Buod

Ang leptospirosis ay isang malubhang uri ng bacterial infection na maaaring makaapekto sa mga hayop at mga tao. Ang sakit na ito ay dulot ng bacterium na Leptospira interrogans. Ito ay karaniwang kumakalat sa pamamagitan ng mga ihi at dumi ng mga dagang carrier ng mikrobyong ito. Kaya, tinatawag ding rat fever ang sakit na ito. Subalit, may ibang uri ng mga hayop na maari ring maging carrier ng sakit na leptospirosis.

Ang sakit na ito ay hindi nakahahawa. Bagkus, ito ay nakukuha kapag ang bacteria na nasa ihi o dumi ng apektadong hayop ay humalo sa tubig baha o lupa at pumasok sa mga sugat, galos, o nanunuyong balat ng tao. Maaari ring magkaroon ng sakit na ito kapag ang mikrobyo nito ay pumasok sa bibig, ilong, at ari.

Ang mga sintomas ng sakit na ito ay may hawig sa karaniwang flu, kagaya ng pananakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan, paglalagnat, labis na pagkahilo, maging ang pagsusuka.

Ginagamot ito sa pamamagitan ng antibiotics at ng iba pang mga gamot na lumulunas sa iba pa nitong mga sintomas at komplikasyon.

Kasaysayan

Ang leptospirosis ay unang isinalarawan noong 1886 nang ilathala ni Adolf Weil ang isang uri ng sakit na nagdudulot ng pamamaga ng spleen, paninilaw, at nephritis. Subalit bago pa ang panahong ito, naobserbahan na sa China ang sakit na ito at tinawag na “paninilaw sa palayan.” Sa Japan naman ay bukod din itong naobserbahan at nagkaroon pa ng katawagang “autumn fever” o kaya ay “pitong araw ng lagnat.” Samantala, sa Australia at sa Europa ay may mga bukod na obserbasyon at may iba’t ibang uri na rin ng katawagan sa sakit na ito.

Kumalat naman ang leptospirosis sa mga Native American na naninirahan sa mga dalampasigan noong mga 1600 sa pamamagitan marahil ng mga dayuhang taga-Europa.

Ang bacterium naman na Leptospira ay unang natuklasan ni Arthur Stimson noon lamang 1907 mula sa isang hiwa ng laman ng kidney gamit ang silver deposition staining na pamamaraan. Una niyang pinangalanan ang natuklasan niyang bacterium bilang Spirocheta interrogans dahil may hawig ito sa tandang pananong (question mark). Noon namang 1908 ay natuklasan sa Japan sa pamamagitan ng bukod na pagsasaliksik na ang bacterium na ito ay ang sanhi ng sakit na leptospirosis. At noong 1916 at 1917 napag-alaman ng mga eksperto sa Japan na ang mga daga ay ang pangunahing may dala o carrier ng mikrobyong ito.

Subalit, ang mga natuklasan sa Japan noong mga panahong iyon ukol sa leptsopirosis ay hindi alam ng mga siyentipiko sa Europa na may isinagawa na ring mga bukod na pagsusuri ukol dito.

Samantala, ang dalawang grupo ng mga Aleman na magkabukod na pinag-aralan ang sakit na ito sa mga guinea pig noong 1915 ay tinawag ang mikrobyong nagdudulot ng leptospirosis na Spirochaeta nodosa at Spirochaeta Icterogenes. Pagkatapos nito ay sunod-sunod na mga pagsusuri na ang ginawa upang lalong matuklasan ang lunas para sa sakit na ito.

Mula noong 1933 ay nakilala na ang leptospirosis bilang isang sakit na maaaring umapekto sa lahat ng uri ng mga mammal. May uri ng sakit na ito na umaapekto sa mga aso. Mayroon din sa mga baka.

At noon namang mga 1980 ay kinilala na ang leptospirosis bilang isang napakalubhang uri ng sakit. Noong mga panahong iyon ay may mahigit nang 200 na mga kilalang serovar, o uri, ng mikrobyong leptospira.

Dahil sa lubhang pagdami ng mga daga bunga ng pandaigdigang pag-unlad, kumalat na nang husto ang leptospirosis. Ayon sa tala ng LERG noong 2011, ang nagkakaroon ng sakit na ito taun-taon ay may 5 hanggang 14 sa bawat 100,000 na katao sa buong mundo.

Mga Uri

Image Source: ecdc.europa.eu

Sa kasalukuyan ay may dalawang kilalang uri ng leptospirosis. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Banayad (mild) na leptospirosis. Ang may 90% ng mga kaso ng sakit na leptospirosis ay ang banayad lamang na uri nito. Ito ay maaaring mawala ng ilang araw nang hindi ginagamot.
  • Malubhang (severe) leptospirosis. Nasa may 5% hanggang 15% ng mga may leptospirosis ay nagkakaroon ng malubhang uri nito. Kapag hindi naagapan ay maaari itong ikamatay, ayon sa datos ng Centers for Diease Control and Prevention (CDC) ng Amerika.

Mga Sanhi

Image Source: www.townsvillebulletin.com.au

Ang sakit na leptospirosis ay dulot ng mikrobyong Leptospira interrogans. Ito ay nakatira sa mga kidney ng mga hayop na carrier nito, kagaya ng mga daga. Kaya kapag umihi ang mga ito ay sumasama sa ihi ang mikrobyo at humahalo sa lupa at tubig.

Ang mikryobyo naman ay papasok sa katawan sa pamamagitan ng:

  • Bukas na sugat
  • Galos
  • Mga bitak sa nanunuyong balat
  • Butas ng ilong
  • Bibig
  • Puwerta ng ari

Ito ay naipapasa rin sa pamamagitan ng pagtatalik o kaya ay sa pagsuso ng sanggol sa apektadong ina.

Sintomas

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang leptospirosis ay mapapansin 5 hanggang 14 na araw mula nang ang mikrobyo nito ay umapekto sa tao. May 2 hanggang 30 araw naman ang incubation period nito.

Sa banayad na leptospirosis, ang mga sintomas ay gaya ng mga sumusunod:

  • Pananakit ng ulo
  • Lagnat at panginginig
  • Pagtatae at pagsusuka
  • Pag-ubo
  • Paninilaw
  • Namumulang mga mata
  • Pananakit ng mga kalamnan, lalo na ang ibabang bahagi ng likod
  • Pamamantal

Maaaring gumaling ang banayad na uri ng sakit na ito kahit hindi ginagamot.

Subalit kapag lumala ang leptospirosis, maaapektuhan ang mga baga, utak, kidney, maging ang iba pang mga organ ng katawan. Ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:

  • Malabis na pagkapagod
  • Hindi regular at mabilis na pagpintig ng puso
  • Pananakit ng mga kalamnan
  • Labis na pagkahilo
  • Pagdurugo ng ilong
  • Pananakit ng dibdib
  • Pagkahingal
  • Pagkawala ng ganang kumain
  • Pamamaga ng mga kamay at paa
  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
  • Paninilaw
  • Pagkalito
  • Malabis na pagkaantok
  • Seizures
  • Mataas na lagnat
  • Pagkamaselan sa liwanag
  • Paninigas ng leeg (stiff neck)
  • Kawalan ng kontrol sa pagkilos
  • Kawalan ng kakayahang magsalita
  • Pagsusuka
  • Agresibong pag-uugali
  • Pag-ubo na may kasamang dugo

Kapag hindi naagapan ay maaaring makamatay ang malubhang uri ng leptospirosis. Subalit, hindi lahat ng mga tao ay maaaring magkaroon nito. May iilan lamang na mataas ang panganib na magkaroon ng leptospirosis.

Mga Salik sa Panganib

Bagama’t ang leptospirosis ay kalat na sa buong mundo, ito ay pinakakaraniwan sa mga bansang tropikal. Kaya, mas nakararami ang mga naitalang nagtataglay nito sa mga bansang may naturang klima.

Ito ay umaapekto rin lalo na sa mga taong may mga sumusunod na uri ng hanapbuhay:

  • Mga magsasaka
  • Mga minero
  • Mga nagtatrabaho sa mga imburnal
  • Mga nagtatrabaho sa mga katayan ng hayop
  • Mga veterinarian at tagapag-alaga ng mga hayop
  • Mga mangingisda
  • Mga dairy farmer
  • Mga sundalo

Maaari ring mataas ang panganib ng pagkakaroon ng leptospirosis ng mga sumusunod:

  • Lumalangoy o nagtatampisaw sa mga kontaminadong tubig
  • Nagka-kayak o nagra-rafting sa mga kontaminadong ilog
  • Sumasali sa mga outdoor activity, lalo na sa mga tropikal na mga dako
  • Mga bata sa mga siyudad lalo na sa mga tropikal na bansa

Pag-Iwas

Image Source: unsplash.com

Madaling iwasan ang sakit na leptospirosis. Kailangan lamang ang masusing pag-iingat, kagaya ng mga sumusunod:

  • Umiwas sa mga dako na kilalang may mga kaso ng leptospirosis
  • Iwasan ang paliligo sa mga ilog lalo na sa mga tropikal na dako
  • Magsuot ng mga tamang kasuotan kapag sasali sa mga water sport sa mga tropikal na dako
  • Maligo nang wasto gamit ang malinis na tubig at sabon pagkaahon mula sa mga tropical fresh water
  • Ugaliing magsuot ng protective na mga gamit, kagaya ng mga bota, goggles, at face mask kapag ang uri ng hanapbuhay ay nasa kontaminadong lupa o tubig
  • Sunding mabuti ang mga safety measure na ipinatutupad sa mga lugar na kontaminado
  • Kapag nasa tropikal na lugar, ugaliing uminom lamang ng pinakuluan o kaya ay nakaboteng tubig
  • Kung may sugat ay maayos na takpan ito ng waterproof na dressing
  • Kapag ang uri ng hanapbuhay ay nasa military o kaya ay emergency response, kinakailangang uminom muna ng mga antibiotic ayon sa payo ng doktor o ng ibang medical professional
  • Iwasan ang pamamalagi sa mga lugar na maraming daga
  • Gumamit ng mga rodent killer kung mayroon nito sa bahay
  • Ugaliing maghugas ng malinis na tubig at sabon matapos humawak ng mga hayop
  • Iwasang hawakan ang mga patay na hayop nang walang suot na guwantes
  • Pabakunahan laban sa leptospirosis ang mga alagang hayop
  • Kung hindi maiiwasang uminom sa ilog, kailangang pakuluan muna ito nang husto

Sanggunian