Buod
Sa kondisyon na kabag, na kilala rin bilang gas pain, ang tiyan ay napupuno ng hangin. Kaya, nakapagdudulot ito ng pananakit sa bahaging ito ng katawan. Dagdag dito, karaniwan ding nairereklamo ng mga pasyente na tila parati silang busog at wala nang lugar pa upang malamnan ng bagong pagkain ang kanilang tiyan. Mapapansin din na ito ay nagiging hugis pabilog at mas malaki kaysa sa normal (distended stomach). Bagama’t ang kabag ay kadalasang tumutukoy sa pagkakaroon ng hangin sa tiyan, maaari ring kabagin ito kung ang mga pagkaing kinain ay hindi pa agad natutunaw at nailalabas.
Kadalasan, nakararanas ng pagkabag ang isang tao dahil sa mga uri ng pagkaing kanyang kinakain. Karaniwang nakadadagdag ng sobrang hangin sa tiyan ang mga pagkaing maaalat, matatamis, at mamantika. Bukod dito, kinakabag din ang isang tao kung siya ay labis kung kumain, uminom ng alak, at manigarilyo. Maaari ring magkaroon ng kabag kung kasalukuyang mayroong impeksyon sa tiyan, pagtitibi, at iba pang uri ng problema sa tiyan o gastrointestinal tract.
Upang malunasan ang kondisyong ito, maaaring gamutin lamang ito sa bahay sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot, paglalagay ng heat pad sa tiyan, pag-inom ng tubig, at pag-iwas sa mga pagkaing nakapagpapalaki ng tiyan. Subalit kung ang kabag ay dulot ng ibang karamdaman, iminumungkahi na magpakonsulta sa doktor upang malapatan ito ng tamang lunas.
Kasaysayan
Ang kabag o gas pain ay isang laganap na kondisyon. Bata man o matanda ay maaaring makaranas nito. Kadalasan, ang kabag ay nabibilang din sa mga pangkaraniwang sintomas ng ibang mga problema sa tiyan na gaya ng pagtitibi at irritable bowel syndrome (IBS). Subalit, maaari ring makaranas ng pagkabag kahit walang ibang nararamdamang problema sa katawan.
Walang gaanong mga tala tungkol sa kabag. Subalit ayon sa ilang pag-aaral, 15-30% ng populasyon sa Estados Unidos ay naaapektuhan ng kabag, samantalang 15-23% ng mga Asyano ay nakararanas din nito. Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang isang pasyente ay maaaring makaranas ng iba’t ibang mga sintomas. Kasama na rito ang pagkakaroon ng labis na hangin sa tiyan, pagdanas ng hindi komportableng pakiramdam, pagbigat ng tiyan, at pakiramdam na tila parating busog.
Ayon din sa mga pag-aaral, mas naaapektuhan ng kabag ang mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Ito ay bunga na rin ng mga pagbabagong hatid ng pagreregla. Bukod dito, napag-alaman na ang mga obese o mga taong may labis na timbang ay mas naaapektuhan ng kabag dahil madalas din silang mayroong kakulangan pagdating sa malusog na pamumuhay.
Batay naman sa isang survey o pagsisiyasat na isinagawa sa Estados Unidos, 65% ng mga tao ay nagsasabi na malala ang mga sintomas ng kabag na kanilang nararamdaman, samantalang 54% naman sa kanila ay nagsasabing naaapektuhan na ng kabag ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Dagdag dito, 43% ng mga taong kabilang sa survey ay nagsabing umiinom sila ng mga gamot upang malunasan lamang ang kanilang kondisyon.
Mga Sanhi
Image Source: unsplash.com
Nagkakaroon ng kabag o gas pain sapagkat nagkakaroon ng sobrang hangin sa loob ng tiyan. Maaari ring kabagin ang tiyan kung ang mga pagkaing kinain ay hindi agad natunaw at naidumi. Kadalasan namang naituturo ang mga sumusunod bilang mga sanhi ng pagkakaroon ng kondisyong ito:
- Mga uri ng pagkaing kinakain. Ayon sa mga doktor, ang kadalasang sanhi ng kabag ay ang mga uri ng pagkaing kinakain, gaya ng mga sumusunod:
- Pagkaing mayaman sa mga carbohydrate. May ilang pagkain na mayaman sa mga carbohydrate na hindi madaling matunaw sa tiyan na gaya ng fermentable oligo-di-monosaccharides and polyols o FODMAPs. Ilan sa mga pagkaing mayaman sa FODMAPs ay mga artichoke, pea, asparagus, koliplor, kabute, bawang, sibuyas, barley, rye, at wheat.
- Pagkaing mayaman sa fiber. Ang pagpili ng mga pagkaing mayaman sa fiber ay kadalasang nakatutulong upang mapadalas ang pagdumi at maka-iwas sa kabag. Subalit, ang mga soluble fiber na uri ay maaaring magdulot ng labis na hangin sa tiyan. Kasama na rito ang mga cereal, bawang, sibuyas, wheat, saging, at iba pa.
- Matatamis na pagkain at inumin. Ang ilang matatamis na pagkain at inumin na mayaman sa lactose at fructose ay maaari ring magdulot ng kabag. Halimbawa nito ay ang corn syrup, mansanas, mangga, pakwan, cherry, peras, mga soft drink, at iba pa.
- Mga dairy product. Ang mga dairy product na gaya ng gatas ng baka, yogurt, keso, krema, sorbetes, butter, custard at pudding ay maaaring maging sanhi rin ng kabag sapagkat ang mga ito ay mayaman sa
- Mga bean o legume. Ang mga bean o legume na gaya ng sitaw, bataw, at patani ay maaari ring magdulot ng kabag sapagkat ang mga ito ay naglalaman din ng FODMAP na mga carbohydrate.
- Mga pagkaing mamantika. Isa rin sa mga sanhi ng kabag ay ang mga pagkaing mamantika na gaya ng pritong manok, hamburger, French fries, at anumang pagkain na piniprito o ginagamitan ng mantika.
- Mga pagkaing maaalat. Ang mga maaalat na pagkain ay nagiging sanhi rin ng pagka-ipon ng tubig sa ilang mga bahagi ng katawan, kasama na ang tiyan. Ang kondisyong ito ay tinatawag na fluid retention. Dahil sa fluid retention, ang tiyan ay maaaring lumobo at lumaki sapagkat hindi nailalabas ang sobrang tubig sa katawan.
- Mga soft drink. Ang pag-inom ng mga soft drink sa pamamagitan ng straw ay maaaring maging dahilan upang makahigop ka ng labis na hangin papunta sa iyong tiyan.
- Mga uri ng pagkaing kinakain. Ayon sa mga doktor, ang kadalasang sanhi ng kabag ay ang mga uri ng pagkaing kinakain, gaya ng mga sumusunod:
- Paraan ng pagkain at dami ng kinakain. Bukod sa mga uri ng pagkain, maaari ring magkaroon ng sobrang hangin ang tiyan sa paraan ng iyong pagkain at kung gaano karami ang iyong kinakain. Kung sobrang bilis kumain, maaaring makalagok ng labis na hangin. Ang madalas na paggamit din ng straw sa mga inumin ay maaaring magdulot din ng kabag. Bukod dito, ang pagkain nang labis ay maaaring maging sanhi rin ng kapag sapagkat lalong mahihirapan ang tiyan na tunawin agad ang mga pagkaing iyong kinain.
- Labis na pag-inom ng alak. Ang labis na pag-inom ng alak ay nagdudulot ng pangangasim sa sikmura. Dahil dito, ang mga lining ng bituka ng tiyan ay maaaring mapinsala at makaranas ng pamamaga. Sa pamamaga ng mga bituka, maaaring pamahayan din ito ng mga bacteria, magdulot ng impeksyon sa tiyan, at magresulta sa kabag.
- Paninigarilyo. Ang paghithit ng sigarilyo ay nagiging sanhi upang makahigop ng labis na hangin sa tiyan. Bukod dito, ang nicotine at ibang mga sangkap sa sigarilyo ay nakapagdudulot ng pagka-irita sa mga bituka, pamamaga, pananakit ng tiyan, at kabag.
- Pagreregla. Maaari ring magdulot ng kabag ang pagreregla, dulot ng pagbabago ng dami ng mga hormone sa katawan na gaya ng estrogen at progesterone. Dahil dito, ang katawan ng nireregla ay hindi makapaglabas ng sobrang asin at tubig sa kanyang katawan at naiipon ito sa tiyan at iba pang mga bahagi ng katawan.
- Pagtitibi. Ang pagtitibi ay ang hindi regular na pagdumi o pagkakaroon ng sobrang tigas na dumi. Dahil hindi makadumi nang maayos ang pasyente, ang ibang dumi ay naiiwan sa tiyan at nagdudulot ng pagkabag.
- Ibang karamdaman. May ilang mga karamdaman sa gastrointestinal tract, na maaari ring magdulot ng kabag. Halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa tiyan, irritable bowel syndrome (IBS), inflammatory bowel disease, Celiac disease, gastroparesis, kanser sa tiyan, at iba pa.
Mga Sintomas
Ang mga karaniwang sintomas ng hindi malalang kabag ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng pakiramdam na parang busog
- Pananakit ng tiyan
- Pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam
- Palagiang pagdighay
- Hindi normal na paglaki o paglobo ng tiyan
Kung ang kabag ay malubha na, ang pasyente ay maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pamamayat kahit hindi nagpapapayat
- Pagtatae
- Pagdumi nang may dugo
- Pagkakaroon ng heart burn o pangangasim ng sikmura na may paninikip ng dibdib
- Pagdurugo kahit hindi oras ng regla sa mga babae
- Pagkakaroon ng lagnat
Sa ilang mga pagkakataon, posibleng maranasan ang mga malulubhang sintomas na nabanggit sapagkat kumakalat na ang bacteria sa tiyan. Kaya, ang pasyente ay nakararanas na ng pagdurugo at lagnat.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang kabag ay maaaring makaapekto sa kahit na sinuman. Subalit, ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng kondisyong ito:
- Pagiging sanggol at bata. Ang mga sanggol ay madalas na magkaroon ng kabag sapagkat hindi pa ganoon kalakas ang kanilang digestive system. Bukod dito, sila ay madalas din umiyak kaya nakalalagok sila ng mas maraming hangin sa tiyan. Ang mga bata naman ay mahihilig kumain ng mga pagkaing nakapagdudulot ng sobrang hangin sa tiyan, gaya ng matatamis na pagkain at mga dairy product.
- Pagiging matanda. Ang mga matatanda na ay maaaring maapektuhan din ng kabag sapagkat humihina na ang kanilang panunaw. Bukod dito, sila ay madalas ding maapektuhan ng pagtitibi.
- Pagiging babae. Gaya ng nabanggit noong una, ang mga kababaihan ay mas madalas na maapektuhan ng kabag dahil sa mga pagbabagong hormonal ng kanilang katawan, lalo na tuwing sasapit na ang kanilang regla.
- Pagkakaroon ng bisyo. Ang mga taong mayroong bisyong gaya ng labis na pag-inom ng alak at paninigarilyo ay mataas din ang posibilidad na na magkaroon ng kabag. Alalahanin na ang mga alak at sigarilyo ay naglalaman ng mga sangkap na maaaring makapinsala sa mga lining ng bituka at magdulot ng impeksyon sa tiyan.
- Pagiging obese o pagkakaroon ng labis na timbang. Ang mga obese o labis ang timbang ay madalas kinakabag sapagkat wala silang gaanong malusog na pamumuhay.
- Pagkakaroon ng ibang karamdaman. Kung ang isang tao ay may ibang karamdaman, maaaring maapektuhan nito ang pagtunaw ng pagkain sa tiyan at magdulot ng kabag.
Pag-Iwas
Image Source: blogs.discovermagazine.com
Upang maka-iwas sa kabag, kailangang kumain nang balanse at wasto at magkaroon ng aktibong pamumuhay. Bukod dito, iwasan din ang mga bagay na nakapagdudulot ng kabag. Upang hindi maapektuhan ng kondisyong ito, nakatutulong na gawin ang mga sumusunod:
- Iwasan ang labis na pagkain ng mga pagkaing nagdudulot ng sobrang hangin. Iwasan ang labis na pagkain ng mga maaalat, matatamis, at mamantikang pagkain. Iwasan din ang labis na pagkain ng mga dairy product at pag-inom ng mga soft drink. Nakapagdudulot din ng kabag ang mga pagkaing mayaman sa carbohydrates at Bagama’t masusustansya ang mga ito, kailangang balanse lamang ang pagkain ng mga ito.
- Bagalan ang pagkain. Nguyaing mabuti ang kinakain at siguraduhing hindi mabilis ang iyong pagkain. Ang mabilis na pagkain ay nagiging dahilan upang magdulot ng sobrang pagkabuka ng bibig, kaya naman nakalalagok din ng labis na hangin papunta sa tiyan.
- Iwasan ang paggamit ng straw. Hangga’t maaari ay huwag nang gumamit ng straw sa mga inumin. Ito ay dahil nakapagpapataas ito ng posibilidad na makalagok ng hangin papunta sa tiyan. Inumin na lamang ito nang diretso sa mga baso o tasa.
- Bawasan ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo. Ang mga bisyong ito ay nagdudulot ng pangangasim ng sikmura at nakapipinsala ng mga lining ng bituka. Sa pagkapinsala ng mga bahagi ng tiyan, maaaring makaranas ng pagkabag.
- Uminom ng 8 baso ng tubig araw-araw. Upang hindi magkaroon ng pagtitibi at pagkabag, uminom ng 8 basong tubig araw-araw. Kung ikaw ay isang atleta, uminom ng mas maraming tubig batay sa kadalasang nawawalang tubig sa katawan.
- Mag-ehersisyo araw-araw. Ang pag-eehersisyo araw-araw ay nakatutulong upang mailabas ang sobrang hangin sa katawan. Ang paggalaw ng katawan ay maaaring trigger din upang mautot ang isang tao o kaya naman ay mas madaling matunaw at maidumi ang kanyang mga kinain.
Ang kabag o gas pain ay kadalasang isa lamang simpleng kondisyon. Subalit kung may nararanasang pagdurugo at lagnat, magpakonsulta agad sa doktor. Maaaring indikasyon ito na may impeksyon na ang tiyan. Kung ang kabag naman ay dulot ng ibang karamdaman, kailangang gamutin ang ibang sakit o kondisyon upang magamot din ang kinakabag na tiyan.
Sanggunian
- https://familydoctor.org/condition/bloating/
- https://www.hopkinsmedicine.org/health/wellness-and-prevention/bloating-causes-and-prevention-tips
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/321869.php
- https://www.healthline.com/health/abdominal-bloating-and-abdominal-pain
- https://www.webmd.com/diet/features/10-flat-belly-tips
- https://www.healthline.com/health/abdominal-bloating-and-abdominal-pain#treatment
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3816178/
- https://www.livestrong.com/article/444370-why-do-i-get-bloated-when-i-eat-carbs/