Gamot at Lunas
Kapag nag-uumpisa pa lamang ang katarata, maaari pang lunasan ang mga paunang sintomas nito. Ito ay sa pamamagitan ng pagsusuot ng salamin sa mata, pagdaragdag ng liwanag sa madilim na silid, pagsusuot ng anti-glare na uri ng sunglass, o kaya ay paggamit ng magnifying lens kapag nagbabasa.
Subalit, kapag hindi nakatulong ang mga ito, maaaring operahan na ang mga mata upang alisin ang mga katarata nito.
Ang mga uri ng operasyon na maaaring gawin upang alisin ang mga katarata sa mata ay ang mga sumusunod:
- Small-incision surgery. Tinatawag din itong phacoemulsification. Sa pamamagitan ng paraang ito, gagawa ng maliit na hiwa ang surgeon sa cornea ng mata. Lalagyan ito ng maliit na kagamitan na lumilikha ng ultrasound na dumudurog sa mga katarata sa lente ng mata. Pagkatapos nito ay isusuot naman sa mata ang artificial na lente.
- Large-incision surgery. Ang pamamaraang ito ay tinatawag ding extracapsular cataract extraction at ito ay hindi pangkaraniwan. Ginagawa lamang ito para sa mga malalaking katarata na lubhang nakaaapekto na sa paningin. Sa pamamagitan ng paraang ito, tinatanggal ang apektadong mga lente at saka pinapalitan ng artifical na uri nito. Mas matagal gumaling ang mga mata ng pasyente sa uri na ito ng operasyon.
- Femtosecond laser surgery. Ang uri ng operasyon na ito sa mata ay mas mahusay dahil ito ay ginagamitan ng laser para durugin ang mga lente sa mata. Ginagamit din ang paraang ito para sa mga mayroong astigmatismo. Kapag nadurog na ang lenteng apektado ng katarata, inaalis ito at pinapalitan ng bagong artificial na lente.