Gamot at Lunas
Ang kuliti o stye ay hindi naman kadalasang nangangailangan ng lunas. Kapag tinubuan ng kuliti ang mata, pumuputok na ito sa loob ng 3 hanggang 4 na araw. Dahil dito, ang nana sa mata ay natatanggal na at magsisimula nang maghilom. Ganunpaman, maaari namang gawin ang mga sumusunod upang maibsan ang pananakit, pamamaga, at iba pang mga sintomas:
- Paglilinis ng mga mata. Upang hindi maipon ang mga dumi at nana sa mga mata, linisin ang mga ito gamit ang sabon at tubig. Siguraduhin na hindi matapang ang sabon na gagamitin upang hindi lalong mairita ang mga mata. Halimbawa ng mga hindi matatapang na sabon ay mga baby soap.
- Paglalagay ng hot compress. Ang paglalagay ng hot compress ay nakatutulong upang mabilis na mahinog at pumutok ang kuliti. Bukod dito, nababawasan nito ang pananakit at pamamaga na nararamdaman sa mata. Upang gawin ang lunas na ito, kumuha ng malinis at malambot na bimpo. Basain ito ng mainit na tubig at pigain. Ipatong ang basang bimpo sa apektadong bahagi sa loob ng 5 hanggang 10 minuto. Gawin ito ng 3 hanggang 4 na beses sa 1 araw. Kung ang kuliti ay nahinog na, huwag itong puputukin. Hayaan itong kusang pumutok.
- Paggamit ng mainit na pakete ng tsaa. Puwede ring gawing hot compress ang mainit na pakete ng tsaa. Bukod sa mainit na temperatura nito, ang tsaa ay nagtataglay ng mga antibacterial property na maaaring lunas sa impeksyon. Upang gamitin ito, ilubog lamang ang pakete ng tsaa sa mainit na tubig na parang iinom ka lamang nito. Pagkatapos ng 1 minuto, iahon ang pakete at medyo palamigin at patuluin ito. Kung katamtaman na ang init, ipatong ang pakete ng tsaa sa mata sa loob ng 5 hanggang 10 minuto.
- Pagmasahe ng mata. Ang pagmamasahe ng mata na may kuliti ay nakatutulong upang umagos ang nana palabas. Siguraduhin lamang na malinis ang mga kamay bago imasahe ito. Puwede ring gumamit ng wipes habang minamasahe ang mata upang doon mapunas ang nana kapag lumabas ito.
- Pagbunot ng pilikmata. Ang paraang ito ay puwede lamang sa kuliting tumubo sa mismong labas o gilid ng talukap. Kung minsan, hindi nakakaagos ang nana nang husto dahil sa may nakaharang na pilikmata. Upang gawin ito, kumuha ng tiyani at bunutin ang pilikmata na nakaharang sa kuliti. Maaaring ito ay masakit sa una sapagkat ang pilikmata ay tinanggal mula sa namamagang bahagi ng mata.
- Paggamit ng antibiotic. Kung ang pasyente ay nakararanas ng matinding impeksyon sa mata, maaaring magreseta ang doktor ng mga antibiotic eyedrop o kaya naman ay antibiotic cream. Kung hindi pa rin gumagaling ang kuliti, maaari ring magreseta ang doktor ng antibiotic na tableta sapagkat mas mabisa ito.
- Pag-inom ng mga pain reliever. Maaari ring makatulong ang pag-inom ng mga pain reliever kung ang kuliti ay nagdudulot ng matinding panghahapdi o pananakit. Maaari namang makabili nito kahit walang reseta ng doktor. Halimbawa ng mga pain reliever ay paracetamol, ibuprofen, at
- Pagturok ng steroid injection. Sa ibang mga kaso ng kuliti, maaari ring magbigay ang doktor ng steroid injection. Sa tulong ng gamot na ito, nababawasan ang pamamaga at pananakit na dulot ng kondisyon.
Kung ang kuliti ay malubha at masyadong malaki, maaaring isailalim ang pasyente sa mga sumusunod na pamamaraan:
- Incision and drainage of external stye. Sa pamamaraang ito, ang kuliti ng pasyente ay hihiwain ng maliit na kutsilyo o scalpel upang matanggal ang nana sa loob. Maihahalintulad ito sa paghiwa ng pigsa upang umagos ang nana. Kadalasang ginagawa ang pamamaraang ito kung ang kuliti ay tumubo sa labas o gilid ng talukap.
- Drainage of internal stye. Kung ang kuliti naman ay tumubo sa loob ng talukap, isasagawa ang pamamaraang ito. Ang pasyente ay tuturukan muna ng doktor ng local anesthetic upang mamanhid ang apektadong bahagi. Pagkatapos nito, babaliktarin ng doktor ang talukap upang makita ang tumubong kuliti sa loob. Hihiwain ito gamit ang scalpel, pagkatapos ay pipisilin upang lumabas ang nana. Upang hindi magkaroon ng impeksyon at mabilis na maghilom ang sugat, bibigyan din ng doktor ang pasyente ng antibiotic eyedrops.
Habang nagpapagaling sa kuliti, iminumungkahi rin ng mga doktor na huwag munang maglagay ng makeup sa mukha sapagkat maaari itong makapagpalala ng kondisyon. Bukod dito, kung ang pasyente ay nagsusuot ng mga contact lens, mas mainam na ang gamitin muna ay salamin. Ang mga contact lens kasi ay maaaring maipunan ng mga dumi at magdulot lamang ng mas matinding iritasyon sa mga mata.
Kung ang kuliti ay nasa loob, lumalaki, lalong sumasakit, at nakaaapekto sa paningin, mas mainim na kumonsulta sa doktor. Maaaring ito ay sintomas ng ibang mga kondisyon na gaya ng conjunctivitis, blepharitis, o cellulitis.