Buod
Ang kagat ng surot o bed bug bites ay ang pagkakaroon ng mga pantal sa katawan dahil sa surot. Ang surot ay isang uri ng insekto na sinliit ng buto ng mansanas o minsan ay mas maliit pa. Kadalasang nagtatago ang mga surot sa mga singit ng kutson, bed frame, mga furniture na gawa sa kahoy, sahig, at iba pa.
Ang mga surot ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagsipsip ng dugo ng tao o hayop. Naglalabas ang mga surot ng chemical na may bisang katulad ng anesthesia kapag sila ay nangangagat, kaya kung minsan ay walang nararamdamang sakit ang isang tao kagpag sila ay nakagat.
Puwedeng magdulot ng mga linya-linya o kumpol-kumpol na pantal sa katawan ang kagat ng surot. Ang mga pantal na ito ay puwedeng nakaalsa, patag, o naglalaman ng tubig. Makati rin ang mga pantal na hatid ng kagat ng surot, kaya naman puwede itong magdulot ng impeksyon kung nasugatan ang balat dahil sa labis ang pagkamot.
Ayon sa mga doktor, kadalasang hindi mapanganib ang kagat ng surot at puwede itong gumaling sa loob ng isa hanggang dalawang linggo lalo na kung nilalapatan ng mga pambahay na lunas. Subalit, ang paggaling nito ay nakabatay pa rin sa reaksyon ng katawan ng tao sa kagat ng surot. Sa katunayan, may ibang mga tao na nagkakaroon ng matinding allergic reaction kapag nakagat ng surot na puwedeng magdulot ng panganib sa kanilang buhay.
Kasaysayan
Ang mga surot ay pinaniniwalaang nagmula sa mga paniki sa Middle East. Lumaganap ang mga surot sa mga kabahayan nang nagsimulang manirahan ang mga unang sibilisasyon ng tao sa mga kuweba kung saan naglalagi ang mga paniking may surot.
Nang matuto ang sibilisasyong sa larangan ng paglalakbay, nadala nila ang mga surot sa iba’t ibang mga lugar kaya’t lumaganap din ang mga surot. Sa katunayan, nasa mga tala ng kasaysayan ng mga Ehipsyo, Griyego, at mga taga-Roma ang mga surot. Lumaganap din ang mga insektong ito sa Europa, Amerika, Asya, at Aprika. Sa kasalukuyan, lahat ng mga kontinente sa mundo maliban sa Antarctica ay may mga surot.
Noong taong 1940, may inimbentong pesticide na kung tawagin ay dichloro-diphenyl-tricholoroethane o DDT at una itong sinubukan sa Estados Unidos o US. Ginawa ang pesticide na ito para mapuksa ang mga lamok, pulgas, kuto, at garapata na puwedeng magdulot ng malaria at tipus. Subalit, hindi sinasadyang nalamang mabisa rin ito para mamatay ang mga surot. Bagama’t napatunayan na mabisa ang DDT, pinagbawalan ang paggamit nito noong 1972 sapagkat ito ay napag-alamang isang uri ng carcinogen. Mayroon ding masamang epekto ang DDT sa mga ibong naninirahan sa gubat. Ganunpaman, bago itigil ang paggamit ng DDT, halos naubos ang mga kaso sa US ng mga kagat ng surot.
Pagsapit ng taong 1980, muling nanalasa ang mga surot sa loob at labas ng US dahil nauso na ang international travel at pagbili ng mga secondhand na gamit. Lumakas na rin ang resistensya ng mga surot laban sa iba’t ibang uri ng pesticide.
Mga Sanhi
Nagkakaroon ng surot ang isang lugar kapag may dumikit o kumapit na surot sa suot na damit, sapatos, o dala-dalang bagahe ng isang tao. Puwede ring makarating ang mga surot sa isang bahay kung nakapamili ng mga infested na secondhand na gamit na kagaya ng kutson, unan, kobre-kama, upuan, at marami pang iba.
Kahit gaano kalinis ang pamamahay, kung may nadalang surot mula sa ibang lugar, puwede magtago ang insekto sa anumang sulok at magparami. Sa katunayan, ang isang babaeng surot ay nanganganak ng 200 hanggang 500 mga itlog sa tanang-buhay nito. Dagdag pa rito, puwedeng mabuhay ang isang surot sa loob ng isang taon o higit pa nang walang kinakain o sinisipsip na dugo.
Mga Sintomas
Ayon sa pag-aaral, 30 hang 60 porsyento ng mga taong nakagat ng surot ay hindi nakararanas ng anumang sintomas. Subalit, kapag nakagat ng surot, puwedeng lumipas muna ang ilang araw bago lumabas o maranasan ang mga sintomas na kagaya ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng mga pantal na mas mapula ang gitna at tila namamaga
- Kung minsan, ang mga pantal ay may lamang tubig sa loob
- Pagkakaroon ng mga pantal na nakalinya o nakakumpol
- Pangangati ng balat
- Panghahapdi ng balat
Kadalasan, ang mga kagat ng surot ay matatagpuan sa anumang bahagi ng katawan na walang saplot habang natutulog, kagaya ng mukha, leeg, mga braso, at mga kamay. Pero kung ang surot ay nakapasok sa loob ng damit, puwede rin nitong makagat ang dibdib, likod, at mga binti.
Mga Salik sa Panganib
Mas malaki ang posibilidad na makagat ng surot ang isang tao kung siya ay naninirahan o pumupunta sa mga siksikan o matataong lugar, kagaya ng mga sumusunod:
- Bahay-paupahan
- Hotel
- Barko
- Tren at bus
- Evacuation center
- Ospital
- Movie theater
Kahit pinananatiling malinis ang mga nabanggit na lugar, hindi ibig sabihin nito ay ligtas na ang mga ito sa mga surot. Ito ay dahil walang katiyakan na lahat ng tao ay walang makukuha o madadalang surot sa kanilang paglalakbay. Kahit ang pinakamalinis na pampublikong lugar ay may posibilidad na magkaroon ng mga surot.
Mga Komplikasyon
Kung hindi agad malulunasan ang mga kagat ng surot, puwede itong magdulot ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Mga mapanganib na allergic reaction
- Hirap sa paghinga
- Hindi normal na pagtibok ng puso
- Pamamaga ng dila
- Pagkakaroon ng mga nagsusugat na pantal
- Lagnat
- Anemia
- Impeksyon sa balat
- Insomnia
- Stress at emotional anxiety
- Impetigo
- Lymphangitis
- Ecthyma
- Anaphylactic shock
- Chagas disease
Pag-Iwas
Upang makaiwas sa mga kagat ng surot, kailangang panatilihing malinis ang bahay lalo na ang mga kwarto at iba pang lugar kung saan may kutson. Gawin din ang mga sumusunod para makaiwas sa mga surot:
- Palitan nang madalas ang mga kobre-kama upang masuri kung may mga nagtatagong surot.
- Labhan ang mga kobre-kama gamit ang mainit na tubig upang mapatay ang mga surot at mga itlog nito.
- Gumamit ng vacuum cleaner upang tiyaking malinis ang mga kutson at bed frame. Bigyang-pansin ang mga butas at lamat ng mga ito sapagkat maaaring magtago rito ang mga surot.
- Iwasan ang mag-imbak ng mga gamit sa ilalim ng kama sapagkat puwedeng pamahayan ang mga ito ng mga surot.
- Kung magbabakasyon o maglalakbay sa ibang lugar, siguraduhing linisin ang mga sinuot na damit at mga ginamit na bag at sapatos pagbalik. Maaaring dikitan ang mga gamit ng mga surot at madala sa inyong bahay.
Sanggunian:
- https://www.nhs.uk/conditions/bedbugs/
- https://www.aad.org/public/diseases/a-z/bed-bugs-treatment
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/bedbugs/diagnosis-treatment/drc-20370005
- https://www.healthline.com/health/bed-bug-bites
- https://www.healthline.com/health/skin-allergy-home-remedy
- https://www.terminix.com/blog/diy/9-natural-bed-bug-repellent-remedies/
- https://www.rentokil.co.id/en/my-pest-control-quick-tips/4-common-health-risks-of-bed-bugs/
- https://www.framespestcontrol.com/what-we-treat/bed-bugs/diseases-caused-by-bed-bugs/
- https://www.sagepestcontrol.com/blog/2021/september/where-do-bed-bugs-actually-come-from-/