Gamot at Lunas

Image Source: welldoing.org

Kadalasan, ang simpleng pananakit ng likod ay malulunasan sa pamamagitan ng pagpapahinga at ibang home remedies. Pero ang paggamot dito ay depende pa rin sa kung ano ang sanhi nito. Ilan sa mga maaaring panglunas sa back pain ay ang sumusunod:

  • Magpahinga. Minsan, ang pananakit ng likod ay dulot lamang ng labis na paggamit nito gaya ng matagalang pag-upo, pagtayo, o kaya naman ay madalas na pagyuko. Upang mawala ang pananakit, magpahinga o humiga sa komportableng kama.
  • Magpamasahe. Para maalis ang pananakit ng likod, makatutulong din ang pagmamasahe nito. Ang pagmamasahe ay nakatutulong upang ma-relax ang mga kalamnan ng likod at ito rin ay nakapagsasaayos ng daloy ng dugo.
  • Hot at cold compress. Isa pang magandang remedyo para sa masakit na likod ay ang paglalagay ng hot at cold compress. Ang mga ito ay nakatutulong upang mawala ang anumang pamamaga at dumaloy nang ayos ang dugo sa likod. Sa pamamaraang ito, lagyan ang isang bote ng mainit na tubig at balutan ito ng tuwalya. Ilagay ito sa masakit na parte ng likod. Kapag nawala na ang init, palitan ito ng bote na may malamig na tubig at siya namang ilagay sa likod.
  • Uminom ng gamot. Kung ang sakit ng likod ay hindi na makayanan ng mga nabanggit na mga home remedy, maaaring uminom ng mga gamot pain reliever gaya ng ibuprofen. Ito ay hindi na nangangailangan ng reseta at kadalasang nabibili sa anumang botika.
  • Physical therapy. Nakatutulong din ang pagsasailalim sa physical therapy. Sa pamamaraang ito, ang pasyente ay tinuturuan ng physical therapist ng ilang mga ehersisyo upang hindi sumakit ang likod at manumbalik ito sa wastong postura.
  • Operasyon. Napakadalang ng naooperahan dahil sa back pain lamang. Pero kung ang pasyente ay may karamdamang nangangailangan ng operasyon, ito ay maaaring isagawa upang mawala rin ang pananakit ng likod.