Buod

Ang luslos o hernia ay ang paglusot ng ilang mga organ sa marupok na bahagi ng abdominal wall. Ang karaniwang halimbawa nito ay ang ang paglusot ng bituka papuntang singit kaya naman nagkakaroon ng pag-umbok sa bahaging ito. Kung minsan, ang pagkaluslos ay nawawala at kusang bumabalik ang organ sa dati nitong puwesto, lalo na kung nakahiga ang pasyente. Subalit, kung patuloy na tumataas ang pressure sa abdominal wall, maaaring bumalik ulit ito.

Ang luslos ay karaniwan sa mga kalalakihan, subalit maaari ring magkaroon ang mga kababaihan. Maaaring ito ay dulot ng labis na pag-iri habang dumudumi, malakas na pag-ubo, labis na katabaan, pagbubuhat ng mabibigat na bagay, paninigarilyo, at marami pang iba.

Ang tanging lunas lamang para sa luslos ay operasyon. Subalit, kung ang luslos ay maliit lamang at hindi nagdudulot ng anumang sakit sa katawan, maaaring magmungkahi lamang ang doktor na patuloy itong obserbahan at bantayan. Dagdag dito, maaari ring magsuot ang pasyente ng mga supportive undergarment upang masuportahan ang luslos at hindi ito lumubha. Kung ang luslos naman ay nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam, maaari ring resetahan ang pasyente ng mga gamot upang maibsan ang mga iniindang sakit.

Kasaysayan

Ang hernia ay nagsimula sa salitang Griyego na “hernios” na ang ibig sabihin ay “usbong.” Ayon sa mga tala, ang luslos ay isa sa mga pangkaraniwang abnormalidad na nangyayari sa katawan. Noon pa man, nailahad na sa mga sinaunang sibilasyon sa Ehipto, Penisyo, at Gresya ang tungkol sa kondisyong ito. Sa katunayan, natuklasan ng mga mananaliksik na nagkaroon ng luslos ang mga kilalang hari ng Ehiptong gaya nila Merneptah at Ramses V sa pamamagitan ng pag-aaral sa kanilang mga labi.

Dagdag dito, nakita rin sa mga sinaunang tala na may alam na ang mga sinaunang sibilisasyon kung paano malulunasan ang luslos sa pamamagitan ng operasyon. Subalit noon, ang uri ng operasyong kanilang isinasagawa ay ang pagtistis ng bayag (castration). Bukod dito, isinasailalim din ang mga pasyente sa pagsasalin ng dugo, tobacco enema, at mga espesyal na diyeta. Mayroon na ring noong mga compression device na ginagamit pa rin hanggang ngayon.

Mga Uri

Ang luslos ay mayroong iba’t ibang mga uri. Upang mas maunawaan ang kondisyong ito, narito ang mga pangkaraniwang uri nito:

  • Inguinal hernia. Ang inguinal hernia ay ang pinakalaganap na uri ng luslos na nagaganap sa inguinal ligament. Sa kondisyong ito, ang ilang bahagi ng bituka ay lumulusot papuntang singit. Karaniwang nangyayari ito kapag ang tiyan ay patuloy na nakararanas ng mataas na pressure o kaya naman ay dahil na rin sa katandaan.
  • Femoral hernia. Halos natutulad ang femoral hernia sa inguinal hernia sapagkat ang umbok ay makikita rin sa may bandang singit. Ang kaibahan lamang nito, mas mababa ang lugar ng umbok nito kaysa sa inguinal hernia at ang naaapektuhan nito ay ang femoral canal sa halip na ang inguinal ligament. Dagdag dito, mas naaapektuhan nito ang mga kababaihan.
  • Umbilical hernia. Sa umbilical hernia naman, nagkakaroon ng luslos sa bandang pusod. Karaniwan itong nangyayari sa mga sanggol kapag ang kanilang mga pusod ay hindi naging maayos ang pagkakasara. Ganunpaman, maaari rin nitong maapektuhan ang mga matatanda kung madalas na napuwepuwersa ang tiyan.
  • Hiatal hernia. Sa uring ito, ang ilang bahagi ng bituka ay umaakyat at lumulusot papuntang chest cavity. Dahil dito, madalas na makararanas ang pasyente ng pangangasim ng lalamunan at sikmura. Ang uring ito ay pinakalaganap sa mga taong may edad na 50 taong gulang pataas.
  • Ventral hernia. Sa uring ito, ang ilang mga tisyu ay umuumbok mismo sa bahagi ng tiyan at tila nawawala kapag ang pasyente ay humiga. Ang ventral hernia ay karaniwang nakikita sa mga sangool subalit nawawala rin ito sa kanilang paglaki. Maaari rin nitong maapektuhan ang mga matataba, atleta, at buntis.

Mga Sanhi

Image Source: www.nbcnews.com

Bagama’t ang luslos ay may iba’t ibang mga uri, ang mga sanhi nito ay maaaring magkakatulad. Ilan lamang sa mga pangkaraniwang sanhi ng luslos ay ang mga sumusunod:

  • Pagtitibi o labis na pag-iri habang dumudumi
  • Malakas na pag-ubo
  • Labis na katabaan
  • Pagbubuhat ng mabibigat na bagay
  • Paninigarilyo
  • Hindi pagkakaroon ng wastong nutrisyon
  • Pagkakaroon ng congenital birth defect
  • Pagkapinsala ng abdominal wall dahil sa operasyon
  • Pagbubuntis
  • Pagkakaroon ng labis na tubig sa tiyan o ascites

Ang ilang mga gawaing nabanggit na gaya ng labis na pag-iri, malakas na pag-ubo, at pagbubuhat ng mabibigat na bagay ay nagpapataas ng pressure sa abodiminal wall na siyang nagiging sanhi ng luslos. Ang mga kondisyon namang gaya ng labis na katabaan at pagbubuntis ay maaaring pumuwersa sa mga organ na magsisiksikan sa loob ng tiyan kaya naman napipilitan ang mga ito na butasin ang abdominal wall at lumusot dito.

Kung minsan naman, ang mga medikal na kondisyong gaya ng congenital birth defect at ascites ay nakapagpapanipis sa abdominal wall kaya naman madali itong mabutas o mapunit kapag may ginawang mabibigat ang isang tao.

Ang paninigarilyo naman ay nakapagdudulot ng madalas na pag-ubo na maaaring magdulot ng luslos. Bukod dito, pinapabagal nito ang paghilom ng abdominal wall kung sakaling napinsala ito.

Mga Sintomas

Image Source: www.verywellfamily.com

Sa ibang mga tao, ang kanilang mga luslos ay maaaring maliit lamang kaya maaari silang walang maramdamang mga sintomas. Subalit kung magkakaroon man, maaari silang makaranas ng mga sumusunod:

  • Paglaki ng bayag sa mga kalalakihan
  • Pagkakaroon ng bukol sa apektadong bahagi, gaya ng singit
  • Pagkakaroon ng tila namamagang pakiramdam
  • Pananakit o pagkirot ng apektadong bahagi
  • Pananakit ng apektadong bahagi kapag tumatayo, umuubo, o nagbubuhat
  • Bahagyang pagkawala ng bukol o pananakit kapag humihiga
  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Pagkaranas ng mga sintomas ng acid reflux na gaya ng pangangasim, hirap sa paglunok, at pananakit ng dibdib

Mga Salik sa Panganib

Image Source: www.futurity.org

Pinaniniwalaan ng karamihan na ang mga kalalakihan lamang ang nagkakaroon ng luslos. Subalit ang totoo, maaari rin nitong maapektuhan ang mga kababaihan. Maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng kondisyong ito ng dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Pagkakaroon ng kasaysayan ng luslos sa pamilya
  • Pagiging matanda
  • Pagbubuntis
  • Labis na katabaan
  • Pagkakaroon ng chronic constipation
  • Pagkakaroon ng chronic cough
  • Pagkakaroon ng cystic fibros
  • Labis na paninigarilyo
  • Pagkapanganak na premature o kulang sa buwan at timbang

Mga Komplikasyon

Bagama’t ang ilang mga kaso ng luslos ay hindi nangangailangan ng espesyal na gamutan, ang iba naman ay maaaring magdulot ng mga seryosong komplikasyon kapag napabayaan. Halimbawa nito ay ang mga sumusunod:

  • Strangulation. Sa luslos, ang mga organ ay maaaring umunti ang natatanggap na dami ng dugo (ischemia) dulot ng pagkakasabid-sabid o strangulation ng mga ito. Dagdag dito, maaari rin itong magresulta sa pagkamatay ng mga selula ng organ (cell death), at pagkabulok (gangrene).
  • Bowel obstruction. Maaari ring magkaroon ng komplikasyon na bowel obstruction o pagkabara ng bituka dulot ng dumi sapagkat ang ilang mga bahagi ng bituka ay nasisiksik sa hindi nito dapat pagkalagyan. Dahil dito, nakararanas ang pasyente ng ilang araw na hindi makadumi, pananakit ng tiyan, at pagsusuka. Kung ang mga dumi ay hindi mailalabas, maaari ring malason ang katawan.

Pag-Iwas

Image Source: blogs.discovermagazine.com

Kung ang luslos ay dulot ng congenital birth defect at ibang mga kondisyon, maaaring hindi ito ma-iwasan. Subalit kung wala namang iniindang ibang kondisyon, maaari itong ma-iwasan sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Itigil ang paninigarilyo upang hindi magkaroon ng chronic cough na maaaring magdulot ng luslos.
  • Panatilihin ang wastong timbang sa pamamagitan ng pagkain ng balanse at masusustansyang pagkain at pag-eehersisyo.
  • Iwasan ang labis na pag-iri habang dumudumi. Upang ma-iwasan ang pagtitibi, kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber na gaya ng prutas at gulay. Uminom din ng sapat na dami ng tubig upang lumambot ang dumi.
  • Mag-ehersisyo araw-araw upang lumakas ang mga kalamnan ng tiyan.
  • Iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat na bagay. Kung hindi mai-iwasan, gawin ang tamang posisyon ng pagbubuhat. Dapat ay nakabaluktot ang mga tuhod at ibuka ang mga paa upang mas maayos ang suporta. Mas mainam din na gumamit ng mga kagamitan na makatutulong sa paglilipat ng mga bagay na gaya ng mga trolley, lever, at iba pa.
  • Kung inuubo nang madalas, magpasuri rin agad sa doktor upang maiwasan ang mga problema gaya ng luslos.

Sanggunian