Buod

Ang kanser sa suso (breast cancer) ay bunga ng hindi mapigil na pagdami ng mga cancer cell sa dibdib. Karamihan ng mga nagkakaroon nito ay mga babae, pero minsan ay nakaaapekto din ito ng mga lalaki.

Nagsisimula ang kanser sa suso bilang isang tumor. Pero sa paglala nito, ang tumor ay lalong lumalaki at nagsisimulang umatake sa mga laman sa paligid nito. Ito ay tinatawag na metastasis. Ang kanser na ito ay maaari ring kumalat sa iba pang bahagi ng katawan.

Kabilang sa mga sintomas ng kanser sa suso ay ang pagkakaroon ng bukol sa suso, pagbabago sa hugis ng suso, pamumula nito, at pagbaon ng mga utong. Nilulunasan naman ito sa pamamagitan ng operasyon, radiation therapy, at maging ng chemotherapy.

Kasaysayan

Matagal nang mayroong kabatiran ang mga tao ukol sa kanser sa suso. Katunayan, isinalarawan ang sakit na ito sa Edwin Smith Surgical Papyrus na mula pa sa mga taong 3000 hanggang 2500 B.C.E.

Maging si Hippocrates na kilalang manggagamot mula sa panahon ng Ancient Greece ay isinalarawan ang mga stages ng kanser sa suso noon pang mga 400 B.C.E.

Pagsapit naman ng unang siglo A.D. ay pinag-aralan na ng mga manggagamot kung papaano tanggalin  ang tumor sa pamamagitan ng mga surgical incisions. At noong mga panahon ding iyon ay pinaniniwalaan na’ng may kaugnayan ang kanser at ang pagtatapos ng cycle ng regla.

Pagsapit ng Middle Ages ay muling sinuri ng mga doktor na Muslim ang mga tekstong pangmedikal ng mga Griyego upang pag-aralan ang kanser sa suso. Ang mga Islamic na mga manggagamot na sina Rhazes, Ibn Sina (Avicenna), at Jorjani ay pinagkumpara ang mga natuklasan ng mga Griyegong mangagamot sa kanilang sariling pagsusuri. Inayunan nila ang mga surgical na pamamaraan ng pagtanggal ng mga tumor. Natuklasan din nila kung aling mga bahagi ng katawan ang karaniwang tinutubuan ng tumor. Bukod dito, natuklasan nila ang mga herbal na mga pamamaraan para lunasan ang mga sintomas ng kanser sa suso.

Noon namang panahon ng Renaissance ay natuklasan ni John Hunter na ang lymph ay sanhi ng kanser sa suso. Malaki ang naiambag ng pagkakatuklas nito para sa pagsulong ng pagkakaroon ng mas mabibisang pamamaraan upang lunasan ang kanser sa suso.

Noong 1882 naman ay isinagawa ang kauna-unahang mastectomy at namalagi itong pamantayan sa paglunas sa kanser sa suso sa pamamagitan ng operasyon hanggang noong mga 1900s. Pagsapit naman ng 1895 ay ginamit ang low dose X-ray na kung tawagin ay mammogram upang tignan ang kanser sa suso. At sa pagpasok naman ng 1900s ay ginamit ang radium na panglunas sa kanser.

Noong 1937 ay ginamit ang radiation therapy bilang suplemento sa operasyon upang maisalba ang malulusog na bahagi ng suso. Sa paraan na ito, ang apektadong suso ay nilalagyan ng mga karayom na may radium malapit sa mga lymph nodes upang patayin ang mga cancer cell.

Noon namang 1978, ang gamot na tamoxifen ay inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansang Estados Unidos para gamitin sa paglunas sa kanser sa suso. Ang gamot na ito ay isang uri ng antiestrogen na unang ginamit na birth control drug.

Sa paglipas ng mga dekada hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang mga pag-unlad ng mga pamamaraan upang lunasan at makontrol ang kanser sa suso. Sa ngayon ay unti-unting natutuklasan ang mga mabibisang gamot at mga pamamaraan sa paglaban dito habang patuloy din na umuunlad ang kaalaman ng mga siyentipiko tungkol sa sakit na ito.

Mga Uri

Ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa suso ay ang mga carcinoma. Ang iba pang mga uri nito ay base sa kung saan ito namuo.

Ang mga sumusunod ay ang mga iba’t-ibang uri ng kanser sa suso:

In situ breast cancer. Mayroong dalawang uri ang kanser na ito: ang ductal carcinoma in situ (DCIS) na kilala rin bilang intraductal carcinoma) at ang lobular carcinoma in situ (LCIS).

Invasive breast cancer. Ang uri ng kanser na ito sa suso ay kumalat na sa iba pang mga laman ng suso.

Mayroon pang ibang mga uri ng kanser na hindi gaanong karaniwan, kagaya ng mga sumusunod:

Inflammatory breast cancer. Ito ay isang uri ng invasive na kanser sa suso. Ito ay bumubuo ng may 1% hanggang 5% lamang sa lahat ng mga kaso ng kanser sa suso.

Paget disease sa mga utong. Ito ay isang uri ng kondisyon na nag-uumpisa sa mga breast ducts at kumakalat sa balat ng mga utong papunta sa areola.

Phyllodes tumor. Ang tumor na ito ay napakadalang lamang. Namumuo ito sa mga connective tissues ng suso. Ang karamihan sa mga tumor na ito ay benign o hindi agarang kumakalat. Subalit may iilan na nagiging malignant o labis na kumakalat sa ibang bahagi ng katawan.

Angiosarcoma. Ang mga sarcoma sa suso ay napakadalang. Ang angiosarcoma ay nag-uumpisa sa mga cell sa mga lymph at blood vessel. Ang pagkakaroon nito ay maaaring kaugnay ng mga nakalipas na pagpapagamot sa kanser sa suso.

Mga Sanhi

Source: tl.j-medic.com

Ang kanser sa suso ay bunga ng hindi makontrol na pagdami ng mga cell ng kanser sa suso. Maaaring mag-umpisa ang kanser sa suso sa iba’t-ibang bahagi nito. Subalit, karaniwan itong nag-uumpisa sa mga ducts kung saan dumadaloy ang gatas papunta sa mga utong.

Kapag lubusang kumalat ang mga cancer cell na ito ay maaari nitong maapektuhan ang iba’t ibang bahagi ng katawan, lalo na kapag ang mga cells ng kanser ay kumalat sa mga lymph nodes o kulani.

Sintomas

Source: breastcancernow.org

Ang mga sintomas ng kanser sa suso ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng bukol na kapag hinipo ay hindi katulad sa iba pang mga laman ng suso
  • Pagbabago sa balat ng suso, kagaya ng pagkakaroon ng maliliit na mga biloy (dimples)
  • Pagbabago sa laki, hugis, at hitsura ng suso
  • Nakabaon na utong
  • Pamumula ng balat ng suso
  • Pagbabalat, pangangaliskis, o kaya ay pagbibitak ng areola o ng mismong balat ng suso

Mga Salik sa Panganib

Ang mga pangunahing salik sa panganib sa pagkakaroon ng kanser sa suso ay ang mga sumusunod:

  • Pagiging babae. Bagama’t ang mga lalaki ay maaaring magkaroon ng kanser sa suso, ang panganib ng pagkakaroon nito ay mas mataas sa mga kababaihan.
  • Edad. Habang nagkakaedad ay lalo namang tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon nito.
  • Pagkakaroon ng kanser sa suso sa pamilya. Kapag ang ina, kapatid na babae, o kaya ay anak na babae ng sinumang babae ay nagkaroon o kasalukuyang mayroong kanser sa suso, may panganib din na maaari siyang magkaroon nito.
  • Namanang genes na nag-aangat ng posibilidad ng pagkakaroon nito. Mayroong mga pagbabago sa genes na dumadagdag lalo sa posibilidadng magkaroon ng kanser sa suso na maaaring maipasa mula sa magulang papunta sa anak.
  • Pagkakaroon ng kondisyon sa suso. Kapag may natagpuang lobular carcinoma in situ (LCIS) o kaya ay atypical hyperplasia sa suso, ang isang babae ay mayroong mataas na posibilidad na magkaroon ng kanser sa suso.
  • Pagkakaroon ng kanser sa isang suso. Kapag nagkaroon ng kanser sa isang suso ay maaari ring magkaroon ang isa pa nito.
  • Pagkakalantad sa radiation. Ang pagkakaroon ng radiation test sa gawing dibdib ay maaaring magdulot ng kanser sa suso.
  • Pagiging labis na mataba. Tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa suso kapag napakataba ng isang babae.
  • Maagang pagkakaroon ng regla. Kapag ang babae ay niregla na bago pa mag 12 taong gulang, lumalaki ang posibilidad ng pagkakaroon niya ng kanser sa suso.
  • Pagkakaroon ng menopause sa mas mataas na edad. Ang babaeng nagsimulang makaranas ng menopause sa mas matandang edad ay mayroong mas mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa suso.
  • Pagkakaroon ng unang anak sa matandang edad. Ang mga babaeng may edad na nang manganak sa kanilang panganay ay may mataas na panganib ng pagkakaroon ng kanser sa suso.
  • Hindi pa naranasang magbuntis. Ang mga babaeng kailanman ay hindi pa nagbubuntis ay may mas mataas na posibilidadng magkaroon ng kanser sa suso kaysa sa mga nanganak na minsan o ng ilang beses na.
  • Pagsasailalim sa postmenopausal hormone therapy. Ang mga kababaihang sumasailalim sa hormone therapy na may pinagsamang estrogen at progesterone para sa menopause ay mayroon ding malaking posibilidad na magkaroon ng kanser sa suso.
  • Malabis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang malabis na pag-inom ng nakalalasing na mga inumin ay salik din sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa suso.

Pag-Iwas

Source: huffpost.com

Sa ngayon ay wala pang mga tiyak na paraan upang maiwasan ang kanser sa suso. Subalit, mayroong mga hakbang na maaaring gawin upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon nito, kagaya ng:

  • Pag-iwas sa labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin
  • Pagkain ng sariwa at masustansiyang mga pagkain na mayaman sa mga prutas at gulay
  • Pagkakaroon ng sapat na pahinga
  • Pag-iwas sa stress
  • Regular na pag-eehersisyo
  • Pagmentina ng wasto at malusog na body mass index (BMI)

Maaari ring pag-isipan ng isang babae ang pagsasailalim sa preventive surgery, lalo na ang mga mayroong kamag-anak na nagkaroon o kasalukuyang mayroong kanser sa suso.

Sanggunian