Buod

Lubhang mahalaga ang atay sa katawan. Tumutulong ito sa maayos na paggana ng digestive system at ng iba pang bahagi ng katawan. Ngunit kagaya ng ibang mga bahagi ng katawan, maaari rin itong magkaroon ng kanser.

Ang kanser sa atay ay bunga ng pagkakaroon ng pagdami ng hindi pangkaraniwan o abnormal na mga selula dito. Maaari nitong mahigitan ang mga malulusog na selula na nagbubunga ng pinsala sa atay. Sa kasamaang palad, ang sakit na ito ay mayroong mababang survival rate ng mga pasyente.

Ang ilan sa mga sanhi ng sakit na ito ay ang cirrhosis o ang pagkakaroon ng peklat sa atay, hepatitis B at C, maging ang diabetes.

Ang mga sintomas naman nito ay ang paninilaw ng mga mata at balat, pamamaga ng atay, maging ang pananakit ng tiyan.

Ang mga karaniwang lunas sa sakit na ito ay operasyon, radiation therapy, maging ang chemotherapy.

Kasaysayan

Ang iba’t ibang kondisyon sa atay ay kilala na noon pa mang sinaunang panahon. Subalit, ang mga mabibisang paraan upang lunasan ito ay nadiskubre noon lamang nakalipas na dalawang siglo.

Ang kauna-unahang pagsubok na operahan ang atay ay isinagawa noon lamang ika-19 na siglo. Pagsapit naman ng mga 1960 ay nadiskubre na ang hepatitis B ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng kanser sa atay. Sa dekada ring iyon ay unang isinagawa ang liver transplant. Subalit, noon lamang mga 1990s naging pamantayan sa paglunas sa kanser sa atay ang pamamaraang ito na napatunayang nakatutulong upang madugtungan ang buhay ng pasyente nang may ilan pang taon.

Pagsapit naman ng mga taong 2000s ay nadiskubre ang kaugnayan ng labis na katabaan, o obesity, sa pagkakaroon ng kanser sa atay

Sa mga nakaraang taon ay umabot na sa may 754,000 ang namamatay dahil sa kanser sa atay. Kung ikukumpara, may 460,000 lamang ang namatay sa sakit na ito noong 1990. Dahil dito, ang kanser sa atay ang pangatlo sa pinaka-nakamamatay na uri ng kanser, kasunod ng kanser sa mga baga at tiyan.

Mga Uri

Mayroong apat na mga pangunahing uri ng kanser sa atay. Ang mga ito ay nagmula sa iba’t ibang mga selula na bumubuo rito. Ang mga pangunahing kanser sa atay ay maaaring mamuo bilang iisang kumpol, o kaya ay maaari ring mag-umpisa sa iba’t ibang bahagi nito nang sabay-sabay.

Ang mga panguhaning kanser sa atay ay ang mga sumusunod:

  • Hepatocellular carcinoma. Ang kanser na ito ay tinatawag ding hepatoma at kilala rin bilang pinaka-karaniwang uri ng kanser sa atay. Ang kondisyong ito ay namumuo sa mga hepatocyte, o ang pinaka-laganap na uri ng selula sa atay. Ito ay maaaring kumalat mula sa atay papunta sa lapay, bituka, sa tiyan, maging sa ibang pang kalapit na bahagi ng katawan. Ang kanser na ito ay higit na maaaring umapekto sa mga taong may malubhang pinsala sa atay bunga ng pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin.
  • Cholangiocarcinoma. Ang kanser na ito ay namumuo sa mga daluyan ng bile mula sa atay papunta sa apdo. Ang kondisyong ito ay bumubuo sa may 10 hanggang 20 na porsyento ng lahat ng kanser sa atay.
  • Liver angiosarcoma. Ang kanser na ito ay hindi pangkaraniwan at namumuo sa mga daluyan ng dugo sa atay. Ito ay maaaring mamuo nang napakabilis. Kaya, hindi ito kaagad-agad na nakikilala o nabibigyan ng tamang
  • Hepatoblastoma. Ang kanser na ito ay hindi rin pangkaraniwan. Ito ay halos sa mga kabataan na may edad tatlong taong gulang lamang matatagpuan. Kapag maaagang natukoy ang mga taong mayroon nito, mataas ang pagkakataong sila ay gumaling.

Mga Sanhi

Image Source: unsplash.com

Ang hepatocellular carcinoma na siyang pangunahing uri ng kanser sa atay ay mistulang namumo sa atay na napinsala bunga ng mga sumusunod:

  • Kondisyon mula sa pagkapanganak
  • Pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin
  • Cirrhosis
  • Hepatitis B at C
  • Mga namamanang kondisyon na katulad ng hemochromatosis

Mayroon ding mga uri ng sangkap na nagdudulot ng kanser sa atay, kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Mga ilang sangkap na nasa sigarilyo
  • Vinyl chloride
  • Arsenic
  • Aflatoxin (mula sa isang uri ng mold na matatagpuan sa mga halaman)
  • Androgen at estrogen
  • Thorostrast

Sintomas

Image Source: time.com

Ang karamihan sa mga uri ng kanser sa atay ay hindi mapapansin hanggang sa ito ay nasa mga huling bahagi na o advanced stage na nito.

Ang mga sintomas ng kanser sa atay ay gaya ng mga sumusunod:

  • Paninilaw ng balat at ng mga mata (jaundice)
  • Pamamaga ng atay
  • Pananakit ng tiyan
  • Pananakit ng likod
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang ng katawan
  • Labis na kapaguran
  • Pagkahilo
  • Pagsusuka
  • Labis na pangangati

Mga Salik sa Panganib

Ang mga sumusunod ay mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa atay:

  • Pagkakaroon ng type 2 na diabetes. May mga pag-aaral na nagpapakita ng kaugnayan sa pagitan ng type 2 na diabetes at kanser sa atay. Sa katunayan, may dalawa hanggang sa tatlong beses na mas mataas ang panganib na magkaroon ng ganitong uri ng kanser ang mga taong may type 2 diabetes.
  • Pagkakaroon ng kamag-anak na may kanser sa atay. Kapag ang sinuman ay may magulang o kapatid na nagkaroon ng kanser sa atay, mataas ang pangananib na sila ay magkaroon din ng kondisyong ito.
  • Labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng cirrhosis ay ang labis na pag-inom ng nakalalasing na inumin. Ang kondisyong ito ay maaaring magdulot ng kanser sa atay.
  • Paninigarilyo. Napag-alamang ang paninigarilyo ay nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng hepatitis B o C na nagpapataas din ng panganib sa pagkakaroon ng kanser sa atay.
  • Pangmatagalang pagkakalantad sa mga Ang aflatoxin ay isang uri ng sangkap na gawa ng fungus na maaaring matagpuan sa mga mani, soya, o mais. Ang panganib sa pagkakaroon ng kanser sa atay bunga ng sangkap na ito ay mababa lamang, maliban na lamang kung labis ang pagkakalantad dito.
  • Pagkakaroon ng mahinang resistensya. Ang mga taong may mahinang resistensya, kagaya ng mga mayroong HIV/AIDS, ay may napakataas na panganib na magkaroon ng kanser sa atay.
  • Labis na katabaan. Ang kondisyong ito ay maaaring maging sanhi ng cirrhosis na maaari namang humantong sa pagkakaroon ng kanser sa atay.
  • Kasarian. Mas maraming mga lalaking nagkakaroon ng kanser sa atay kaysa sa mga kababaihan. Maaaring ito ay hindi bunga ng mga gene, kundi ng pagkakaiba ng uri ng pamumuhay. Ito ay sa dahilang ang mga kalalakihan ay mas karaniwang naninigarilyo o kaya naman ay umiinom ng mga nakalalasing na inumin.
  • Pagkakalantad sa arsenic. Ang mga tao na ang tanging iniinom na tubig ay mula sa balon kung saan mataas ang antas ng arsenic ay may panganib din na magkaroon ng iba’t ibang kondisyon sa atay, kabilang na ang kanser.

Pag-Iwas

Image Source: blogs.discovermagazine.com

May iba’t ibang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng kanser sa atay. Kabilang dito ay ang pag-iwas sa mga salik na maaaring magpataas sa panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Ang isa sa mga hakbang sa pag-iwas sa kanser sa atay ay ang pag-iwas sa pagkakaroon ng cirrhosis. Ang kondisyong ito ay ang pagkakaroon ng atay ng mga peklat na maaaring humantong sa pagkakaroon ng kanser.

Ang pag-iwas sa cirrhosis ay maaaring gawin sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pag-iwas sa o kaya ay pag-inom ng katamtaman lamang na dami ng nakalalasing na inumin
  • Pagpapanatili ng wastong timbang batay sa tangkad at edad
  • Pag-iwas sa mga pagkaing may mataas na antas ng taba o kolesterol
  • Pag-eehersisyo nang may 30 na minuto bawat araw

Ang ilan pa sa mga maaaring gawin upang makaiwas sa pagkakaroon ng kanser sa atay ay ang mga sumusunod:

  • Pagpapabakuna laban sa hepatitis B at C
  • Pag-inom ng mga gamot laban sa hepatitis B at C batay sa payo ng doktor upang maiwasan ang paglala nito
  • Pagpapasuri o pagsasailalim sa liver screening
  • Pag-iwas sa pakikipagtalik nang walang sapat na proteksyong gaya ng condom

Sanggunian