Buod

Image Source: www.freepik.com

Ang katawan ay mayroong tinatawag na muscular system. Ito ang sistema ng katawan na binubuo ng iba’t ibang uri ng kalamnan upang makakilos ang isang tao. Kabilang sa mga uri ng kalamnan ay ang skeletal, visceral, at cardiac.

Ang skeletal muscle ay ang bukod tanging uri ng kalamnan na maaaring kontrolin nang boluntaryo. Halimbawa nito ay ang mga kalamnan ng bibig, kamay, at paa. Ang visceral muscle naman ay isang uri ng kalamnan na hindi makokontrol nang boluntaryo. Ito ay ang mga kalamnan na bumubuo sa mga organ ng tao gaya ng tiyan, bituka, daluyan ng dugo, at iba pa. Gaya ng visceral muscle, ang cardiac muscle ay hindi makokontrol nang boluntaryo. Ang tanging bahagi ng katawan na binubuo ng cardiac muscle ay ang puso.

Ayon sa datos, tinatayang may mahigit sa 600 kalamnan sa katawan ng tao. Ang mga ito ay nagtutulungan upang makagawa ng magkakaugnay na pagkilos. Kahit ang mga simpleng gawain gaya ng pagbabasa ng libro sa loob ng isang oras ay nakagagawa na agad ng halos 10,000 pagkilos ng mga kalamnan.

Dahil maraming pagkilos na agad ang nagagawa kahit sa mga simpleng gawain, ang mga kalamnan ay mabilis ding mapagod kaya nangangailangan din ang mga ito ng pahinga. Kung hindi binibigyang halaga ang mga kalamnan, maaaring humantong ito sa pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng sakit at makaapekto sa pamumuhay ng isang tao.

Kadalasan, kapag ang kalamnan ay may sakit, maaaring makaranas ang pasyente ng panghihina o pananakit ng katawan. Bukod dito, ang mga kalamnan ay maaaring lumaki o lumiit batay sa uri ng sakit. Maaari ring makaranas ang pasyente ng paninigas, pamimilipit, pamumulikat, o pamamanhid ng mga kalamnan. Magiging kapansin-pansin din ang pagbagal ng kilos ng pasyente, pagkawala ng balanse, at madalas na pagkahulog ng mga bagay-bagay mula sa pagkakahawak. Sa ibang mga kaso, maaari ring makaranas ang pasyente ng hirap sa paglunok at paghinga lalo na kung ang mga bahaging apektado ay ang mga kalamnan ng organ.

Mas tataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa kalamnan kapag nagkaroon ng pinsala ito dulot ng aksidente o labis na paggamit. Maaari ring magkaroon ng sakit sa kalamnan kapag isinilang na may problema sa ilang mga kalamnan sa katawan. Maging ang pag-inom ng ilang uri ng gamot at ang pagkakaroon ng ibang karamdaman gaya ng kanser ay maaaring magdulot nito.

Maaari namang malunasan ang ilang mga uri ng sakit sa kalamnan, lalo na kung ito ay maaagapan. Batay sa uri ng sakit, ang pasyente ay maaaring uminom ng gamot at gumamit ng mga kagamitan na makatutulong sa pagkilos. Ngunit sa mga malalalang kondisyon, maaaring sumailalim ang pasyente sa operasyon upang malunasan ang sakit sa kalamnan.

Kasaysayan ng sakit sa kalamnan

Kumpara sa ibang sistema ng katawan, kakaunting mga mananaliksik lamang ang nagpakita ng interes sa pag-aaral ng muscular system o sistema ng kalamnan sa kasaysayan ng medisina. Ito ay dahil sa agaran namang nakikita ang mga kalamnan at ang ginagampanan lamang nito ay ang pagkilos ng katawan. Kaya naman, hindi na ito gaanong pinagtuunan ng pansin sapagkat tila napakasimple lamang ng pagpapaliwanag kung ano ang ginagawa ng sistemang ito.

Pero noong ika-11 siglo, inilahad ni Avicenna na ang pagkilos ay nagaganap sa pamamagitan ng pag-urong (contraction) at pag-relax (relaxation) ng mga kalamnan na kung saan ay gumagalaw, nababatak, at nababaluktok ang mga kasu-kasuan. Ayon din kay Avicenna, ang bawat kalamnan ay may kanya-kanyang ginagampanang tungkulin.

Pagsapit ng ika-15 at ika-16 na mga siglo, nagsimula ang pagkakaroon ng interes sa mga kalamnan, hindi sa larangang medikal ngunit sa larangan ng pagpipinta. Isa si Leonardo da Vinci sa mga pintor na nagkaroon ng interes sa pagpipinta ng mga kalamnan ng katawan. Madalas siyang gumuhit ng mga maskuladong kalalakihan bilang pagsasanay na rin para sa kanyang mga ibang larawan na iguguhit.

Noong 1543 naman, si Andreas Vesalius ay gumawa ng libro na pinamagatang “On the Fabric of the Human Body.” Ang librong ito ang naging hudyat upang gamitin bilang modelo ang larawan ng isang maskuladong katawan at bungo sa larangan ng anatomiya. Bagama’t nabibigyang pansin na ang mga kalamnan ng katawan sa panahong ito, ito pa rin ay kumikiling sa larangan ng sining.

Pero pagsapit ng ika-17 siglo, nagkaroon na ng interes sa kung ano ang ginagampang tungkulin ng mga kalamnan. Isa si William Harvey sa mga nangunang magsaliksik tungkol sa sistemang ito. Ayon sa kanyang isinulat na libro na pinamagatang “Lectures on the Whole of Anatomy,” ang mga kalamnan ng katawan ay binubuo ng mahahabang hibla na umuurong at bumabaluktot upang makagawa ng paggalaw. Ayon naman kay Descartes, ang mga kalamnan ay tila isang makina na may mga spring na tumutulong upang makakilos ang isang tao.

Mga Katangian

Kapag ang kalamnan ay nagkaroon ng pinsala, maaaring makaramdam ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:

  • Panghihina ng katawan
  • Pananakit ng kalamnan
  • Paglaki o pagliit ng kalamnan
  • Paninigas ng kalamnan
  • Pamimilipit ng kalamnan
  • Pamumulikat ng kalamnan
  • Pamamanhid ng kalamnan
  • Pagbagal ng kilos
  • Pagkawala ng balanse
  • Madalas na pagkahulog ng mga bagay-bagya mula sa pagkakahawak
  • Hirap sa paglunok
  • Hirap sa paghinga
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Pamamaga at pamumula ng kalamnan
  • Parang inaantok o nakalaylay ang mga mata
  • Pagkakaroon ng problema sa paningin

Iba’t ibang sakit ang maaaring makaapekto sa mga kalamnan kaya naman hindi lahat ng mga nabanggit na sintomas ay maaaring maranasan ng pasyente. Batay pa rin ito sa uri at tindi ng kondisyon.

Mga Sanhi

Lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng sakit sa kalamnan. Maaaring makuha ito bunga ng alinman sa mga sumusunod na sanhi:

  • Genetic disorder. Ang ilang mga sakit sa kalamnan ay maaaring dulot ng isang genetic disorder o pinsala sa kalamnan na natamo noong isinilang pa lang. Subalit, ang mga sintomas ng sakit sa kalamnan na dulot ng genetic disorder ay maaaring hindi agad lumabas. Maaaring ang mga sintomas ay lumabas habang lumalaki ang bata. Kadalasan, walang lunas ang mga sakit sa kalamnan na dulot ng genetic disorder. Maaari lamang ibsan ang mga sintomas nito. Halimbawa nito ay ang sakit muscular dystrophy o ang pagliit ng mga kalamnan.
  • Pagkapinsala (injury) o labis na paggamit. Isa rin sa mga pangunahing sanhi ng mga sakit sa kalamnan ay ang pagkakaroon ng pagkapinsala o Kadalasan, nagkakaroon ng injury kapag labis ang paggamit ng mga kalamnan. Ang mga madalas magkaroon ng injury sa kalamnan ay ang mga mga atleta na labis-labis ang pag-eehersisyo.
  • Ibang karamdaman. Ang pagkakaroon ng ibang karamdaman ay maaari ring magdulot ng iba’t ibang sakit sa kalamnan. Halimbawa nito ay kanser. Dahil ang mga selula ng katawan ay napipinsala sa kaso ng kanser, ang pasyente ay nakararamdam ng panghihina at pananakit ng mga kalamnan.
  • Impeksyon. Maaari ring magdulot ng sakit sa kalamnan ang impeksyon. Kadalasan, nagakakaroon ng impeksyon ang mga kalamnan dahil sa bacteria at virus. Bukod dito, maaari ring magdulot ng impeksyon ang mga organismong katulad ng maliliit na uod, protozoa, at helminth. Kapag nagkaroon ng impeksyon ang kalamnan, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pamamaga at pamumula. Madalas ding magkaroon ng lagnat ang pasyente kapag ang sanhi ng sakit ay impeksyon.
  • Pagkapinsala ng mga Nagdudulot din ng sakit sa kalamnan kung ang mga nerve ng katawan ay napinsala. Ang mga nerve ay mga uri ng selula na tumutulong upang makapagdala ng mensahe at makapag-ugnayan ang iba’t ibang bahagi ng katawan. Subalit, kung ang mga ito ay may pinsala, maaaring makaranas ang pasyente ng paglaylay ng mga mata at magkaroon ng problema sa paningin. Nangangahulugan lamang ito na napinsala ang mga nerve ng mga boluntaryong kalamnan at maaaring magresulta sa hindi organisadong paggalaw.
  • Pag-inom ng ilang mga uri ng gamot. Maaari ring magkaroon ng sakit sa kalamnan kung ang isang tao ay hindi umiinom ng tamang dami ng gamot na inireseta sa kanya ng doktor. Ilan lamang sa mga gamot na maaaring magdulot ng sakit sa kalamnan ay statin, colchicine, hydroxychloroquine, alpha-interferon, at iba pa.
  • Pag-inom ng alak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang mga bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay maaari ring magdulot ng sakit sa kalamnan. Ito ay bunga ng mga nakalalasong sangkap ng mga bagay na ito—na nagdudulot naman ng panghihina ng mga kalamnan.

Mga salik sa panganib

Maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa kalamnan batay sa mga sumusunod na mga salik:

  • Paulit-ulit na paggawa ng isang bagay. Ang paulit-ulit na paggawa ng isang bagay ay nakapagpapataas ng posibilidad na magkaroon ng sakit sa kalamnan. Dahil dito, ang bahagi ng kalamnan na madalas ginagamit ay unti-unting napipinsala. Halimbawa ng paulit-ulit na gawain ay ang paggamit ng Partikular sa halimbawang ito ang posibilidad na magkapinsala ang mga nerve at kalamnan ng kamay, na maaari namang magbunga ng carpal tunnel syndrome.
  • Paggawa ng mabibigat na mga gawain. Ang paggawa ng mabibigat na gawain gaya na lamang ng mga trabaho sa konstruksyon ay maaari ring magdulot ng sakit sa kalamnan. Kung hindi inoobserbahan ang tamang postura, paraan ng pagbubuhat, at paggalaw, ang mga kalamnan ay maaaring mapinsala.
  • Maling postura. Maging ang maling postura ay maaaring magdulot ng sakit sa kalamnan. Kung hindi wasto ang pag-upo, pagtayo, paglalakad, pagbubuhat, o maging ang paghiga, ang kalamnan ay maaaring mangalay at magkaroon ng pinsala.
  • Hindi paggamit ng mga tamang kagamitan sa pagbubuhat. Tataas din ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa kalamnan kung hindi gumagamit ng mga tamang kagamitan upang mapadali ang pagbubuhat. Ang pagpipilit sa katawan upang magbuhat ng mabibigat na bagay ay magdudulot lamang ng labis na stress at pagod sa kalamnan.
  • Hindi malusog na pamumuhay. Ang hindi pagkakaroon ng malusog na pamumuhay ay nagdudulot din ng sakit sa kalamnan. Halimbawa nito ay ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, labis na katabaan, at hindi pag-eehersisyo nang sapat.
  • Hindi nagpapahinga nang wasto. Ang labis na pagkapagod ay nakapagpapataas din ng posibilidad na magkaroon ng sakit sa kalamnan. Subalit, ang mga kalamnan naman ay maaaring manumbalik sa dating sigla kung magpapahinga nang wasto.
  • Pagkakaroon ng mahinang katawan. Madaling magkaroon ng sakit sa kalamnan ang isang taong may mahinang resistensiya. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong may malnutrisyon, payat na pangangatawan, at dehydration ay mas madaling mapagod at magkaroon ng kung anu-anong sakit.

Paggamot at Pag-Iwas

Ang mga kalamnan ng katawan ay tumutulong upang makakilos ang katawan. Kung may problema ang mga ito, maaapektuhan ang pang-araw-araw na pamumuhay. Upang malunasan ang karamihan sa mga uri ng sakit na ito, ang doktor ay maaaring magreseta ng gamot o magmungkahi ng angkop na kagamitan upang makakilos nang mas maayos ang pasyente. Maaari ring sumailalim sa operasyon ang pasyente kung malala ang kanyang kondisyon.

Paggamot sa sakit sa kalamnan

Ang paglunas sa sakit sa kalamnan ay batay sa uri at tindi ng kondisyon nito. Pero kadalasan, ang mga doktor ay iminumungkahi ang mga sumusunod na lunas:

  • Pag-inom ng mga gamot. May ilang mga sakit sa kalamnan na walang lunas, subalit maaari namang bigyan ng mga gamot upang mapabagal ang pag-progreso ng kondisyon. Maaari ring bigyan ng mga gamot upang maibsan ang mga sintomas na nararamdaman gaya ng pananakit ng kalamnan, pagkakaroon ng lagnat, at iba pa.
  • Corticosteroid. Maaari ring magbigay ang doktor ng corticosteroid sa pasyente gaya ng deflazacort. Nakatutulong ito upang lumakas ang mga kalamnan at makapaglakad pa rin nang maayos ang pasyente. Subalit, isa sa mga side effect nito ay ang pagtaba ng pasyente at ang panghihina ng mga buto at kasu-kasuan.
  • Mga gamot sa puso. Kung ang sakit sa kalamnan ay may kinalaman sa kalamnan ng puso, maaaring magbigay ang doktor ng mga gamot gaya ng mga beta blocker at angiotensin converting enzyme upang mapangasiwaan ang presyon ng dugo.
  • Pag-inom ng mga dietary supplement. Ang pasyente ay maaari ring resetahan ng doktor ng mga dietary supplement upang manumbalik ang lakas ng kalamnan. Kalimitang nagrereseta ang mga doktor ng mga dietary supplement na mayaman sa creatinine at glutamine upang mabawasan ang panghihina ng mga kalamnan.
  • Pag-eehersisyo at physical therapy. Nakatutulong din ang pag-eehersisyo at physical therapy upang mabawasan ang pananakit ng kalamnan ng pasyente. Nakatutulong din ito upang maitama ang postura ng katawan. Bukod dito, maaari nitong maibsan ang hirap sa paghinga ng pasyente sapagkat mas aayos na ang pagdaloy ng dugo sa katawan. Ilan lamang sa mga karaniwang physical therapy na isinasagawa ay ang pag-eehersisyo ng mga kamay at paa, paghinga ng malalim, at coughing exercises.
  • Paggamit ng mga kagamitan na makatutulong sa pagkilos. Kung kasalukuyang nagpapagaling ng sakit sa kalamnan, maaari ring magmungkahi ang doktor sa pasyente na gumamit ng mga kagamitan gaya ng tungkod, walker, at wheelchair upang makatulong sa pagkilos. Ang mga kagamitang ito ay nakatutulong upang magawa pa rin ng pasyente nang mag-isa ang mga kadalasan niyang ginagawa sa pang-araw-araw na pamumuhay.
  • Paglalagay ng brace. Maaari ring lagyan ng brace ang mga kamay o paa ng pasyente upang mabatak at hindi gaanong lumiit ang mga kalamnan ng pasyente. Nakatutulong din ito upang makagalaw nang mas maayos ang pasyenteng may sakit sa kalamnan.
  • Oxygen therapy o Kung ang naapektuhang bahagi ay ang mga kalamnan ng baga, maaaring sumailalim ang pasyente sa oxygen therapy nang sa gayon ay mabawasan ang hirap sa paghinga. Kung malala na ang kondisyon, maaaring gumamit ng ventilator upang makahinga ang pasyente. Ito ay isang uri ng makina para sa paghinga na pinapagana ng mga nars, doktor, at respiratory therapist.
  • Pagsasagawa ng gene therapy. Sa kasalukuyan, ang mga doktor at mananaliksik ay nag-aaral kung paano magagamot ang mga sakit sa kalamnan na dulot ng genetic disorder sa pamamagitan ng gene therapy. Halimbawa ng gene therapy ay ang dystrophin gene therapy na kung saan ay pinapataas nito ang dami ng dystrophin, isang uri ng protina, sa kalamnan upang hindi ito lumiit at manghina.
  • Operasyon. Maaari ring operahan ang pasyente kung ang kalamnan ay may malalang impeksyon, muscular dystrophy, at iba pa. Kung may nabubulok na bahagi ng kalamnan o may natamo itong pinsala, kailangang operahan at tanggalin ang bahaging naapektuhan. Kung minsan naman, kailangang magsagawa ng operasyon kung ang sakit sa kalamnan ay isang uri ng cardiac muscle disorder na kung saan ang puso ay nangangailangang lagyan ng cardiac pacemaker.

Pag-iwas sa sakit sa kalamnan

Upang makaiwas sa karamihang uri ng sakit sa kalamnan, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:

Image Source: freepik.com

  • Ugaliing magpahinga. Huwag pagurin ang mga kalamnan. Ugaliing magpahinga ng mga ilang minuto lalo na kung paulit-ulit ang ginagawa sa trabaho.
  • Mag-ehersisyo nang sapat. Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang mas tumibay ang mga kalamnan at umayos ang pagdaloy ng dugo. Subalit, huwag itong gawing labis-labis upang hindi mabigla ang mga kalamnan at magkaroon ng pinsala.
  • Kumain ng balanse at masusustansiyang pagkain. Upang mapanatiling masigla ang mga kalamnan, ugaliing kumain ng balanse at masusustansiyang pagkain. Siguraduhing nakakakain ng prutas, gulay, isda, at karne upang mabigyan ng sapat na nutrisyon ang katawan.
  • Itigil ang mga bisyo. Ang mga bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay nakasasama sa buong katawan. Upang hindi magkasakit ang mga kalamnan, itigil na ang mga bisyong ito.
  • Wastong postura. Siguraduhin din na mayroong wastong postura ang katawan upang hindi mangalay ang mga kalamnan.
  • Gumamit ng mga tamang kagamitan sa pagbubuhat. Upang hindi mabigla ang mga kalamnan, gumamit ng mga kagamitan na makatutulong sa pagbubuhat gaya ng mga panali, wheeler, at iba pa.

Mga Uri ng Sakit

May iba’t ibang mga uri ng sakit sa kalamnan. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Acid maltase deficiency
  • Actin-accumulation myopathy
  • Acute inflammatory demyelinating polyradiculopathy
  • Adenosine monophosphate deaminase deficiency
  • Adult spinal muscular atrophy
  • Amyloidosis
  • Amyotrophic lateral sclerosis (Motor neuron disease)
  • Anderman syndrome
  • Antibody mediated paraneoplastic neuropathy
  • Ataxia
  • Autonomic disorders
  • Autosomal recessive spastic ataxia of charlevoix-saguenay (ARSACS)
  • Becker muscular dystrophy
  • Bell’s palsy
  • Blepharospasm
  • Botulism
  • Brachial plexitis
  • Brody myopathy
  • Cap myopathy
  • Carnitine deficiency
  • Carnitine palmityl transferase deficiency
  • Carpal tunnel syndrome
  • Central core disease
  • Centronuclear myopathy
  • Cerebral palsy
  • Charcot-Marie tooth disease
  • Chronic inflammatory demyelinating polyradiculoneuropathy (CIDP)
  • Collagen VI-related myopathy
  • Compartment syndrome
  • Congenital fiber-type disproportion
  • Congenital muscular dystrophy
  • Congenital myasthenic syndrome
  • Congenital myopathy
  • Cramp fasciculation syndrome
  • Critical illness myopathy
  • Critical illness neuropathy
  • Danon disease
  • Debrancher enzyme deficiency
  • Dejerine-Sottas disease
  • Dermatomyositis
  • Diabetic amyotrophy
  • Diabetic neuropathy
  • Distal muscular dystrophy
  • Duchenne dystrophy
  • Dystonia
  • Dystroglycanopathies
  • Early-onset myopathy with fatal cardiomyopathy
  • Emery-Dreifuss syndrome
  • Erb’s palsy
  • Extra-abdominal desmoid tumors
  • Facioscapulohumeral muscualr dystrophy
  • Fibrodysplasia ossificans progressiva
  • Fibromyalgia
  • Foot drop
  • Friedreich’s ataxia
  • Giant axonal neuropathy
  • Glycogen storage disease type II
  • Glycogen storage disease type VII
  • Guillain Barre syndrome
  • Hereditary motor sensory neuropathy
  • Hereditary myopathy
  • Hereditary spastic paraplegia
  • Hermifacial spasm
  • Hyperkalemic periodic paralysis
  • Hyperthyroid myopathy
  • Hypokalemic periodic paralysis
  • Hypotonia
  • Imboluntaryong panginginig ng kalamnan (Tremor)
  • Inclusion body myopathy
  • Infantile progressive spinal muscular atrophy
  • Intermediate spinal muscular atrophy
  • Intranuclear rod myopathy
  • Isaac’s syndrome
  • Isolated hyperCKemia
  • Juvenile spinal muscular atrophy
  • Kearns-Sayre syndrome
  • Kennedy’s disease
  • Lactate dehydrogenase deficiency
  • Lambert-Eaton myasthenic syndrome
  • Limb-Girdle dystrophy
  • Lumbar radiculopathy
  • Malignant hyperthermia
  • Masakit na leeg (Neck pain)
  • Masakit na likod (Back pain)
  • Merosinopathies
  • Miyoshi myopathy
  • Mononeuritis multiplex
  • Motor neuron disease
  • Myotonia congenita
  • Myotonic dystrophy
  • Myotubuluar myopathy
  • Mitochondrial myopathies
  • Multifocal motor neuropathy
  • Multiminicore disease
  • Muscular dystrophy
  • Myasthenia gravis
  • Myoadenylate deaminase deficiency
  • Myofascial pain syndrome
  • Myopathy
  • Myosin storage myopathy
  • Myositis
  • Myostatin-related muscle hypertrophy
  • Myotonia
  • Myotonia congenita
  • Myotonic dystrophy
  • Nemaline myopathy
  • Neuromuscular junction defect
  • Neuromyotonia
  • Neutral lipid storage disease with myopathy
  • Oculopharyngeal dystrophy
  • Pagkakaroon ng patag na mga paa (Talipes o flat feet)
  • Pamumulikat (Muscle cramps)
  • Pananakit o pamimilipit ng kalamnan (Sprain at strain)
  • Paramyotonia congenita
  • Peripheral neuropathy
  • Peroneal neuropathy
  • Phosphofructokinase deficiency
  • Phophoglycerate kinase deficiency
  • Phophoglycerate mutase deficiency
  • Phosphorylase deficiency
  • Polymyositis
  • Polyneuropahty
  • Pompe disease
  • Posterior interosseous neuropathy
  • Post-polio syndrome
  • Potassium-aggravated myotonia
  • Primary periodic paralysis
  • Radial nerve palsy
  • Radiculopathy
  • Restless legs syndrome
  • Rhabdomyolysis
  • Ripping muscle disease
  • Rotator cuff tear
  • Sarcopenia
  • Sciatica
  • Spasmodic dysphonia
  • Spasmodic torticollis
  • Spinal bulbar muscular atrophy
  • Spinal muscular atrophy
  • Stiff person syndrome
  • Tangier’s disease
  • Tarsal tunnel syndrome
  • Tendonitis
  • Thoracic outlet syndrome
  • Trigeminal neuralgia
  • Troyer syndrome
  • Tubular aggregate myopathy
  • Ulnar neuropathy
  • Vasculitis-associated neuropathy
  • Writer’s cramp
  • X-linked myotubular myopathy

Kung may nararamdamang mga sintomas ng sakit sa kalamnan, maaaring magpakonsulta sa isang general practitioner o internist na doktor. Batay sa uri ng kalamnan na naapektuhan, ang doktor ay maaaring ipakilala ang pasyente sa isang espesyalista upang mabigyan ng mas angkop na lunas.

Halimbawa, kung ang mga bahaging naapektuhan ay ang mga kalamnan at buto, maaaring lumapit sa isang orthopedist, physiatrist, o kaya naman ay joint specialist. Kung ang mga bahaging naapektuhan ay ang mga kalamnan ng utak at mga nerve nito, maaaring lumapit sa isang neurologist. Maaari ring lumapit sa isang cardiologist kung ang mga kalamnan naman ng puso ang naapektuhan.

Dahil ang mga sakit sa kalamnan ay kadalasang nai-uugnay sa iba’t ibang sistema ng katawan, hindi lamang ang mga kalamnan gaya ng mga kamay at paa ang maaaring magkasakit. Napakalawak ang saklaw nito sapagkat ang katawan ay binubuo ng iba’t ibang mga uri ng kalamnan.

Sanggunian