.
- Chronic otitis media. Chronic otitis media naman ang tawag kapag ang impeksyon ay nagtatagal o kapag ito ay pabalik-balik. Madalas mangyari ito kapag ang kontaminadong likido ay naiiwan pa rin sa middle ear.
- Serious otitis media. Tinatawag na serious otitis media o glue ear kapag ang impeksyon ay nagkaroon ng maraming nana at likido sa tenga. Mas mataas ang pagkakaton na magkaroon nito ang mga batang may edad 6 na buwan hanggang 2 na taon.
Otitis interna. Tinatawag na otitis interna ang impeksyon kapag ang apektadong bahagi ay ang inner ear. Ito rin ay kilala sa mga tawag na labyrinthitis o vestibular neuritis. Kapag ito ay hindi nabigyan ng agarang lunas, maaari itong magdulot ng pagkabingi.
Infectious myringitis. Kapag ang eardrum ay namamaga dahil sa impeksyon, ito ay tinatawag na infectious myringitis. Dahil sa pamamaga, maaaring magkaroon ng maliliit na mga paltos sa loob ng tenga. Ang posibleng sanhi ng impeksyong ito ay viral o bacterial.
Acute mastoiditis. Acute mastoiditis ang tawag kapag ang mastoid, o ang buto sa likod ng tenga, ay nagkaroon ng impeksyon dulot ng pagkakaroon ng acute otitis media. Kapag hindi ito nagamot kaagad, maaari itong magdulot ng mga malalalang komplikasyon tulad ng pagkabingi, pagkalason sa dugo, meningitis, at pagkaparalisa ng mukha.
Vestibular neuronitis. Kapag ang vestibular system ang nagkaroon ng impeksyon, ito ay tinatawag na vestibular neuronitis. Ang pangunahing sanhi ng impeksyon nito ay viral.
Herpes zoster of the ear. Ang komplikasyon na ito ay maaaring mangyari kapag ang pasyente ay mayroong bulutong o shingles. Kadalasan namang naaapektuhan nito ang mga auditory nerve sa tenga. Sa malalalang mga kaso, maaaring kumalat ang impeksyong ito sa iba pang ugat sa mukha at magdulot ng pamamaga at pagkaparalisa.
Mga Sanhi
Ang iba’t ibang sanhi ng karamdamang ito ay puwedeng makapagsabi kung anong uri ng impeksyon sa tenga ang maaaring makuha ng isang tao. Narito ang mga maaaring maging sanhi:
- Mga bacteria, virus, at fungi. Ang pangunahing sanhi ng mga impeksyon sa tenga ay ang pagkalantad sa mga mga bacteria, virus, at fungi na maaaring magdulot ng reaksyon sa tenga. Maaaring magkaroon ng impekson sa tenga mula sa mga ito sa pamamagitan ng madalas na paghawak sa tenga o ng pagligo at paglangoy sa maruming tubig.
- Pagkakaroon ng komplikasyon dulot ng sipon at trangkaso. Maaaring maging komplikasyon ang impeksyon sa tenga galing sa iba pang mga karamdaman tulad ng sipon at trangkaso dahil ang mga apektadong bahagi ay malapit sa mga tenga.
- Pagkakaroon ng mga allergy o alerhiya. Ang impeksyon sa tenga ay maaari ring maging bunga ng komplikasyon ng alerhiya, lalo na ng mga malalalang kaso nito.
- Hindi pagpapatuyo nang maayos ng tenga pagkatapos lumangoy o maligo. Ang natirang tubig sa tenga ay maaaring maging tirahan ng mga bacteria, virus, at fungi na puwedeng magdulot ng mga impeksyon sa tenga.
- Madalas na paglinis ng loob ng tenga. Ang tutuli o ear wax ay tumutulong sa pagpigil ng mga bacteria, virus, o fungi na makapasok sa tenga. Kapag madalas ang paglilinis sa loob ng tenga, nawawalan ng bisa ang tutuli at ito ay maaaring magdulot ng impeksyon.
- Biglaang pagbago ng air pressure. Ang biglaang pagbago ng air pressure ay maaaring makasakit sa tenga at magdulot ng impeksyon. Kadalasan itong nangyayari habang nakasakay sa eroplano o sa
Mga Sintomas
Image Source: www.medinaction.com
Ang mga nararamdamang sintomas ng karamdamang ito ay batay sa tiyak na uri ng impeksyon sa tenga. A:
- Pamamaga at pamumula ng tenga. Dahil sa impeksyon, ang ilang bahagi ng tenga ay maaaring mamaga at mamula. Halos lahat ng uri ng impeksyon sa tenga ay nagdudulot ng ganitong sintomas.
- Pananakit ng tenga. Ang sintomas na ito ay madalas maranasan dahil sa otitis externa, otitis media, at acute mastoiditis.
- Pagkaroon ng nana at likido sa loob ng tenga. Maaari rin magbara ang tenga dahil sa mga likido at nana. Ang otitis externa, otitis media, infectious myringitis, at acute mastoiditis ay nagpapakita ng sintomas na ito. Ito rin ang pangunahing sintomas para sa serious otitis media.
- Makating tenga. Ang pangangati ng tenga ay maaaring maging sintomas ng otitis externa.
- Mahinang pandinig. Puwedeng humina pansamantala ang pandinig ng pasyenteng may impeksyon sa tenga dahil sa pamamaga o pagbara dulot ng nana o likido.
- Lagnat. Dahil sinusubukang labanan ng katawan ang impeksyon sa tenga, maaaring magkaroon ang pasyente ng lagnat. Ito ay puwedeng maranasan ng mayroong otitis media, infectious myringitis, at acute mastoiditis.
- Pagkawala ng balanse, pagkalula, o pagkakaroon ng vertigo. Ang mga sintomas na ito ay madalas magpakita kapag ang pasyente ay mayroong vestibular neuronitis o herpes zoster of the ear.
- Pagkakaroon ng masasakit na maliit na mga paltos sa loob ng tenga. Maaaring magkapaltos sa tenga kapag ang pasyente ay mayroong infectious myringitis o herpes zoster of the ear.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Nagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng impeksyon sa tenga ang sumusunod na mga salik:
- Paglangoy nang madalas. Dahil napatataas ng madalas na paglangoy ang pagkakataon na magkaroon ng natitirang tubig sa loob ng tenga, maaari din nitong maipataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng impeksyon sa tenga.
- Pagkakaroon ng diabetes. Maaring maging komplikasyon ng diabetes ang impeksyon sa tenga.
- Pagkakaroon ng mahinang immune system. Dahil mahina ang panlaban sa sakit ng isang katawang mayroong autoimmune disorder, maaari ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng mga impeksyon sa tenga.
- Pagkakaroon ng mga sakit sa balat, gaya ng eczema o psoriasis. Ang ilang mga karamdamang nakaaapekto sa balat ay maaaari ring magdulot ng impeksyon sa tenga.
- Paninigarilyo o madalas na pagpunta sa mga mauusok na lugar. Ang usok ay nakaiirita para sa tenga at ito ay maaari ring magdulot ng impeksyon dito.
- Pagsakay sa eroplano nang madalas. Dahil isa sa mga posibleng sanhi ang biglaang pagbago ng air pressure, madalas din magkaroon ng mga impeksyon sa tenga ang mga sumasakay sa eroplano.
- Pagiging bata. Ang mga bata ay mas madalas na magkaroon ng impeksyon sa tenga dahil hindi pa ganun kalakas ang kanilang mga immune system at mas madaling mairita ang kanilang mga tenga.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Ang sumusunod na mga paraan ay maaaring makatulong sa pag-iwas sa mga impeksyon sa tenga:
- Pag-iwas sa pagligo o paglangoy sa maruming tubig
- Madalas at maayos na paghugas ng kamay
- Pag-iwas sa mga mataong lugar
- Pag-iwas sa mga mauusok na lugar
- Paghinto ng paninigarilyo
- Maayos na pagpapatuyo ng tenga pagkatapos lumangoy o maligo
Sanggunian
- A brief history of Otitis Media – https://www.healio.com/pediatrics/journals/pedann/2000-10-29-10/%7Bf10e122a-0f55-4715-b6c0-e7e842864b1c%7D/a-brief-history-of-otitis-media
- Ear Infections: Causes, Symptoms, and Diagnosis – https://www.healthline.com/health/ear-infections
- Ear infections in adults – https://www.medicalnewstoday.com/articles/319788.php
- Otitis Media (Middle Ear Infection) – https://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=otitis-media-middle-ear-infection-90-P02057
- Ear Infections: Better Health Channel – https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/ear-infections
- Outer Ear Infection (Swimmer’s Ear) – https://www.healthline.com/health/otitis-externa
- Otitis Interna: Causes, Symptoms, and Diagnosis – https://www.healthline.com/health/otitis-interna#treatment