Buod
Napakalaki ng kinalaman ng mga buto sa kabuuang kalusugan at maayos na paggana ng buong katawan. Subalit, bagama’t ang buto ay matigas na bahagi ng katawan, ito ay maaari pa ring magkaroon ng kanser.
Ang kanser sa buto (bone cancer) ay isang uri ng kanser kung saan may labis na pamumuo ng mga selula ng kanser dito. Ito ay maaaring umapekto sa isang bahagi lamang ng skeletal system o kaya ay sa kabuuan nito. Ang kanser sa buto ay maaari ring kumalat sa iba pang bahagi ng katawan, kagaya ng sa mga baga at sa suso ng babae.
Walang pa ring tiyak na dahilan kung bakit nagkakaroon ng kanser sa buto ang tao. Subalit, may mga salik na maaaring magpataas sa panganib ng pagkakaroon nito. Ang isa sa pinaka-panguhanin sa mga salik na ito ay ang pagbabago o pag-mutate ng mga gene.
Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng sakit na ito ay ang pamamaga at pananakit ng kalamnan sa paligid ng apektadong buto, pagkakaroon ng bali sa apektadong bahagi ng buto, maging ang panghihina ng katawan.
Ang ilan naman sa mga maaaring lunas sa kanser sa buto ay ang operasyon na nagpapataas sa pagkakataon ng paggaling ng pasyente, lalo na kapag ito ay ginawa sa mga unang bahagi ng pag-usbong ng kanser. Kapag lumala na, nilulunasan ito sa pamamagitan ng radiotherapy o chemotherapy upang ma-iwasan ang pagkalat ng kanser sa buong katawan.
Kailan naman unang natuklasan ang kanser sa buto? Ano ang kasaysayan ng sakit na ito?
Kasaysayan
Ang mga tao, maging ang mga hayop, ay naaapektuhan na ng kanser mula pa noong unang panahon. Ang ilan sa mga katunayan nito ay natagpuan sa mga nalabing buto ng mga mummy mula sa sinaunang Ehipto. May mga sinaunang manuskrito rin na naglarawan ukol sa sakit na ito.
Ang kanser sa buto ay inilarawan din sa panahon ng matandang Gresya at Roma. Matatagpuan sa kanilang mga aklat medisina ang mga tala tungkol sa mga tumor na natagpuan sa buto ng mga taong apektado nito. Inilarawan nila ang pananakit, panghihina, maging ang kawalan ng kanilang buto ng kakayahang suportahan ang katawan dahil naging madali nang mabali ang mga ito.
Paglipas ng ilang libong taon, hanggang sa panahon natin ay natuklasan na ang iba’t ibang uri ng kanser sa buto. At sa pag-usbong ng mga makabagong pamamaraan sa paglunas sa kanser, madali nang nagagamot ang sakit na ito sa pagsisimula pa lamang nito. Subalit, nagpapatuloy pa rin ang mga clinical trial ukol sa mga lalo pang mabibisa at mas ligtas na mga paraan ng paglunas sa kanser sa buto.
Atin namang alamin kung anu-ano ang iba’t ibang uri ng kanser na maaaring umapekto sa buto.
Mga Uri
May iba’t ibang uri ng kanser sa buto batay sa uri ng selula kung saan unang tumubo ang mga cancer cell. Ang mga pangunahing uri ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:
- Osteosarcoma. Ito ang pinaka-karaniwang uri ng kanser sa buto na karaniwang umaapekto sa mga bata, maging sa mga nagbibinata at nagdadalaga (young adult). Sa sakit na ito, ang mga nakaka-kanser na selula ay ang mga gumagawa ng buto. Karaniwan itong nagsisimula sa mga hita at sa mga braso.
- Chondrosarcoma. Ito ang pumapangalawa sa pinaka-karaniwang uri ng kanser sa buto. Ito ay nagsisimula sa mga balakang, hita, o sa mga braso ng mga nasa katamtamang edad.
- Ewing sarcoma. Ang kanser na ito sa buto ay karaniwang nagsisimula sa mga hita, sa mga braso, o sa balakang ng mga bata at mga young adult.
- Chondrosarcoma. Ang kanser na ito sa buto ay karaniwang umaapekto sa mga nasa wasto na ang edad. Ito ay nagsisimula sa mga cartilage at kumakalat sa mga buto. Ang sakit na ito ay karaniwang tumutubo sa itaas na bahagi ng hita, sa balakang, maging sa mga balikat. Ang pagkalat nito ay mabagal at karaniwang umaapekto sa mga may edad na 40 taong gulang pataas.
- Chordoma. Ang kanser na ito ay bihira lamang. Ito ay umaapekto sa gulugod at sa ibabang bahagi ng bungo ng mga taong mayroon nang pagkatanda (older adult). Subalit, maaari rin nitong maapektuhan ang mga bata.
Anu-ano naman ang mga dahilan ng pagkakaroon ng kanser sa buto ng mga tao?
Mga Sanhi
Hindi pa matiyak hanggang sa ngayon ang tunay na sanhi ng pagkakaroon ng kanser sa buto. Ngunit batay sa mga pag-aaral, napakalaki ng kinalaman ng mutation o pagbabago ng mga gene sa pagkakaroon ng sakit na ito. Ang mutation na ito ay hindi namamana. Bagkus, nangyayari ito kapag ang tao ay nalantad sa mga kemikal o iba pang uri ng mga sangkap na maaaring magdulot ng pagkakaroon ng kanser sa buto. Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang mga pag-aaral upang lalo pang maintindihan ang sanhi ng sakit na ito.
Anu-ano naman ang mga palatandaan ng pagkakaroon ng kanser sa buto?
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Kabilang sa mga sintomas ng kanser sa buto ay ang mga sumusunod:
- Pananakit sa apektadong bahagi. Ang pananakit ay ang pinaka-karaniwang sintomas ng kanser sa buto. Sa simula ay sumusumpong lamang ang sakit kapag ginagalaw ang bahaging apektado, kaya nakararanas ng pananakit kapag naglalakad kapag nasa buto ng hita ang kanser. Kapag lumala na ito, maaaring maging pamalagian na ang pananakit.
- Pamamaga. Bukod sa pananakit, maaaring ring mamaga pagkaraan ng ilang linggo ang bahaging apektado. Ito ay dulot ng tumutubong tumor sa buto.
- Pagkabali ng buto. Nakapagpapahina sa mga buto ang kanser. Kaya, maaaring madaling mabali ang buto na apektado ng sakit na ito.
Samantala, ang iba pang mga maaaring sintomas ng kanser sa buto ay ang mga sumusunod:
- Pagbagsak ng timbang
- Mabilis na pagkapagod
- Pagkakaroon ng arthritis
- Hirap sa paghinga, lalo na kapag kumalat na sa mga baga ang kanser
Anu-ano naman ang mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa buto? Lahat ba ng tao ay maaaring magkaroon nito?
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang posibilidad sa pagkakaroon ng kanser sa buto:
- Pagtaglay ng namamanang kondisyon. Inaakala ng mga doktor, bagama’t ito ay pinag-aaralan pa nang husto sa ngayon, na may mga uri ng mga namamanang kondisyon na maaaring salik sa pagkakaroon ng kanser sa buto.
- Pagkakaroon ng Paget disease. Ang sakit na ito ay nagdudulot ng pagkakaroon ng mga bukol na hindi nakaka-kanser sa buto. Subalit, ang mga bukol ng sakit na ito ay maaaring magbunga ng pagtubo ng mga abnormal na tissue sa mga buto na maaari namang maging kanser. Dahil dito, ang taong may sakit na ito ay dapat na matutukan upang masubaybayan ang lubos na paggaling ng kaniyang sakit.
- Pagkakalantad sa radiation. Ang mga buto na nalantad sa mga ionizing radiation ay may bahagyang panganib na magkaroon ng kanser. Ang radation ng x-ray ay ligtas, subalit ang mataas ang bahagdan nito sa katawan ay nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kanser, lalo na sa mga bata at mga matatanda.
- Nakaraang pagsailalim sa bone marrow transplantation. May ilang mga pasyente na nagkaroon ng kanser sa buto makaraang sila ay sumailalim sa bone marrow transplantation bunga ng kanser sa dugo o iba pang kondisyon.
Anu-ano naman ang iba’t ibang mga komplikasyon na maaaring idulot ng kanser sa buto?
Mga Komplikasyon
Image Source: vitamins.lovetoknow.com
Ang mga sumusunod ay ang mga komplikasyon na posibleng idulot ng sakit na ito:
- Pagkakaroon ng impeksyon
- Pagdurugo dulot ng operasyon
- Pagkakaroon ng problema pagkatapos na isalba ang mga braso o hita sa panahon ng operasyon
- Pagkakaroon ng problemang dulot ng chemotherapy at raditation therapy, kagaya ng pagsusuka, pagtatae, mga pasa, pagdurugo, mga impeksyon, pagkalagas ng mga buhok, maging ang labis na kapaguran
- Pagkakaroon ng emosyonal at pisikal na problema dulot ng pagtanggal (amputation) ng mga braso o hita
- Paghina ng puso o baga
- Pagkakaroon ng problema sa paglaki (para sa mga mas batang pasyente)
- Pagtaglay ng problema sa pagkatuto
- Pagbabago sa sexual development
- Pagkakaroon ng problema sa kakayahang manganak
- Pagbabalik ng kanser
- Pagtubo ng iba pang uri ng kanser
Anu-ano ang mga maaaring gawin upang maka-iwas sa kanser sa buto?
Pag-Iwas
Hindi pa rin matiyak sa ngayon kung ano ang sanhi ng pagkakaroon ng kanser sa buto. Kaya, wala pang mga tiyak na hakbang na maaaring gawin upang ma-iwasan ito. Ang tanging magagawa lang ng sinuman ay ang umiwas sa mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito na inilarawan sa itaas.
Sanggunian
- https://www.cancer.org/cancer/cancer-basics/history-of-cancer/what-is-cancer.html
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/bone-cancer/symptoms-causes/syc-20350217
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/171372.php
- https://www.cancer.org/cancer/bone-cancer/causes-risks-prevention.html
- https://www.cancer.org/cancer/bone-cancer/detection-diagnosis-staging/signs-symptoms.html
- https://www.medicinenet.com/bone_cancer_overview/article.htm