Buod

Ang kanser ay maaaring umapekto sa alinmang bahagi ng katawan. Ang isa sa mga karaniwang naaapektuhan nito ay ang lapay (pancreas). Ang kanser sa lapay ang isa sa mga karaniwang uri ng kanser na maaaring umapekto sa mga matatanda. Ito ay naobserbahan din na tila mas umaapekto sa mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan.

Ang lapay ay isang uri ng gland na nasa likod ng tiyan (stomach organ) malapit sa apdo. Ito ang gumagawa ng insulin, ilang uri ng hormone, at maging ng mga pancreatic na sangkap. Kapag hindi naagapan ang pagkakaroon ng mga abnormal na mga cell sa bahaging ito ng katawan, maaari itong humantong sa kanser sa lapay. Mapipigilan din ng mga ito ang maayos na paggana ng lapay.

Ang mga taong mayroong kanser sa lapay ay may mga sintomas na may hawig sa mga palatandaan ng ibang sakit. Kasama dito ang paninilaw ng mga mata at balat, panghihina, at maging ang pananakit ng itaas na bahagi ng tiyan. Nilulunasan naman ang kanser sa lapay sa pamamgitan ng operasyon, radiation therapy, chemotherapy, o ng kombinasyon ng mga ito.

Kasaysayan

Ang Italyanong siyentipiko na si Giovanni Battista Morgagni na mula sa ika-18 na siglo ang isa sa mga unang kinilala na mga personalidad na may kinalaman sa pag-aaral ukol sa kanser sa lapay. Natukoy niya diumano ang ilang mga kaso ng kanser sa lapay. Marami sa mga panahong iyon ang hindi kaagad naniwala sa kaniya, dahil may hawig sa pancreatitis ang kondisyong ito. Noon lamang mga 1830s nagkaroon ng histopathologic na diagnosis ukol sa kanser sa lapay na ginawa ng isang Amerikanong manggagamot na si Jacob Mendes Da Costa. Si Dr. Da Costa ay dati ring hindi naniwala kay Morgagni.

Ang kauna-unahan namang operasyong partial pancreaticoduodenectomy ay ginawa ng Italyanong manggagamot na si Alessandro Codivilla noong 1898. Sa kasamaang-palad ay namatay ang pasyente sa operasyong ito pagkaraan lamang ng 18 na araw dulot ng mga komplikasyon. Ang mga sumunod na mga pagsubok na gawin ito ay natigil dahil sa maling paniniwala noon na kapag inalis ang duodenum o kaya ay kapag natigil ang pagdaloy ng mga katas ng pancreas ay mamamatay ang tao.

Sa wakas, noong 1912 ay matagumpay na inalis ng Aleman na manggagamot na si Walther Kausch ang malaking bahagi ng duodenum at ng lapay. Noon namang 1935 ay iniulat ng isang Amerikanong manggagamot na si Allen Oldfather Whipple ang tatlong magkakasunod na operasyon sa Columbia Presbyterian Hospital sa New York. Ang isa sa mga pasyente ay matagumpay na tinanggalan ng duodenum. Subalit, pagkaraan ng dalawang taon ay namatay rin ito nang kumalat sa kaniyang atay ang kanser. Pagkatapos ng mga panahong ito ay namalagi pa ring mahirap at mapanganib ang mga pamamaraang ginamit sa paglunas sa kanser sa lapay.

Pagkatapos ng mga panahong ito ay nagpatuloy pa rin ang mga pagsusuri ukol sa mga mabibisa at mas ligtas na paraan ng paglunas sa kanser na ito. Sa ngayon ay maunlad na ang mga teknolohiya na may kinalaman sa imaging upang matukoy ang kinaroroonan ng tumor sa lapay.

Naging matagumpay rin ang ilan sa mga pancreas transplant na ginawa sa ilang mga pasyente. Ang paraang ito ay dumugtong sa buhay ng ilang mga pasyente at nagkaloob sa kanila ng posibilidad na mamunay nang normal sa loob ng ilan pang taon.

Mga Uri

Exocrine na mga tumor

Ito ang pinaka-karaniwang uri ng kanser sa lapay. Ang mga tumor na ito ay adenocarcinoma ang uri dahil karaniwan itong nag-uumpisang tumubo sa mga duct ng lapay. Maaari rin itong mag-umpisang tumubo sa acini ng lapay.

Ang ilan pa sa mga uri ng exocrine na uri ng kanser sa lapay ay ang mga sumusunod:

  • Acinar cell carcinoma
  • Adenosquamous carcinoma
  • Colloid carcinoma
  • Giant cell na tumor
  • Hepatoid carcinoma
  • Mucinous cystic neoplasm
  • Pancreatoblastoma
  • Squamous cell carcinoma

Endocrine na mga tumor

Ang mga tumor na ito sa lapay ay tinatawag ding pancreatic neuroendocrine tumors (PNETs) o kaya ay islet cell tumors. Kung ikukumpara sa exocrine na mga tumor, ang endocrine na uri ng mga tumor ay bihira lamang.

Mga Sanhi

Sa ngayon ay wala pang mga tukoy na sanhi ng kanser sa lapay, bagama’t nagpapatuloy ang mga pag-aaral upang lalong maintindihan ang mga dahilan ng pagkakaroon nito.

Ang isa sa mga nauunawaan na ng mga eksperto tungkol sa sakit na ito ay ang kaugnayan ng genetics. May lima hanggang 10 porsiyento ng mga kanser sa lapay ang namamana.

Mayroon ding mga natukoy na mga salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon nito, kagaya ng edad, malabis na paninigarilyo, hindi makontrol na diabetes, maging ang malabis na katabaan. Dagdag pa sa mga ito, ang mga uri ng mga pinipiling pagkain maging ang uri ng lahing kinabibilangan ay mga salik din sa pagkakaroon ng kanser sa lapay.

Sintomas

Source: express.co.uk

May kahirapan ang pag-diagnose sa kanser sa lapay. Palibhasa, ang mga sintomas nito ay hindi kaagad mapapansin hanggang sa mga huling stage nito. Ang dahilan ay ang liit ng sukat ng mga tumor nito na nagbibigay ng hindi matukoy na mga sintomas.

Kapag malala na ang kanser sa lapay, mapapansin na ang mga sumusunod na mga sintomas:

  • Malabis na pananakit sa itaas na bahagi ng tiyan
  • Maaaring pagkakaroon ng sobrang dami ng insulin sa dugo
  • Paninilaw ng balat at ng mga mata na kagaya ng idinudulot ng mga kondisyon sa atay
  • Pagkukulay kayumanggi o pula ng ihi
  • Pagkawala ng gana sa pagkain
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Malabis na pananamlay
  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
  • Pagkakaroon ng taba sa mga dumi

Gaya ng naunang binanggit, ang mga sintomas sa itaas ay may hawig sa mga sintomas ng ibang uri ng kondisyon. Kaya, may kahirapan ang pagtiyak kung ang isang tao ay may kanser sa lapay hanggang sa huling bahagi ng pag-usbong nito sa katawan.

Mga Salik sa Panganib

Ang mga sumusunod na mga salik ay maaaring magpataas sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa lapay:

  • Pabalik-balik na pamamaga ng lapay
  • Pagkakaroon ng diabetes
  • Pagkakaroon ng kondisyong ito sa pamilya
  • Paninigarilyo
  • Katabaan
  • Katandaan (karamihan ng mga mayroon nito ay may edad na 65 na taong gulang pataas)

Pag-Iwas


Source: wcrf-uk.org

Batay sa payahag ng American Cancer Society, wala pang mga tukoy na paraan upang maiwasan ang kanser sa lapay. Subalit, may mga hakbang na maaaring gawin upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon nito, katulad ng mga sumusunod:

  • Pagpapanatili ng wastong timbang
  • Pagtigil sa paninigarilyo
  • Pagpili ng malulusog na pagkaing kagaya ng gulay, prutas, at whole grain
  • Regular na pag-eehersisyo
  • Pagbawas sa pagkain ng mga pulang karne

Sanggunian