Buod
Ang lupus ay isang chronic autoimmune disease. Nangangahulugan ito na ang lupus ay isang pangmatagalang kondisyon kung saan ay ng sariling immune system ang iba’t ibang mga bahagi ng katawan. Alalahanin na sa normal na kondisyon, ang immune system dapat ang nagproprotekta sa katawan. Subalit, kung may autoimmune disease, ang immune system ay nagiging labis na aktibo, kaya naman maging ang mga sariling bahagi ng katawan ay naaapektuhan nito.
Sa pagkakaroon ng lupus, ang iba’t ibang bahagi ng katawan ay maaaring magkaroon ng pinsala at mamaga. Maaaring maapektuhan nito ang mga kasu-kasuan, balat, mga kidney o bato, daluyan ng dugo, utak, puso, at mga baga. Batay sa mga bahaging naaapektuhan at tindi ng kondisyon, ang bawat pasyente ay maaaring makaranas ng magkakaibang mga sintomas.
Isa sa mga pinakapangunahing sintomas ng lupus ay ang pagkakaroon ng hugis paru-parong pantal o butterfly rash sa mukha. Bukod dito, maaari ring makaranas ang pasyente ng matinding pagkapagod, lagnat, pananakit ng mga kasu-kasuan, pagsusugat ng balat, pamumuti o pangangasul ng mga daliri ng kamay at paa, hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib, panunuyo ng mga mata, pananakit ng ulo, pagkalito, at pagkalimot.
Hindi lubusang malaman ng mga doktor kung bakit nagkakaroon ng mga autoimmune disease na gaya ng lupus. Subalit, pinaniniwalaan nila na ito ay bunga ng pagkamana ng mga problemadong gene, pati na rin ang iba’t ibang mga salik na pangkapaligiran.
Upang malunasan ang mga sintomas ng lupus, ang pasyente ay maaaring bigyan ng iba’t ibang uri ng gamot, gaya ng mga non-steroidal anti-inflammatory drug, steroid, antimalarial drug, disease-modifying anti-rheumatic drug, biologic therapy, anti-hypertensive drug, at marami pang iba.
Kasaysayan
Noon pa man, may mga tao ng naaapektuhan ng sakit na lupus. Noong ika-13 siglo, inihalintulad ni Dr. Rogerius sa mga kagat ng lobo (wolf bites) ang mga pantal sa mukha ng pasyenteng may lupus. Dahil dito, tinawag na lupus ang kondisyong ito na nangangahulugang “wolf” sa salitang Latin.
Pagsapit naman ng taong 1872, natuklasan ni Moritz Kaposi, isang doktor sa balat (dermatologist), na ang lupus ay mayroong dalawang uri. Sa kasalukuyan, kilala ang dalawang uri na ito bilang systemic lupus erythematosus (SLE) at discoid lupus. Subalit, ang mga doktor na sila Osler at Jadassohn ang mas nakilala tungkol sa pagtalakay ng SLE na uri.
Noong taong 1948, natuklasan ng mga mananaliksik ang lupus erythematosus cell. Ang uri ng selulang ito ay nakita sa loob ng bone marrow ng mga pasyenteng may acute disseminated lupus erythematosus.
Sa patuloy na pag-aaral tungkol sa lupus, marami nang mga paraan upang magamot ang mga sintomas nito. Dahil dito, ang mga pasyenteng may lupus ay mas nagkakaroon na ng maginhawang pamumuhay kahit may iniindang kondisyon.
Mga Uri
Sa kasalukuyan, ang lupus ay mayroong tatlong pangunahing mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Systemic lupus erythematosus (SLE). Ang SLE ay tumutukoy sa uri ng lupus na nakaaapekto sa napakaraming bahagi ng katawan. Ito rin ang pinakalaganap na uri ng Batay sa tindi ng kondisyon, maaaring ang mga sintomas ay maging banayad lamang at maaari ring maging malala. Kung malala ito, ang pasyente ay maaaring magkaroon ng pamamaga sa mga bato, utak, daluyan ng dugo, at mga ugat.
- Discoid lupus erythematosus. Sa uring ito, ang naaapektuhan lamang ay ang balat. Kadalasang nagkakaroon ang pasyente ng pamamantal sa mukha, pati na rin sa anit. Maaari ring maging makapal at makaliskis ang balat.
- Drug-induced lupus. Sa uring ito, nagkakaroon ng lupus dahil sa pag-inom ng ilang mga uri ng gamot na kagaya ng hydralazine, procainamide, at Kadalasan, nawawala ang mga sintomas nito kapag itinigil ang pag-inom ng mga nasabing gamot pagkatapos ng anim na buwan.
Mayroon ding tinatawag na neonatal lupus, subalit hindi ito itinuturing ng mga doktor na tunay na lupus. Maaaring magkaroon ng panandaliang lupus ang isinilang na sanggol kung may lupus ang kanyang ina. Nawawala naman ang mga sintomas ng sanggol pagkatapos ng ilang mga buwan.
Mga Sanhi
Ang pinaka-tiyak na paraan upang magkaroon ng lupus ay ang pagmana ng mga problemadong gene ng mga magulang na may lupus. Maaaring hindi agad lumabas ang mga sintomas sa mga anak, subalit maaari itong ma-trigger dahil sa iba’t ibang salik na pangkapaligiran, kagaya ng matagal na pagkakalantad sa araw at pag-inom ng ilang mga uri ng gamot.
Mga Sintomas
Image Source: www.ringpfeildermatology.com
Dahil ang lupus ay nakaaapekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ang bawat pasyente ay maaaring makaranas ng magkakaibang mga sintomas. Ilan sa mga karaniwang sintomas ng lupus ay ang mga sumusunod:
- Hugis paru-parong pantal (butterfly rash) sa mukha
- Matinding pagkapagod
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pananakit ng mga kasu-kasuan
- Pagsusugat ng balat na lalong lumala kapag nalantad sa araw
- Pamumuti o pangangasul ng mga daliri sa kamay at paa kapag na-stress o nalamigan (Reynaud’s phenomenon)
- Pagkakaroon ng hirap sa paghinga
- Paninikip ng dibdib
- Panunuyo ng mga mata
- Pananakit ng ulo
- Pagkalito
- Pagkalimot
Ang pananakit ng ulo, pagkalito, at pagkalimot ay mga senyales na mayroong neurological disorder o problema sa utak ang pasyente. Bukod sa mga nabanggit na karaniwang sintomas, maaari ring lumabas ang mga sumusunod na resulta sa mga laboratory test:
- Labis na dami ng protina sa ihi. Ang sintomas na ito (proteinuria) ay maaaring maging indikasyon ng sakit sa bato.
- Mababang bilang ng white blood cell at platelet. Maaaring mayroong blood disorder ang pasyente.
- Pagkakaroon ng mga antibody sa double-stranded DNA. Indikasyon ito na positibo sa immunologic disorder ang pasyente.
- Positibo sa antinuclear antibody test. Kung positibo sa laboratory test na ito kahit hindi umiinom ng anumang uri ng gamot ang pasyente, kumpirmadong may autoimmune disorder ito gaya ng
Ang mga sintomas ng lupus ay hindi naman palagiang nararamdaman ng pasyente, lalo na kung ang pasyente ay kasalukuyang naggagamot. Subalit, kung ang pasyente ay nalantad sa mga trigger nito, gaya ng sikat ng araw, impeksyon, at iba pa, maaaring magkaroon ng flare-up o paglabas nang sabay-sabay ng iba’t ibang mga sintomas.
Mga Salik sa Panganib
Image Source: www.freepik.com
Ang lupus ay maaaring makaapekto sa kahit na sinuman. Subalit, ang mga sumusunod na salik ay maaaring makapagpataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng kondisyon na ito:
- Pagiging babae. Ayon sa datos, ang lupus ay mas nakaaapekto sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Subalit, kung ang lupus ay drug-induced, mas maraming naaapektuhan nito ay mga kalalakihan.
- Edad. Kung ang edad ay nasa pagitan ng 15 at 45-anyos, mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito.
- Lahi o etnisidad. Ang lupus ay mas karaniwan sa mga African-American, Hispanic, at Asian-American.
- Kasaysayan ng lupus sa pamilya. Maaaring mamana ng mga anak ang mga problemadong gene ng mga magulang na may lupus.
Mga Komplikasyon ng Lupus
Kung ang mga sintomas ng lupus ay hindi nalulunasan, maaaring magkaroon ito ng iba’t ibang mga komplikasyon gaya ng mga sumusunod:
- Kidney failure
- Panlalabo ng paningin
- Stroke
- Pangingisay o seizure
- Neurological disorder
- Anemia
- Vasculitis
- Pleurisy
- Pulmonya
- Pericarditis
- Atake sa puso
Ang karamihan sa mga komplikasyong nabanggit ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng pasyente, kaya naman iminumungkahi na huwag balewalain ang lupus at magpakonsulta sa doktor.
Pag-Iwas
Image Source: classpass.com
Upang maka-iwas sa pagkakaroon ng lupus, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod na pag-iingat nang sa gayon ay hindi ma-trigger ang autoimmune system na atakihin ang iba’t ibang bahagi ng katawan:
- Palakasin ang resistensya ng katawan. Kumain ng balanse at masusustansyang pagkain at mag-ehersisyo araw-araw upang hindi dapuan ng kung anu-anong sakit o impeksyon ang katawan.
- Iwasan ang direktang pagkakalantad sa araw. Gumamit ng sumbrero o payong sa tuwing mataas ang sikat ng araw. Maglagay din ng sunscreen upang hindi masunog ang balat.
- Iwasang makaranas ng stress. Iwasan ang anumang bagay na nakapagdudulot ng stress upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng iba’t ibang mga sakit.
- Magkaroon ng sapat na pahinga. Kung kulang sa pahinga, ang isang tao ay mas lapitin ng iba’t ibang sakit.
Sanggunian
- https://www.lupus.org/resources/what-is-lupus
- https://www.healthline.com/health/lupus
- https://www.webmd.com/lupus/arthritis-lupus#1
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/lupus/symptoms-causes/syc-20365789
- https://www.medicalnewstoday.com/articles/323653.php#types
- https://lupusne.org/about-lupus/types-of-lupus/
- https://www.verywellhealth.com/lupus-overview-and-history-of-discovery-2249881