Buod
Ang cervix ay ang dulong bahagi ng matris, bandang ibabaw ng vagina o ari ng isang babae. Sa bahaging ito dumadaan ang dugo mula sa regla, pati na rin ang mga isinisilang na sanggol.
Maraming kondisyon ang maaaring makaapekto sa cervix, kabilang na rito ang kanser sa cervix o cervical cancer. Ito ay isang seryosong kondisyon kung saan nagkakaroon ng mga bukol ang nabanggit na bahagi. Kapag naapektuhan nito, maaaring makaranas ang isang babae ng hindi normal na pagdurugo ng ari, pagkakaroon ng mabahong discharge, pananakit ng balakang, masakit na pag-ihi, at iba pa.
Karaniwang nagkakaroon ng kanser sa cervix dahil sa human papilloma virus o HPV. Ang HPV ay ang parehas na virus na nagdudulot ng mga kulugo sa ari o genital wart. Maaaring makuha ang virus na ito kapag ang isang babae ay nakipagtalik sa infected na tao. Kapag nakarating ang virus sa cervix, maaaring magkaroon ng mga mutation o pagbabago ang DNA ng mga selula nito at magresulta sa kanser.
Upang malunasan ang kondisyong ito, maaaring isailalim ng doktor ang pasyente sa iba’t ibang mga paraan na gaya ng operasyon, chemotherapy, radiation therapy, at iba pa. Malaki naman ang posibilidad na gumaling ang pasyente sa kondisyong ito. Sa katunayan, itinuturing ang kanser sa cervix na isa sa mga pinakamadaling gamutin na uri ng kanser.
Kasaysayan
Unang inilahad ni Hippocrates ang tungkol sa kanser sa cervix noong 400 BCE. Ayon sa kanya, isa itong hindi nagagamot na uri ng sakit. Pagsapit naman ng taong 1834, natuklasan na ang kondisyong ito ay isa ring uri ng sexually transmitted disease (STD) o sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Subalit, wala pang gaanong mga matibay na ebidensiya noon kung anong uri ng mikrobyo ang nakapagdudulot ng kanser na ito.
Bandang 1920, na-imbento ng isang Alemanyang doktor na si Hans Hinselmann ang colposcope. Ang kagamitang ito ay nakatutulong upang masuri ang mga bahagi ng puwerta ng isang babae. Subalit, limitado lamang ang nagagawa nito sapagkat kaya lamang nitong magbigay ng mas malaking imahe ng cervix.
Sa kasalukuyan, ang pangunahing diagnostic test na ginagamit ng mga doktor upang malaman kung may kanser sa cervix ang isang babae ay ang pap smear. Na-imbento ang pamamaraang ito bandang 1940 ni Papanicolaou. Sa pamamaraang ito, ang babae ay susuotan ng kagamitan sa kanyang ari upang mangolekta ng mga selula. Pagkatapos, oobserbahan ang mga nakolektang selula sa cervix sa pamamagitan ng microscope.
Dahil sa patuloy na pag-aaral ng mga doktor tungkol sa kanser sa cervix, natuklasan na ang mikrobyong sanhi ng kondisyong ito ay ang HPV. Dahil dito, marami ng mga bansa ang nagpalaganap ng HPV vaccine, gaya ng Estados Unidos, Canada, Australia, at Japan.
Sa kasalukuyan, tinaguriang ika-apat sa pinakalaganap na uri ng kanser ang kanser sa cervix. Ayon sa datos, mas laganap ito sa mga mahihirap na bansa dahil sa kakulangan ng mga pasilidad na nagsasagawa ng cervical screening.
Mga Uri
Ang kanser sa cervix ay may dalawang pangunahing uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Squamous cell carcinoma. Ito ang pinakalaganap na uri ng kanser sa Sa kondisyong ito, ang kanser ay nagsisimula sa mga maninipis na lining ng labas na bahagi ng cervix.
- Adenocarcinoma. Ang adenocarcinoma ay mas madalang na uri ng cervical cancer. Subalit, mas mapanganib ito kaysa sa squamous cell carcinoma sapagkat ang kanser ay nagsisimula sa mismong loob ng cervix. Dagdag dito, mas mabilis itong kumalat.
Mga Sanhi
Sa anumang uri ng kanser, nagkakaroon ng DNA mutation ang mga selula ng apektadong bahagi, kaya naman nagkakaroon ito ng mga bukol. Bagama’t kadalasang hindi matukoy sa ibang mga uri ng kanser kung ano ang kanilang mga sanhi, sa kanser sa cervix, ang malinaw na sanhi nito ay ang human papilloma virus (HPV).
Ang HPV ay karaniwang nakukuha sa pakikipagtalik. Dahil dito, ang kanser sa cervix ay naturingan ding isang uri ng sexually transmitted disease (STD). Hindi rin nangangailangang magkaroon ng penetration upang mahawaan ng HPV. Magkaroon lamang ng skin-to-skin contact ang dalawang ari, maaari nang mahawaan ang isang tao ng virus na ito.
Ganunpaman, hindi lahat ng mga babaeng may HPV infection ay nagreresulta sa kanser sa cervix. Kadalasan, nagreresulta lamang ito sa ibang mga uri ng STD na gaya ng mga kulugo sa ari o genital wart.
Mga Sintomas
Image Source: www.independent.co.uk
Ang mga sintomas ng kanser sa cervix ay halos natutulad sa mga sintomas ng kanser sa matris, gaya ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng hindi normal na pagdurugo ng ari
- Pagkakaroon ng mabahong discharge
- Pagsakit ng balakang
- Pagsakit ng ari habang umiihi
- Pagiging madalas ng pag-ihi
- Pagsakit ng ari habang nakikipagtalik
- Pagdurugo ng ari pagkatapos makipagtalik
Upang matukoy na ang mga sintomas na nararanasan ay kaugnay sa kanser sa cervix, nangangailangang sumailalim ang pasyente sa mga diagnostic test gaya ng pap smear, pelvic ultrasound, at iba pa.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Ang bawat babae ay maaaring magkaroon ng kanser sa cervix. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging aktibo sa pakikipagtalik
- Pagkakaroon ng iba’t ibang katalik
- Paghina ng resistensya ng katawan
- Paninigarilyo
- Paggamit ng mga birth control pill
- Pagkakaroon ng ibang uri ng STD na gaya ng tulo (gonorrhea), chlamydia, syphilis, at HIV/AIDS
- Paggamit ng miscarriage prevention drug na diethylstilbestrol (DES)
Ayon sa pag-aaral, ang paninigarilyo ay nagpapataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng squamous cell na uri ng kanser sa cervix. Ang paggamit naman ng mga birth control pill at miscarriage prevention drug ay maaaring magdulot ng abnormalidad sa pagdami at paglaki ng mga selula sa cervix.
Mga Komplikasyon
Kung ang kanser sa cervix ay hindi agad nalapatan ng lunas, maaari itong magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkakaroon ng kidney failure
- Paglapot at mabilis na pamumuo ng mga dugo sa ugat
- Labis na pagdurugo
Maaaring magkaroon ng mga komplikasyong nabanggit kapag ang mga cancer cell ay kumalat na sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Pag-Iwas
Image Source: www.acsh.org
Maaaring ma-iwasan ang pagkakaroon ng kanser sa cervix sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagpapaturok ng HPV vaccine. Upang bumaba ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa cervix ay anumang uri ng STD, dapat magpaturok ng HPV vaccine. Upang maging protektado sa HPV, kailangang kumpletuhin ang dalawang dose nito na karaniwang ibinibigay ng may anim na buwang pagitan.
- Pag-obserba ng ligtas na pakikipagtalik o safe sex. Kung nakikipagtalik, siguraduhin na may gamit na Ang condom ay nagsisilbing barrier o harang sa anumang virus na maaaring lumipat sa iyong katawan. Ganunpaman, wala pa ring kasiguraduhan na hindi mahahawaan ng HPV sa paraang ito. Ito ay dahil sa maaaring kumapit din agad ang virus sa iyong katawan kahit na nagdikit lamang ang iyong ari sa ari ng taong infected.
- Pakikipagtalik sa iisang kapareha lamang. Upang ma-iwasan ang pagkahawa ng HPV, mas mainam na makipagtalik lamang sa iisang kapareha. Kung sa iisang kapareha lamang makikipagtalik, mas magiging panatag ang iyong loob sapagkat alam mo ang kanyang mga kasaysayan at gawi sa pakikipagtalik.
- Pagtigil sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nai-uugnay sa squamous cell cervical cancer. Dagdag dito, mas pinapahina nito ang resistensya ng katawan. Kaya naman kapag nakipagtalik, mas madaling mahawaan ng mga
- Pagpapa-cervical screening. Nakatutulong ang cervical screening upang matukoy kung may namumuong problema sa Mainam na regular na sumailalim sa pamamaraang ito lalo na kung aktibo sa pakikipagtalik.
Sanggunian
- https://www.healthline.com/health/cervical-cancer-symptoms
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/159821.php
- https://www.webmd.com/cancer/cervical-cancer/cervical-cancer#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cervical-cancer/symptoms-causes/syc-20352501
- https://en.wikipedia.org/wiki/Timeline_of_cervical_cancer
- https://www.healthdirect.gov.au/complications-of-cervical-cancer