Buod
Nagkakaroon ng kanser sa mata o eye cancer kapag ang mga selula ng mata ay dumami o lumaki nang higit sa normal. Dahil dito, ang mga mata ay nagkakaroon ng pamumukol o kaya naman ay pagbabago ng kulay. Bukod sa mga ito, maaari ring mamula at manakit ang mga mata ng pasyente at manlabo ang kanyang paningin. Sa unang yugto nito, hindi agad aakalain na kanser na pala ito sapagkat ang mga nararamdamang sintomas ay halos natutulad lamang sa ibang uri ng mga sakit sa mata.
Gaya ng ibang uri ng kanser, hindi pa rin lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng kanser sa mga mata. Subalit, natukoy nang maaaring mamana sa pamilya ang panganib ng pagkakaroon nito. Dagdag dito, nakapagpapataas din ng posibilidad ng pagkakaroon ng eye cancer kapag ang mga mata ay madalas na nalalantad sa matinding sikat ng araw at mga nakalalasong kemikal.
Kung mada-diagnose na mayroong kanser sa mata ang isang tao, maaari siyang sumailalim sa iba’t ibang pamamaraan ng paglunas na gaya ng operasyon, radiotherapy, at chemotherapy. Ang mga isasagawang lunas sa pasyente ay nababatay sa sanhi, uri, at tindi ng kanyang kondisyon.
Kasaysayan
Noon pa man ay may naitatala na’ng mga kaso ng iba’t ibang uri ng kanser. Ang pinakamatandang tala tungkol sa kanser ay nagmula sa sinaunang Ehipto noong 1600 BC. Subalit, walang gaanong tala tungkol sa kanser sa mata sapagkat ito ay napakadalang na uri ng kanser.
Pagsapit ng taong 2008, natuklasan ng mga mananaliksik mula sa University of British Columbia ang pangunahing sanhi ng pinakalaganap na uri ng kanser sa mata, ang eye melanoma. Ayon sa mga mananaliksik, ang pagbabago ng gene na tinatawag na GNAQ ay siyang dahilan sa 45% ng mga kaso ng eye melanoma. Dahil sa pagbabago ng GNAQ, hindi na makontrol pa ang pagdami at paglaki ng mga selula ng mata.
Mga Uri
Maraming mga uri ang kanser sa mata, subalit ang pinakalaganap na uri nito ay ang intraocular eye cancer. Dito, ang mga bukol ay nagsisimula sa mismong loob ng mata. Upang higit na maintindihan ang kondisyong ito, narito ang ilan sa mga pangkaraniwang uri ng intraocular eye cancer:
- Eye melanoma. Ang eye melanoma ay isang uri ng kanser sa mata na nakaaapekto sa mga selulang gumagawa ng pigment o kulay na tinatawag na Kapag naapektuhan ang mga melanocyte, nagbabago ang kulay ng mga mata at nagkakaroon ang mga ito ng itim o puting patsi-patsi.
- Eye lymphoma. Sa eye lymphoma, ang naaapektuhang bahagi ay ang mga lymph node o kulani ng mga mata. Ang karaniwang naaapektuhan ng kondisyong ito ay ang mga taong may mahihinang immune system, gaya ng mga matatanda o mga taong may AIDS.
- Retinoblastoma. Ito ang pinakalaganap na uri ng kanser sa mata ng mga bata. Sa kondisyong ito, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng magkaibang kulay ng mga mata ng pasyente. Sa ibang pasyente naman, mapapansin din na medyo may pagkaduling ang kanilang mga mata. Bagama’t isa itong nakaaalarmang kondisyon, 9 sa 10 bata ay gumagaling naman mula sa kondisyong ito.
- Medulloepithelioma. Isa rin itong uri ng kanser sa mata na madalas makaapekto sa mga bata. Subalit, hindi naman ito kumakalat sa ibang bahagi ng mga mata kaya mas madali itong malunasan. Sa kondisyong ito, ang pasyente ay nakararanas ng panlalabo ng paningin, maging ng pananakit at pag-umbok ng mga mata.
- Squamous cell cancer of the eye. Sa kondisyong ito, ang conjunctiva ng mata ay nagkakaroon ng mga maliliit na bukol. Ang conjunctiva ay ang manipis at malinaw na bahagi ng mata na nagsisilbing takip nito. Kapag naapektuhan ng kondisyong ito, mapapansin na may tumutubong puti-puti sa mga mata at pakiramdam ng pasyente na lagi siyang napupuwing.
Mga Sanhi
Image Source: unsplash.com
Sa kasalukuyan, hindi pa rin lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng kanser sa mata ang isang tao. Subalit, pinaniniwalaan nila na may kinalaman ang mga sumusunod na sanhi sa pagkakaroon ng kondisyong ito:
- Pagkamana ng problemadong Ayon sa mga doktor, maaaring mamana ng isang tao ang problemadong gene ng kanyang mga magulang na nagdudulot ng kanser sa mata. Batay sa isang pag-aaral, ang mutation o pagbabago ng gene na tinatawag na GNAQ ay maaaring magdulot ng hindi kontroladong pagdami at paglaki ng mga selula sa mata. Kung mayroon o nagkaroon ng kanser sa mata ang magulang o malalapit na mga kamag-anak, maaaring mamana ito ng mga anak o ng kasunod na henerasyon.
- Pagkakalantad ng mga mata sa sikat ng araw. Ang sikat ng araw ay mayroong ultraviolet radiation. Kilala ito bilang isa sa mga pangunahing sanhi ng kanser sa balat, subalit maaari rin itong magdulot ng kanser sa mata.
- Pagkakalantad ng mga mata sa mga nakalalasong kemikal. Posible ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng eye cancer kung ang mga mata ay madalas na nalalantad sa mga nakalalasong kemikal na gaya ng mga pesticide, insecticide, at iba pa. Maaari ring magkaroon ng kanser ang mga mata kung madalas gumagamit ng mga makeup na may mapapanganib na sangkap gaya ng lead at
Mga Sintomas
Image Source: www.essilor.co.th
Hindi madaling matukoy kung ang nakaaapektong kondisyon sa mata ay kanser na sapagkat ang mga sintomas nito ay halos natutulad sa mga simpleng sakit ng mga mata. Subalit, kung ang isang tao ay nakikitaan at nakararamdam ng mga sumusunod na sintomas, maaaring siya ay mayroong kanser sa mata:
- Pagbabago ng kulay ng mga mata
- Pagkakaroon ng maiitim o mapuputing mga patsi-patsi sa mga mata
- Pag-umbok ng mga mata
- Pananakit at pamumula ng mga mata
- Pagkakaroon ng mga tila lumulutang na mga tuldok o linya sa paningin
- Panlalabo ng paningin
Maaaring sumailalim ang pasyente sa iba’t ibang diagnostic test upang matukoy kung mayroon siyang kanser sa mata. Ilan lamang sa mga diagnostic test na maaaring isagawa sa pasyente ay eye examination, ultrasound, fluorescein angiography, fine needle biopsy, at iba pa.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang kanser sa mata ay maaaring makaapekto sa kahit na sinuman. Subalit, mas tataas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagkakaroon ng maputla na kulay ng mga mata. Ang mga taong may mapuputing kulay ng balat ay kadalasang mayroong ding mapuputlang kulay ng mga mata. Kadalasang naihahanay dito ang mga mayroong mga matang kulay bughaw, luntian, o abo. Gaya ng nangyayari sa ibang mga bahagi ng katawan, ang kakulangan ng pigment o kulay sa mga mata ay nagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng mutation sa mga ito dulot ng pagkalantad sa ultraviolet radiation.
- Pagkakaroon ng maraming nunal sa balat. Ang pagkakaroon naman ng maraming nunal sa balat ay indikasyon na mas madaling tubuan ang katawan ng kung anu-anong mga bukol.
- Kasaysayan ng eye cancer sa pamilya. Kahit walang eye cancer ang iyong mga magulang, posible pa ring magkaroon nito kung ang malalapit na mga kamag-anak ay may kasaysayan ng ganitong uri ng kondisyon.
- Pagiging matanda. Sa pagtanda, ang mga mata ay mas madali ng magkaroon ng kung anu-anong karamdaman—kasama na rito ang kanser. Bukod sa kalaunang paghina ng resistensya ng katawan, ito rin ay dahil sa naipon nang pinsala mula sa pagkalantad mula sa araw at sa mga nakalalasong mga sangkap.
Mga Komplikasyon
Kung hindi agad malalapatan ng lunas ang kanser sa mata, maaari itong magkaroon ng iba’t ibang komplikasyon, gaya ng mga sumusunod:
- Tuluyang pagkawala ng paningin
- Pagkakaroon ng kanser sa baga
- Pagkakaroon ng kanser sa suso
Ang madalas na komplikasyon ng anumang uri ng kanser ay ang pagkalat nito sa iba’t ibang mga bahagi ng katawan. Sa kanser sa mata, ang mga kalapit-bahaging kadalasang naapektuhan nito ay ang mga baga at suso.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Ang pagkakaroon ng kanser sa mata ay maaaring hindi maiwasan sapagkat hindi pa lubusang nalalaman ng mga doktor kung ano talaga ang pinakapangunahing sanhi mismo ng kanser. Subalit, maaaring pababain ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagsuot ng shades at sumbrero. Upang maprotektahan ang mga mata sa matinding sikat ng araw, ugaliing magsuot ng shades at sumbrero. Maaari ring gumamit ng payong nang sa gayon ay maprotektahan din ang balat mula sa araw.
- Pagpahid ng sunscreen. Ayon sa pag-aaral, may kaugnayan ang sikat ng araw sa pagkakaroon ng anumang uri ng melanoma. Dahil dito, iminumungkahi na magpahid ng sunscreen sa balat nang sa gayon ay maiwasan ang pagkakaroon ng skin melanoma na posibleng kumalat sa mga mata.
- Pagsasailalim sa routine eye examination. Ang routine eye examination ay ang regular na pagpapasuri ng mga mata sa isang eye doctor o Nakatutulong ang regular na pagpapasuri upang mabilis matukoy kung may problema ang mga mata.
Sanggunian
- https://www.cancer.org/cancer/eye-cancer/about/what-is-eye-cancer.html
- https://www.verywellhealth.com/eye-cancer-symptoms-514439
- https://www.nhs.uk/conditions/eye-cancer/
- https://www.healthdirect.gov.au/eye-cancer
- https://canceroftheeye.weebly.com/eye-cancer-facts.html
- https://www.sciencedaily.com/releases/2008/12/081210143414.htm