Buod

Ang leukemia o lukemya ay isang uri ng kanser na maaring makaapekto sa dugo at sa mga selula na lumilikha ng dugo. Kaya, karaniwan itong tinatawag na “kanser sa dugo (blood cancer)” Ang pangalan ng kondisyong ito ay hango sa salitang Griyego na leukos (malinaw o maputi) at haima (dugo).

Nagkakaroon ng kanser ang dugo dahil sa paggawa ng bone marrow ng mga abnormal na uri ng white blood cell. Ang malusog na white blood cell ay siyang tumutulong sa paglaban sa impeksyon. Kapag lubhang dumami ang mga abnormal na mga white blood cell sa dugo, maaapawan ng mga ito mga malulusog na blood cell. Dahil dito, magiging napakahirap para sa dugo na labanan ang mga impeksyon at iba pang uri ng mga kondisyon.

Wala pang tiyak na natutukoy bilang sanhi ng leukemia, subalit ang mga genetic at ang mga pangkapaligirang salik ay maaaring maituring bilang mga sanhi nito.

Ang ilan sa mga tanda ng pagkakaroon ng leukemia ay ang pagkakaroon ng lagnat, pananamlay, pagdurugo, pagbagsak ng timbang, maging ang labis na pagkakaroon ng impeksyon.

Sa ngayon, nilulunasan ang leukemia sa pamamagitan ng operasyon (surgery), chemotherapy, radiation, maging ng stem cell transplant.

Kasaysayan

Ang surgeon at anatomist na si Alrfed-Armand-Louis-Marie Velpeau ang isa sa mga unang tumalakay sa sakit na leukemia noong taong 1827. At ang mas malawak naman na pagsasalarawan sa sakit na ito ay ginawa ni Rudolf Virchow, isang pathologist, noon namang 1845.

Pagkalipas ng may sampung taon ay natuklasan naman ng pathologist na si Franz Ernst Christian Neumann na ang bone marrow ng taong namatay dahil sa leukemia ay may kulay na berdeng dilaw sa halip na pula na gaya ng sa mga may malulusog na bone marrow. Dito napag-alaman ni Neumann na problema sa bone marrow ang dahilan ng pagkakaroon ng leukemia.

Mula 1900 ay nagkaroon ng iba’t ibang mga pagsasaliksik ukol sa maaaring maging lunas sa sakit na ito. Noon lamang 1962 natuklasan ng mga mananaliksik na sina Emil J. Freireich, Jr. At Emil Frei III na ang chemotherapy ay tumutulong upang labanan ang leukemia.

Mga Uri

Image Source: merckmanuals.com

Ang leukemia o kanser sa dugo ay may iba’t ibang uri, kabilang na ang mga sumusunod:

  • Acute myeloid leukemia (AML). Tinatawag din itong acute myeloblastic leukemia, acute granulocytic leukemia, acute myelogenous leukemia o kaya ay acute nonlymphocytic leukemia. Ito ay isang uri ng kondisyon kung saan mabilis na lumalago ang kanser sa dugo at bone marrow.
  • Acute lymphocytic leukemia (ALL). Ang uri ng leukemia na ito ay mabilis lumago. Pinapalitan nito ang malulusog na mga selula. Ang mga selula nito ay tinatangay at kumakalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga daluyan ng dugo. Kabilang sa naaapektuhan nito ay ang atay, utak, bayag, maging ang mga kulani (lymph nodes). Dahil marami ang bahagi ng katawan na naaapektuhan nito, marami ang maaaring maging mga sintomas nito.
  • Chronic myeloid leukemia (CML). Ang uri ng leukemia na ito ay nag-uumpisa sa mga selula na lumilikha ng dugo sa bone marrow. Sa paglipas ng panahon ay kumakalat ito sa dugo at pati na rin sa ibang bahagi ng katawan.
  • Chronic lymphocytic leukemia (CLL). Ang uri ng leukemia na ito ay mabagal ang pagkalat. Nagsisimula ito sa mga lymphocyte sa bone marrow at kumakalat sa dugo. Maaari rin itong kumalat sa iba pang bahagi ng katawan, kabilang na sa pali (spleen), atay, at kulani. Nagkakaroon ng kondisyong ito kapag naging mas marami ang mga abnormal na blood cell kaysa sa malulusog na cell. Ito ay nagiging sanhi ng kawalan ng kakayahan ng dugo na labanan ang mga impeksyon.
  • Hairy cell leukemia. Ito ay isang uri ng hindi pangkaraniwang chronic lymphocytic leukemia na mabagal ang pagkalat. Nagkakaroon nito ang isang tao kapag sumobra ang dami ng B cells na nalilikha sa bone marrow. Dahil dito, kakaunti lamang ang nalilikha na mga malulusog na white blood cell, red blood cell, at mga platelet.

Mga Sanhi

Wala pang tiyak na sanhi ang sakit na leukemia. Ang tanging nalalaman tungkol dito ay ang pagkakaroon ng sobrang dami ng mga abnormal na blood cell na nalilikha ng bone marrow. Kapag hindi makontrol ay maaapawan ng mga ito ang mga malulusog na selula ng dugo. Dahil dito, mawawalan ang mga malulusog na selula ng kakayahan upang maayos na malabanan ang mga impeksyon.

Hindi matiyak kung bakit nagkakaroon ng sobrang dami ng abnormal na selula na nalilikha sa bone marrow. Subalit, may mga teoriya na nagmumungkahi na ang genetics at ang ilang mga salik sa kapaligiran ay maaaring magdulot ng leukemia. Kaya, ang mga taong may mga magulang na nagkaroon ng leukemia ay maaaring magkaroon din nito.

Ang mga taong nailantad sa radiation ay maaari ring magkaroon ng leukemia. Sa katunayan, naobserbahan sa ilang mga pagsusuri na ang ilang mga taong tumanggap ng chemotherapy o radiation therapy para sa ibang uri ng kanser ay nagkaroon ng leukemia.

Mga Sintomas

Image Source: today.com

Dahil sa magkakaiba ang uri ng leukemia, marami rin ang sintomas nito. Subalit, ang mga karaniwang sintomas ng lahat ng uri ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng lagnat na may panginginig
  • Madalas na pagkakaroon ng impeksyon
  • Madalas na pananamlay
  • Pamamaga ng mga kulani, atay, at pali (spleen)
  • Madaling pagkaroon ng mga pasa at di maipaliwanag na pagdurugo
  • Pabalik-balik na pagdurugo ng ilong
  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang
  • Pagkakaroon ng pulang pantal sa balat
  • Labis na pagpapawis kahit sa gabi
  • Pananakit ng mga buto

Kagaya ng ibang uri ng sakit, ang leukemia ay maaaring hindi makaapekto sa lahat ng mga tao. Sadyang may mga taong mataas ang panganib na magkaroon ng kudisyong ito.

Mga Salik sa Panganib

Ang mga sumusunod ay mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng leukemia:

  • Kasarian. Napatunayan na ang mga kalalakihan ay may mas mataas na posibilidad na magkaroon ng leukemia kaysa sa mga babae.
  • Edad. Ang mga may 65 taong gulang at pataas ay ang mga pinaka-karaniwang maaaring magkaroon ng acute myeloid leukemia (AML), chronic lymphocytic leukemia (CLL), o chronic myeloid leukemia (CML). Samantalang ang acute lymphocytic leukemia (ALL) naman ay karaniwang maaaring umapekto sa mga may 20 na taong gulang pababa.
  • Pagkakaroon nito sa pamilya. Hindi lahat ng leukemia ay maaaring mamana. May ilan lamang na uri nito ang maaaring maipasa sa pamamagitan ng mga gene, katulad ng chronic lymphocytic leukemia, acute myeloid leukemia, maging ang acute lymphocytic leukemia.
  • Pagtaglay ng kondisyon sa dugo. May mga uri ng kondisyon sa dugo, kagaya ng polycythemia vera, idiopathic myelofibrosis, at essential thrombocytopenia na nagpapataas ng posibilidad sa tao na magkaroon ng acute myeloid leukemia.
  • Pagsasailalim sa cancer treatment. Ang mga taong may kanser at dati na o kasalukuyang nagpapagamot ay maaaring magkaroon ng leukemia.
  • Pagkalantad sa radiation at mga electromagnetic field. Ang mga taong nailantad sa radiation at electromagnetic field ay maaaring magkaroon ng leukemia. Kaya, ang mga taong naninirahan malapit sa mga communication tower at mga kawad ng kuryente ay maaaring magkaroon ng kondisyong ito.
  • Pagkalantad sa mga kemikal. Maaari ring magkaroon ng leukemia ang mga taong nakaranas ng labis na pagkalantad sa mga industrial na kemikal at mga pamatay-peste.
  • Paninigarilyo. Hindi direktang sanhi ng leukemia ang paninigarilyo. Subalit, napatataas nito ang panganib ng pagkakaroon ng acute myeloid leukemia.

Pag-Iwas

Image Source: institutefornaturalhealing.com

May mga uri ng leukemia na maaaring iwasan. Ang pangunahing paraan para makaiwas sa sakit na ito ay ang pagbabago sa uri ng pamumuhay.

Pag-iwas sa ilang uri ng pagkain

Ayon sa ilang mga pag-aaral, ang Western na uri ng pagkain ay maaaring magdulot ng leukemia. Ito ay ang pagpili ng mga pagkaing mayaman sa high-fat na dairy product, mga pinrosesong karne, mga refined grain, mga matatamis na pagkain, mga high-calorie na inumin, maging ang mga instant na pagkain. Ang pag-iwas sa mga ito ay makatutulong para ma-iwasan din ang panganib na magkaroon ng leukemia.

Pag-iwas sa artificial sweetener

Ang mga artificial sweetener, gaya ng sucralose, ay natuklasang maaaring magdulot ng leukemia. Subalit, ang pag-aaral na ginawa rito ay sa mga hayop. Ganunpaman, ang pagkonsumo ng sucralose ay napag-alamang pumapatay sa mga mabubuting bacteria sa bituka. Kapag sobrang nabawasan ang mga ito sa tiyan, maaaring maging bukas ang katawan sa sakit na lymphoma.

Pagkakaroon ng sapat na ehersisyo

Marami nang mga pag-aaral ang nagpatunay na malaki ang magagawa ng regular na ehersisyo para mapigilan ang pagkakaroon ng tumor sa katawan. At sa mga makabagong pag-aaral ay napag-alamang ang tama at regular na pag-eehersisyo ay nakatutulong din sa pagpapababa sa panganib ng pagkakaroon ng leukemia.

Sanggunian