Buod
Ang kanser sa balat o skin cancer ay ang pagkakaroon ng mga abnormal na selula ng balat. Sa kondisyong ito, karaniwang naaapektuhan ang mga bahagi ng balat na pinakamadalas masikatan ng araw. Subalit, maaaring magkaroon din ng kanser ang mga nakakubling bahagi nito.
Kapag nagkaroon ng skin cancer, ang balat ay maaaring magkaroon ng maliliit at makikinang na umbok, mapula-pulang kaliskis, o medyo naka-umbok na patsi-patsi. Kung ang nunal naman ay lumalaki o nag-iiba ang itsura, maaaring skin cancer na rin ito. Iba-iba rin ang nagiging kulay ng mga patsi-patsi sa balat kapag naaapektuhan ng kanser. Maaaring ito ay kulay brown, itim, pula, pink, asul, o puti. Kung minsan, kakulay din lamang ito ng balat.
Ang sikat ng araw ang pangunahing sanhi ng kanser sa balat. Subalit, maaari ring magkaroon nito kung may problema ang immune system. Dagdag dito, maaari ring magkaroon ng skin cancer kung ang balat ay madalas malantad sa mga matitinding radiation, gaya ng X-ray. Maaari ring magkaroon ng kanser sa balat kung ito ay nalantad sa mga nakalalasong kemikal, gaya ng arsenic at hydrocarbon.
Upang malunasan ang kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa minor surgery, chemotherapy, radiation therapy, at iba pang mga kilalang paraan sa pagpuksa ng kanser.
Kasaysayan
Ayon sa datos, isa sa bawat tatlong kanser ay skin cancer. Bagama’t ito ay isang laganap na uri ng kanser, maaari naman itong malunasan kung madi-diagnose agad ang sakit na ito. Ang skin cancer ay unang natuklasan ni Dr. Rene Theophile Hyacinthe Laennec noong bandang taong 1800. Si Dr. Laennec ay isang doktor mula sa Pranses at kilala rin siya bilang imbentor ng stethoscope.
Ang pinakamapanganib na uri ng kanser sa balat ay melanoma. Nagmula ito sa salitang Griyego na “melanose” na nangangahulugang “kulay itim.” Kaya naman sa mga pasyenteng may ganitong kondisyon, ang kanilang balat ay nagkakaroon ng pangingitim. Subalit, kung minsan, ang kulay ng melanoma ay brown, pula, pink, asul, o puti.
Batay sa mga kasalukuyang datos, ang mga kaso ngayon ng namamatay dahil sa skin cancer ay dumoble kumpara sa taong 1990. Sa melanoma lamang, 55,000 katao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang namamatay bawat taon. Bagama’t hindi magandang balita ang hatid ng datos na ito, marami namang mga na-imbentong paraan upang lunasan o pabagalin ang paglala ng kondisyong ito.
Mga Uri
May tatlong pangunahing mga uri ang kanser sa balat. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Basal cell carcinoma (BCC). Sa lahat ng uri ng skin cancer, ang basal cell carcinoma ay maituturing bilang pinakabanayad. Sa kondisyong ito, nagkakaroon ng kanser ang mga bahagi ng balat na nalalantad sa araw. Kapag nagkaroon ng kanser na ito, maaaring magkaroon ang ilong at mukha ng maliliit at makikinang na umbok. Maaari rin itong kumalat sa iba pang mga bahagi ng katawan gaya ng mga braso, dibdib, at mga binti, subalit ito ay madalang lamang.
- Squamous cell carcinoma (SCC). Gaya ng BCC, ang squamous cell carcinoma ay nakaaapekto sa mga bahagi ng balat na nalalantad sa araw. Maaaring magsimula ang kanser na ito bilang maliliit na umbok o mapula-pulang kaliskis sa balat. Subalit, kumpara sa BCC, ang uri ng skin cancer na ito ay mas mahirap gamutin sapagkat maaari itong kumalat sa mga kalapit na tisyu, buto, at kulani.
- Melanoma. Ang melanoma ay ang pinakamapanganib na uri ng skin cancer. Kumpara sa ibang mga uri, mas mabilis itong kumalat sa iba’t ibang mga bahagi ng katawan. Karaniwang nagsisimula ang kanser na ito sa mga nunal. Kung hindi naman, ang balat ay nagkakaroon ng medyo nakaumbok na patsi na may hindi pantay-pantay na mga bahagi na gilid. Karaniwan itong kulay brown, itim, pula, pink, asul, o puti. Subalit, maaaring maging kakulay din lamang ito ng balat.
Bagama’t may kanser sa balat na hindi gaanong mapanganib, ito ay hindi pa rin dapat ipagsawalang-bahala. Sa patuloy na pagkakalantad ng balat sa araw, maaaring kumalat ang mga cancer cell sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mga Sanhi
Ang skin cancer ay mayroong iba’t ibang mga sanhi. Bagama’t ang pinaka-kilalang sanhi nito ay ang pagkalantad sa sikat ng araw, ang buong talaan ng mga maaaring sanhi nito ay ang sumusunod:
- Pagkakalantad sa sikat ng araw. Ang sikat ng araw ay mayroong UV radiation na maaaring makapinsala sa mga selula ng balat. Kapag dumami ang mga selulang napinsala, maaari itong magresulta sa skin cancer.
- Pagkakaroon ng problema sa immune system. Sa normal na kondisyon, ang immune system ang tumutulong sa katawan upang maprotektahan ito mula sa mga mikrobyo at iba pang mga maaaring magdulot ng mga sakit. Subalit, kung ito ay may problema, maaaring atakihin nito ang mga selula ng katawan kahit malulusog ang mga ito.
- Madalas na pagkakalantad sa iba’t ibang mga uri ng Maaari ring magdulot ng kanser sa balat ang mga radiation mula sa X-ray. Dahil dito, iminumungkahi ng mga doktor na huwag magpa-X-ray kung hindi naman kinakailangan.
- Pagkakalantad ng balat sa mga nakalalasong kemikal. Kung ang balat ay madalas malantad sa mga kemikal gaya ng arsenic at hydrocarbon, maaaring masira ang mga selula nito at magresulta sa skin cancer. Ang arsenic ay kemikal na karaniwang ginagamit sa pagmimina, pagtatanggal ng balahibo ng mga tupa, at pagsasaka. Ang hydrocarbon naman ay matatagpuan sa mga tar, langis, at usok ng sasakyan.
Mga Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Maaaring may skin cancer ang isang tao kung nakikitaan siya ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng maliliit at makikinang na umbok
- Pagkakaroon ng mapula-pulang kaliskis
- Pagkakaroon ng medyo naka-umbok na mga patsi-patsi
- Paglaki o pag-iba ng itsura ng nunal
- Pagkakaroon ng kulay brown, itim, pula, pink, asul, o putting patsi-patsi
Hindi lahat ng mga nabanggit na sintomas ay maaaring maranasan ng pasyente. Ito ay batay pa rin sa uri ng kanser sa balat na nakaaapekto sa kanya.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Maaaring magkaroon ng kanser sa balat ang kahit na sinuman. Subalit, kung ang ang isang tao ay may sumusunod na katangian, maaaring mas tumaas ang posibilidad na siya ay magkaroon nito:
- Pagkakaroon ng maputing balat
- Pagkakaroon ng balat na mabilis masunog, mamula, at manakit sa sinag ng araw (sunburn)
- Pagkakaroon ng kulay asul o berdeng mga mata
- Pagkakaroon ng natural na kulay blonde o pulang buhok
- Pagkakaroon ng maraming nunal sa katawan
Ang mga taong may nabanggit na katangian ay mas madaling maaapektuhan ng skin cancer sapagkat walang gaanong skin pigmentation ang makapag-poproprotekta sa kanilang balat mula sa sikat ng araw.
Bukod sa mga nabanggit na salik, maaari ring magkaroon ng skin cancer kung may kasaysayan nito sa inyong pamilya.
Mga Komplikasyon
Kung ang kanser sa balat ay hindi mabibigyan ng tamang lunas, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Recurrence. Sa recurrence, maaaring bumalik ang skin cancer.
- Local recurrence. Sa kondisyon na ito, ang mga cancer cell ng balat ay maaaring kumalat sa mga kalapit na tisyu.
- Metastasis. Sa metastasis, maaaring kumalat ang mga cancer cell sa mga kalamnan, nerve, at iba pang mga bahagi ng katawan.
Pag-Iwas
Image Source: unsplash.com
Sa kabutihang palad, maaari namang ma-iwasan ang kanser sa balat. Upang hindi maapektuhan ng kondisyon na ito, gawin ang mga sumusunod na paraan:
- Huwag gaanong magbilad sa ilalim ng araw. Bagama’t ang maagang sikat ng araw ay nakapagpapasigla ng mga buto ng katawan, mapanganib na ito mula 10 AM hanggang 4 PM. Upang hindi masunog ang balat, iwasan ang magbilad sa araw pagsapit ng ganitong mga oras.
- Magpahid ng sunscreen. Nakatutulong din ang sunscreen upang hindi magkaroon ng skin cancer. Kung bibili ng produktong ito, pumili ng sunscreen na may SPF 30 at pataas. Ugaliing magpahid nito tuwing lalabas ng bahay.
- Magsuot ng mahahabang damit at sumbrero. Kung ang iyong balat ay madaling masunog sa sikat ng araw, mas mainam kung magsusuot ng mahahabang damit upang hindi maarawan ito. Subalit, kung magsusuot ng mga ganitong uri ng damit, siguraduhin na ito ay manipis at maginhawa upang hindi mag-init ang pakiramdam. Dagdag dito, maaari ring magsuot ng sumbrero upang maprotektahan ang mukha mula sa sikat ng araw.
- Regular na suriin ang balat. Mainam ding suriin ang balat habang naliligo upang makita agad kung may mga tumutubong patsi-patsi. Kung may napansing abnormalidad sa balat, magpakonsulta agad sa doktor.
Sanggunian:
- https://www.webmd.com/melanoma-skin-cancer/guide/skin-cancer#1
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/323486.php
- https://www.healthline.com/health/skin-cancer
- https://www.cdc.gov/cancer/skin/basic_info/risk_factors.htm
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/skin-cancer/symptoms-causes/syc-20377605
- https://www.roche.com/research_and_development/what_we_are_working_on/oncology/things-you-may-not-know-about-skin-cancer.htm#home