Gamot at Lunas  

Ang sore throat ay isang kondisyon kung saan ang lalamunan ay nagkakaroon ng pagka-irita at pangangati. Dahil nakapapasok ang bacteria o virus sa itaas na bahagi ng daluyan ng hangin o upper respiratory tract, ang pasyente ay nakararanas ng iba’t ibang mga sintomas batay sa tindi ng kondisyon. Bukod sa pangangati ng lalamunan, ang pasyente ay maaari ring makaranas ng pananakit nito, pagkamalat ng boses, hirap sa paglunok, ubo, sipon, at lagnat.

Ang kati ng lalamunan ay hindi naman isang nakababahalang kondisyon at maaari naman itong gamutin sa pamamagitan ng mga simpleng lunas sa bahay at mga gamot na irereseta ng doktor. Kung ang kati ng lalamunan ay sanhi ng virus, kusa naman itong gumagaling. Subalit, kung ang sanhi nito ay bacteria, maaaring magreseta ang doktor ng mga angkop na gamot dito.

Upang matulungan na guminhawa at mas mapabilis ang paggaling ng sore throat o kati ng lalamunan, maaaring gawin ang mga sumusunod na lunas:

Image Source: www.medicalnewstoday.com

  • Pag-inom ng maraming tubig. Upang hindi lumubha pa ang pangangati ng lalamunan, mahalagang ma-iwasan ang pagkatuyo nito. Kaya naman, kinakailangan ang tuloy-tuloy na pag-inom ng tubig araw-araw habang nagpapagaling sa sore throat. Mas mainam na ang tubig na iinumin ay maligamgam upang mas makapagbigay ng ginhawa sa lalamunan ng pasyente.
  • Pagmumumog ng tubig na may asin. Ang pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin ay nakatutulong sa paggaling ng makating lalamunan. Mabisa ang paraang ito lalo na kung nakararanas ang pasyente ng panunuyo at pananakit sa bawat paglunok. Ang asin kasi ay mayroong antibacterial o antiseptic property na lumalaban sa mga mikrobyong sanhi ng sore throat. Dagdag dito, ang maligamgam na temperatura ng tubig ay nakatutulong sa pag-dilate o pagluwag ng mga ugat sa lalamunan na nagreresulta sa pagkawala ng pamamaga at pananakit nito.
  • Pag-inom ng tsaa na gawa sa kalamansi at luya. Kapag makati ang lalamunan, isa sa mga tradisyonal na pangunahing lunas para rito ay ang pag-inom ng tsaa na gawa sa kalamansi at luya. Ang kalamansi kasi ay mayaman sa bitamina C na nakatutulong sa pagpuksa ng impeksyon, samantalang ang luya ay nagtataglay ng gingerol na mainam para sa pagbawas ng pamamaga ng lalamunan. Upang gamitin itong bilang gamot sa kati ng lalamunan, maglaga lamang ng katamtamang luya sa 1 litro ng tubig. Habang nagpapakulo, pigaan ito ng 25 piraso ng kalamansi. Huwag ihalo ang mga buto ng kalamansi sapagkat nagdadagdag lamang ito ng pait.
  • Pag-inom ng kalamansi na may pulot. Bukod sa tsaa na gawa sa kalamansi at luya, mainam ding gamot sa kati ng lalamunan ang tsaa na gawa sa kalamansi at pulot. Gaya ng nabanggit noong una, mayaman sa bitamina C ang kalamansi. Bukod sa mainam na pampatamis, ang pulot ay nagtataglay ng mga antimicrobial at anti-inflammatory property kaya naman maigi rin ito para sa makating lalamunan. Maghanda lamang ng 1 tasa ng pinigaang kalamansi (walang mga buto), 2 tasa ng tubig, at pulot. Paghaluin ang kalamansi at tubig sa isang pitsel. Dagdagan ito ng pulot upang bahagyang tumamis. Tantyahin ito nang ayon sa panglasa. Bagama’t mas masarap itong inumin nang malamig, kung gagamitin ito bilang gamot sa makating lalamunan, mas mainam na ang gamiting tubig ay maligamgam.
  • Paghigop ng mainit na sabaw. Ang paghigop ng mainit sa sabaw ay mainam na alternatibo para sa mga pagkaing maaaring makadagdag lamang ng iritasyon sa lalamunan. Hangga’t nakararamdam ng pananakit sa lalamunan, mas makabubuti kung mas maraming sabaw at malalambot na pagkain muna ang kainin.
  • Pagpapahinga ng boses. Habang nagpapagaling sa kondisyon, iwasan muna ang pakikipag-usap sa ibang mga tao, lalo na kung hindi naman kinakailangan. Ang patuloy na pagsasalita ay lalo lamang nagdudulot ng pananakit, pamamaga, at pangangati ng lalamunan.
  • Paggamit ng humidifier. Kailangang manatiling basa ang lalamunan upang hindi lumala ang pangangati nito. Maaaring gumamit ng humidifier sa kuwarto upang ang nilalanghap na hangin ay malamig at mamasa-masa.
  • Paglanghap ng mainit na singaw. Makatutulong din sa paglunas ng makating lalamunan ang paglanghap ng mainit na singaw. Kung mayroong hot shower sa bahay, padaluyin ito hanggang mapuno ang banyo ng mainit na singaw. Langhapin ito upang mahagod ang nangangati at namamagang lalamunan. Kung wala namang hot shower, maaari ring magpakulo na lamang ng mainit na tubig at ilagay sa maliit na palanggana. Bahagyang magtalukbong gamit ang tuwalya o kumot upang hindi kung saan-saan pumunta ang singaw.

Kung hindi pa rin nawawala ang kati ng lalamunan kahit ginawa na ang mga nabanggit na lunas, maaaring magreseta ang doktor ng mga sumusunod na gamot:

Image Source: www.freepik.com

  • Pagsipsip ng mga throat lozenge. Ang pagsipsip sa mala-kendi na gamot na tinatawag na throat lozenge ay nakatutulong sa produksyon ng laway upang mapanatiling basa ang lalamunan. May mga flavor pang mabibili, gaya ng menthol at lemon na talaga namang mainam para sa sore throat. Ang dalas ng pagsipsip sa throat lozenge ay karaniwang nakalagay sa kahon o pakete nito batay na rin sa brand na bibilhin. Kadalasan, maaaring sumipsip nito kada 2 o 3 oras.
  • Pag-inom ng mga antibiotic. Kung ang sanhi ng makating lalamunan ay mga bacteria, maaaring magreseta ang doktor ng antibiotic na kadalasang iniinom sa loob ng 5 hanggang 7 araw. Kahit wala ng nararamdamang mga sintomas, iminumungkahi ng mga doktor na tapusin ang gamutan upang tuluyang mapuksa ang mga bacteria.
  • Pag-inom ng mga antihistamine. Maaari ring maging sanhi ng makating lalamunan ang mga allergen o mga bagay na nagdudulot ng alerhiya. Halimbawa ng mga allergen ay pollen, amag, balahibo ng hayop, at iba pa. Kung ito ang sanhi ng sore throat, maaaring magreseta ang doktor ng mga antihistamine na gamot, gaya ng cetirizine, loratadine, at fexofenadine.
  • Pag-inom ng gamot sa lagnat. Kung minsan, ang taong may makating lalamunan ay nakararanas din ng lagnat dahil sa impeksyon. Kadalasang nagrereseta ang mga doktor ng paracetamol o acetaminophen upang bumaba ang lagnat ng pasyente. Ang dalas ng pag-inom nito ay nakabatay sa imumungkahi ng doktor.
  • Pag-inom ng mga pain reliever. Kung ang lalamunan ay labis na nananakit, ang pasyente ay maaari ring bigyan ng doktor ng mga pain reliver na gaya ng aspirin, ibuprofen, naproxen, o Ang ilan sa mga gamot na ito ay nagtataglay din ng antipyretic property kaya naman maaari rin silang gamitin bilang gamot sa lagnat.
  • Pag-inom ng mga anti-reflux acid medication. Bukod sa mga mikrobyong gaya ng virus at bacteria, maaari ring maging sanhi ng pangangati at pananakit ng lalamunan ang pagkakaroon ng acid reflux. Ang acid reflux ay isang uri ng kondisyon kung saan umaakyat papuntang lalamunan ang asido ng tiyan. Dahil dito, ang mga protective lining ng lalamunan ay numinipis at nagreresulta sa iritasyon nito. Kung ito ang sanhi, maaaring magreseta ang doktor ng mga anti-acid reflux medication na tulad ng H2 blocker at proton pump inhibitor. Halimbawa ng mga ito ay famotidine, omeprazole, lansoprazole, at
  • Pag-inom ng mga corticosteroid. Ang mga corticosteroid ay isang uri ng gamot na nagtataglay ng anti-inflammatory property. Sa madaling salita, ang mga ganitong uri ng gamot ay nakatutulong sa pagbawas ng pamamaga ng lalamunan. Kung nahihirapan na ang pasyente na makalunok ng pagkain dulot ng labis na pamamaga, maaaring magreseta ang doktor ng mga glucocorticoid na gaya ng prednisone at dexamethasone.

Ang kati ng lalamunan ay karaniwang gumagaling pagkalipas ng ilang mga araw lalo na kung nagsasagawa ng mga simpleng lunas. Subalit, kung ang pasyente ay nakararanas ng malulubhang sintomas na katulad ng mataas na lagnat (lagpas 38°C), stiff neck, o hirap sa paghinga, agad na kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng angkop na gamot at lunas.

Sanggunian