Buod

Ang kagat ng ipis o cockroach bite ay hindi naman isang mapanganib na kondisyon. Kapag nakagat ng ipis, ang bahaging nakagat ay magkakaroon lamang ng isang malaking pantal na madalas ay mas alaki sa kagat ng lamok ang sukat. Mapapansin din na ang pantal ay bahagyang nakaalsa at may ilang maliliit na pantal na nakapalibot dito.

Subalit, hindi man lubos na mapanganib ang kagat ng ipis, puwede naman itong magdulot ng allergic reaction sa ibang tao. Ito ay dahil ang laway ng ipis ay isang allergen at puwedeng magdulot sa mga taong mayroong alerhiya rito ng kahirapan sa paghinga, pamamaga ng daluyan ng hangin, pananakit ng tiyan, pagsusuka, at iba pang kondisyon.

Kung wala aming allergic reaction ang katawan sa kagat ng ipis, maaaring itong gumaling sa loob ng isang linggo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pang-unang lunas sa bahay o home remedy. Kadalasang gumagaling ang kagat ng ipis sa pamamagitan ng pagpapahid ng antiseptic, paglalagay ng yelo, at pagpapahid ng insect bite cream.

Upang maiwasang makagat ng ipis, kailangan lamang panatilihing malinis ang kapaligiran at itago nang wasto ang mga pagkain.

Kasaysayan

Ang mga ipis ay isa mga pinakamatandang nilalang sa mundo. Sila ay nabubuhay na mula noong Carboniferous period, 300 hanggang 350 milyong taon na ang nakalilipas.

Samantala, ang pinakamalalang kaso ng mga kagat ng ipis sa kasaysayan ay nagaganap sa mga barko. Ayon sa mga tala, maraming mandaragat ang nakakagat ng ipis at umaabot sa puntong maging ang kanilang balat at mga kuko ay kinakain na ng mga insektong ito. Dahil dito, ang mga mandaragat ay madalas ng natutulog ng may suot na guwantes para makaiwas sa malubhang pangangagat ng mga ipis.

Sa mga uri ng ipis, ang American cockroach na Periplaneta americana at Australian cockroach na Periplaneta australiasiae ang kadalasang nangangat ng mga tao. Bukod sa mga ito, nangangagat din ng tao ang German cockroach.

Mga Sanhi

Sa katotohanan, ang mga ipis ay napakadalang mangagat ng tao. Kadalasan ay nangangagat lamang ang mga ipis kung kakaunti na lamang ang kanilang nakukuhang pagkain, o kaya naman ay nagambala sila.

Puwede ring makagat ng ipis ang isang tao kung siya ay may mga tira-tirang pagkain o food residue sa kanyang bibig, mukha, o mga kamay. Isa ring dahilan ng pangangagat ng ipis ay kung maraming dead skin particle o libag ang katawan.

Kadalasang nangangat ang ipis sa mga bahagi ng katawan na walang saplot o takip—kagaya ng mukha, bibig, mga braso, o mga kamay at daliri.

Mga Sintomas

Kung nakagat ng ipis ang isang tao, maaari siyang makaranas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagkakaroon ng isang malaking pantal na mas malaki sa kagat ng lamok
  • Pagkakaroon ng mas maliliit na mga pantal malapit o nakapalibot sa malaking pantal
  • Labis na pangangati ng pantal
  • Pamamaga o bahagyang pag-alsa ng pantal

Kung minsan ay mahirap tukuyin kung ang namuong pantal ay dahil sa kagat ng ipis. Ito ay sapagkat kung minsan,  nagmumukha lamang itong isang malaking kagat ng lamok o langgam. Subalit, kung ang lugar kung saan madalas manatili ang tao ay pinamamahayan ng mga ipis, malaki ang posibilidad na ang pantal ay dulot ng kagat ng ipis.

Mga Salik sa Panganib

Ang kahit na sinuman ay puwedeng makagat ng ipis. Subalit, ang mga sumusunod na tao ay may mas mataas ng panganib o mas madalas na makagat:

  • Mga bata. Madalas makagat ng ipis ang mga bata sapagkat mahilig silang kumain bago matulog. Bukod dito, karamihan ng mga bata ay hindi gaanong marunong ng wastong paghuhugas ng mga kamay o paglilinis ng katawan pagkatapos kumain at maglaro.
  • Mga naninirahan sa masisikip o matataong lugar. Maraming mga Pilipino ang naninirahan sa mga lugar na maituturing na squatter area. Ang mga lugar na ito ay pinamamahayan ng maraming ipis sapagkat limitado ang pinagkukunan ng malinis na tubig, walang maayos na tapunan ng mga basura, at walang maayos na palikuran.
  • Mga naninirahan sa lungsod. Kahit naninirahan ang isang tao sa malinis na lungsod, hindi pa rin siya lubos na ligtas sa kagat ng ipis. Gaano man kalinis ang isang bahay o opisina, kung ang kinatitirikan nito ay malapit sa mga kanal o daluyan ng tubig ay posible pa ring mapasok ito ng mga ipis. Tuwing tag-ulan, ang mga kanal sa mga lungsod ay madalas na napupuno at binabaha. Dahil dito, ang mga ipis ay nagsisilabasan at nagtatago sa mga bahay.
  • Mga taong hindi malinis sa bahay. Kung ang isang tao ay hindi sapat o wasto ang paglilinis, malaki ang posibilidad na pamugaran ng mga ipis ang kanyang bahay. Ang mga nakatambak na basura at maruming kapaligiran ay madalas puntahan ng mga ipis sapagkat ang mga ito ay pinagkukunan ng kanilang mga pagkain.

Mga Komplikasyon

Wala namang gaanong komplikasyon ang kagat ng ipis. Subalit, puwede itong magdulot ng severe allergic reaction at magsilbing asthma trigger.

Kung may severe allergic reaction ang isang tao, puwede siyang makaranas ng mga sumusunod:

  • Hirap sa paghinga
  • Pamamaga ng labi, dila, o lalamunan, na puwedeng magdulot ng pagbabara sa daluyan ng hangin
  • Pagkahilo
  • Pagkahimatay
  • Pagkakaroon ng malulubhang pantal
  • Pananakit ng tiyan
  • Pakiramdam na naduduwal o pagsusuka

Ang mga sintomas na ito ay nangangailan ng agarang medical attention sapagkat puwedeng magdulot ng malaking panganib sa buhay ang severe allergic reaction.

Pag-Iwas

Upang maiwasang makagat ng ipis, kailangang panatilihing malinis ang mga lugar kung saan madalas na naglalagi ang mga tao. Gawin ang mga sumusunod upang hindi pamahayan ng ipis ang tahanan o opisina:

  • Siguraduhing malinis ang lugar, lalo na ang kusina. Panatilihing malinis ang lababo, lalagyan ng mga pinggan, hapag-kainan, at mga sahig.
  • Ilagay ang mga pagkain sa lalagyang may takip upang hindi makaakit ng mga ipis. Ang mga pagkain na maasukal, masebo, maraming keso, at malansa ay nagbibigay ng mga amoy na gusto ng mga ipis.
  • Gumamit ng mga basurahanng selyado ang takip sapagkat ang mga nabubulok na amoy ng basura ay nakaaakit din ng mga ipis.
  • Panatilihing tuyo ang anumang bahagi ng bahay o opisina. Ang mga ipis kasi ay kailangan ng tubig upang mabuhay. Pagtuunan ng pansin ang mga tubo ng tubig sa kusina, banyo, at labahan at siguraduhing hindi tumatagas ang mga ito.
  • Iwasang mag-imbak ng mga basura o maruruming gamit sa loob ng kuwarto upang hindi pamahayan ng ipis. Huwag mag-imbak ng mga papel, maruruming damit, at iba pa sapagkat puwedeng amagin ang mga ito at makaakit ng ipis.

Sanggunian: