Buod

Ang isa mga pinaka-karaniwang uri ng kanser ay ang kanser sa malaking bituka o colon cancer. Ito ay tinatawag ding colorectal cancer at dulot ito ng pagkakaroon ng mga tumor sa malaking bituka.

Ang mga sintomas ng sakit na ito ay ang pagkakaroon ng mga pagbabago sa mga nakaugalian sa pagdudumi, pagdurugo sa puwet, pagkakaroon ng dugo sa dumi, pagdalas ng pagkakaroon ng kabag, pamumulikat ng tiyan, pananakit ng tiyan, at pananamlay.

Nilulunasan ang kanser sa malaking bituka sa pamamagitan ng radiation therapy, chemotherapy, operasyon, at iba pa.

Kasaysayan

Mayroon nang mga naitalang kaso ng kanser sa malaking bituka noong sinaunang panahon. Sa katunayan, mahigit 6,000 taon na ang nakaraan nang ang kanser sa bahaging ito ng katawan ay naidokumento sa Tsina. Noon ay iba’t ibang uri ng mga herbal na gamot ang inirerekomenda para lunasan ito.

Sa sinaunang sibilisasyon naman ng mga Griyego at Indiano, naidokumento na rin ang paggamit ng olive oil at ng iba pang natural na gamot para sa pamamalaging malusog ng malaking bituka.

Noong mga 1960 naman ay nagkaroon na ng colonoscope nang magkaroon ng pag-unlad sa paggamit ng fiber optics. Dahil sa mga ito ay umunlad ang paraan ng pagsusuri sa loob ng tiyan gamit ang laparoscope.

Ipinakilala naman noong mga 1970 ang endoscopic screening kung saan kabilang ang colonoscopy at flexible sigmoidoscopy. Ang mga ito ang nakatulong upang matuklasan ang kanser sa malaking bituka sa maagang stage nito kung kailan ay maaari pa itong gamutin.

Noong namang mga 1980 ay ginamit ang video chip technology sa laparoscopy. Lalo nitong naipabisa ang operasyon para sa kanser sa malaking bituka.

Pagsapit naman ng mga 1990 ay nagkaroon ng mga pagsusuri sa mga gene para sa mga namamanang kondisyon upang lalong matutukan ang mga ito, lalo na sa mga may kanser sa colon.

At noong mga 2000 ay nabuo ang pandaigdigang pakikipagtulungan para sa pagkakaroon ng pamantayan sa mga mabibisang pamamaraan para sa paglunas sa kanser sa colon.

Sa panahon natin ngayon ay patuloy na pinagbubuti ang mga pagsusuri ukol sa iba pang mga mabibisang paraan ng paglunas sa kanser sa malaking bituka. Ang uri ng kanser na ito ay ang ikatlo sa pinaka-karaniwang uri ng kanser. May 10% sa bawat may kanser sa buong mundo ang may kanser sa malaking bituka. Noon lamang 2012 ay may naitalang 1.4 na milyon na mga kaso nito kung saan halos 700,000 ang namatay.

Ang sakit na ito sa ngayon ay higit na karaniwan sa mga umuunlad na bansa kung saan may 64% ng mga kaso ang naitala. Ang kanser sa malaking bituka ay karaniwang matatagpuan sa mga kalalakihan at madalang lamang sa mga kababaihan.

Mga Uri

Image Source: akoaypilipino.eu

May iba’t ibang uri ng kanser sa malaking bituka. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

Adenocarcinoma

Ang adenocarcinoma ay uri ng tumor na nagsisimula sa lining na bumabalot sa loob ng mga internal organ. Ang mga tumor na ito ay nagsisimulang tumubo sa mga cell na naglalabas ng mga enzyme. Maaaring tumubo ito sa iba pang bahagi ng katawan. Sa malaking bituka ay tumutubo ang mga ito sa mga maliliit na adenomatous polyp na patuloy na lumalaki hanggang sa maging ganap na malignant na tumor. Ang karamihan sa mga kanser sa colon ay adenocarcinoma.

Gastrointestinal Stromal Tumors (GIST)

Ang mga tumor ng GIST ay naguumpisang tumubo sa mga kalamnan ng digestive tract. Nagiging sarcoma ito kapag naging malignant. Mula rito ay maaaring kumalat ang mga ito sa malaking bituka. Karaniwan ay operasyon ang pang lunas dito para maiwasan ang pagkalat.

Lymphoma

Karaniwang nag-uumpisa ang lymphoma sa mga kulani. Subalit, maaari rin itong mag-umpisa sa malaking bituka at sa puwet.

Carcinoids

Ang mga carcinoid ay mga uri ng tumor na nagsisimula sa mga cell sa bituka na gumagawa ng mga hormones. Kapag naging malignant ay maaaring kumalat ang mga ito sa malaking bituka. Ang karaniwang lunas dito ay ang operasyon.

Familial Colorectal Cancer (FCC)

Ang FCC ay uri ng kanser sa malaking bituka na kadalasang umiiral sa mga magkakamag-anak na nagkaroon na nito. Ibig sabihin, ito ay namamana.

Juvenile Polyposis Coli

Ito ay hindi pangkaraniwang uri ng kanser sa malaking bituka na mistulang umaapekto sa mga bata. Ang kondisyong ito ay kaugnay ng paglaganap ng mga hamartomatous polyp – maaaring kaunti o marami – na maaaring matagpuan sa buong gastrointestinal tract.

Mga Sanhi

Ang kanser sa malaking bituka ay karaniwang nagmumula sa mga hindi cancerous na mga tumor (benign tumor) na kung tawagin ay adenomatous polyps. Ang mga ito ay karaniwang namumuo sa loob ng malaking bituka. Kapag naging malignant ang mga cell nito, maaari itong kumalat sa ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng dugo at lymphatic system.

Sa ngayon ay hindi pa tiyak kung ano talaga ang sanhi ng kanser sa colon. Subalit, tukoy na ang mga salik sa pagkakaroon nito na tatalakayin sa may hulihang bahagi ng artikulong ito.

Sintomas

Source: everydayhealth.com

Sa mga unang stage ng kanser na ito ay maaaring walang mga sintomas. Kapag lumala na ay mapapansin ang mga sumusunod na mga palatandaan:

  • Pagkakaroon ng pagbabago sa pagdudumi, kagaya ng pagtitibi o kaya naman ay malabis na pagtatae
  • Pagdurugo ng puwet
  • Pagkakaroon ng dugo sa dumi
  • Pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam sa tiyan, pagpupulikat nito, o pagkakaroon ng kabag
  • Pagkakaroon ng pakiramdam na parating puno ang tiyan
  • Malabis na pagkapagod at pananamlay
  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang

Mga Salik sa Panganib

Ang ilan sa mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa malaking bituka ay ang mga sumusunod:

Edad. Maaaring magkaroon ng kanser sa colon ang sinuman. Subalit, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito ang mga may 50 na taong gulang pataas.

Dati nang nagkaroon ng kanser sa colon. Ang mga taong dati nang gumaling mula sa colon cancer ay maaari ulit magkaroon nito sa hinaharap.

Pagkakaroon ng kanser sa colon sa pamilya. Mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa malaking bituka kung ang tao ay may mga kamag-anak na nagkaroon nito.

Mga problema sa malaking bituka. Ang pagkakaroon ng mga chronic o pabalik-balik na mga kondisyong inflammatory sa malaking bituka, kagaya ng ulcerative colitis at Crohn’s disease, ay nagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa colon.

Hindi wastong pagkain. Kapag ang kinakain ay malabis sa taba at kakaunti sa fiber, ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa colon ay lubhang tataas.

Kakulangan sa pagkilos. Ang mga taong kulang sa ehersisyo o sa mga araw-araw na pagkilos ay mayroon ding mataas na posibilidad na magkaroon ng kanser sa malaking bituka.

Katabaan. Napag-alaman sa mga pagsusuri na ang mga taong matataba ay may mas mataas na posibilidad na magkaroon ng kanser sa colon kaysa sa mga may normal na timbang.

Pagkakaroon ng diabetes. Salik din sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa colon ang pagkakaroon ng diabetes. Ito ay dahil sa pagbaba ng insulin activity sa katawan ng pasyente.

Paninigarilyo. Ang mga taong naninigarilyo ay may mataas na posibilidad na magkaroon ng kanser sa colon dahil sa mga kemikal na nasa sigarilyo.

Pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin ay nagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa malaking bituka dahil sa nakasasamang katangian ng mga ito.

Pagsasailalim sa radiation therapy para sa ibang uri ng kanser. Ang radiation therapy ay nagpapataas din ng posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa colon dahil maaari nitong masira ang mga malulusog na mga cell sa malaking bituka.

Etnisidad. Napag-alaman sa mga pagsusuri na ang mga African-American ay may higit na mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa malaking bituka.

Pag-Iwas

Source: healthline.com

Ang pinakamainam na paraan ng pag-iwas sa kanser sa colon ay ang pagkadiskubre at paglapat ng lunas dito habang maaga. Kaya, napakahalaga ng regular na screening sa malaking bituka, colonoscopy, at pagpapasuri sa dugo.

Maaari ring gawin ang mga sumusunod na mga karagdagang pag-iingat para maiwasan ang kanser sa malaking bituka:

  • Pagtigil sa paninigarilyo
  • Paggamit ng aspirin araw-araw (batay sa rekomendasyon ng doktor)
  • Pag-inom ng folic acid araw-araw (batay sa rekomendasyon ng doktor)
  • Regular na pag-eehersisyo
  • Pagkain ng iba’t ibang uri ng mga gulay at prutas, lalo na ang mga mayayaman sa fiber

Sanggunian