Buod
Ang isa sa mga uri ng sakit na lubhang nakahahawa ay ang klamidya (chlamydia). Ang sakit na ito ay dulot ng isang bacteria na maaaring umapekto sa lahat. Sinasabing ang sakit na ito ay 50 ulit na mas karaniwan sa sipilis (syphilis) at mahigit tatlong beses na mas karaniwan kaysa sa tulo (gonorrhea).
Ang klamidya ay karaniwang kumakalat sa pamamagitan ng pakikipagtalik na hindi ginagamitan ng wastong proteksyon, kagaya ng condom. Ito ay pangunahing umapekto sa ari, subalit maaari ring makaapekto sa lalamunan, sa baga, at sa mga mata.
Ang mga sintomas nito ay ang pananakit ng ari, masakit na pagregla, pagdurugo ng ari, at ang pagkakaroon ng lagnat.
Sa ngayon ay nagagamot na ang klamidya sa pamamagitan ng mga antibiotics, katulad ng azithromycin, erythromycin, levofloxacin, at ofloxacin.
Kasaysayan
Ang bacteria na Chlamydia trachomatis ay unang isinalarawan noong 1907 ni Stanislaus von Prowazek at ni Ludwig Halberstädter. Ito ay una nilang pinanganlang “Chlamydozoa” sa pag-aakalang ito ay isang uri ng protozoa.
Sa paglipas ng ilang mga taon, inakala na ang mikrobyong ito ay isang uri ng virus. Subalit noong 1966, sa pamamagitan ng mga pag-aaral na gamit ang electron microscopy, napag-alaman sa wakas na ang Chlamydia trachomitis ay isang uri ng bacterium.
Sa panahon natin ngayon ay malaganap na ang kaalaman ukol sa C. trachomitis. Bagama’t patuloy ang mga pagsasaliksik ukol sa sakit na ito, mabibisa na ang mga lunas na natuklasan upang puksain hindi lamang ang mga sintomas nito, kundi maging ang mismong bacteria na nagdudulot nito.
Mga Uri
Image Source: www.avert.org
Ang klamidya ay isang uri ng sakit na naisasalin sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Ito ay dulot ng bacteria. May tatlong pangunahing bacteria na nagdudulot ng sakit na ito sa mga tao. Ang mga ito ay ang Chlamydia trachomatis, Chlamydia pneumoniae na kilala rin bilang Chlamydophila pneumoniae, at Chlamydia psittacci.
Mga Sanhi
Image Source: unsplash.com
May iilang paraan para ang isang tao ay magkaroon ng klamidya. Ang pinakapangunahing paraan ng pagkakahawa nito ay ang pakikipagtalik sa mayroon nito. Ang alinmang paraan ng pakikipagtalik sa taong may sakit na ito, kagaya ng vaginal, oral, at anal, lalo na kung walang proteksyong kagaya ng condom, ay lubhang nakakahawa.
Ang isang buntis na babae na may klamidya ay maaaring mahawahan ang kaniyang ipapanganak pa lamang na sanggol sa panahon ng panganganak.
Ang klamidya ay hindi naisasalin sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagligo sa swimming pool na may taong mayroong klamidya
- Pagtayo o pamamalagai malapit sa taong mayroong sakit na ito o kaya ay paglanghap sa hanging inubuhan o binahingan nito
- Pag-upo sa inidoro na inupuan din ng taong may klamidya
- Paglusong sa sauna kasama ng taong may sakit na ito
- Paghipo sa ibabaw ng isang bagay na inubuhan o binahingan ng taong may klamidya
- Pamamasukan sa lugar kung saan ay may namamasukan ding mayroon ng sakit na ito
Sintomas
Image Source: pagbubuntis.com
Ang sintomas ng klamidya ay karaniwang hindi halata, kaya mahirap malaman kung ang tao ay apektado nito. Subalit, kapag nagpakita na ang mga sintomas, kabilang sa mga ito ay ang mga sumusunod:
Sa mga kababaihan
- Pananakit sa puson na may kasamang lagnat
- Masakit na regla
- Pagdurugo sa pagitan ng mga regla
- Pananakit sa pag-ihi
- Hindi pangkaraniwang pag-agos ng likido mula sa ari
- Pananakit habang nakikipagtalik
- Pangangati o kaya ay paghapdi sa paligid ng ari
Sa mga kalalakihan
- Masakit na pag-ihi
- Pangangati o kaya ay paghapdi sa paligid ng bungad ng ari
- Pag-agos ng kaunting likido mula sa dulo ng ari
- Pamamaga at pananakit sa paligid ng mga bayag
Klamidya sa lalamunan
- Lagnat
- Pag-ubo
- Pananakit ng lalamunan
- Pagkatuyo ng lalamunan
Klamidya sa mga mata
- Pamumula
- Pangagnati
- Pamamaga
- Pag-agos ng malapot na likido sa mata
- Pagkamaselan sa liwanag
Mga Salik sa Panganib
Ang klamidya ay lubhang nakakahawa. At ang mga salik sa panganib ng pagkakaroon nito ay ang mga sumusunod:
- Edad at kasiran. Ang sakit na ito ay karaniwang umaapekto sa mga kabataan, lalo na sa mga kababaihan.
- Kaugalian sa pakikipagtalik. Ang mga nakikipagtalik sa mahigit sa isang tao, lalo na ang mga hindi gumagamit ng proteksyong kagaya ng condom, ay may mataas na posibilidad na magkaroon ng sakit na ito.
- Pagkakaroon ng iba pang STI. Ang mga kasalukuyang may sexually transmitted infection (STI), kagaya ng tulo, ay may mataas din na posibilidad ng pagkakaroon ng klamidya.
- Mga sanggol na ipinagbubuntis ng may klamidya. Ang sanggol na ipangangak pa lang ng babaeng may klamidya ay maaaring magkaroon nito, sapagkat ang C. trachomatis ay maaaring maisalin sa pamamagitan ng daanan ng sanggol.
Pag-Iwas
Image Source: www.avert.org
Ang klamidya ay maaaaring iwasan sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagpapalawak sa kaalaman ukol sa pag-iingat laban sa klamidya. Ang pag-iingat ay nag-uumpisa sa pagkakaroon ng ganap na kaalaman ukol sa kung ano ang klamidya at kung paano ito nakukuha. Mainam din na ang kaalamang ito ay isalin sa ibang mga tao, lalo na sa sariling karelasyon.
- Ugaliing gumamit ng proteksyon tuwing makikipagtalik. Ang paggamit ng condom ay isa pa rin sa pinakamainam na proteksyon laban sa anumang uri ng impeksyong kagaya ng klamidya.
- Kung maaari ay magkaroon ng pangmatagalang karelayson. Lalong makatitiyak ang tao na siya ang magiging ligtas sa anumang uri ng sexually transmitted na mga sakit kapag siya ay nasa pangmatagalang relayson.
- Iwasan ang pagkakaroon ng maraming katalik. Mas tumataas ang posibilidad ng tao na magkaroon ng impeksyong katulad ng klamidya kapag mayroon siyang maraming katalik.
Kapag ang tao ay nagkaroon ng mga panimulang sintomas ng klamidya, kinakailangang magpakunsulta kaagad sa duktor upang maiwasan ang paglala at pagkalat pa nito.
Sanggunian
- https://www.webmd.com/sexual-conditions/guide/chlamydia#1
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/8181.php
- https://www.healthline.com/health/std/chlamydia#in-eye
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/chlamydia/symptoms-causes/syc-20355349
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/chlamydia/diagnosis-treatment/drc-20355355
- https://en.wikipedia.org/wiki/Chlamydia_trachomatis#History
- https://medlineplus.gov/chlamydiainfections.html
- https://healthengine.com.au/info/chlamydia-c-trachomatis-c-pneumoniae-c-psittacci-c-pecorum