Buod
Ang lactose intolerance ay isang uri ng sakit sa digestive system na tumutukoy sa kawalan ng kakayanan ng katawan na tunawin o i-proseso ang lactose. Ito ay isang uri ng asukal na nakukuha sa gatas. Karaniwang nagiging lactose-intolerant ang isang tao dahil ang katawan niya ay kulang sa lactase enzyme. Ang enzyme na ito ang tumutulong upang matunaw ang lactose sa tiyan.
Hindi isang nakababahalang kondisyon ang lactose intolerance. Ganunpaman, kapag nakakain o nakainom ang taong lactose-intolerant ng mga produktong may gatas, maaari siyang makaranas ng ilang mga sintomas, tulad ng madalas na pag-utot, pagtatae, pagkakabag, pananakit at paninigas ng kalamnan ng tiyan, pagkulo ng tiyan, at panghihina. Ang tindi ng mga sintomas ay nakabatay sa kung gaano karaming lactose ang nakain o nainom.
Karaniwang nagkakaroon ng lactose intolerance dahil sa heredity o pagkamana ng mga genes na may problema. Kaya naman pagkapanganak pa lamang sa isang sanggol ay mayroon na agad siyang lactose intolerance. Pero bukod sa pagkamana, maaari magkaroon ng lactose intolerance sa pagtanda lalo na kung may ibang sakit ang pasyente, gaya ng celiac disease.
Ang lactose intolerance ay hindi nalulunasan, subalit maaari namang mapigilan ang paglabas ng mga sintomas sa pamamagitan ng pagbawas sa pagkain o pag-inom ng mga produktong may lactose, pag-inom ng mga supplement, at iba pa.
Kasaysayan
Ayon sa mga pag-aaral, 70% ng populasyon ng mundo ay may lactose intolerance. At karamihan sa mga lahing naaapektuhan ng ganitong kondisyon ay mga Aprikano, Asyano, Native Indian, at Latino. Sa Pilipinas, tinatayang kalahati ng populasyon ay may lactose intolerance.
Batay sa mga pananaliksik, ang lactose intolerance ay isang matagal na’ng kilalang uri ng kondisyon. Sa katunayan, una itong nailahad ni Hippocrates, isang tanyag na Griyegong doktor. Noong unang mga panahon, ang lactose intolerance ay napagkakamalan lamang na alerhiya sa gatas. Subalit, sa patuloy na pananaliksik, natuklasan na ang lactose intolerance at milk allergy ay magkaiba.
Sa lactose intolerance, may problema sa asukal na lactose at ang mga sintomas ay karaniwang may pagtatae at pananakit ng tiyan. Sa milk allergy naman, ang problema ay nagmumula sa protina ng gatas kung saan nagdudulot ito ng mga sintomas, gaya ng pamamantal ng balat at problema sa paghinga.
Mga Uri
Image Source: hellogiggles.com
Ang lactose intolerance ay mayroong dalawang pangunahing mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Primary lactose intolerance. Ang primary lactose intolerance ay ang pinakalaganap na uri. Maaaring magkaroon ng lactose intolerance kapag namana ang kondisyon mula sa pamilya.
- Secondary lactose intolerance. Madalang ang uri ng lactose intolerance na ito sapagkat maaari lamang magkaroon nito kung may ibang sakit sa digestive system ang isang tao, gaya ng celiac disease. Kapag may ibang digestive disorder, maaaring mamaga ang mga bituka at mabawasan ang kakayanan nito na gumawa ng lactase enzyme.
Mga Sanhi
Image Source: www.freepik.com
Ang lactose intolerance ay mayroong iba’t ibang mga sanhi. Maaaring ito ay dulot ng alinman sa mga sumusunod:
- Kakulangan sa lactase enzyme. Ang pagkakaroon ng lactose intolerance ay nangangahulugan ng kakulangan sa lactase enzyme. Gaya ng nabanggit noong una, ang lactase ay kailangan upang matunawa ang lactose sa katawan. Subalit dapat tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataong kulang ang lactase ay agad na makakaranas ng lactose inolerance.
- Pagkamana ng kondisyon. Malaking salik ang heredity sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Ang kakulangan sa lactase ay kadalasang dulot ng mutation o pagbabago sa mga gene ng tao habang ipinagbubuntis pa lamang, o di kaya nama’y namana ito mula sa mga magulang na lactose-intolerant. Ito ang dahilan kung bakit maaaring magkaroon agad ng lactose intolerance mula sa kapanganakan (congenital) pa lang, o kaya naman ay makuha ito kinalaunan sa pagtanda (developmental).
- Dulot ng ibang sakit. Bukod sa pagkamana, maaaring ang kakulangan sa lactase ay dulot ng isang sakit na sumisira sa mga pader ng bituka na kinalalagyan ng lactase, gaya ng sakit na celiac sprue at celiac disease.
- Radiation therapy. Bukod sa mga nabanggit, ang mga taong ipinanganak na kulang sa buwan (premature birth) at ang mga sumasailalim sa radiation therapysa bandang tiyan (marahil dahil sa kanser), ay may mataas din na posibilidad na magkaroon ng lactose intolerance.
Mga Sintomas
Image Source: www.npr.org
Malalaman ng doktor na posibleng may lactose intolerance ang pasyente kung nakikitaan ng mga sumusunod na sintomas:
- Madalas na pag-utot
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pagtatae
- Pagkakaroon ng kabag
- Pananakit at paninigas ng kalamnan ng tiyan
- Pagkulo ng tiyan
- Panghihina
Ang mga sintomas ng lactose intolerance ay halos natutulad sa mga sintomas ng inflammatory bowel disease, celiac disease, at irritable bowel syndrome. Kaya naman upang makasiguro kung anong kondisyon ang nakaaapekto, magpakonsulta sa doktor. Upang malaman na lactose intolerance ang kondisyon, maaaring isailalim ang pasyente sa mga diagnostic test, tulad ng hydrogen breath test at lactose intolerance test.
Mga Salik sa Panganib
Ang lactose intolerance ay karaniwang namamana. Subalit mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito dahil sa mga sumusunod na salik:
- Pagiging premature o naipanganak na kulang sa buwan
- Pagiging Aprikano, Asyano, Latino, at American-Indian
- Pagtanda
- Pagkakaroon ng mga sakit sa bituka, gaya ng bacterial overgrowth, celiac disease, at Crohn’s disease
- Pagsasailalim sa mga cancer treatment malapit sa tiyan
Mga Komplikasyon
Kung hindi mapapangasiwaan nang maayos ang kondisyon na lactose intolerance, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod na komplikasyon:
- Osteopenia o pagkakaroon ng mababang bone mineral density
- Osteoporosis o pagkakaroon ng mahihina at marurupok na mga buto
- Pagkakaroon ng malnutrisyon
- Labis na pagbagsak ng timbang
Pag-Iwas
Ang pagkakaroon ng lactose intolerance ay hindi naiiwasan, lalo na kung namana ang mga problemadong genes mula sa mga magulang. Ganunpaman, maaaring maiwasan ang paglabas ng mga sintomas nito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Umiwas sa pagkain o pag-inom ng mga high-lactose food, gaya ng gatas, heavy cream, condensed milk, evaporated milk, sorbetes, cottage cheese, ricotta cheese, sour cream, at cheese spreads.
- Kapag mamimili ng mga pagkain, ugaliing magbasa ng mga Karamihan sa mga kutkutin o snacks, baking products, kendi, dry mixes, dried vegetables, at infant formula ay may mga lactose. Kapag hindi sigurado kung may lactose o wala ang bibilhing mga produkto, humingi ng tulong sa mga empleyado ng grocery store.
- Iwasang gumamit ng mga gamot na may lactose, gaya ng mga white pill, birth control pill, maging ang mga gas and stomach acid medications. Karamihan sa mga gamot na ito ay nagtataglay ng lactose sapagkat ginagamit silang Humingi ng tulong sa pharmacist upang malaman kung ang binibiling gamot ay lactose-free.
Sanggunian
- https://www.nhs.uk/conditions/lactose-intolerance/
- https://en.wikipedia.org/wiki/Lactose_intolerance#History
- https://www.webmd.com/digestive-disorders/digestive-diseases-lactose-intolerance
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/lactose-intolerance/symptoms-causes/syc-20374232
- https://www.healthline.com/health/lactose-intolerance
- https://www.healthline.com/nutrition/lactose-intolerance-101