Buod

Ang kanser (cancer) ay ang hindi normal na pagdami ng mga mapaminsalang selula sa katawan. Sa ngayon ay may 200 na uri na ng mga kanser ang naitala. Ang katawagan ng sakit na ito ay nagmula kay Hippocrates nang ginamit niya ang mga salitang “carcinos” at “carcinoma” para ilarawan ang mga tumor.

Sa pagkalat ng mga abnormal na mga selula sa katawan, nahihigitan ng mga ito ang mga malulusog na selula at nagudulot ng iba’t ibang uri ng problema sa katawan. Ang mga ito ay patuloy na dumadami hanggang sa hindi na nagagawa ng partikular na bahagi ng katawan ang maayos na paggana nito. At kapag hindi ito naagapan, ang kanser ay magtutuloy sa advanced stage nito at maaaring magdulot ng kamatayan.

Ang mga naipapakitang sintomas ng kanser ay base sa kung aling bahagi ng katawan ang mayroon nito. Subalit, ang pinakakaraniwan sa mga ito ay ang pagbagsak ng timbang ng katawan, labis na pamamaga o paglaki ng bahaging apektado, labis na pananakit ng bahaging ito, pagkahilo, maging ang hindi maipaliwanag na pagdurugo at pagkakaroon ng pasa.

Nilulunasan ang kanser sa pamamagitan ng pamamaraang chemotherapy, radiation therapy, immunotherapy, o kaya ay ng operasyon.

Kasaysayan ng kanser

Ang kanser ay halos kasingtanda na ng kasaysayan. Ang isa sa mga pinakamatandang naidokumentong kaso nito ay mula pa sa sinaunang Ehipto noong 1,500 B.C. Ayon sa tala ng panahong iyon, may walong magkakahiwalay na kaso ng mga tumor sa suso ng babae. Naidokumento rin ang paraan ng paglunas nila sa sakit na ito gamit ang “fire drill.” Ito ay isang primitibong uri ng cauterization o pagkalantad sa matinding init upang maihiwalay ang apektadong bahagi.

Ang Griyegong manggagamot naman na si Hippocrates ang unang gumamit ng mga salitang “carcinos” at “carcinoma” para isalarawan ang mga tumor na kaniyang inobserbahan. Ngunit, inakala niya na ang itim na bile ay siyang sanhi ng kanser. Ang ideya niyang ito ay namalagi ng mahabang panahon.

Pagsapit naman ng ika-17 na siglo ay nabuo ang lymph theory ukol sa sanhi ng kanser. Nang madiskubre ang lymphatic system ay nabuksan ang marami pang mga ideya ukol sa kung anu-ano ang mga sanhi ng kanser.

At sa pagsapit naman ng ika-20 na siglo ay lalong bumilis ang pag-unlad sa mga pagsasaliksik sa sakit na kanser. Sa panahong ito rin umusad ang mga pagsusuri ukol sa mga carcinogen, chemotherapy, radiation therapy, at ang iba’t ibang makabagong uri ng pagbuo ng diagnosis sa sakit na ito.

Mga Katangian

Ang mga sintomas ng kanser ay batay sa kung aling bahagi ng katawan ang apektado nito. Subalit, ang halos lahat na uri ng mga kanser ay nagdudulot ng pagkakaroon ng mga magkakatulad na mga katangian o pagbabago sa katawan, kagaya ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng bukol o pamamaga sa ilang bahagi ng katawan
  • Pananakit sa bahaging apektado
  • Pagkakaroon ng dugo sa ihi (hematuria) o dumi (hematochezia)
  • Labis na pananamlay
  • Madalas na pananakit ng mga kalamnan at mga kasu-kasuan
  • Hindi maipaliwanag na dalas ng pagkakaroon ng lagnat
  • Hindi maipaliwanag na pagdurugo o pagkakaroon ng pasa
  • Pagbabago ng timbang na hindi sinasadya
  • Pagbabago ng kulay ng balat
  • Pagkakaroon ng mga sugat na hindi gumagaling
  • Pagbabago sa nakagawian sa pagdudumi o kaya ay sa pag-ihi
  • Pabalik-balik na pag-ubo o kaya ay hirap sa paghinga
  • Hirap sa paglunok
  • Pamamalat ng boses
  • Madalas na pagkakaroon ng impatso

Mga Sanhi

Marami ang maaaring dahilan kung bakit nagkakaroon ang tao ng kanser. Ang kanser ay maaaring dulot ng mga sumusunod:

Image Source: www.freepik.com

  • Paninigarilyo. Ang sigarilyo ay puno ng mga sangkap na kemikal na maaaring magdulot ng kanser, lalo na sa mga baga, sa bibig, sa mga labi, maging sa lalamunan. Ang usok ng sigarilyo ay maaari ring magdulot ng kanser sa kaninuman sa paligid na makalalanghap nito.
  • Pagkalantad sa mga carcinogen. Ang mga carcinogen ay mga sangkap – lalo na ang mga industryal na kemikal – na pumipinsala sa mga selula ng katawan. Ang resulta naman ng pinsala sa mga ito ay maaaring humantong sa kanser.
  • Malabis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Batay sa mga pagsusuri, ang labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin ay nakapipinsala sa ilang bahagi nito, lalo na sa atay. Kaya, ang pag-abuso sa mga ito ay nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa bahaging ito ng katawan.
  • Pagkakaroon ng malabis na bigat ng timbang. Batay sa mga pagsusuri, ang obesity o labis na pagkataba ay maaaring i-ugnay sa kanser dahil sa naidudulot nitong pagtaas ng antas ng insulin sa katawan. Ang insulin naman ay tumutulong sa pagdami ng nga selula ng kanser.
  • Kakulangan ng pagkilos ng katawan. Ang sedentary na uri ng pamumuhay ay nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa leeg, sa ulo, at maging sa mga baga. Ito ay batay sa maraming pag-aaral ukol dito.
  • Kakulangan sa nutrisyon. Kapag hindi sapat ang kinakain, nagkakaroon ng kakulangan sa mga sustansyang kailangan ng katawan upang labanan ang mga karaniwang uri ng kanser.

Ang mga sumusunod naman ay ang iba’t ibang mga salik na nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng kanser:

  • Edad. Ang sakit na kanser ay unti-unting umuusbong sa katawan sa loob ng ilang dekada. Kaya, ang karamihan sa mga mayroon nito ay ang mga may 55 hanggang 65 na taong gulang o mas matanda pa. Subalit, dapat na malaman na ang kanser ay maaari ring tumama sa mga bata.
  • Pagkakaroon ng kanser sa pamily May mga uri ng kanser na namamana, bagama’t ang mga ito ay hindi pangkaraniwan. Kapag mayroong nagkasakit ng isang uri ng kanser sa pamilya, ipinapayo na sumailalim sa genetic testing upang makatiyak sa kaligtasan laban sa kanser.
  • Mga kaugalianMay mga uri ng pamumuhay na maaaring magpataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng kanser. Ang pag-inom ng malabis at ang paninigarilyo, labis na pagpapa-araw, pagiging mataba, at ang pakikipagtalik nang walang sapat na proteksyon ay mga salik din sa panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito.
  • Kapaligiran. Ang taong nakatira o nagtatrabaho malapit sa o sa mismong lugar na may mga carcinogen, o mga sangkap na nagdudulot ng kanser, ay may mataas na posibilidad na magka-kanser. Kapag may mga kasama sa bahay o kaya sa trabaho na naninigarilyo, maaari rin itong maging sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito.
  • Kalagayan ng kalusugan. Mayroong mga kalagayang pangkalusugan na maaaring maging salik sa pagkakaroon ng kanser. Kapag napinsala ang immune system ng katawan dulot ng iba’t ibang uri ng impeksyon, kailangang magpasuri kaagad upang mabantayan laban sa kanser.

Paggamot at Pag-Iwas

Iba’t ibang paraan sa paglunas sa kanser

Ang mga espesyalista na sinasangguni ukol sa sakit na kanser ay tinatawag na oncologist. Pinag-aaralan nila ang sakit na ito at sila rin ang nagpapayo ukol sa mga uri ng pag-iwas at panggagamot na angkop para rito.

Ang mga inilalapat ng mga oncologist na lunas sa kanser ay depende sa uri nito, sa bahagi ng katawang apektado, sa kalagayan ng kalusugan ng taong mayroon nito, at sa kung anong stage na ito.

Ang mga sumusunod ay ang ilan sa mga lunas sa kanser:

  • Chemotherapy – Pinupuntirya at pinapatay ng chemotherapy ang mga selula ng kanser. Pinapaliit din nito ang mga tumor. Subalit, ang paraang ito ay may mga malulubhang epekto.
  • Radiation therapy – Ito ay ang paggamit ng mataas na dose ng radiation para puksain ang mga cell ng kanser. Maaari rin nitong paliitin ang tumor.
  • Operasyon – Ito ay karaniwang ginagawa upang alisin ang tumor. Maaari rin nitong alisin ang mga kulani na may kanser upang maiwasan ang pagkalat nito.
  • Stem cell transplantAng paraang ito ay ginagawa para sa mga may kanser na may kinalaman sa dugo, kagaya ng leukemia o lymphoma.
  • Immunotherapy – Ito ay ang paggamait ng iba’t ibang paraan upang palakasin ang immune system laban sa kanser. Kabilang sa mga pamamaraang ito ay ang adoptive cell transfer at checkpoint inhibitor therapy.

Pag-iwas sa kanser

Dapat na malamang ang kanser ay walang tiyak na paraan upang maiwasan. Subalit, maaaring gawin ang mga sumusunod upang bumaba ang posibilidad na magkaroon nito:

  • Pagtigil sa paninigarilyo. Hindi lamang dapat na itigil ang paninigarilyo. Dapat ding umiwas sa mga naninigarilyo.
  • Pagpili ng mga masusustansiyang na mga pagkain. Ang mga gulay at prutas ay mayroong mga compound na tumutulong upang mapalakas ang immune system. May mga uri nito na tumutulong upang puksain ang mga selula ng kanser.
  • Regular na pag-eehersisyo. Napatunayan sa mga pag-aaral na napabababa ng ehersisyo ang tsansa sa pagkakaroon ng kanser. Ugaliing mag-ehersisyo sa loob ng 30 minuto apat na beses sa isang linggo.
  • Pamalagiin ang malusog na timbang. Ang pagiging mataba ay salik sa pagkakaroon ng kanser. Kaya, sikaping mapanatili ang malusog na timbang batay sa tangkad at edad.
  • Iwasan ang labis na pagpapaaraw. Ang ultraviolet (UV) rays na mula sa araw ay nagdudulot ng kanser sa balat. Kaya, iwasan ang labis na pagpapaaraw kung magagawa. Ugaliing magdala ng payong at maglagay ng suncreen sa balat.
  • Pagbawas sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Gawing katamtaman lamang ang pag-inom ng mga nakalalasing na inumin upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng ilang uri ng kanser, lalo na sa atay.
  • Pagpapabakuna – Ito ay lalong mahalaga sa mga kababaihan. May mga uri kasi ng virus na nagdudulot ng kanser, lalo na sa cervix, kagaya ng human papillomavirus. Ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng mga makabagong bakuna laban dito.
  • Pagsasailalim sa cancer screening Maaaring magrekomenda ang mga doktor ng mga pagsusuri ukol sa kanser.

Mga Uri ng Kanser

Sa kasalukuyan, may 200 uri na ang mga kanser na naitala sa buong mundo at ang bawat bahagi ng katawan ay maaaring magkaroon nito.

Mga pangunahing uri ng kanser

May apat na pangunahing uri ang sakit na ito batay sa kung saan sila nag-uumpisa. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Leukemia. Ang leukemia ay kanser sa dugo. Ito ay nag-uumpisa kapag ang malusog na cell ng dugo ay nagbago (mutate) at dumami nang lubos.
  • Mga lymphoma. Ang mga lymphoma ay mga uri ng kanser na nag-uumpisa sa mga kulani o lymphatic system. Ang mga halimbawa nito ay ang Hodgkin lymphoma at non-Hodgkin lymphoma.
  • Mga sarcoma. Ang sarcoma ay uri ng kanser na nag-uumpisa sa mga bahaging umuugnay sa mga bahagi ng katawan, katulad ng mga buto, mga kalamnan, mga ugat, at mga taba.
  • Mga carcinoma. Ang carcinoma ay nag-uumpisa sa balat o kaya ay sa mga laman na bumabalot sa mga internal organ. Karaniwan itong nag-uumpisa bilang tumor. Ang mga halimbawa ng carinoma ay kanser sa prostate, kanser sa suso, kanser sa baga, at kanser sa malaking bituka.

Lahat ng uri ng kanser

Narito naman ang talaan ng iba’t ibang uri ng kanser ayon sa alpabetikal na pagkakasuno-sunod:

Ang mga uri na ito ng kanser ay maaaring umapekto sa mga matatanda at sa mga bata. Subalit, may mga ilang uri ng mga ito na umaapekto lamang sa mga sanggol at bata. Mayroon namang umaapekto lamang sa mga matatanda.

Ang ilan naman sa mga kanser na ito ay mahirap makita sa umpisa. Kaya, marami sa mga pasyenteng mayroong kanser ay hindi alam na sila ay mayroon nito hanggang sa mga huling bahagi na ng paglaganap ng sakit sa kanilang katawan. Dahil dito, ipinapayo na regular na magpasuri sa oncologist, lalo na kung mayroong miyembro ng pamilya na kasalukuyang mayroon o dati nang nagkaroon ng kanser.

Sanggunian