Buod
Ang lalamunan ay binubuo ng larynx at ng pharynx. Matatagpuan ang mga bahaging ito sa likod ng ilong at umaabot ito pababa papunta sa mga baga at tiyan. Dahil napakaselan at napakalaki ng bahaging ginagampanan ng mga ito sa katawan, napakahalaga na mapanatili ang kalusugan nga mga ito.
Subalit, kagaya ng ibang bahagi ng katawan, ang lalamunan ay maaari ring kapitan ng malulubhang karamdaman, kabilang na ang kanser. Nagkakaroon ng kanser ang lalamunan (throat cancer) kapag may hindi mapigilan na pagtubo ng mga mapaminsalang selula sa bahaging ito. Ito naman ay nagiging mas malubha kapag labis nang nahigitan ng mga cancer cell ang mga malulusog na selula ng lalamunan.
Hindi pa matukoy ang mga tiyak na sanhi ng kanser sa lalamunan, subalit kilala na ang ilan sa mga pangunahing salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon nito. Ang ilan sa mga ito ay ang paninigarilyo at ang pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin.
Ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng kanser sa lalamunan ay ang hirap sa paglunok, pagbabago ng boses, maging ang pag-ubo na may kasamang dugo.
Kapag maagang na-detect ang kanser sa lalamunan, maaari pa itong lunasan sa pamamagitan ng pagtanggal sa bukol nito. Makatutulong din ang radiotherapy at chemotherapy sa paglunas sa advanced stage ng sakit na ito.
Kailan naman unang natuklasan ang kanser sa lalamunan?
Kasaysayan
Matagal nang kilala ang kanser sa lalamunan. May mga naitala nang mga paglalarawan ukol sa sakit na ito noon pa mang sinaunang panahon. Subalit, ang operasyon sa isang bahagi ng lalamunan na nagbigay-daan sa paglunas sa kanser sa bahaging ito ng katawan ay nagsimula lamang noong ika-19 na siglo.
Noon namang ika-20 na siglo ay ginamit ang laryngectomy, o ang pag-aalis sa larynx. Pagkatapos nito ay umusbong na ang mga mabibisang paraan ng paggamot sa sakit na kanser sa pamamagitan ng radiation therapy, systematic cytostatic chemotherapy, at ng paninistis (operasyon o surgery).
Sa ngayon ay malawak na ang kaalaman ukol sa paglunas at paggamot sa kanser sa lalamunan. Subalit, nagpapatuloy pa rin ang mga pag-aaral ukol sa mga tiyak na sanhi ng pagkakaroon nito.
Anu-ano naman ang iba’t ibang uri ng mga kanser sa lalamunan?
Mga Uri
Ang kanser sa lalamunan ay tumutukoy sa uri ng kanser na umaapekto sa larynx at pharynx. Ang mga bahaging ito ay nasa likod ng ilong at bumababa hanggang sa mga baga at tiyan.
Ang uri ng mga selula ng kanser sa lalamunan ay magkakatulad lamang, subalit magkakaiba ang uri nito batay sa bahagi ng lalamunan na apektado. Ang mga sumusunod ay ang mga uri ng kanser sa lalamunan:
- Nasopharyngeal cancer. Ang kanser na ito ay nagsisimula sa nasopharynx na matatagpuan sa likod ng ilong.
- Oropharyngeal cancer. Ito ay nagsisimula sa oropharynx na matatagpuan sa likod ng bibig at kung saan naroon ang mga
- Hypopharyngeal cancer. Ito ay tinatawag ding laryngopharyngeal cancer na nagsisimula sa hypopharynx (laryngopharynx). Ito ang ibabang bahagi ng lalamunan sa may itaas ng esophagus at daanan ng hangin.
- Glottic cancer. Ang kanser na ito ay nagsisimula sa mga vocal cord.
- Supraglottic cancer. Ito ay nagsisimula sa itaas na bahagi ng larynx. Ito rin ang kanser ng epiglottis na siyang humaharang sa pagkain upang huwag itong pumasok sa daanan ng hangin.
- Subglottic cancer. Ang sakit na ito ay nagsisimula sa ibabang bahagi ng voice box sa ibaba ng mga vocal cord.
Papaano naman nagkakaroon ng kanser sa lalamunan ang tao? Anu-ano ang mga dahilan ng pagkakaroon nito?
Mga Sanhi
Image Source: labblog.uofmhealth.org
Nagkakaroon ng kanser sa lalamunan kapag nagkaroon ng mga hindi pangkaraniwang selula na tumubo sa bahaging ito ng katawan at nahigitan ang mga malulusog na selula nito. Ang resulta nito ay ang pagkakaroon ng bukol sa lalamunan na kung tawagin ay tumor. Subalit, hindi pa rin matukoy kung bakit ito nangyayari.
Gayunpaman, tukoy na ng mga dalubhasa ang mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa lalamunan. Ang mga ito ay tatalakayin sa mga susunod na bahagi ng artikulong ito.
Anu-ano naman ang mga palatandaan ng pagkakaroon ng kanser sa lalamunan?
Mga Sintomas
Image Source: www.freepik.com
Dahil may iba’t ibang uri ng mga kanser sa lalamunan, magkakaiba rin ang mga sintomas nito. Subalit, sa lahat ng mga ito ay may mga karaniwang palatandaan, kagaya ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng hirap sa paglunok
- Pagbabago ng boses, lalo na ang pamamalat, kapag nagsasalita
- Pagkakaroon ng sore throat
- Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
- Pamamaga ng mga mata, ng mga panga, ng lalamunan, o ng leeg
- Pagdurugo ng bibig o ilong
- Hindi mawala-walang ubo
- Pag-uubo na may kasamang dugo
- Pagkakaroon ng bukol o sugat na hindi gumagaling
- Pananakit ng mga tenga
Ang ilan sa mga sintomas na ito ay maaaring palatandaan ng ibang uri ng sakit. Kaya, mahalagang magpatingin kaagad sa doktor upang makatiyak sa kalagayan ng kalusugan.
Lahat ba ng mga tao ay maaaring magkaroon ng kanser sa lalamunan? Anu-ano ang mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito?
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Hindi pa matiyak kung ano ang dahilan ng pagkakaroon ng kanser sa lalamunan. Subalit, napatataas ng mga sumusunod na salik ang pagkakaroon ng sakit na ito:
- Labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin
- Paggamit mga produktong tabako, maging ang pagnguya nito
- Ang pagkakaroon ng pangangasim ng sikmura
- Viral infection na dulot ng Epstein-Barr virus (EBV)
- Pagkahawa sa human papillomavirus (HPV), isang uri ng virus na nakukuha sa pakikipagtalik
- Mga namamanang kondisyon, tulad ng Fanconi anemia
Anu-ano naman ang mga komplikasyon na maaaring ibunga ng pagkakaroon ng kanser sa lalamunan?
Mga Komplikasyon ng Kanser sa Lalamunan
Pagkatapos na mapagaling ang kanser sa lalamunan, maaaring maranasan ng pasyente ang mga sumusunod na komplikasyon:
- Kawalan ng kakayahang magsalita
- Pagkakaroon ng hirap sa paglunok
- Pagkakaroon ng hirap sa paghinga
- Pag-iiba ng hugis ng mukha o kaya ng leeg
Sinasabi ng mga dalubhasa na ang pinaka-mainam na lunas pa rin ay ang pag-iwas sa sakit. Ngunit maaari pa rin kayang iwasan ang kanser sa lalamunan?
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Sa ngayon ay wala pang tiyak na paraan para ma-iwasan ang kanser sa lalamunan. Palibhasa, hindi pa tukoy ang mga sanhi nito. Ang tanging magagawa sa ngayon ng sinuman ay iwasan ang mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon nito, kagaya ng mga sumusunod:
- Tigilan ang paninigarilyo. Napakalaki ng pinsala na maaaring idulot ng paninigarilyo sa katawan. Ang isa sa mga sakit na maaaring idulot nito ay ang kanser sa lalamunan, bukod pa sa ibang uri ng mga kanser, kagaya ng kanser sa mga baga.
- Katamtaman lamang na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin ay nakapagpapataas sa panganib ng pagkakaroon ng kanser, maging sa lalamunan. Kaya, kung hindi lubos na matitigil ang pag-inom, bawasan na lamang ito. Kumonsulta sa manggagamot upang mabigyan ng kaalaman ukol sa katamtamang dami ng nakalalasing na inumin na maaaring inumin batay sa kasarian at edad.
- Piliin ang masusustansyang pagkain. Kumain ng mga prutas at gulay na nagtataglay ng maraming mga anti-oxidant. Ang mga sangkap na ito ay nakatutulong sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng kanser, kasama na ang kanser sa lalamunan.
- Ugaliin ang ligtas na pakikipagtalik. Ang pakikipagtalik sa taong may HPV sa oral na pamamaraan ay maaaring maging salik sa pagkakaroon ng kanser sa lalamunan. Kaya, ugaliin ang ligtas na pakikipagtalik sa pamamagitan ng paggamit ng mga dental dam at Pag-isipan din ang pagpapabakuna laban sa HPV.
Sanggunian
- https://www.cancercenter.com/cancer-types/throat-cancer/types
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/19271683
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/throat-cancer/symptoms-causes/syc-20366462
- https://www.webmd.com/oral-health/guide/throat-cancer-symptoms-treatments#1
- https://www.healthline.com/health/cancer-throat-or-larynx#causes
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/312087.php
- https://www.cancerresearchuk.org/about-cancer/head-neck-cancer/throat