Buod

Ang matris (uterus) ay ang bahagi ng katawan ng isang babae na nagdadala ng sanggol habang siya ay buntis. Kapag ang tisyu na nakapalibot sa matris (endometrium) ay tinubuan ng mga bukol, naaapektuhan ang babae ng kondisyong tinatawag na kanser sa matris o endometrial/uterine cancer.

Ayon sa mga tala, isa ang kanser sa matris sa mga pinakalaganap na uri ng kanser ng mga kababaihan. Kapag nagkaroon ng kondisyong ito, ang pasyente ay makararanas ng iba’t ibang mga sintomas na gaya ng pagsakit ng balakang, pagdurugo ng ari (na hindi sabay sa pagreregla), pagsakit ng ari habang umiihi o tuwing nakikipagtalik, at iba pa.

Bagama’t hindi pa lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng kanser sa matris, pinaniniwalaang ito ay dulot ng mga mutation o pagbabago ng DNA ng mga selula sa matris. Sa pagbabago ng mga selula, ang mga ito ay nagiging abnormal at nagkakaroon ng hindi mapigilang pagdami at paglaki.

Upang malunasan ang kondisyong ito, maaaring sumailalim ang pasyente sa operasyon, chemotherapy, radiation therapy, at iba pang mga pamamaraan. Sa maagang pagtukoy at paglapat ng lunas sa sakit na ito, mas malaki ang posibilidad na tumaas ang survival rate ng pasyente.

Kasaysayan

Walang gaanong tala tungkol sa kanser sa matris. Subalit noon pa man, ay mayroon na’ng mga tala tungkol sa iba’t ibang uri ng kanser gaya ng kanser sa suso, baga, at iba pa. Ang unang mga tala tungkol sa kondisyong ito ay nakita sa sinaunang sibilisasyon ng Ehipto bandang 1600 BC.

Ayon sa datos, tinatayang 3.1% ng mga kababaihan ang naaapektuhan ng kanser sa matris. Dagdag dito, ang mga lugar na may pinakamatataas na tala ng kondisyong ito ay ang Hilagang Amerika at Hilagang Europa. Sinundan naman ito ng Asya, Timog Europa, Australia, at Timog Amerika na mayroong mga bahagyang kaso ng kanser sa matris, samantalang ang Aprika at Silangang Asya naman ang may pinakamababang kaso ng kondisyong ito.

Mga Uri

Ang kanser sa matris ay may tatlong pangunahing uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Type 1 endometrial cancer. Ang type 1 endometrial cancer ay ang pinakalaganap na uri ng kanser sa matris. Kilala rin ito sa tawag na endometrioid cancer. Sa uring ito, ang mga bukol ay mabagal ang pagtubo at bihira lamang kumalat sa ibang bahagi ng katawan. Pinaniniwalaang nagkakaroon ng kondisyong ito kapag masyadong naparami ang produksyon ng estrogen hormone ng mga kababaihan. Kumpara sa ibang mga uri, mas madali itong gamutin.
  • Type 2 endometrial cancer. Ang type 2 endometrial cancer ay mas mapanganib kaysa sa type 1, sapagkat ang mga bukol ay mabilis na tumutubo at kumakalat sa ibang mga bahagi ng katawan. Kaya naman, nangangailangan ito ng matinding gamutan. Ganunpaman, ang uring ito ay mas madalang kaysa sa type 1.
  • Uterine sarcoma. Sa uterine sarcoma, ang mga bukol ay tumutubo sa mismong kalamnan ng matris (myometrium). Napakadalang ng uring ito, subalit maaari itong kumalat sa ibang mga bahagi ng katawan.

Mga Sanhi

Bagama’t hindi pa lubusang malinaw kung bakit nagkakaroon ng kanser sa matris, narito ang mga posibleng sanhi nito:

  • DNA mutation. Pinaniniwalaan ng mga doktor na nagkakaroon ng kanser sa matris ang isang babae kapag nagkaroon ng mga mutation ang DNA ng kanyang mga selula. Dahil dito, ang mga selula ng matris ay lalong dumadami at lumalaki na siyang nagdudulot ng pagtubo ng mga bukol.
  • Pabago-bagong dami ng mga Bukod sa DNA mutation, maaari ring maging sanhi ng kanser sa matris ang pabago-bagong dami ng mga estrogen at progesterone hormone sa mga kababaihan. Ang mga hormone na ito ay tumutulong upang lumabas ang mga katangiang pambabae na gaya ng pagkakaroon ng regla, pagiging malambot at makinis ng balat, pagtinis ng boses, at iba pa. Ayon sa mga doktor, ang pabago-bagong dami ng mga hormone na ito ay maaaring makaapekto sa endometrium ng matris.

Mga Sintomas

Image Source: grannyhealthtoday.com

Masasabing may kanser sa matris ang isang babae kapag siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagsakit ng balakang
  • Paglabas ng dugo sa ari (na hindi nai-uugnay sa regla)
  • Pagdurugo ng ari kahit nag-menopause na
  • Pananakit ng ari habang umiihi o nakikipagtalik
  • Pagkakaroon ng mabahong discharge o likidong lumalabas sa ari
  • Paglaki ng matris
  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
  • Pagkaramdam ng panghihina sa tiyan, likod, o mga binti

Maaaring hindi agad matukoy na kanser sa matris na pala ang nakaaapekto sa isang babae sapagkat ang ilan sa mga sintomas nito ay natutulad sa ibang mga uri ng sakit na gaya ng urinary tract infection (UTI) at mga sexually-transmitted disease (STD). Dagdag dito, magkatulad din ang mga sintomas nito sa kanser sa cervix. Matutukoy lamang na kanser sa matris ito kapag sumailalim ang pasyente sa mga diagnostic test gaya ng pelvic examination, transvaginal ultrasound, endometrial biopsy, at iba pa.

Mga Salik sa Panganib

Image Source: unsplash.com

Ang bawat kababaihan ay maaaring magkaroon ng kanser sa matris, lalo na kung kabilang o naaapektuhan sila ng mga sumusunod na salik:

  • Pagkakaroon ng edad na 40 taong gulang pataas
  • Pagkakaroon ng regla sa murang edad
  • Hindi pagkakaroon ng regular na regla
  • Permanenteng pagtigil ng regla o menopause
  • Pagiging mataba
  • Pagkakaroon ng diabetes at altapresyon
  • Hindi pagkakaroon ng anak
  • Pagkakaroon ng kasaysayan ng kanser sa matris sa pamilya

Karaniwang nagkakaproblema ang matris kapag nagkakaroon ng regla ang isang babae. Tuwing nireregla kasi ang isang babae, dito nagkakaroon ng pabago-bagong dami ng mga estrogen at progesterone hormone. Sa pagdami o pag-unti ng mga hormone na ito, ang mga lining ng matris ay maaaring numipis o kumapal.

Mga Komplikasyon

Kung hindi agad malalapatan ng lunas ang kanser sa matris, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod na komplikasyon:

  • Pagkakaroon ng anemia. Maaaring magkaroon ng anemia ang pasyente, lalo na kung siya ay nakararanas ng matinding pagdurugo sa kanyang ari. Sa anemia, ang bilang ng mga red blood cell ay bumababa. Ito naman ay siyang nagiging dahilan upang manghina nang husto ang pasyente.
  • Pagkabutas ng matris. Kung ang mga bukol ay dumami nang dumami, maaari nitong mabutas ang matris. Maaari rin itong magdulot ng matinding pagdurugo sapagkat naaapektuhan at napupunit na ang mga ugat ng matris.
  • Hindi pagkakaroon ng anak. Bagama’t ang kanser sa matris ay madalas na nakaaapekto sa mga babaeng medyo may edad na, maaari pa rin nitong maapektuhan ang mga mas batang kababaihan. Sa pagkalat ng mga bukol, maaaring maharangan ng mga ito ang mga obaryo at fallopian tube kaya naman bumababa rin ang dami ng egg cell na nailalabas ng isang babae.

Pag-Iwas

Image Source: www.freepik.com

Maaaring ma-iwasan ang pagkakaroon ng kanser sa matris sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Pagpapanatili ng wastong timbang. Isa sa mga salik sa panganib ng kanser sa matris ay ang pagiging mataba. Upang hindi maapektuhan ng kondisyong ito, panatilihin ang wastong timbang sa pamamagitan ng pagpili ng balanse at masusustansyang pagkain at pag-eehersisyo.
  • Pag-eehersisyo araw-araw. Kahit nasa wastong timbang ang katawan, hindi pa rin dapat kaligtaan ang pag-eehersisyo. Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong ito upang mabalanse ang mga hormone sa katawan gaya ng estrogen upang hindi magkaroon ng anumang uri ng kanser na na-uugnay sa pabago-bagong dami ng mga hormone.
  • Paggamit ng mga contraceptive. Bukod sa pag-iwas sa pagkakaroon ng anak, ang mga contraceptive na gaya ng intrauterine device (IUD) at birth control pill ay nakatutulong upang mabalanse ang mga hormone sa katawan ng isang babae. Nakatutulong din ang mga ito upang hindi gaanong kumapal ang mga lining ng matris.
  • Pagsasailalim sa hormone therapy. Ang hormone therapy ay ang pag-inom ng mga supplement upang mabalanse ang produksyon ng estrogen at progesterone sa katawan. Upang malaman ang pinaka-angkop na hormone therapy, kumonsulta sa doktor.

Sanggunian