Buod

Ang trangkaso ay isang uri ng karamdaman ng upper respiratory tract na bunga ng impeksyon mula sa influenza virus. Ang pangalan nito na influenza (na madalas paikliin bilang “flu”) ay nagmula sa salitang “influence” sa wikang Italyano dahil sa paniniwala noong nakaraan na sanhi ito ng masamang impluwensyang astrological. Maituturing isang pana-panahong karamdaman ang trangkaso. Ito ay dahil sa pagtaas ng bilang ng mga taong nagkakasakit nito tuwing flu season—o mga buwan kung kailan lalong kumakalat ang mga virus na nagdudulot ng trangkaso. Dito sa Pilipinas, ang flu season ay kadalasan tuwing Hulyo hanggang Agosto.

Taon-taon, tinatayang humigit-kumulang sa 480,000 na tao ang nagkakasakit ng trangkaso sa ating bansa. Ang bilang naman na ito ay umaabot ng hanggang 5 milyong tao sa buong mundo. Sa mga ito, tinatayang 600,000 na tao naman ang namamatay mula sa mga komplikasyon na dala ng sakit na ito. Sa katunayan, ang trangkaso ay isang uri ng karamdamang nagkakaroon ng madalas na outbreak na kung minsan ay humahantong sa pagiging epidemya.

May pagkakahawig ang mga sintomas ng trangkaso sa sipon. Kagaya ng sipon, ang mga taong tinatrangkaso ay nagkakaroon din ng baradong ilong at pamamaga ng lalamunan. Ang pinagkakaiba ng trangkaso sa sipon ay may iba pang mas malubhang sintomas ang trangkaso gaya ng pagkakaroon ng lagnant, pagkirot ng kalamnan, at pagduduwal.

Kadalasan, ang mga tinatrangkaso ay hindi nangangailangan ng masinsinang paggamot maliban sa pahinga at pag-inom ng maraming likido tulad ng tubig. Ngunit, nakabubuti paring subaybayan nang mabuti ang kanilang mga kondisyon hanggang sa sila ay tuluyang gumaling.

Kasaysayan

Ang mga sintomas ng trangkaso ay unang inilarawan ni Hippocrates mga 2,400 na taon na ang nakalilipas. Mula noon, nakilala ito bilang isang mapanganib na karamdaman sa kasaysayan ng mundo. Ito ay dahil ang trangkaso ay isa sa ilang mga sakit na nagiging isang pandemic o uri ng sakit na maaaring mabilisang kumalat sa maraming bansa at makahawa sa malaking bahagi ng populasyon.

Sa katunayan, hindi lang isa kundi siyam na beses  na nagkaroon ng influenza pandemic o malawakang pagkakaroon ng sakit na ito. Ang isa sa mga naunang naitala ay noong 1889. Ang pinakamalala namang influenza pandemic ay ang nangyari noong 1918 na binansagang Spanish flu pandemic. Tinatayang mula 50 hanggang 100 milyong katao ang namatay noon. Ang pinakahuling pandemic ng trangkaso naman ay naganap noong 2009. Tinatayang higit sa 200,000 katao ang namatay noon.

Sa panig ng paggamot ng trangkaso, ang unang hakbang na nagawa para mapigilan ang pagkalat ng influenza virus ay ang paggawa ng influenza vaccine noong 1944. Ang doktor na responsable para sa pagsulong nito ay si Thomas Francis, Jr. Si Dr. Francis ang unang doktor na naka-isolate ng virus ng trangkaso sa US, at nakibahagi sa paggawa ng bakuna laban sa sakit na ito.

Isa pang dalubhasa na malaki ang kontribusyon sa paggawa ng bakuna laban sa influenza virus na nagdudulot ng trangkaso ay isang virologist o mananaliksik ng mga virus na si Frank Macfarlane Burnet. Natuklasan niya na nawawalan ng bisa ang influenza virus kapag hinalo sa itlog ng manok. Dito nagmula ang pagkultura ng bakuna galing sa mga itlog. Sa katunayan, ang bakuna laban sa influenza virus ay kinukultura pa rin sa ganitong paraan hanggang ngayon.

Mga Uri

Ang mga uri ng trangkaso ay maaaring hati-hatiin ayon sa tatlong uri ng virus na Influenza:

  • Influenza A. Ang influenza A ang pinakadelikado sa mga uri ng influenza virus dahil ito ang tinutukoy na sanhi ng mga influenza pandemic. Nahahati din ang influenza A sa subtype A(H1N1), at subtype A(H3N3).
  • Influenza B. Ang ganitong uri ng virus ay nagdudulot din ng trangkaso. Ang pinagkaiba nito sa influenza A ay hindi ito nagiging sanhi ng pandemic. Hindi rin ito nahahati sa mga subtype, pero galing ang influenza B sa dalawang magkaibang lineage, ang B/Yamagata o B/Victoria.
  • Influenza C. Nagdudulot din ng trangkaso ang influenza C, ngunit mas banayad ang mga sintomas na dala nito.

Mayroong pang-apat na uri ang influenza virus – ang influenza D – pero hindi ito natuklasang nagdudulot ng pagkakaroon ng trangkaso sa mga tao, at nakahahawa lamang sa mga baka.

Mga Sanhi

Kumakalat ang trangkaso sa pamamagitan ng tinatawag na droplet infection. Nangyayari ito kapag bumahing o umubo ang isang taong tinatrangkaso na hindi tinatakpan ang kanilang bibig at ilong. Mula dito, nadadala ng hangin ang mga maliliit na patak ng body fluids na ito na may kasamang virus. Ang mga droplet naman na ito ay maaaring magdulot ng trangkaso kapag nalanghap.

Ang isa pang paraan ng pagkalat ng sakit na ito ay sa pamamagitan ng paghawak ng mga bagay na mayroong influenza virus. Nagsisimula ito sa paghawak ng isang taong may trangkaso sa mga pang-araw-araw na kagamitan tulad ng keyboard ng computer, telepono, o mga hawakan ng pinto. Ang ibang mga tao ay maaari namang mahawa sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagay na ito kapag hindi muna naghugas ng kamay.

Ang paghalik ay puwede ring magkalat ng influenza virus at magdulot ng pagkakaroon ng trangkaso sa iba. Kung nakaugalian ang pagbati sa paraan ng paghalik sa pisngi ay iwasan muna ito tuwing flu season. Lalo ring pag-ingatan ang paghalik ng mga bata at matatanda kung ikaw ay may trangkaso upang hindi lalong kumalat ang influenza virus.

Mga Sintomas

Image Source: newsnetwork.mayoclinic.org

Kung bihira o madalang kang nagkakaroon ng trangkaso ay maaari mong mapagkamalang sipon lamang ito. Ito ay dahil may mga sintomas ang trangkaso na magkahalintulad sa sipon gaya ng:

  • Pamamara ng ilong na may kasamang uhog. Madalas makita ang sintomas na ito sa magkaparehong karamdaman. Ang pagkakaiba ay hindi ito tumatagal sa mga taong may sipon, at tumatagal naman sa mga tinatrangkaso.
  • Pag-ubo at pamamaga ng lalamunan. Pangkaraniwan din ito sa sipon at trangkaso.
  • Pananakit ng ulo o headache. Madalas ito nangyayari sa mga tinatrangkaso at paminsan-minsan lamang sa mga may sipon.

Ang mga sumusunod na sintomas naman ay maaaring makita sa parehong sipon at trangkaso. Ang pagkakaiba nilang dalawa ay mas malubha ang mga sintomas ng pagkakaroon ng trangkaso kaysa sa sipon, gaya ng:

  • Pagkapagod o fatigue
  • Pangingirot ng kalamnan at kasukasuan
  • Panlalamig na may kasamang panginginig

Ang mga sumusonod naman ay mga sintomas na madalang makita sa sipon ngunit pangkaraniwan sa trangkaso.

  • Mataas na lagnat. Ang trangkaso ay maaaring magdulo ng lagnat na umaabot sa 38 centigrade at tumatagal ng 3 hanggang 5 na araw.
  • Pagduduwal, pagsusuka, at pagtatae. Ang mga sintomas na ito ay paminsan-minsan lamang nakikita sa mga matatanda, ngunit mas madalas sa mga bata.

Mga Salik sa Panganib

Ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng trangkaso ay nai-uugnay sa lakas ng resistensya ng tao katulad ng:

  • Mga kondisyon sa trabaho at paninirahan o working and living conditions. Mas madaling mahawaan ng karamdamang ito ang mga naninirahan sa mga masisikip na lugar na kung saan ay maraming tao rin ang nakatira.
  • Mga may compromised immunity. Ang ilang maaaring makapagdulot ng compromised immunity o paghina ng resistensya ay ang mga ilang karamdaman (HIV/AIDS), gamot (corticosteroids), o paggagamot laban sa kanser (radiation therapy).
  • Mga buntis. Ang mga buntis ay mas madaling mahawaan ng influenza virus na nagdudulot ng flu o trangkaso, lalo na kung ang pinagbubuntis ay nasa pangalawa o pangatlong trimester.
  • Mga mayroong chronic na sakit. Halimbawa ng mga chronic na sakit na maaring maging salik sa panganib ng trangkaso ay ang hika, diabetes, sakit sa puso, at chronic obstructive pulmonary disease (COPD).
  • Obesity o pagkakaroon ng labis na timbang. Bukod sa mas madaling pagkahawa ng trangkaso sa mga taong obese, mas matagal din silang puwedeng makahawa ng ibang tao. Tinuturing na obese ang mga taong may body mass index o BMI na 40 pataas.
  • Edad. Gaya ng naunang nabanggit, sakop dito ang mga batang mas mababa sa limang taong gulang, at matatanda na higit sa 65 na taong gulang.

Pag-Iwas

Image Source: pia.gov.ph

Ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng trangkaso ay ang regular na pagbabakuna laban dito. Sa katunayan ay inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang taun-taong pagpapabakuna laban sa influenza virus. Kailangan lang tandaan na habang hindi napipigilan ng influenza vaccine ang pagkaroon ng trangkaso, ngunit labis na nakababawas ito sa kalubhaan ng sakit, pati na rin sa maaaring mga komplikasyong dulot nito.

Ang WHO ay nagrerekomenda rin na ang mga may mataas na salik sa panganib ng pagkakaroon ng trangkaso ay magpabakuna laban dito taun-taon. Kabilang dito ang mga taong pasok sa sumusunod na grupo:

  • Babaeng buntis
  • Batang may edad na anim na buwan hanggang limang taong gulang
  • Matatandang may edad na 65 na taon pataas
  • May chronic na karamdaman
  • Mga healthcare worker

Maaari ring umiwas sa mga lugar na mataas ang salik sa panganib ng pagkahawa nito gaya ng matao at masisikip na lugar, lalong-lalo na tuwing flu season. Kapag may nakahahalubilong mga taong maaaring tinatrangkaso, iwasan na hawakan ang iyong mga mata, ilong, at bibig sapagkat maaari kang mahawaan ng virus.

Kung ikaw naman ay nakararamdaman ng mga sintomas ng trangkaso ay tandaang palaging takpan ang iyong bibig tuwing ikaw ay babahing. Ito ay upang makaiwas na makahawa sa iba. Bukod dito, ay panatilihing maging malinis sa katawan. Pangunahin dito ay ang paghugas ng kamay kapag may nahawakan na maaaring nahawakan ng taong tinatrangkaso.

Malaking bagay din ang pagkakaroon ng malusog na pamumuhay, pagkain nang tama, pag-inom ng tubig at iba pang likido, pag-iwas sa mga bisyo, at pag-ehersisyo nang regular. Ang mga ito ay nakatutulong palakasin ang iyong resistensya laban sa mga sakit na gaya ng trangkaso.

Sanggunian