Buod
Ang isa sa mga karaniwang kondisyon na umaapekto sa mga mata, lalo na sa mga matatanda, ay ang mga katarata. Makikilala ang kondisyong ito sa pamamagitan ng mga namumuong maputi na tagpi sa iris ng mga mata na nagpapalabo sa paningin.
Nagkakaroon ng mga katarata ang tao kapag ang tissue ng mga lente sa mata ay nabago bunga ng katandaan, pagkakasakit, operasyon sa mata, maging ng iba pang uri ng mga kondisyon sa mata.
Ang mga karaniwang sintomas nito ay ang pagkakaroon ng mapuputing tagpi sa iris ng mga mata, panlalabo ng paningin, maging ang pagiging maselan sa liwanag.
Sa ngayon, ang pinaka-karaniwang uri na lunas sa katarata ay ang operasyon. Sa paraang ito ay tinatanggal ang mga namuong katarata at pinapalitan ang lente ng artificial na uri nito.
Kasaysayan
Ang pagkakaroon ng katarata ay unang isinalarawan ng Indianong manggagamot na si Susruta noong ika-5 na siglo B.C.E. Ito ay itinala niya sa kaniyang manuskrito na Sushruta Samhita. Ang karamihan sa mga lunas na iminungkahi niya ay may kinalaman sa kalinisan. Inirekomenda rin niya bilang lunas ang paglalagay ng bendahe at mainit na mantikilya sa ibabaw ng mga mata.
Tinalakay din ang katarata at ang mga lunas para rito sa sinaunang Roma noong 29 A.D. Nakatala ito sa De Medicinae na gawa ng Latin na manunulat ng encyclopedia na si Aulus Cornelius Celsus. May mga patunay din ng pagkakaroon ng operasyon sa mata sa mga panahong ito sa Roma.
Noon namang ika-2 na siglo, C.E. ay isinagawa ng isang kilalang Griyegong manggagamot na si Galen ng Pergamon ang operasyon na nakakatulad sa makabagong paraan ng operasyon para sa katarata. Ginamit niya ang isang tila karayom na kagamitan upang subukang alisin ang bahagi ng mata na apektado ng katarata.
Samantala, noon namang taong 1000, ang Muslim na manggagamot sa mata na si Ammar Al-Mawsili ay isinalarawan ang kaniyang paggamit ng hiringgilya upang alisin ang katarata.
Sa ngayon ay maunlad na ang mga pamamaraan sa paglunas sa kondisyong ito. At sa pag-usbong ng mga mas makabagong paraan sa paglunas sa kondisyong ito, lalo pang naging mabisa at ligtas ang patanggal sa katarata.
Mga Uri
Ang pagkakaroon ng katarata ay pangunahing dulot ng edad. Subalit, may iba pang mga uri nito batay sa sanhi, kagaya ng mga sumusunod:
- Kataratang sanhi ng iba pang kondisyon. Maaaring mamuo ang mga katarata pagkatapos ng operasyon sa iba pang uri ng mga kondisyon sa mata, kagaya ng glaucoma. Maaari rin itong bunga ng iba pang kondisyon na kagaya ng diabetes at ng paggamit ng steroids.
- Kataratang bunga ng pagkapinsala o injury. Maaaring mamuo ang mga katarata kapag napinsala ang mga mata. Subalit, maaari ring magkaroon nito makaraan ang ilan pang mga taon.
- Congenital na katarata. Mayroong mga sanggol na mayroon nang mga katarata mula nang maipanganak. Subalit, maliliit pa ang mga kataratang ito at maaaring wala pang epekto sa paningin ng sanggol.
- Kataratang bunga ng radiation. Ang pagkakalantad sa radiation ay maaari ring magdulot ng mga katarata.
Mga Sanhi
Ang mga katarata ay karaniwang namumuo kapag nagkaka-edad na ang tao, o kaya kapag nagkaroon ng pinsala sa tissue ng mga lente ng mata. Maaari rin itong maging bunga ng mga kondisyong namamana, maging ng operasyon at ng diabetes. Pero paano nga ba namumuo ang mga katarata?
Ang mga katarata ay namumuo sa mga lente ng mata. Ang mga ito ay nasa ilalim ng iris o ng itim (o kung ano man ang kulay nito batay sa lahi) na bahagi ng mata. Ang mga lente ang nagfo-focus ng liwanag na pumapasok sa mga mata upang maging malinaw ang paningin.
Habang tumatanda ang tao, tila nagiging mas marupok ang mga lenteng ito. Kumakapal din ito at nababawasan ang pagiging transparent nila. Dahil dito, ang mga tissue sa mga lente ng mata ay nadudurog at nagkukumpol. Ang mga ito ang nagdudulot ng pagkakaroon ng maputing tagpi sa mga lente na nagpapalabo ng paningin.
Sa paglipas ng panahon, ang katarata ay lalong kakapal at kakalat sa mas malaking bahagi pa ng mga lente. Dahil dito, lalo nitong mahaharangan ang liwanag na pumapasok sa mga mata na siyang sanhi ng lalong paglabo ng paningin.
Ang iba pang mga sanhi ng katarata ay ang mga sumusunod:
- Ang sobrang pagkakalantad sa ultraviolet (UV) rays
- Malabis na paggamit ng mga corticosteroid na gamot
- Ang pagpapagamot sa itaas na bahagi ng katawan gamit ang radiation
Sintomas
Ang mga katarata ay namumuo sa loob ng ilang taon. Na-obserbahan din na ito ay karaniwang umaapekto sa mga matatanda. Ang kondisyong ito ay maaari ring umapekto sa dalawang mata.
Kabilang sa mga sintomas ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Nanlalabo na paningin
- Pagkakaroon ng mga maliliit na tila tuldok sa paningin
- Pagkakaroon ng mga tagpi na humaharang at nagpapalabo sa paningin
- Labis na panlalabo ng paningin lalo kapag kakaunti ang liwanag sa paligid
- Hirap na makakita kapag sobra ang liwanag sa paligid
- Paghina ng kakayahan ng mata na tumukoy ng kulay
- Labis na hirap sa pagbabasa
- Madalas na pagpapalit ng salamin sa mata
- Kawalan ng bisa ng salamin sa mata
- Pagkakaroon ng bilog na liwanag sa paligid ng maliliwanag na mga bagay, kagaya ng mga ilaw ng sasakyan
Mga Salik sa Panganib
Image Source: unsplash.com
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang pagkakaroon ng mga katarata:
- Pagiging matanda
- Pagkakaroon ng diabetes
- Labis na pagkakalantad sa sikat ng araw
- Paninigarilyo
- Labis na katabaan
- Pagkakaroon ng altapresyon o hypertension
- Pagkakaroon dati nang kondisyon o pamamaga sa mata
- Pagsailalim dati sa operasyon sa mata
- Matagalang paggamit ng mga corticosteroid na gamot
- Pag-inom ng labis na dami ng nakalalasing na inumin
Anu-ano naman ang mga komplikasyon na maaaring idulot ng katarata?
Mga Komplikasyon ng Katarata
Ang mga sumusunod na mga komplikasyon ay maaaring idulot ng katarata:
- Posterior capsule opacity (PCO)
- Intraocular lens dislocation
- Eye inflammation
- Light sensitivity
- Photopsia
- Macular edema o ang pamamaga ng gitnang bahagi ng retina
- Ptosis o ang pagbagsak ng mga talukap ng mga mata
- Ocular hypertension
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Sa ngayon ay wala pang tiyak na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng katarata, maging ang paglala nito. Subalit, batay sa mga manggagamot, may mga bagay na maaaring gawin na makatutulong upang mapababa ang panganib ng pagkakaroon nito, kagaya ng mga sumusunod:
- Regular na magpasuri sa mga mata. Malaki ang maitutulong ng regular na pagpapatingin sa mga mata upang maagang matukoy ang pamumuo ng mga katarata. Dapat tiyakin kung gaano kadalas ang pagpapasuri sa mga mata.
- Pagtigil sa paninigarilyo. Maaaring magdulot ng pinsala sa mga lente ng mga mata ang paninigarilyo. Kaya, dapat na alamin sa mga manggagamot o mga dalubhasa ang pinaka-mainam na paraan upang ganap na matigil o kaya ay mabawasan ang paninigarilyo.
- Pagbawas sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. May mga pag-aaral na nagmumungkahi na ang labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin ay maaaring makapinsala sa mga lente ng mga mata.
- Agad na paglunas at tamang management sa mga problema sa kalusugan. Hindi dapat na pinababayaan ang mga medikal na kondisyon ng isang tao, lalo na ang mga kondisyong maaaring magdulot ng katarata, kagaya ng diabetes at glaucoma. Kailangan ay maingat na sinusunod nang buong ingat ang payo ng manggagamot ukol sa paglunas sa mga ito.
- Pagpili ng malulusog na uri ng mga pagkain. Ang mga pagkaing kagaya ng mga prutas at gulay ay mayaman sa mga antioxidant na makatutulong sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng mga mata. Napatunayan din na ang mga mineral at bitamina na matatagpuan sa mga prutas at gulay ay nakatutulong upang makaiwas sa pamumuo ng mga katarata. Bawasan naman ang mga pagkain na mataas ang sugar content, lalo na sa mga may diabetes.
- Pagsusuot ng sunglass. Lubhang mapaminsala sa mga mata ang ultraviolet (UV) ray na nagmumula sa araw. Kaya, kapag matindi ang sikat ng araw, ugaliing magdala at gumamit ng sunglass sa tuwing lumalabas ng bahay.
Sanggunian
- https://nei.nih.gov/health/cataract/cataract_facts
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cataracts/symptoms-causes/syc-20353790
- https://www.webmd.com/eye-health/cataracts/default.htm
- https://en.wikipedia.org/wiki/Cataract
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/157510.php
- https://www.emedicinehealth.com/cataracts/article_em.htm