Buod

Ang ketong ay kilala sa tawag na leprosy sa wikang Ingles. Sa larangang medikal naman, kilala ito sa tawag na Hansen’s disease. Ito ay isang mabagal ngunit progresibong sakit na bunga ng bacteria na Mycobacterium leprae. Sa sakit na ito, ang balat, mata, ilong, mukha, at mga nerve ng katawan ay napipinsala.

Kapag naapektuhan ng sakit na ito, kadalasang nagsisimula ito sa balat. Ang balat ay magkakaroon ng tila puti-puti o pula-pulang pantal. Kalaunan, ang mga pantal ay magiging mga nodule o bukul-bukol at ang balat ay magiging kulay abo. Kasabay ng pagbabago ng itsura ng balat ay ang pamamanhid ng mga braso, kamay, binti, paa, o mukha. Bukod dito, ang buhok ng pasyente ay maaaring maglagas. Sa patuloy na pagpinsala ng ketong sa katawan, maaari ring mawalan ang balat ng kakayahang magpawis. Bukod dito, maaari ring magkaroon ng mga sugat-sugat ang balat, at isa-isang mawala ang mga daliri sa kamay at paa.

Bagama’t maaaring mahawaan ng ketong sa pamamagitan ng paglanghap ng droplets o maliliit na laway mula sa pasyente, ito naman ay hindi agarang nakahahawa. Ang pakikipag-usap sa pasyenteng may ketong nang saglit ay hindi nangangahulugan na magkakaroon ka na agad nito. Hindi ito parang bulutong na sobrang bilis makahawa. Kailangan ay matagal at paulit-ulit ang pakikihalubilo sa pasyenteng may ketong upang ikaw ay mahawaan.

Noon, ang ketong ay labis na kinatatakutan at pinaniniwalaang walang lunas. Subalit ngayon, maaari nang malunasan ang sakit na ito sa pamamagitan ng pag-inom ng mga antibiotic sa loob ng 6 na buwan hanggang 1 taon. Kung ang ketong ay naman ay malala, maaaring mas mahaba ang maging tagal ng gamutan.

Kasaysayan

Noon pa man ay may naitatala na tungkol sa ketong o leprosy. Ayon sa mga tala, ang ketong ay isang matagal nang kondisyon at mayroon na nito noong 4000 BC. Marami ring mga tala tungkol sa sakit na ito sa sinaunang China, Ehipto, India, at maging sa Bibliya.

Ang nakatuklas ng sanhi ng ketong ay si Gerhard Armauer Hansen noong 1873. Kaya naman pinangalanan itong Hansen’s disease. Ayon sa kanya, ang sanhi ng ketong ay isang bacteria at ito hindi parusa mula sa Diyos, gaya ng mga paniniwala ng mga tao noon. Dagdag pa ni Hansen, ang ketong ay hindi namamana. Dahil sa pagkakatuklas na ito, ang ibang mga doktor at mananaliksik ay gumawa ng mga paraan upang makaimbento ng mga gamot at lunas na makasusugpo sa sanhi ng ketong.

Dito naman sa Pilipinas, ang lahat ng mga pasyenteng may ketong noon ay dinadala sa Culion, Palawan bandang 1906 sapagkat pinaniniwalaan na ang sakit na ito ay lubos na nakahahawa. Kaya, ang Culion ay kilala bilang lugar na pinaninirahan ng mga may ketong at minsan na ding nataguriang Island of the Living Dead.

Bagama’t ang mga pasyenteng may ketong ay dinadala sa Culion upang ihiwalay sa lipunan, hindi nangangahulugan na sila ay pinabayaan na lamang mamatay. Marami ring mga doktor, nars, at sundalo ang ipinadala sa Culion upang tulungan ang mga may sakit.

Subalit dahil wala pa noong naiimbentong gamot para sa ketong, ang dating 370 pasyente noong 1906 ay lumobo sa 5,303 pagkatapos ng 5 taon. Dahil walang gamot, mahigit 3,000 katao ang namatay sa sakit na ito, pati na rin ang ilang mga doktor, nars, at sundalong nahawa rito. Dahil tila walang kinabukasan sa Culion, maraming pasyente ang nagtangkang tumakas sa lugar na ito.

Naimbento lamang ang kauna-unahang epektibong gamot para sa ketong noong 1940. Ang gamot na ito ay tinawag na promin. Sinundan naman ito ng pagkakaimbento ng dapsone noong 1946. Dahil unti-unting nagkakaroon ng resistensya ang Mycobacterium leprae sa mga antibiotic na ito, ang mga doktor at mananaliksik ay patuloy ang paghahanap at paggawa ng mas mabisang antibiotic.

Sa pagtuklas ng mga mas epektibong gamot para sa ketong, nataguriang leprosy-free ng World Health Organization ang Pilipinas noong 1998. Subalit, ang sakit na ito ay bumalik at ang Pilipinas ay isa na sa mga nangununang bansa na may kaso ng ketong. Ayon sa datos, 40% ng kaso ng ketong sa Western Pacific Region ay sa Pilipinas nagmumula.

Mga Uri ng

May dalawang pangunahing uri ng ketong o leprosy. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Tubercoloid leprosy. Sa uring ito, ang mga sugat sa balat ay kulay malamlam na pula o kaya naman ay mangasul-ngasul. Hindi ito gaanong kumakalat sa balat sapagkat ito ay benign Hindi rin ito gaanong nakahahawa. Bagama’t ito ay benign, ang pasyente ay makararamdam pa rin ng pamamanhid sa kanyang katawan, pagkaubos at pagliit ng mga daliri sa kamay at paa, at pagkakaroon ng maraming sugat.
  • Lepromatous leprosy. Sa lepromatous leprosy, ang mga sugat sa balat ay kulay dilaw o brown at nakaalsa ang mga ito. Ang kadalasang naaapektuhang mga bahagi nito ay ang mukha, mata, ilong, at leeg. Sa uring ito, nagkakaroon ang pasyente ng pangangapal sa mukha at mga tainga. Maaari rin nitong maapektuhan ang mga ari ng mga kalalakihan at magdulot ng pagkabaog. Kumpara sa tuberculoid leprosy, mas nakahahawa ang uri na ito.

Mga Sanhi

Iisa lamang ang sanhi ng ketong at ito ay ang bacteria na Mycobacterium leprae. Ang bacteria na ito ay naninirahan lamang sa mga tao. Kung minsan ay matatagpuan din ito sa ilang mga uri ng unggoy. Mahilig ding manirahan ang bacteria na ito sa mga lugar na may mainit at tropikal na klima gaya ng Pilipinas.

Ang sakit na ketong ay maaaring makuha sa pamamagitan ng paglanghap ng droplets o maliliit na laway ng pasyenteng may ketong. Subalit, hindi naman ito agarang nakahahawa. Kailangan muna ng matagal at paulit-ulit na interaksyon sa pasyenteng may ketong upang mahawa ka nito.

Kung nahawaan ng sakit na ito, ang mga sintomas ng ketong ay maaaring hindi agad maramdaman. Maaaring lumabas ang mga sintomas pagkatapos ng 3 hanggang 5 taon ng pagkakahawa. Ang iba pa nga ay nagkakaroon lamang ng mga sintomas matapos ang 20 taon.

Mga Sintomas

Image Source: www.irishtimes.com

Ang unang mga sintomas ng ketong o leprosy ay kadalasang nangyayari sa balat. Ang balat ay nagkakaroon ng tila mga an-an o pantal kaya naman hindi agad ito mapagkakamalan na ketong. Subalit kung ang pasyente ay nakaramdam na ng pamamanhid sa kanyang mga braso, kamay, binti, o paa, ito ay posibleng ketong na. Ang pagkakaroon ng mga tila pantal na may kasamang pamamanhid sa katawan ay ang mga pangunahing sintomas ng ketong. Masasabi rin na may ketong ang isang tao kapag siya ay nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagkakaroon ng tila an-an o mga pantal na hindi gumagaling
  • Pagbubukul-bukol ng balat
  • Pamumula o pagiging kulay abo ng balat
  • Pamamanhid ng mga braso, kamay, binti, o paa
  • Panghihina ng mga kalamnan
  • Paglagas ng buhok

Kapag ang ketong ay hindi agad nagamot, ang mga daliri sa kamay at paa ay kalaunang maaaring maubos. Dahil manhid na ang mga ito, maaaring mabulok o maagnas ang mga daliri sa kamay at paa nang hindi namamalayan ng pasyente. Bukod dito, maaari ring mawalan ang pasyente ng kakakayang magpawis dahil sa pagkakapinsala sa balat.

Mga Salik sa Panganib

Ang ketong o leprosy ay hindi naman madaling makahawa, subalit maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon nito dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagiging bata. Mas madaling magkaroon ng ketong ang mga bata sapagkat mahina pa ang kanilang resistensya. Noong 2016 lamang, mahigit 50 kaso ng ketong ang naitatala at ito ay mga bata.
  • Paghina ng resistensya. Kung mahina ang resistensya, mataas din ang posibilidad na magkaroon ng ketong. Mabilis ding maaapektuhan ng ketong ang mga taong may iba ng karamdaman.
  • Pagtira sa mga lugar na laganap ang ketong. Mataas din ang posibilidad na magkaroon ng ketong kung naninirahan sa mga lugar gaya ng China, Japan, India, Ehipto, at Pilipinas. Nitong 2019, tumataas na rin ang kaso ng ketong sa Pilipinas partikular na ang mga probinsyang nasa Region I.
  • Mga kamag-anak ng pasyenteng may ketong. Ang ketong ay hindi naman namamana subalit ang mga kamag-anak ng pasyenteng may ketong ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito. Ito ay dahil sa sila ang mas may matagal at mahabang pakikipaghalubilo sa pasyente.
  • Pagiging nars at doktor. Bukod sa mga kamag-anak, maaari ring mahawa ang mga nars at doktor na nag-aalaga sa pasyenteng may ketong lalo na kung hindi nila ginagawa ang tamang pamamaraan sa pag-iwas sa sakit na ito.
  • Pag-aalaga ng ilang uri ng hayop. Ang mga nag-aalaga ng ilang uri ng hayop gaya ng armadilyo at mga unggoy na African chimpanzee, Sooty mangabey, at Cynomolgus macaque ay maaaring magkaroon din ng ketong. Dahil bukod sa mga tao, ang Mycobacterium leprae ay maaari ring manirahan sa mga hayop na ito.

Pag-Iwas 

Image Source: www.refinery29.com

Upang maiwasan ang magkaroon ng sakit na ketong, iminumungkahing gawin ang mga sumusunod:

  • Iwasan ang mahabang pakikipag-ugnayan sa mga pasyenteng may ketong. Hangga’t maaari ay panatilihing maikli ang pakikipag-usap. Magsuot din ng face mask upang hindi makalanghap ng mga droplet o maliliit na laway mula sa pasyenteng may ketong.
  • Iwasan ang pagbisita sa mga lugar na may matataas na kaso ng ketong. Kung magbabakasyon sa ibang lugar, iwasan ang mga probinsya o lugar na may mararaming kaso ng ketong.
  • Huwag mag-alaga ng mga hayop na maaaring maapektuhan ng ketong. Ang mga hayop gaya ng armadilyo at mga unggoy na African chimpanzee, Sooty mangabey, at Cynomolgus macaque ay maaaring pamahayan ng bacteria na Mycobacterium leprae.
  • Palakasin ang resistensya ng katawan. Upang hindi madaling mahawaan ng ketong, palakasin ang resistensya ng katawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at pagkain nang sapat. Dapat mas palakasin ang resistensya lalo na kung may kamag-anak na may ketong o kung ikaw ay nagtratrabaho sa ospital.
  • Panatilihing malinis ang katawan at kapaligiran. Maligo araw-araw lalo na kung katatapos lamang makipag-ugnayan sa pasyenteng may ketong. Panatilihin ding malinis ang kapaligiran upang maalis ang anumang bacteria na nagkalat.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention o CDC, hindi nangangailangan ng pasyenteng may ketong na manirahan mag-isa at magtago sa lipunan. Basta ito ay maagang natukoy at agarang nalapatan ng lunas, ang pasyenteng naggagamot ay maaaring mamuhay nang normal at pumasok sa paaralan o trabaho.

Sanggunian