Buod
Ang kanser sa bayag o testicular cancer ay isang napakadalang na uri ng kanser ng mga kalalakihan. Ayon sa datos, tinatayang nasa 8,000 hanggang 10,000 ng mga kalalakihan ang nagkakaroon ng kondisyong ito taun-taon. Higit na mababa ang bilang na ito kumpara sa prostate cancer na umaabot sa halos 180,000 ang naaapektuhan bawat taon.
Kung ang isang lalaki ay may kanser sa bayag, nagkakaroon ng mga bukol ang alinman sa kanyang dalawang bayag. Kapag napansin na ang isa sa mga ito ay higit na mas malaki kaysa sa normal, maaaring tinutubuan na ito ng mga bukol. Dagdad dito, nakararamdam din ng pananakit at pagbigat ng bayag ang lalaking may ganitong kondisyon.
Kadalasang nagsisimulang tumubo ang mga bukol sa mga selula ng bayag na gumagawa ng mga semilya. Subalit, hindi lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagiging cancerous ang mga selulang ito. Pinaniniwalaan nilang may kinalaman ang mga gene ng isang tao at ang pagkakaroon ng undescended testicles sa pagkakaroon ng kondisyong ito.
Bagama’t tila isang napaka-delikadong sakit ang kanser sa bayag, ito ay mas madaling malunasan kaysa sa ibang mga uri ng kanser at mataas ang porsyento ng paggaling mula sa sakit na ito. Upang malunasan ang kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa operasyon, chemotherapy, at radiotherapy.
Kasaysayan
Isa sa mga pinakamahahalagang tala sa kasaysayan ng paglunas sa kanser sa bayag ay ang pagkakatuklas ng cisplatin. Ang cisplatin ay isang uri ng gamot na ginagamit sa chemotherapy upang mapuksa ang mga cancer cell. Aksidente lamang ang pagkakatuklas sa gamot na ito. Noong taong 1965, sila Dr. Barnett Rosenberg at ang kanyang mga kasamahan ay nag-oobserba ng mga selula gamit ang microscope. Napansin nila na tumitigil sa pagdami ang mga selula kapag pinadaluyan nila ang mga ito ng kuryente. Makalipas ang dalawang taon ng masugid na pag-aaral, nalaman nila na ang platinum compound ng mga electrode ang dahilan ng pagtigil ng pagdami ng mga selula at tinawag nila itong cisplatin.
Dahil ang cisplatin ay isang uri ng heavy metal, hindi ito agad binigyang pansin. Kadalasang nakalalason ang mga heavy metal at lubha itong mapanganib para sa kalusugan ng mga tao. Subalit pagsapit ng taong 1978, naaprubahan na ito bilang panglunas sa kanser. Sa kasalukayan, nakikipagtulungan ang National Cancer Institute (NCI) ng Estados Unidos sa pagsasagawa ng mga pag-aaral kung paano pa magagamit nang maayos ang cisplatin upang magamot ang mga taong may kanser. Bukod sa kanser sa bayag, natuklasan na ang cisplatin ay mabisa rin sa mga ibang uri ng kanser gaya ng kanser sa baga, pantog, cervix, at obaryo.
Mga Uri
Mayroong iba’t ibang uri ang kanser sa bayag at ito ay nababatay sa mga bahaging naaapektuhan nito. Kabilang sa mga uri ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Germ cell testicular cancer. Ang pinakalaganap na uri ng kanser sa bayag ay ang germ cell testicular cancer. Ang germ cell ay ang mga selula ng bayag na gumagawa ng mga semilya. Dagdag dito, nahahati pa ang kondisyong ito sa dalawang uri: ang seminoma at non-seminoma. Sa seminoma, ang mga bukol ay mabagal lamang na kumakalat sa mga kalapit-bahagi ng bayag na gaya ng mga kulani. Sa non-seminoma naman, ang mga bukol ay mas mabilis na kumakalat.
- Leydig cell tumor. Ang Leydig cell tumor ay isang napakadalang na uri ng kanser sa bayag. Ang mga Leydig cell ay ang mga selula ng bayag na responsable naman sa paggawa ng mga male hormone na gaya ng Ang androgen ay tumutulong upang magkaroon ng mga katangiang panglalaki ang mga kalalakihan. Kasama na rito ang mga katangiang gaya ng malaki at malagom na boses, malalapad na mga balikat, pagtubo ng mas maraming balahibo sa katawan, at iba pa.
- Sertoli cell tumor. Gaya ng Leydig cell tumor, kakaunti lamang ang naaapektuhan nito. Ang mga Sertoli cell ay ang mga selula na tumutulong sa mga germ cell upang makagawa ng mga semilya.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Gaya ng ibang mga uri ng kanser, hindi lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng mga bukol ang bayag. Subalit, pinaniniwalaan nilang may kinalaman ang mga sumusunod sa pagkakaroon ng kondisyong ito:
- Mga gene o pagkamana ng kondisyon. Maaaring magkaroon ng kanser sa bayag ang isang lalaki kung namana niya ang mga problemadong gene ng kanyang ama. Kahit naman wala testicular cancer ang iyong ama, kung may kasaysayan naman ng sakit na ito sa inyong angkan, mataas pa rin ang posibilidad na magkaroon nito.
- Undescended testicles. Sa pagkasilang ng lalaking sanggol, ang kanyang mga bayag ay nakapuwesto nang mataas malapit sa kanyang tiyan. Habang lumalaki ang sanggol, ang kanyang mga bayag ay bumababa sa scrotum o ang bahaging naglalaman ng mga bayag. Subalit, may mga pagkakataon na hindi bumababa ang mga bayag sa tamang puwesto at ito ay tinatawag na undescended testicles. Kapag ang mga bayag ay nanatiling malapit sa tiyan, nagiging mas mainit ang temperatura ng mga ito. Dahil dito, maaaring pagsimulan ito ng pagtubo ng mga bukol.
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Kung ang isang lalaki ay nasa unang yugto pa lamang ng kanser sa bayag, maaari siyang makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- May nakakapang bukol sa bayag
- Paglaki ng bayag nang higit sa normal
- Pananakit ng mga bayag
- Pagbigat ng mga bayag
Bukod sa mga nabanggit, maaari ring makaranas ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas lalo na kung ang mga cancer cell ay kumalat na sa iba’t ibang bahagi ng katawan:
- Paglaki ng dibdib. Kung napapansin na lumalaki ang dibdib, nangangahulugan ito na umuunti na ang produksyon ng mga male hormone.
- Pananakit ng likod. Maaaring makaranas ng pananakit ng likod kung ang mga cancer cell ay kumalat na sa mga lymph node o kulani.
- Pagkaranas ng hirap sa paghinga. Kung ang mga bukol sa bayag ay nakarating na sa mga baga, maaaring mahirapan na rin sa paghinga ang pasyente.
- Pananakit ng tiyan. Maaari ring makaranas ng pananakit ng tiyan kung ang mga bukol sa bayag ay kumalat na sa atay.
- Pananakit ng ulo at pagkalito. Maaari ring makaranas ng pananakit ng ulo at pagkalito ang pasyente kung ang mga cancer cell ay umabot na sa utak.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang bawat kalalakihan ay maaaring magkaroon ng kanser sa bayag. Subalit mas tataas ang posibilidad na magkaroon nito ayon sa mga sumusunod na salik:
- Edad. Ang madalas na naaapektuhan ng kondisyon na ito ay ang mga kalalakihang nasa pagitan ng mga edad 15 at 40 taong gulang. Subalit, maaari ring magkaroon ng kanser sa bayag ang mga kalalakihang mas matanda pa kaysa sa 40 taong gulang.
- Lahi. Ayon sa datos, mas laganap ang kanser sa bayag sa mga kalalakihang may lahing Caucasian o mga taga-Estados Unidos at Europa. Madalang naman ang kondisyon na ito sa mga kalalakihang mas maiitim ang kulay ng balat na gaya ng mga Aprikano at Asyano.
- Kasaysayan ng kanser sa bayag sa pamilya. Kung ang iyong ama o ibang malalapit na kamag-anak ay may kanser sa bayag, maaari ka ring magkaroon ng kondisyon na ito.
Mga Komplikasyon
Image Source: www.freepik.com
Malaki naman ang pag-asang gumaling ng mga lalaking may kanser sa bayag. Subalit kung ito ay mapapabayaan, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkalat ng mga bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan na gaya ng mga kulani, baga, atay, at utak
- Pagkakaroon ng sakit sa puso
- Pagkakaroon ng avascular necrosis
- Pagkabaog
Ang mga komplikasyong gaya ng sakit sa puso, avascular necrosis, at pagkabaog ay maaaring maranasan kung ang pasyente ay matagal nang sumasailalim sa chemotherapy at radiation therapy. Bagama’t nakatutulong ang mga ito sa pagpuksa ng mga cancer cell, naaapektuhan din nito ang mga malulusog na selula ng katawan.
Pag-Iwas
Ayon sa mga doktor, hindi maaaring ma-iwasan ang kanser sa bayag sapagkat ang mga sanhi at salik sa panganib nito ay hindi maaaring mabago. Ang tanging magagawa lamang ng mga kalalakihan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito ay ang maaagang detection.
Upang malaman agad na may problema ang mga bayag, iminumungkahi ng mga doktor na kapain ang mga ito habang naliligo. Kung may napapansin na kakaiba sa mga bayag, agad na magpakonsulta sa doktor.
Sanggunian
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/166993.php
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/testicular-cancer-care/symptoms-causes/syc-20352986
- https://www.nhs.uk/conditions/testicular-cancer/
- https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/testicular-cancer/testicular-cancer-statistics
- https://en.wikipedia.org/wiki/Testicular_cancer
- https://www.cancer.gov/research/progress/discovery/cisplatin