Insomnia ang tawag sa sakit kung saan nakakaranas ng hirap sa pagtulog o di kaya’y madaling maalimpungatan sa kalagitnaan ng pagtulog. Ang kakulangan sa tulog na dulot ng sakit na insomnia ay maaaring maka-apekto sa pang-araw-araw na gawain o kaya nama’y maka-apekto rin sa kalusugan. Ang insomnia ay maaring panandalian lamang na tumatagal ng ilang araw hanggang ilang linggo o kaya nama’y pangmatagalan na umaabot ng isang buwan o higit pa.
Bakit nagkakaroon ng insomnia?
Image Source: unsplash.com
Ang mga kaso ng insomnia ay maaring dulot ng:
- Isang karanasang nakapag-dulot ng matinding stress gaya ng pagkawala ng trabaho, pagkamatay ng mahal sa buhay, o pagkahiwalay sa asawa.
- Iba pang karamdaman
- Mga kaganapan sa paligid gaya ng malakas na ingay, liwanag, matinding init o lamig.
- Mga iniinom na gamot
- Pagbabago sa nakasanayang oras ng pagtulog
- Depresyon o matinding pag-aagam-agam
- Sobrang pagkain sa gabi.
- Pag-inom ng mga inuming may caffeine at alcohol.
Sino ang maaaring magkasakit ng insomnia?
Walang pinipiling edad o kasarian ang pagkakaroon ng sakit na insomnia ngunit ayon sa isang pag-aaral, mas mataas ng bahagya ang pagkakaroon ng insomnia sa mga kababaihan. Ito ay maaring konektado sa pagbubuntis o sa pagsapit ng menopausal period sa mga kababaihan.
Mas mataas din ang posibilidad na magkakaroon ng insomnia kung:
- Ang edad ay 60 pataas.
- May sakit sa pag-iisip gaya ng depresyon, bipolar disorder at nakakaranas ng troma.
- Ang trabaho ay may pabag-bagong oras o shifting schedule
- Naglakbay ng matagal at nakakaranas ng jet lag