Gamot at Lunas  

Image Source: www.freepik.com

Ayon sa mga doktor, ang pinakamabisang lunas sa luslos ay operasyon o pagtitistis. Ilan sa mga uri ng operasyon na maaaring gawin sa pasyente ay ang mga sumusunod:

  • Open surgery. Sa open surgery, ang maninistis ay gagawa ng malaking hiwa sa katawan upang makita niya ang bahaging umumbok at maitulak ito pabalik sa dati nitong puwesto.
  • Laparoscopic surgery. Kumpara sa open surgery, ang laparascopic surgery ay hindi gaanong masakit para sa pasyente. Mas mabilis din itong gawin at ang paghilom dito. Gagawa lamang ang maninistis ng maliit na hiwa malapit sa apektadong bahagi upang maipasok ang laparoscope o tubong may maliliit na instrumento at kamera sa dulo. Gamit ang isang monitor, makikita ng maninistis kung aling bahagi ang dapat ayusin.

Maaari rin namang hindi sumailalim sa operasyon ang isang pasyente lalo na kung ang kanyang luslos ay hindi nagdudulot ng anumang sintomas. Subalit kung pasulpot-sulpot ang mga sintomas nito, maaaring imungkahi ng doktor ang mga sumusunod:

  • Pagsusuot ng supportive undergarment. Ang supportive undergarment ay isang uri ng masikip ngunit komportableng saluwal. Ipinasusuot ito upang maitulak pabalik ang mga organ sa dati nitong puwesto. Ang ibang mga uri nito ay adjustable upang mabago ng pasyente ang sikip at pagkakalapat nito sa kanyang katawan. Kung minsan naman, ang mga ito ay may mga foam o padding upang madagdagan ng pressure ang bahaging apektado at bumalik ito sa dati nitong puwesto. Ganunpaman, ang bisa nito ay panandaliaan lamang. Kung tatanggalin ito, ang luslos ay muling babalik.
  • Pag-inom ng mga gamot. Kung may mga sintomas na gaya ng pananakit at pagsusuka, maaaring magreseta ang doktor ng mga angkop na gamot para rito. Maaaring resetahan ang pasyente ng mga pain reliever, antacid, H2 receptor blocker, at proton pump inhibitor.

Bukod sa mga nabanggit, malaking tulong din ang magagawa ng pagpili ng mga pagkaing mayayaman sa fiber upang lumambot ang dumi at hindi mapuwersa ang pag-iri. Makatutulong din ang magagaan na pag-eehersisyo upang umayos ang pagdaloy ng dugo sa mga organ na apektado at maging mas malakas ang kalamnan ng tiyan.