Buod

Sa lahat ng mga uri ng kanser, ang kanser sa baga (lung cancer) ang siyang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino. Ayon din sa datos, tatlo sa sampung mga Pilipino ay naninigarilyo, kaya naman maraming naaapektuhan ng sakit na ito.

Maging ang mga taong hindi naninigarilyo ay posible ring magkaroon ng kanser sa baga. Isa lamang si dating Senador Miriam Defensor-Santiago sa mga kilalang personalidad na may kanser sa baga ngunit hindi naninigarilyo. Pinapatunayan lamang nito na ang paglanghap ng usok mula sa sigarilyo ay lubhang mapanganib.

Ang mga pangunahing sintomas ng kanser sa baga ay halos natutulad sa mga sintomas ng iba’t ibang uri ng sakit sa baga gaya ng hindi mawala-walang pag-ubo, pag-ubo ng plemang may dugo, hirap sa paghinga, at labis na panghihina. Subalit, kapag ang kanser sa baga ay malala na, ang pasyente ay makikitaan ng mga bukol malapit sa balikat, paninilaw ng balat, pananakit ng mga buto, at pamamanhid.

Kung nakararanas ng mga pangunahing sintomas, ang pasyente ay kailangang magpatingin agad sa doktor upang malapatan ng karampatang lunas. Upang gumaling mula sa kanser sa baga, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa operasyon, chemotherapy, at iba pa.

Kasaysayan

Noong sinaunang panahon pa lamang ay laganap na ang sakit na lung cancer. Ayon sa pananaliksik ng mga archaeologist, mayroon nang mga senyales ng kanser sa baga ang mga labi ng sinaunang mga tao. Bukod dito, ang mga sinaunang taga-Ehipto ay may naitala ring mga kaso ng kanser sa baga noong 1,500 BC. Sa sinaunang Gresya naman, si Hippocrates ang kauna-unahang gumamit ng mga salitang carcinos at carcinoma na naglalarawan sa mga tumor o bukol na tumutubo sa katawan.

Noong taong 1929 lamang nabigyang linaw kung ano ang sanhi ng kanser sa baga. Ayon sa Alemang doktor na si Dr. Fritz Lickint, may kinalaman ang paninigarilyo sa pagkakaroon ng nakamamatay na sakit na ito. Dahil dito, pinangunahan ni Dr. Lickint ang anti-tobacco movement sa Nazi Germany upang mabawasan ang insidente ng kanser sa baga.

Pagsapit ng taong 1940, naging pangalawa ang kanser sa baga sa mga uri ng kanser na nagdudulot ng pagkamatay ng mga tao, una ang stomach cancer. Pero noong bandang 2013, naturingang na itong pinaka-nakamamatay na uri ng kanser sa buong mundo.

Mga Uri

Ang kanser sa baga ay nahahati sa dalawang uri. Nabibilang rito ang small cell lung cancer at non-small cell lung cancer.

  • Small cell lung cancer (SCLC). Sa dalawang uri ng kanser sa baga, ang SCLC ay bumubuo lamang sa 15% nito. Bagama’t hindi ito ang pinakalaganap na uri, itinuturing na SCLC ang pinakamapanganib, sapagkat makararamdam lamang ang pasyente ng mga sintomas kapag ito’y malala na. Gaya ng iba’t ibang sakit sa baga, ang pangunahing sanhi ng SCLC ay ang paninigarilyo.
  • Non-small cell lung cancer (NSCLC). Ang NSCLC ay itinuturing na pinakalaganap na uri ng kanser sa baga. Sa lahat ng may kanser na ito, 85% nito ay NSCLC. Bukod dito, nahahati sa tatlong uri ang sakit na ito:
    1. Adenocarcinoma. Ang adenocarcinoma ay ang pinakalaganap na uri ng NSCLC. Nagkakaroon nito kapag labis na naninigarilyo ang isang tao. Subalit, maging ang mga hindi naninigarilyo ay posibleng magkaroon nito. Kadalasan, ang mga maliliit na bukol ng kanser sa baga na ito ay tumutubo sa may bandang labas o tagiliran ng mga baga. Bagama’t pinakalaganap na uri, ito ay may mas malaking posibilidad na gumaling kaysa sa ibang uri ng kanser sa baga .
    2. Squamous cell carcinoma. Sa squamous cell carcinoma naman, ang cancer ay naguumpisa sa bandang gitna ng mga baga. Sa paglala nito, ito ay unti-unting lumalaki at kumakalat sa mga lymph node. Ang lymph node o kulani ay bahagi ng katawan na tumutulong upang labanan ang iba’t ibang uri ng impeksyon at sakit. Kapag ang mga lymph node ay naapektuhan na ng kanser sa baga, ang pasyente ay mas magiging sakitin.
    3. Large cell carcinoma. Ang large cell carcinoma ay halos natutulad sa adenocarcinoma. Subalit, imbis na maliliit na bukol ay malalaki ang mga bukol nito. Ang large cell carcinoma ay mabilis ang pagkalat at posible ring maka-apekto ng mga lymph node.

Mga Sanhi

Source: futurity.org

Babae man o lalaki ay nagkakaroon ng kanser sa baga. Upang hindi magkaroon ng sakit na ito, iwasan ang mga sumusunod:

  • Paninigarilyo. Halos 90% ng mga kaso ng kanser sa baga ay dulot ng paninigarilyo. Ang sigarilyo kasi ay gawa sa napakaraming kemikal na nakasisira sa baga. Ang patuloy na paninigarilyo ay unti-unting pinipinsala ang mga baga hanggang sa magdulot ng cancer.
  • Paglanghap ng usok ng sigarilyo. Maging ang mga taong hindi naninigarilyo ay hindi ligtas sa sakit na ito. Kung may kasamang naninigarilyo sa bahay, iminumungkahi na lumayo rito at magtakip ng ilong.
  • Pagkalantad sa asbestos. Ang asbestos ay isang uri ng mineral na dati ay inilalahok sa semento upang gumawa ng mga bahay at iba pang mga istruktura. Pero noong taong 2000 ay ipinagbawal na ito sa Pilipinas, sapagkat may mga pag-aaral na nagsasabing nagdudulot ito ng iba’t ibang uri ng kanser.
  • Radon gas. Ang radon gas ay madalas na nalalanghap ng mga taong naninirahan malapit sa minahan. Ang gas na ito ay walang amoy, kaya naman ito ay napaka-delikado. Sa patuloy na paglanghap nito ay maaaring mapinsala ang malulusog na cells ng baga at magdulot ng kanser sa baga .
  • Maruming hangin. Maaari ring magkaroon ng kanser sa baga kapag napapadalas ang paglanghap ng maruming hangin. Ang pinaka-naaapektuhan nito ay ang mga taong naninirahan sa mga lungsod sapagkat maraming mga sasakyan sa mga lugar na ito ang nagpapakawala ng maduduming usok.
  • Iba pang karamdaman sa baga. Ang pagkakaroon ng ibang karamdaman sa baga gaya ng hika, bronchitis, o chronic obstructive pulmonary disease (COPD) ay maaari ring magdulot ng kanser sa baga. Sa paglala ng mga sakit na ito, ang mga cells sa baga ay patuloy na napipinsala lalo na kung hindi nalalapatan ng karampatang lunas ang karamdaman.
  • Medical history ng pamilya. Kung ang ilan sa mga kamag-anak ay mayroon o nagkaroon na dati ng kanser sa baga, malaki rin ang posibilidad mong magkaroon nito. Bagama’t isa ito sa mga sanhi na hindi mapipigilan, maaari mo namang paliitin ang posibilidad mong magkaroon ng kanser sa baga sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog na paraan ng pamumuhay.

Mga Sintomas

Source: getsickcure.com

Upang hindi lumala ang kanser sa baga, magpatingin agad sa doktor kung may nararamdaman sa alinmang mga sumusunod na sintomas:

  • Hindi mawala-walang pag-ubo
  • Pag-ubo nang may kasamang dugo
  • Pagkapaos
  • Hirap sa paghinga
  • Pananakit ng dibdib
  • Biglaang pangangayayat
  • Labis na panghihina

Ang mga sintomas na nabanggit ay mga pangunahing sintomas lamang. Sa paglala ng kanser sa baga, maaaring maranasan ng pasyente ang mga sumusunod na sintomas:

  • Pagkakaroon ng mga bukol malapit sa balikat
  • Paninilaw ng balat
  • Pananakit ng mga buto at kasu-kasuan
  • Pamamanhid

Mahirap i-diagnose ang sakit na kanser sa baga sapagkat ang mga pangunahing sintomas nito ay halos natutulad lamang sa mga sintomas ng iba’t ibang uri ng sakit sa baga. Kailangang sumailalim muna ang pasyente sa ilang laboratory tests gaya ng X-ray, sputum cytology (pagsusuri sa plema), at biopsy (pagsusuri kung may mga cancer cell ang baga) upang masabing ito ay tiyak na lung cancer.

Mga Salik sa Panganib

Ayon sa Lung Cancer Alliance, higit na naipatataas ng mga sumusunod na pangunahing salik ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa baga:

  • Nasa pagitan ng mga edad 55 at 80-anyos
  • Naninigarilyo
  • Nakauubos ng 2 pakete ng sigarilyo o 30 sigarilyo araw-araw

Kahit tumigil na sa paninigarilyo, posible pa ring magkaroon ng kanser sa baga sapagkat nasa sistema na ng katawan ang mga carcinogen (mga sankap na nagdudulot ng cancer). Bukod sa mga nabanggit, maaari ring magkaroon ng kanser sa baga ang isang tao base sa mga sumusunod na karagdagang salik:

  • Family history. Kung ang kanser sa baga ay laganap sa inyong pamilya o angkan, mataas din ang posibilidad mong magkaroon nito lalo na kung hindi ka nag-iingat.
  • Pagkakaroon ng okupasyong gaya ng pagmimina at okupasyong pang-militar. Sa mga okupasyong ito, napakataas ng posibilidad na makalanghap ng mga carcinogens ang katawan gaya ng radon gas at asbestos.
  • Paggamit ng marijuana. Ayon sa pag-aaral, ang paglanghap ng sinunog na marijuana ay naglalaman ng mga carcinogen na gaya ng nahahanap sa mga sigarilyo.
  • Paggamit ng vape o e-cigarette. Bagama’t wala pang sapat na pag-aaral, ang ginagamit sa mga vape o e-cigarette ay mayroon pa ring lahok na nicotine, kaya naman mapanganib din ito sa kalusugan ng mga baga.
  • Pagkakaroon ng ibang sakit sa baga. Ang mga simpleng sakit sa baga gaya ng hika at bronchitis ay maaari ring magdulot ng kanser sa baga. Base sa pag-aaral, nasa 50-100% ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa baga kung may iba pang sakit sa baga.

Pag-Iwas

Source: vietnamnews.vn

Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, ang kanser sa baga ay isa sa mga laganap na lifestyle-related diseases. Ibig sabihin nito, ito ay kadalasang nakukuha lamang dahil sa hindi malusog na  pamamaraan ng pamumuhay. Upang maiwasan ang sakit na ito, gawin ang mga sumusunod:

  • Huwag manigarilyo. Gaya ng nabanggit noong una, 90% na sanhi ng kanser sa baga ay ang paninigarilyo. Kung naninigarilyo, unti-unting bawasan ito hanggang sa tuluyang pagtigil.
  • Ugaliin ang pagtakip ng ilong habang naglalakbay. Kung pupunta mabaho at mausok na lugar, ugaliing magtakip ng ilong. Tandaan, hindi lamang usok ng sigarilyo ang nagdudulot ng kanser sa baga. Maging ang mga usok mula sa tambutso ng mga sasakyan at ang umaalingasaw na amoy ng mga sinunog na basura ay posible ring magdulot ng lung cancer.
  • Magsuot ng face mask habang nasa labas ng bahay o opisina. Kung ang iyong okupasyon ay may kinalaman sa pagmimina, militar, construction, at iba pa, ugaliing magsuot ng face mask upang hindi diretsang makalanghap ng mga carcinogen na gaya ng asbestos at radon gas.
  • Kumain ng maraming prutas at gulay. Ang mga prutas at gulay ay naglalaman ng maraming mga antioxidant. Ang mga antioxidant ay pinipigilan ang mga carcinogen na makapinsala sa mga malulusog na selula ng katawan. Iminumungkahi na kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa mga antioxidant gaya ng berries, mansanas, mani, broccoli, carrots, at iba pa.
  • Mag-ehersisyo. Upang mailabas ang mga nakalalasong sangkap sa katawan, mag-ehersisyo araw-araw. Puwedeng maglakad, mag-jogging, maglangoy, o mag-gym upang mas maging malusog ang pangangatawan at nang umayos ang sirkulasyon ng dugo at hangin sa baga.

Kung may nararamdamang kakaiba sa paghinga, agad na magpa-checkup sa doktor. Ang simpleng pag-ubo ay maaaring senyales na pala ng kanser sa baga . Bagama’t ang sakit na ito ay nakamamatay, hindi naman imposibleng gumaling mula dito, lalo na kung maaga itong mabibigyan ng karampatang lunas.

Sanggunian