Buod
Ang kulugo ay kilala sa tawag na wart sa wikang Ingles, samantalang kilala naman ito sa tawag na verruca sa larangang medikal. Ito ay isang uri ng kondisyon kung saan nagkakaroon ng maliliit at magagaspang na mga bukol ang balat. Maaaring magkaroon ng kulugo ang balat dahil sa human papilloma virus o HPV. Kapag naapektuhan ng virus na ito, maaaring magkaroon ng kulugo sa mga kamay, mukha, leeg, balikat, likod, at iba pang mga bahagi ng katawan.
Mayroon ding tinatawag na kulugo sa ari o genital warts. Subalit, magkaibang uri ng HPV ang nagdudulot sa pangkaraniwang kulugo at kulugo sa ari. Kumpara sa kondisyon na ito, ang pangkaraniwang kulugo ay nakukuha lamang sa paghawak ng infected na bagay, samantalang ang genital warts ay nakukuha sa pakikipagtalik at mabilis itong makahawa.
Wala namang dapat ikabahala kung magkaroon ng kulugo sapagkat ito ay hindi isang mapanganib na kondisyon at karaniwang hindi rin cancerous. Subalit, maaari itong magdulot ng kahihiyan at pagbaba ng kumpiyansa sa sarili ng isang tao dahil hindi ito kaaya-ayang tingnan. Upang malunasan ang kondisyon na ito, maaaring magpahid ng mga ointment o kaya naman ay sumailalim sa laser treatment o minor surgery.
Kasaysayan
Noon pa man, laganap na ang kulugo o wart. Ayon sa mga pag-aaral, natuklasan na ang mga mummy mula sa mga panahon na higit 3,000 taon na ang nakalipas ay mayroong mga kulugo. Maging si Shakespeare, isang kilalang makata at manunulat sa wikang Ingles noong sinaunang panahon, ay nababanggit ang mga kulugo sa kanyang mga libro.
Marami ring iba’t ibang paniniwala tungkol sa pagkakaroon ng kulugo. Sa Pilipinas lamang at maging sa mga English folk belief, may ilan na naniniwala na ang kulugo ay dulot ng paghawak sa palaka. Ayon naman sa German folk belief, ang paghawak sa palaka sa tuwing kabilugan ng buwan ay makatutulong sa paggamot ng kulugo. Subalit, ang totoo ay hindi nagdudulot ng kulugo ang palaka. Ang tanging nagudulot nito ay ang human papilloma virus o HPV.
Noong unang panahon, kilala ang paggamit ng halamang Greater Celandine sa paggamot ng kulugo. Ito ay isang uri ng maliit na halaman na namumulaklak ng kulay dilaw at karaniwan itong tumutubo sa mga lupain ng Europa at Asya. Upang malunasan ang kulugo, kailangang ipahid ang dagta o katas nito sa apektadong bahagi. Bagama’t isa itong kilalang panglunas noon pa man, hanggang ngayon ay marami pa ring gumagamit nito at marami na ring mga ointment at essential oil ang hinango mula sa halaman na ito.
Sa kasalukuyan, maraming mga paraan kung paano lunasan ang mga kulugo. Kabilang na rito ang pagpapahid ng mga nabanggit na ointment at cream. Ngunit maaari na ring tanggalin ang mga kulugo sa pamamagitan ng pagtistis at iba pang mga paraan.
Mga Uri
Ang kulugo ay mayroong iba’t ibang uri batay sa itsura at bahagi ng katawan na naaapektuhan nito. Narito ang mga uri ng kulugo:
- Common wart. Ang common wart ay isang uri ng kulugo na kadalasang kulay abo. Ito ay may bilugang hugis at magaspang o maaligasgas kapag hinawakan. Karaniwang tumutubo ito sa mga kamay at paa, subalit maaari ring tumubo ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
- Plantar wart. Isa itong uri ng kulugo na tumutubo sa mga talampakan. Kumpara sa ibang uri ng kulugo, ang plantar wart ay hindi umuusbong palabas ng balat, subalit ito ay tumutubo sa mismong balat. Para itong kalyo, ang kaibahan lamang ay mayroon itong maliliit na bilug-bilog o tulduk-tuldok sa gitna habang ang paligid na balat nito ay matigas.
- Flat wart. Ang flat wart ay nakaumbok din na uri ng kulugo, subalit mas patag ang ibabaw nito. Hindi agad aakalain na kulugo pala ito sapagkat parang maliliit na pantal o maliliit na tagihawat lamang ito sa mukha. Bukod sa mukha, maaari rin itong tumubo sa mga braso at hita.
- Filiform wart. Ang filiform wart ay karaniwang tumutubo sa paligid ng bibig, ilong, baba, o leeg. Mukha itong mga skin tag at karaniwang kakulay nito ang balat.
- Periungual wart. Ito ay isang uri ng kulugo na tumutubo sa paligid ng mga kuko sa kamay at paa. Mukha itong fungal infection na may mga nakaumbok na bukol.
Mga Sanhi
Image Source: www.vice.com
Ang pinakapangunahing sanhi ng kulugo o wart ay ang human papilloma virus o HPV. Maaaring makuha ang virus na ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paghawak ng mga infected na bagay gaya ng tuwalya at mga sapatos
- Pagkadikit ng balat sa taong may kulugo
- Paglalangoy sa mga pampublikong languyan ng may mga hiwa o sugat ang balat
Bukod sa mga nabanggit, maaari namang kumalat ang kulugo sa pamamagitan ng:
- Pagkamot o pagkagat sa kulugo
- Pagsipsip ng mga maduduming daliri ng kamay
- Pagkagat sa mga kuko na may kulugo
- Pag-aahit ng mukha o mga binti
Hindi naman madaling makahawa ang mga kulugo. Kahit madikitan ka ng taong mayroon nito, hindi nito ibig sabihin na magkakaroon ka agad nito. Kung malakas ang resistensya ng katawan, maaaring hindi magkaroon ng kulugo.
Mga Sintomas
Masasabing may kulugo ang isang tao kung siya ay nakikitaan ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagkakaroon ng maliliit at magagaspang na bukul-bukol sa balat
- Pagkakaroon ng kulay balat, abo, puti, pink, o brown na bukul-bukol
- Pagkakaroon ng mga bukul-bukol na magaspang o maaligasgas kapag hinawakan
- Pagkakaroon ng mga maliliit at maiitim na tuldok sa balat
Mga Salik sa Panganib
Ang kahit na sinuman ay maaaring magkaroon ng kulugo. Bagama’t ito ay hindi mabilis makahawa, maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyon na ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging bata. Kumpara sa mga matatanda, mas mahina ang reistensya ng mga bata kaya naman maaaring sila ay mahawaan kaagad ng taong may kulugo.
- Pagkakaroon ng sakit. Sa pagkakaroon ng sakit, ang immune system ng katawan ay humihina. Dahil dito, kapag mayroong virus na pumasok sa katawan, maaaring hindi ito mapuksa ng immune system at magresulta sa kulugo.
- Pagkakaroon ng mga hiwa o sugat sa balat. Mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng kulugo kung ang balat ay may mga hiwa o sugat. Dahil hindi sarado ang balat, mas madaling makapapasok ang virus na sanhi ng kulugo.
Mga Komplikasyon
Ang mga kulugo sa balat ay maaaring mawala nang kusa, subalit maaaring abutin ito ng ilang taon bago gumaling. Kung ang mga kulugo ay hindi malulunasan, maaari rin itong magdulot ng mga sumusunod na komplikasyon:
- Pananakit ng balat at kalamnan
- Pagkakaroon ng paltos sa balat
- Pagkairita at pamumula ng balat
- Hirap sa paglakad (kung ito ay plantar wart)
Maaari ring bumaba ang self-confidence ng isang tao kung ang mga kulugo ay tumubo sa mga bahaging hindi palaging natatakpan ng kasuotan gaya ng mukha, braso, kamay, binti, at paa. Dahil sa kahihiyan, maaari rin itong makaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao.
Pag-Iwas
Image Source: www.freepik.com
Maraming paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng kulugo o wart. Ang pinakapangunahing paraan upang maiwasan ito ay ang pagpapanatiling malinis ng katawan sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Maligo araw-araw o linisin ang katawan lalo na pagkagaling sa trabaho o paaralan. Nakatutulong ito upang mahugasan ang anumang virus na kumapit sa katawan.
- Ugaliing maghugas ng mga kamay. Maaaring nakahawak ng mga bagay na infected ng virus na nagdudulot ng kulugo.
- Tuyuin nang mabuti ang katawan at mga kamay pagkatapos maligo o maghugas sapagkat ang mamasa-masang balat ay maaaring pamahayan ng mga
- Huwag manghiram ng mga personal na gamit ng iba sapagkat maaaring may kulugo sila na hindi nalalaman. Huwag manghiram ng tuwalya, suklay, pang-ahit, mga sapatos, at iba pa.
- Magsuot ng tsinelas o sapatos sa mga pampublikong lugar gaya ng paliguan at mga locker room.
- Huwag lalangoy sa mga pampublikong languyan kung mayroong mga hiwa o sugat ang balat.