Buod

Maraming sakit ang maaaring makuha sa hindi protektadong pakikipagtalik, kabilang na rito ang kulugo sa ari o genital warts. Kung hindi ka pamilyar sa sakit na ito, ang itsura nito ay maihahalintulad sa koliplor. Ito ay dahil sa mga kumpul-kumpol na butlig na kadalasang tumutubo sa ari, pwetan, singit, o hita.

Ang kulugo sa ari ay lubos na nakahahawa, sapagkat ito ay sanhi ng isang virus na tinatawag na human papilloma virus o HPV. Bukod sa pagkakaroon ng kulugo, ay posible ka ring makaranas ng pangangati na may kasamang hapdi o pangingirot.

Bagamat ang kulugo sa ari ay gumagaling nang kusa na posibleng abutin ng maraming buwan o taon, mas mainam pa ring lapatan ito ng karampatang lunas para hindi ito lumala at nang hindi ka makahawa sa iba.

Kasaysayan

Noon pa man ay may naitala na ang mga sinaunang Griyego at Romano tungkol sa kulugo sa ari o genital warts. Bagamat hindi pa malinaw noon kung ano ba talaga ang sanhi ng kulugo sa ari, maaaring noon pa’y laganap na ang sakit na ito.

Maraming siyentipiko rin ang nagsaliksik tungkol sa kulugo sa ari, pero noong 1956 lamang nadiskubre na HPV pala ang sanhi nito. Ito naman ay nasundan ng isang pag-aaral ni Harald zur Hausen, isang mananaliksik na Aleman, noong taong 1984, na ang HPV ay maaari ring magdulot ng sakit na cervical cancer bukod sa genital warts.

Mga Sanhi

Gaya ng nabanggit, nagkakaroon ng kulugo sa ari ng dahil sa human papilloma virus o HPV. Sa mahigit 100 klase ng HPV, ang HPV 6 at 11 lamang ang madalas na nagdudulot ng genital warts. Halos 90% ng mga nagiging kulugo sa ari ay sanhi ng HPV strains na ito. Maaari kang dapuan ng mga virus na ito kapag ginagawa mo ang alinman sa mga sumusunod:

  • Pakikipagtalik nang walang proteksyon. Kung ikaw ay aktibo sa pakikipagtalik at hindi ka gumagamit ng anumang proteksyon gaya ng condom, ikaw ay posibleng mahawaan ng HPV at magkaroon ng kulugo sa ari. Kadalasang naipapasa ang sakit na ito sa pamamagitan ng vaginal o anal sex. Pero kahit walang penetration na nagaganap, maaari ka pa ring mahawa sa sakit na ito sa pamamagitan ng skin-to-skin contact na malapit sa iyong ari
  • Paggamit ng infected na sex toys. Ang HPV ay pwede ring manirahan sa sex toys, lalo na kung ang mga ito ay hindi nalilinis nang maigi. Upang manatiling ligtas sa sakit na kulugo sa ari, huwag manghihiram at gagamit ng sex toys ng iba.

Para naman sa katanungan kung naipapasa ba ang sakit na genital warts sa bibig o kamay, ito ay napakadalang. Ang HPV 6 at 11 strains ay nakaaapekto lamang sa mga bahagi o nakapaligid na bahagi sa iyong ari, gaya ng pwetan, singit, o hita.

Hindi rin naipapasa ang genital warts sa pakikipaghalikan o pakikipagyakapan, sa paglangoy sa swimming pool, o sa paggamit ng banyo, tuwalya o kubyertos ng apektadong tao. Ang pagkakaron ng kulugo sa ibang parte ng katawan ay hindi dahil sa impeksyon mula sa HPV 6 at 11.

Sintomas

Source: theasianparent.com

Paano nga ba malalaman kung ang mga tumutubong kulugo sa iyong ari ay genital warts na? Kung nakararanas ka ng alinman sa mga sumusunod na sintomas, posibleng ito ay ang nakahahawang kulugo sa ari.

  • Pagkakaroon ng maliliit at kumpul-kumpol na butlig. Ang kulugo sa ari ay nag-uumpisa sa isang maliit na butlig na medyo mamula-mula. Makalipas ang ilang linggo o buwan, ito ay nagiging kumpul-kumpol gaya ng maliliit na piraso ng koliplor. Kalaunan, ang kulugo sa ari ay nagiging kakulay na rin ng iyong balat.
  • Pangangati ng iyong ari o ibang parte na nakapaligid sa iyong ari. Kadalasan, ang kulugo sa ari ay may kasamang pangangati. Ang balat kasi na nakapaligid sa iyong kulugo ay nagiging tuyo at makaliskis, na siyang nagdudulot ng nangangati.
  • Hapdi o pangingirot. Minsan, hindi nakararamdam ng hapdi o pangingirot ang taong may kulugo sa ari. Pero kadalasan, ito ay may kasamang hapdi o pangingirot lalo na kung kinakamot mo ang iyong mga kulugo.
  • Pagbago ng daloy ng iyong ihi. Ang genital warts ay maaari ring tumubo sa loob ng iyong ari, partikular sa urethra o daluyan ng iyong ihi. Kung nangangati ang loob ng ari mo at ang ihi mo ay lumilihis, posibleng may kulugong nakaharang at nag-iiba ng pagdaloy nito.
  • Pagdurugo ng iyong pwetan. Kung nagdurugo ang iyong pwetan, posibleng ikaw ay may genital warts sa loob. Lalo itong magdurugo habang ikaw ay dumudumi o nakikipagtalik.

Mga Salik sa Panganib

Babae man o lalaki ay pwedeng magkaroon ng kulugo sa ari o genital warts. Pero lalong tataas ang posibilidad mo na mahawaan ng sakit na ito kung kabilang ka sa mga sumusunod:

  • Edad 30 pababa. Ang mga taong may edad 30 pababa ay mataas ang posibilidad na magkaroon ng kulugo sa ari, sapagkat sila ang kadalasang aktibo sa pakikipagtalik.
  • Walang ginagamit na proteksiyon sa pakikipagtalik. Kung ikaw ay walang ginagamit na proteksiyon sa pakikipagtalik, mas mabilis kang mahahawaan ng genital warts. Ang condom kasi ay nagsisilbing harang sa kung anumang virus na dala ng iyong katalik.
  • Pakikipagtalik sa kung sinu-sino. Kung ikaw ay may iba’t ibang katalik at wala kang ginagamit na proteksiyon, lalong mas mataas ang posibilidad na ikaw ay magkakaroon ng kulugo sa ari. Ito ay lalong lalaki kung hindi mo lubusang kilala ang iyong katalik.
  • Paninigarilyo. Ang taong naninigarilyo ay mas mabilis mahawaan ng kulugo sa ari. Ayon sa pag-aaral, ang paninigarilyo ay nakapagpapahina ng immune system na siyang nagiging dahilan para dapuan ka ng kung anu-anong sakit.
  • Ang iyong ina ay may genital warts noong ikaw ay isinilang. Kung ang iyong ina ay may kulugo sa ari noong ikaw ay isinilang, posibleng maging tagapagdala ka ng sakit na ito. Pwede itong umusbong habang ikaw ay bata pa, o kapag ikaw ay matanda-tanda na.

Pag-Iwas

Source: acsh.org

Ang pagkakaroon ng kulugo sa ari ay madaling iwasan. Upang hindi ka mahawaan ng sakit na ito, gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:

  • Huwag makipagtalik – Ito ang pinakaligtas na paraan upang hindi ka magkaroon ng kulugo sa ari. Kung hindi ka makikipagtalik, hindi ka mahahawaan ng HPV at hindi ka tutubuan ng kulugo. Pero tandaan, kahit foreplay lang ang gawin mo at ng iyong kasintahan, pwede ka pa ring magkaroon ng kulugo sa ari. Ito ay dahil nakahahawa parin ang sakit na ito sa pamamagitan lamang ng pakikipagdikit sa ari ng may impeksyon.
  • Makipagtalik lamang sa iisang tao – Maiiwasan mo ang pagkakaroon ng kulugo sa ari kung makikipagtalik ka lamang sa isang tao na lubusan mong kilala gaya ng iyong kasintahan o asawa. Kung makikipagtalik ka sa iba’t ibang tao, hindi ka makasisigurado sapagkat hindi mo alam ang nakaraan at ugali nila sa pakikipagtalik.
  • Gumamit ng condom – Ang condom ay nagsisilbing proteksyon sa anumang virus na dala ng iyong katalik, lalo na kung ang genital warts niya ay hindi nakikita at nasa loob pala ng daluyan ng kanyang ihi o pwetan. Pero ang paggamit ng condom ay wala ring kasiguraduhan, sapagkat kung ang kulugo ng iyong infected partner ay nasa hita at singit, posible ka nang mahawaan.
  • Huwag manghiram o gumamit ng sex toys ng iba. Ang HPV ay hindi nabubuhay nang matagal sa mga gamit lang. Pero ang sex toys kasi, lalo na at kung hindi malinis, ay pwedeng maiwanan ng mga likidong lumalabas sa ari at mga pubic hair, na kung saan ay pwedeng mabuhay ang virus. Kung gustong gumamit ng sex toys, bumili ng pangsarili at huwag manghiram sa iba.
  • Magpapaturok ng HPV vaccine. Kung ang mga magulang mo ay hindi ka nagawang paturukan ng HPV vaccine noong ikaw ay bata pa, pwede ka pa namang magpaturok nito. Kapag ikaw ay matanda na, ang ituturok na sa iyo ng doktor ay ang Gardasil HPV vaccine. Nakatutulong ito para hindi ka madapuan ng iba’t ibang uri ng HPV.

Ang kulugo sa ari ay maaaring gumaling nang kusa, lalo na kung iiwasan mo na ang mga sanhi nito at kung mananatili kang malinis sa iyong katawan. Subalit, ito ay posibleng abutin nang maraming buwan at taon bago gumaling. Kaya naman, iminumungkahi na magpa-checkup ka agad sa iyong doktor para mabigyan ka ng tamang lunas at mapigilan ang patuloy na paghawa mo ng sakit na ito sa ibang tao.

Sanggunian