Gamot at Lunas

Image Source: unsplash.com

Madali lamang malunasan ang kabag o gas pain lalo na kung ito ay hindi pa malala. Subalit ang paggamot dito ay nakabatay sa kung ano ang naging sanhi nito. Pero kadalasan, ang mga sumusunod na paraan ay nakatutulong upang malunasan ang kabag:

  • Paglagay ng heat pad sa tiyan. Ang paglalagay ng heat pad ay nakatutulong upang ma-relax ang mga kalamnan ng tiyan. Sa pag-relax ng mga kalamnan ng tiyan, maaaring gumana ito nang mas maayos at mailabas nito ang sobrang hangin sa pamamagitan ng pag-utot o pagdumi. Dagdag sa heat pad, maaari ring magtalukbong sa kumot nang pansamantala upang mas maging mainit ang tiyan. Ang dagdag na init ay nakatutulong upang mabawasan ang labis na pag-contract ng mga bituka at pananakit ng mga ito.
  • Pag-inom ng tubig. Kung ang dulot ng kabag ay pagtitibi, uminom ng maraming tubig upang lumambot ang dumi at mailabas ito. Mas mainam ang tubig kaysa sa mga fruit juice at soft drinks dahil ang mga ito ay nakadadagdag lamang ng hangin sa tiyan. Dagdag dito, tinutulak pababa ng tubig ang mga pagkaing nagdudulot ng hangin sa tiyan upang mas mabilis itong mailabas. Kung iinom ng tubig, bagalan lamang ang pag-inom nito nang sa gayon ay hindi na makalagok pa ng labis na hangin.
  • Pag-inom ng tsaa. Bukod sa tubig, ang pag-inom ng tsaa ay maaari ring makatulong upang malunasan ang kabag. Kasama sa mainam na mga tsaa para sa kabag ay ang mga uring peppermint, chamomile, anise, caraway, coriander, at fennel. Ang mga ito ay maaaring mabili sa mga kilalang grocery store. Subalit kung nahihirapan makakita ng mga tsaang ito, maaari namang uminom ng tsaa na gawa sa turmeric o luyang dilaw. Ang pag-inom ng mga ito ay nakatutulong sa pagpapaganda ng paggana ng mga bituka sapagkat mayroon silang antispasmodic effect. Dahil dito, ang mga kalamnan ng bituka ay mas nare-relax at nagreresulta sa mas maayos na pagtunaw sa mga pagkaing nakapagdudulot ng kabag.
  • Pagpili ng mga pagkaing pampadumi. Ang pagdumi ay nakatutulong upang maisabay ang paglabas ng sobrang hangin sa tiyan. Mainam na pampadumi ang pagkain ng hinog na mga papaya, pasas, at prunes, sapagkat ang mga pagkaing ito ay nagtataglay ng maraming fiber. Ang fiber ay ang hindi matunaw na bahagi ng mga halaman na tumutulong sa pagsipsip ng labis na tubig sa mga bituka. Dahil dito, mas mabilis na nailalabas ang dumi sa katawan. Ganunpaman, iminumungkahi ng mga doktor na huwag gawing labis ang pagkain ng mga ito sapagkat maaari pa ring magdulot ng kabag ang labis na dami ng anumang uri ng pagkain.
  • Pag-inom ng tubig na may apple cider vinegar. Ang apple cider vinegar ay isang uri ng suka na kilala sa iba’t ibang mga nakabubuting katangian nito para sa kalusugan ng mga taong may diabetes, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Dahil dito, ang presyo nito ay mas mahal din kaysa sa mga ordinaryong suka. Bukod sa mga nabanggit, mainam din na gamot sa kabag ang apple cider vinegar. May kakayanan kasi itong pataasin ang paggawa ng stomach acid at digestive enzymes, upang mabilis agad matunaw ang mga pagkaing nagdudulot ng kabag. Upang gamitin itong gamot para sa kabag, haluan lamang ng 1 kutsara ng apple cider vinegar ang 1 baso ng tubig. Inumin ito lagi pagkatapos kumain.
  • Pag-ehersisyo. Nakatutulong ang pag-eehersisyo upang makagalaw nang maayos ang mga bituka sa tiyan at mapadali ang pagdumi. Ayon sa mga doktor, pinabubuti rin ng pag-eehersisyo ang paggalaw ng mga kalamnan ng bituka upang mas mabilis nilang mapadaloy at makunan ng nutrisyon ang mga nakain. Hindi naman nangangailangang mag-ehersisyo nang labis-labis. Maging ang simpleng paglalakad o pag-jogging tuwing umaga ay sapat na upang maalis ang kabag.
  • Paghinga nang malalim. Ang paghinga nang malalim ay nakatutulong upang mabawasan ang pananakit ng tiyan dulot ng kabag. Subalit, kung hindi tama ang pagsasagawa nito, maaaring madagdagan lamang ng hangin ang tiyan.
  • Pag-inom ng laxative. Mayroong nabibiling laxative o gamot na pampadumi kung hindi naging mabisa ang mga natural na paraang nabanggit. Tandaan, malaki ang naitutulong ng pagdumi upang mailabas ang labis na hangin sa loob ng tiyan.
  • Pag-inom ng gamot para sa kabag. Hangga’t maaari, subukan muna ang mga natural na pamamaraan bago uminom ng mga gamot para sa kabagSubalit kung hindi talaga mabisa ang mga ito, maaari namang bumili ng gamot para rito. Maaaring makabili ng mga gamot sa kabag sa mga botika kahit walang reseta. Halimbawa ng mga gamot sa kabag ay alpha-galactosidase, simethicone, at charcoal caps. Paalala lamang na kung ikaw ay buntis o nagpapasuso, mas mainam munang magpakonsulta sa doktor bago bumili ng kung anu-anong gamot sa kabag. Maaaring ang mga ito ay may mga side effect o masasamang epekto sa pagbubuntis at pagpapasuso.
  • Pag-inom ng mga activated charcoal supplement. Maraming mga botika at online health shop ang mabibilhan ng mga activated charcoal supplement. Kilala ang supplement na ito sa pag-aayos ng paggana ng sistemang panunaw o digestive system. Bukod dito, puwede rin itong gamiting lunas para sa kabag. Ang activated charcoal kasi ay nagtataglay ng mga sobrang puwang o pagitan na bumibitag sa mga gas molecule ng tiyan kaya naman nababawasan ang hangin nito. Ayon sa ilang mga pag-aaral, mas nagiging mabisa ang supplement na ito kapag sinamahan ng gamot para sa kabag, gaya ng simethicone.
  • Pag-inom ng mga probiotic supplement. Bukod sa activated charcoal supplement, maaari ring uminom ng mga probiotic supplement. Dahil sa taglay nitong mga good bacteria, marami ang nalulunasan nito, gaya ng infectious diarrhea, irritable bowel syndrome, abdominal pain, at pati na rin kabag. Ang mga probiotic supplement na may Bifidobacterium at Lactobacillus strain ay pinaniniwalaan na mas mabisa kaysa sa mga ibang uri.
  • Pagpapagamot ng kasalukuyang digestive problem. Ang kabag na nararanasan ng pasyente ay maaaring isa lamang sa mga sintomas ng kanyang kasalukuyang digestive problem. Halimbawa ng mga digestive problem na nagdudulot ng kabag ay irritable bowel syndrome at lactose intolerance. Ang mga kondisyong ito ay nangangailangan ng espesyal na atensyon at tulong ng doktor sapagkat ang mga ito ay hindi nagagamot ng mga home remedy lamang.

Ang mga nabanggit na lunas ay hindi bibisa kung patuloy pa rin ang pagkain o pag-inom ng mga bawal. Upang maging higit na mabisa ang mga lunas, kailangang sabayan din ito ng pagkakaroon ng mas malusog na pamumuhay. Habang nagpapagaling sa kabag, gawin ang mga sumusunod:

Image Source: www.bbc.com

  • Kumain lamang nang paunti-unti upang hindi madagdagan ng hangin ang tiyan. Dagdag dito, bagalan lamang ang pagkain at ngumuya nang mabuti.
  • Kung may pustiso, siguraduhin na ang sukat nito ay wasto pa sa iyong bibig. Kung maluwag na, kumonsulta sa dentista at magpagawa ng bago. Ang maluwag na pustiso kasi ay maaaring maging sanhi ng sobrang pagkakalunok ng hangin.
  • Iwasan ang mga gawaing nagdudulot ng sobrang pagkakalunok ng hangin, gaya ng pagnguya ng bubble gum, pagsipsip sa mga kendi, at pag-inom gamit ang
  • Itigil muna ang pag-inom ng alak at pagsisigarilyo habang nagpapawala ng kabag. Ang mga bisyo kasing ito ay maaaring magdulot ng pagkapinsala ng mga bituka na maaaring magresulta sa pagkakaroon ng kabag.

Katulad ng ibang uri ng mga kondisyon at sakit na nakaaapekto sa tiyan at ibang bahagi ng digestive system, iminumungkahi na magpatingin sa isang doktor na gastroenterologist kapag malubha na ang mga sintomas na nararamdaman. Magpakonsulta agad sa doktor kung may mga ganitong sintomas na nararanasan:

  • Pagkakaroon ng dugo sa dumi
  • Paiba-ibang tigas o lambot ng dumi
  • Hindi maipaliwanag na pangangayayat
  • Pagtitibi o pagtatae
  • Hindi mawala-walang pagsusuka
  • Hindi mawala-walang pananakit ng tiyan

Bukod sa mga nabanggit, kung ang kabag ay may kasamang pananakit ng dibdib, agad na dalhin ang pasyente sa ospital sapagkat maaaring hindi na ito simpleng kabag lamang. Maaaring ito ay sintomas na ng mas nakababahalang kondisyon, gaya ng sakit sa puso.

Sanggunian