Buod

Ang kanser sa bato o kidney cancer ay uri ng kanser na nagsisimula sa alinmang bahagi ng mga bato, gaya ng adrenal gland, renal pelvis, renal fat tissue, renal tubes, renal capsule, at ang bato mismo. Ayon sa mga doktor, hindi malinaw kung bakit nagkakaroon ng mga tumor ang mga bato. Subalit, maaaring ito ay dulot ng mutation o pagbabago ng mga DNA ng selula sa bato. Dagdag dito, pwede ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng ganitong kondisyon kapag ang isang tao ay naninigarilyo, masyadong mataba, at may altrapresyon. Gayunpaman, kahit ang isang tao ay malusog at walang bisyo, maaari pa rin siyang magkaroon ng kanser sa bato lalo na kung may kasaysayan ng sakit na ito sa pamilya.

Kung may kanser sa bato ang isang tao, maaari siyang makaranas ng mga sintomas katulad ng pag-ihi ng may kasamang dugo, pagkakaroon ng bukol sa tagiliran, pananakit ng tagiliran, lagnat, labis na pagkapagod, biglaang pagbagsak ng timbang, at iba pa. Kung ang kanser ay nasa unang mga yugto pa lamang, maaaring walang maramdaman ang pasyente.

Hindi lahat ng mga tumor na tumutubo sa bato ay malignant o cancerous. Ayon sa datos, 20% ng mga tumor sa bato ay benign lamang o hindi kumakalat. Upang makatiyak ang doktor kung may kanser sa bato ang pasyente, maaaring sumailalim ang pasyente sa iba’t ibang mga diagnostic test katulad ng urine test, blood test, CT scan, MRI, ultrasound, at iba pa. Kapag natukoy at nakumpirma na ng doktor na may kanser sa bato ang pasyente, magmumungkahi siya sa pasyente ng pinaka-angkop na lunas para rito. Batay sa kondisyon, maaaring operahan ang pasyente o isailalim sa targeted therapy, immunotherapy, chemotherapy, at radiation therapy.

Kasaysayan

Maraming mga mananaliksik ang nagtangkang tumuklas kung anong klaseng gene ang nagdudulot ng kanser sa bato. Subalit, marami sa kanila ang hindi nagtagumpay. Pero pagsapit ng taong 1993, natuklasan ng mga mananaliksik ng National Cancer Institute ang VHL gene. Ayon sa kanila, ang mutation ng VHL gene ay isa sa mga nagdudulot ng pagtubo ng mga tumor sa bato.

Dahil walang magandang mga resulta ang ibinibigay ng pag-aaral lamang sa mga pasyenteng may kanser sa bato, naghanap sila ng mga pasyenteng may kanser sa bato at inherited syndrome na von Hippel-Lindau o VHL. Umaasa silang may makikita silang genetic abnormality kapag ganitong mga pasyente ang kanilang oobserbahan. At hindi sila nabigo. Nang ikinumpara nila ang DNA ng mga pasyente sa kani-kanilang mga pamilya na hindi apektado ng mga ganitong kondisyon, natuklasan nila na ang mutation ng VHL gene ay hindi lamang nagdudulot ng inherited syndrome na VHL kundi pati na rin ng clear cell kidney cancer. Subalit, natuklasan din nila na ang VHL gene ay hindi nagmu-mutate kapag ibang mga uri na ng kanser sa bato ang nakaaapekto sa pasyente. Gayunpaman, isa itong matagumpay na pagkakatuklas at naging daan upang maaprubahan ng US-FDA ang 9 na gamot para sa targeted therapy ng mga taong may advanced kidney cancer. Ang mga gamot na naaprubahan ay may kakayananang harangan ang VHL pathway para hindi na kumalat pa ang mga tumor sa iba’t ibang mga bahagi ng katawan.

Mga Uri

Upang malapatan ng wastong lunas ang kondisyon, kailangan munang malaman ng doktor kung anong uri ng kanser sa bato ang nakaaapekto sa pasyente. Narito ang ilan sa mga uri ng kanser sa bato:

  • Renal cell carcinoma (RCC). Ang renal cell carcinoma ay ang pinakalaganap na uri ng kanser sa bato na nakaaapekto sa mga matatanda. Sa katunayan, 9 sa 10 mga kaso ng kanser sa bato ay RCC. Sa kondisyong ito, tinutubuan ng mga tumor ang mga proximal renal tube ng mga bato kung saan nagaganap ang pagsasala ng dugo.
  • Transitional cell carcinoma. Sa uring ito, ang mga tumor ay tumutubo sa renal pelvis. Ito ang bahagi ng bato kung saan naiipon ang ihi bago makarating ng pantog.
  • Renal sarcoma. Sa renal sarcoma naman, ang mga tumor ay tumutubo sa renal capsule. Ito ay ang manipis na tisyu na pumapalibot at pumoprotekta sa bato. Ayon sa mga doktor, ito ay napakadalang na uri ng kanser sa bato. Subalit, kapag nagkaroon nito, nangangailangan ang pasyente ng maraming operasyon at chemotherapy sapagkat ang mga tumor na ito ay pabalik-balik.
  • Wilms tumor. Ang Wilms tumor ay uri ng kanser sa bato na nakaaapekto sa mga batang may edad 3 hanggang 4. Ayon sa mga doktor, mataas naman ang tiyansa na gumaling ang mga batang may ganitong kondisyon. Sa katunayan, 80-90% ng mga batang may Wilms tumor ay nabubuhay nang masigla pagkatapos sumailalim sa radiation therapy, chemotherapy, at operasyon.
  • Kidney lymphoma. Sa kondisyong ito, lumalaki ang mga bato dahil sa paglaki ng mga lymph node o kulani nito. Kadalasan, kapag may kidney lymphoma, may kakikitaan ding paglaki ng mga kulani sa mga bahagi ng leeg, dibdib, at tiyan.

Mga Sanhi

Walang tiyak na dahilan kung bakit nagkakaroon ng kanser sa bato. Subalit, maaaring magkaroon nito kapag ang mga selula sa bato ay nagkaroon ng mutation sa kanilang DNA. Ang DNA ay naglalaman ng mga direksyon at nagsasabi sa mga selula kung ano ang kanilang dapat gawin. Halimbawa, kapag sinabi ng DNA sa mga selula na magpakarami at lumaki nang lumaki, magiging tumor ang mga ito.

Mga Sintomas

Sa mga unang yugto ng kanser sa bato, maaaring walang maramdaman o mapansing kakaiba sa katawan ng pasyente. Pero habang lumalaki ang mga tumor, maaaring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pag-ihi ng may kasamang dugo
  • Pagkakaroon ng bukol o pag-umbok sa bandang tagiliran o tiyan
  • Hindi mawala-walang pananakit ng tagiliran
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Labis na panghihina
  • Pagkawala ng gana sa pagkain
  • Biglaang pamamayat
  • Pagkakaroon ng anemia
  • Pamamaga ng mga binti at bukung-bukong

Kapag ang kanser sa bato ay malubha na, makararanas ang pasyente ng hirap sa paghinga, pag-ubo ng may kasamang dugo, at pananakit ng mga buto.

Mga Salik sa Panganib

Maaaring tumaas ang posiblidad na magkaroon ng kanser sa bato ang isang tao ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagtanda
  • Paninigarilyo
  • Labis na katabaan
  • Pagkakaroon ng altapresyon
  • Pagkakaroon ng ibang sakit katulad ng chronic kidney failure at genetic condition
  • Pagkakaroon ng kasaysayan ng kanser sa bato sa pamilya

Mga Komplikasyon

Kadalasang nagkakaroon ng mga komplikasyon ang kanser sa bato kapag malubha na ito. Ilan sa mga posibleng komplikasyon ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:

  • Gross hematuria. Nangangahulugan ito ng pag-ihi ng “maraming” dugo. Sa gross hematuria, labis na naiirita at nasisira ng mga tumor ang mga lining at kalamnan ng mga naaapektuhang bahagi nito.
  • Pleural effusion. Ito ay ang pamumuo ng tubig sa mga baga. Nangyayari ito kapag nakaakyat na ang mga tumor mula sa bato papuntang mga baga.
  • Madaling pagkabali ng mga buto. Kapag ang mga tumor sa bato ay nakaabot na sa mga buto, makararamdam ang pasyente ng labis na panghihina sa kanyang mga buto, kaya naman mas mataas din ang posibilidad na siya ay mabalian.
  • Hypercalcemia. Sa hypercalcemia, tumataas ang calcium level ng dugo sapagkat kapag nakaabot na ang mga tumor sa mga buto, unti-unting nadudurog ang mga ito at humahalo sa dugo. Maaari itong magdulot ng panghihina sa pasyente at humantong sa comatose at maging kamatayan.
  • Erythrocytosis. Ito ay ang pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga red blood cell. Dahil sa labis na protina na nilalabas ng mga tumor, napipilitan ang bone marrow ng katawan na gumawa ng mas maraming red blood cell. Sa pagtaas ng bilang ng mga red blood cell, lalong lumalapot ang dugo ng pasyente na posibleng magdulot ng atake sa puso at stroke.
  • Liver failure. Gaya ng mga bato, ang atay ay may ginagampanan ding tungkulin sa pagsasala at paglilinis ng dugo ng katawan. Kapag hindi nagagampanan ng mga bato nang maayos ang kanilang mga trabaho dahil sa mga tumor, mas nahihirapan ang atay na salain ang dugo, hanggang sa maipon ang mga toxin o dumi sa katawan at magdulot ng liver failure o pagpalya ng atay.

Pag-Iwas

Upang makaiwas at bumaba ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa bato, kailangang panatilihing malusog at masigla ang mga bato sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Hindi paninigarilyo.
  • Pagkakaroon ng wastong presyon ng dugo.
  • Pagkakaroon ng wastong timbang.
  • Pagkain ng mga prutas, gulay, at mga pagkaing nakababa ng kolesterol.

Sanggunian: