Gamot at Lunas
Source: liverandpancreassurgeon.com
Kagaya ng ibang uri ng kanser, ang paglunas sa kanser sa lapay (pancreatic cancer) ay batay sa iba’t ibang mga salik, kagaya ng stage nito, edad at kalusugan ng pasyente, at iba pa.
Subalit, ang mga pangunahing lunas sa kanser sa lapay ay ang operasyon, radiation therapy, maging ang chemotherapy.
Operasyon
Ang nilalayon ng paraang ito ay upang alisin ang apektadong bahagi ng lapay. Subalit, kapag lubha nang kumalat sa lapay ang cancer cell, maaari ring alisin sa katawan ang buong lapay.
Radiation therapy
Ang layunin ng radation therapy ay upang paliitin ang tumor sa lapay at patayin ang mga cancer cell sa apektadong bahagi. Ginagamitan ito ng high-energy rays upang patayin ang mga cell ng kanser. Ang paraang ito ay maaaring gamitin kasabay ng chemotherapy o kaya ay pagkatapos ng operasyon.
Chemotherapy
Ang chemotherapy ay isa pa sa mga karaniwang paraan para lunasan ang kanser sa lapay. Pinipigilan nito ang pagdami ng mga cell ng kanser. Ginagamit din ito upang patayin ang mga cell ng kanser na kumalat na sa ibang bahagi ng katawan. Ang isa sa mga pinaka-karaniwang ginagamit sa chemotherapy ay ang gemcitabine (Gemzar). Intravenous ang karaniwang paraan ng paggamit nito. Maaari itong gawin kasabay ng radiation therapy o kaya ay pagkatapos maoperahan ang pasyente sa lapay.
Paglunas gamit ang bacteria
Ang paglunas sa kanser sa lapay gamit ang bacteria ay nadiskubre noon lamang 2013. Napag-alaman ng mga siyentipiko sa Albert Einstein College of Medicine ng Yeshiva University sa New York, USA na ang mga bacteria na mayroong radioisotopes ay maaaring ilagay sa lapay na may kanser. Ang paraang ito ay ginamit na sa ibang uri ng kanser.
Sa pamamagitan ng pamamaraang ito, ang pagkakaroon ng mga secondary na tumor ay napipigilan. Nalulunasan din ang pagkalat ng kanser nang hindi nagdudulot ng anumang problema sa mga malulusog na cell sa paligid nito.