Buod
Ang kanser sa obaryo o ovarian cancer ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mga bukol o tumor sa isa o parehong obaryo ng mga babae. Ang obaryo ay ang bahagi ng reproductive system ng isang babae na gumagawa ng mga itlog. Bukod sa mga obaryo, maaari ring kumalat ang mga cancer cell sa mga kalapit-bahagi nito, gaya ng mga fallopian tube at uterus (matris o bahay-bata). Kung maaapektuhan ang mga bahaging ito, maaaring maapektuhan ang kakayanan ng isang babae na magkaroon ng anak.
Sa mga unang yugto ng kanser sa obaryo, walang gaanong nararanasang mga sintomas ang isang pasyente. Subalit sa pagdami ng mga cancer cell, maaari siyang makaranas ng paglaki o pamamaga ng tiyan, pananakit ng mga balakang, palagiang pag-ihi, pagtitibi, mabilis na pagkabusog, pagbaba ng timbang, at iba pa. Ang mga sintomas na ito ay karaniwang naipagsasawalang-bahala lamang ng ilang pasyente sapagkat ang mga ito ay halos natutulad sa mga sintomas ng ibang sakit.
Hindi lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng ovarian cancer, subalit maaaring magkaroon nito kung may kasaysayan ng kanser sa pamilya. Dagdag dito, ang pagkakaroon ng hindi malusog na pamumuhay ay maaari ring magdulot ng kanser sa obaryo. Kung ang isang babae naman ay labis-labis kung kumain o naninigarilyo, mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito.
Maaari namang gumaling sa kondisyong ito kung matutukoy at malulunasan ito agad habang maaga pa. Upang malunasan ang ovarian cancer, maaaring sumailalim ang pasyente sa isang operasyon, sa chemotherapy, at iba pang mga pamamaraan.
Kasaysayan
Sa kasalukuyang panahon, ang pag-aaral tungkol sa kanser ay tinatawag na oncology, samantalang ang mga espesyalistang doktor na gumagamot sa sakit na ito ay tinatawag na oncologist. Ngunit noon pa man, naaapektuhan na ng kanser ang mga sinaunang tao. Batay sa pag-aaral sa mga mummy ng sinaunang Ehipto, mayroong mga patunay na nagkaroon ng kanser ang ilan sa mga ito.
Ang kanser ay mayroong napakaraming uri at ito ay nababatay sa bahaging tinubuan ng mga bukol o tumor. Ilan lamang sa mga napakaraming uri ng kanser ay ovarian cancer. Ito ay isang uri ng kanser na nakaaapekto lamang sa mga kababaihan sapagkat sila lamang ang mga may obaryo.
Noong taong 2010, ang Estados Unidos ay may naitalang mga 21,880 na mga kaso ng kanser sa obaryo bawat taon, at tinatayang 13,580 na kababaihan ang namatay dahil sa sakit na ito. Dagdag dito, napag-alaman na ang ovarian cancer ang pinakalaganap na uri ng kanser na nakaaapekto sa mga kababaihang sumapit na sa menopause. Karaniwang nada-diagnose na may kanser sa obaryo ang mga matatandang kababaihan pagsapit nila sa pagitan ng mga edad 60 at 64 na taong gulang.
Bagama’t isang nakababahalang kondisyon ang kanser sa obaryo, marami na ang mga natuklasang paraan kung paano ito malulunasan. Kasama na dito ang ang operasyon, chemotherapy, targeted therapy, at iba pa.
Mga Uri
Ang kanser sa obaryo ay may tatlong pangunahing uri na nababatay sa mga selula na naapektuhan. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Epithelial tumor. Sa uring ito, ang kanser sa obaryo ay nagsisimula sa manipis na tisyung bumabalot sa mga obaryo. Ayon sa mga tala, tinatayang 90% ng ovarian cancer ay epithelial tumor.
- Stromal tumor. Sa stromal tumor naman, ang kanser sa obaryo ay nagsisimula sa mga tisyu ng obaryo na gumagawa ng mga Kumpara sa ibang mga uri, mas mabilis matukoy o ma-diagnose ang mga tumor na ito.
- Germ cell tumor. Isa itong napakadalang na uri ng ovarian cancer. Sa uring ito, nauunang maapektuhan ang mga selula ng obaryo na gumagawa ng mga itlog. Karaniwang naaapektuhan ng kondisyong ito ang mga mas batang kababaihan.
Mga Sanhi
Image Source: unsplash.com
Gaya ng ibang mga uri ng kanser, hindi pa lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng kanser sa obaryo. Subalit maaaring may kinalaman ang mga sumusunod sa pagkakaroon ng kondisyon na ito:
- Pagkamana ng kondisyon sa pamilya. Kung ang isang ina ay may kanser sa obaryo, maaaring mamana ito ng mga anak na babae.
- Pagkakaroon ng labis na timbang. Maaari ring magkaroon ng kanser sa obaryo kung ang isang babae ay overweight o mayroong labis na timbang.
- Paninigarilyo. Bukod sa kanser sa baga, maaari ring magdulot ng ovarian cancer ang paninigarilyo. Ayon sa pag-aaral, ang mga kababaihang naninigarilyo ay maaaring magkaroon ng mucinous tumor, isang uri ng hindi agresibong ovarian cancer.
Mga Sintomas
Image Source: ph.theasianparent.com
Napakaraming kababaihan ang hindi agad natutukoy na mayroong ovarian cancer, sapagkat ang mga sintomas nito ay halos natutulad lamang sa mga mas simpleng kondisyon. Ang iba naman ay hindi nakararamdam ng mga sintomas ,lalo na kung ang kanser ay nasa mga unang yugto pa lamang. Subalit, kung nakararanas ng mga sumusunod na sintomas maaaring ito ay kanser sa obaryo:
- Paglaki o pamamaga ng tiyan
- Pananakit ng mga balakang
- Madalas na pag-ihi
- Pagtitibi
- Mabilis na pagkabusog
- Pagbaba ng timbang
- Hindi inaasahang pagdurugo ng ari
- Pananakit ng likod o tiyan
- Pagduduwal
- Pagka-impatso
- Pagkawala ng gana sa pagkain
- Mabilis na pagkapagod
Kung ang mga nararanasang sintomas ay hindi nawawala sa loob ng isa o dalawang linggo, mas mainam na magpakonsulta sa doktor.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang lahat ng kababaihan ay maaaring magkaroon ng kanser sa obaryo. Subalit, mas tataas ang posibilidad na magkaroon nito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging matanda. Maaaring magkaroon ng ovarian cancer sa kahit na anong edad, subalit mas laganap ito sa mga kababaihang nasa pagitan ng mga edad 50 at 60 taong gulang.
- Pagkakaroon ng kasaysayan ng ovarian cancer sa pamilya. Ang mga kababaihang may ina o malalapit na kamag-anak na may ovarian cancer ay mas malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng ganitong kondisyon.
- Pagkakaroon ng breast cancer. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga kababaihang may breast cancer o kanser sa suso ay mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng ovarian cancer sapagkat nakararanas sila ng mutation o pagbabago sa kanilang BRCA gene (breast cancer gene).
- Pagsasailalim sa hormone replacement therapy (HRT). Kung ang isang babae ay kasalukuyang sumasailalim sa isang hormone replacement therapy, maaari ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa obaryo. Bagama’t ang layunin ng HRT ay itama ang dami ng hormone sa katawan, ang napakatagal na pagsasailalim sa therapy na ito ay maaaring makaapekto samga selula ng katawan at magdulot ng pagkakaroon ng mga bukol o tumor dito.
Mga Komplikasyon
Kapag lumala ang ovarian cancer, maaaring maapektuhan nito ang iba’t ibang bahagi ng katawan at magkaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pagkakaroon ng baradong mga bituka
- Pagsusugat ng mga bituka
- Pagkakaroon ng baradong daluyan ng ihi
- Pamumuo ng tubig sa mga baga
Karaniwang kumakalat ang mga cancer cell sa mga kalapit-bahagi ng obaryo gaya ng mga bituka at daluyan ng ihi. Maaari rin itong umabot sa mga baga at magdulot ng hirap sa paghinga sa pasyente.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Upang maka-iwas sa pagkakaroon ng kanser sa obaryo, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na paraan:
- Kung may sanggol, ugaliin ang magpasuso upang hindi tubuan ng mga bukol ang mga ito. Sa pamamagitan ng pagpapasuso, maaaring mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng breast cancer, at ganundin ang ovarian cancer.
- Uminom ng mga oral birth control pill. Ayon sa mga pag-aaral, ang paggamit ng mga oral contraceptive ay nakatutulong upang mapangasiwaan ang dami ng hormone sa katawan at bumaba ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa obaryo.
- Maaari ring sumailalim sa mga operasyong gaya ng tubal ligation (pagtali sa mga fallopian tube) o hysterectomy (pagtistis sa matris). Ayon sa mga doktor, nakatutulong ang mga operasyong ito upang bumaba ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa obaryo. Subalit, maaari lamang isagawa ang mga operasyong ito kapag kailangan na talaga ng pasyente.
Sanggunian
- https://www.nhs.uk/conditions/ovarian-cancer/
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/159675.php
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/ovarian-cancer/symptoms-causes/syc-20375941
- https://www.healthline.com/health/cancer/ovarian-cancer-early-signs
- https://en.wikipedia.org/wiki/Ovarian_cancer#Epidemiology
- https://www.news-medical.net/health/Cancer-History.aspx
- https://www.verywellhealth.com/ovarian-cancer-symptoms-514265#complications