Gamot at Lunas

Image Source: www.freepik.com

Gaya ng sa ibang mga uri ng kanser, ang paggamot sa kanser sa matris ay nababatay sa uri at tindi ng kondisyon. Maaaring sumailalim ang pasyente sa mga sumusunod na pamamaraan:

  • Operasyon. Maaaring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon o pagtitistis upang matanggal ang mga bukol sa kanyang matris. Kung ito ay kalat na, maaaring tistisin ang buong matris, pati na rin ang mga obaryo at fallopian tube.
  • Chemotherapy. Sa chemotherapy, ang pasyente ay iinom ng mga gamot na naglalaman ng mga sangkap na nakapupuksa sa mga cancer cell. Maaari rin siyang turukan ng mga gamot na ipinapadaan sa suwero upang mas mabilis na bumisa ang mga ito. Karaniwang isinasagawa ang chemotherapy pagkatapos ma-operahan ang pasyente.
  • Radiation therapy. Maaari ring sumailalim ang pasyente sa radiation therapy. Sa pamamaraang ito, ang pasyente ay pahihigain sa isang mesa kung saan papadaanan ang mga naapektuhang bahagi ng katawan ng malakas at purong ilaw. Karaniwang isinasagawa ito habang hindi pa angkop ang katawan ng pasyente sa pagsasailalim sa isang operasyon.
  • Hormone therapy. Mainam din ang hormone therapy sa paggamot ng kanser sa matris. May mga gamot na nakapagpapababa ng dami ng mga hormone sa katawan upang hindi na lumaki at kumalat pa ang mga cancer cell. Karaniwang isinasagawa ito sa pasyente, lalo na kung malubha na ang kanyang kalagayan.
  • Targeted drug therapy. Ang targeted drug therapy ay ang paggamit ng mga gamot upang mapuksa ang mga cancer cell. Kumpara sa chemotherapy, hindi nito napapatay ang mga malulusog na selula ng matris.
  • Immunotherapy. Ang immunotherapy ay nakatutulong upang mas patibayin ang resistensya ng katawan na mapigilan ang pagdami at pagkalat ng mga cancer cell. Sa pamamaraang ito, ang pasyente ay bibigyan din lamang ng mga gamot upang lumakas ang kanyang immune system.

Bukod sa mga nabanggit, nangangailangan din ang pasyente ng emotional support mula sa kanyang mga kaibigan at pamilya. Ang kanser sa matris ay isang seryosong kondisyon na maaaring magdulot ng matinding stress at pagkalungkot sa pasyente. Bagama’t maaari itong magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente, maaaring tumaas ang survival rate kung ito ay natukoy at nalapatan ng lunas nang maaga.